2009
Hanapin at Sagipin
Marso 2009


Hanapin at Sagipin

Ano ang kahulugan sa inyo ng kahandaan sa emergency? Sa Dominican Republic, ang kahulugan nito sa mga kabataang lalaki at babae ay kahandaang tumulong.

Tinutulungan nila ang mga taong nasaktan sa mga aksidente sa kotse. Sinasagip nila ang mga nalulunod na manlalangoy at hinahanap ang mga hiker o naglilibot sa kuweba na nawala o nasaktan. Tuwing bakasyon may mga booth sila sa bangketa para tulungan ang mga may problema. Tumutulong sila sa mga programang pagbabakuna sa komunidad. At alam nila kung ano ang gagawin kapag may lindol, bagyo, o iba pang kalamidad.

Sinanay sila sa basic at advanced first aid, pagsagip sa tubig, pagsagip sa mga gipit na lugar, pagtugon sa kalamidad, at mga kasanayan para sa kaligtasan. Natuto sila sa kanilang mga training manual at praktis sa klase, pero nagsasanay rin sila sa labas, pag-hike sa kabundukan at mga kuweba kung saan sila parang nasa mga totoong panganib. Pagkatapos ay humaharap na sila sa mga totoong emergency.

Mula nang maorganisa noong 2003, natulungan na nila ang mahigit 300 katao, at marami ang may malulubha o kritikal na pinsala. Nahila na rin nila sa grupo ang maraming tinedyer na nagmula sa magugulong kalye at naturuan sila tungkol sa disiplina at pagmamahal.

Layong Maglingkod

Sila ang Comité de Emergencias Santo de los Últimos Días, ang Latter-day Saint Emergency Committee, isang boluntaryong grupong bukas sa lahat ng handang sumunod sa kanilang mga patakaran ng kagandahang-loob at paglilingkod. At nasa gitna nila ang mga tinedyer na Banal sa mga Huling Araw, na pinamumunuan ng dedikadong matatanda. Mahigit 200 kabataan ang kalahok sa grupo mula nang magsimula ito.

“Nalaman ko ang tungkol sa komite nang dumalo ako sa binyag isang Sabado,” sabi ni Junior Rivera. “Sa isa pang silid, nakita ko ang lahat ng batang katulad ko, nakaitim, may logo sa kanilang kamiseta at sumbrero, na nag-aaral tungkol sa first aid. Naging interesado ako nang malaman ko na naghahanda silang tumulong sa ibang mga tao. Nakita ko na isa itong paraan ng paggawa ng kabutihan, at bahagi iyan ng mga turo ng Simbahan, ang lapitan at tulungan ang mga nasa paligid natin.”

Ipinaliwanag ni Onel Rodriguez na natututo ang grupo ng mga pamamaraang katulad ng mga alituntunin ng ebanghelyo. “Halimbawa,” wika niya, “sa isang emergency natututo tayong pangalagaan muna ang sarili nating pamilya. At kapag alam na natin na ligtas na sila, natutulungan na natin ang iba. Iyan ang itinuturo ng Simbahan tungkol sa pagkakawanggawa. Pangalagaan ang sarili ninyong pamilya; at saka ninyo tulungan ang iba.”

Sabi ni Franklin de los Santos ang pagsisikap na maging handa sa oras ng kalamidad ay nakatulong na matanto niya na ang pangangailangan sa espirituwal na paghahanap at pagsagip ay singhalaga kung minsan ng pisikal na pangangalaga. “May ilang taong kailangan ng tulong o mabuting salita o mabahaginan ng patotoo para lumakas,” wika niya. “Kapag ipinamumuhay natin ang ebanghelyo, dapat din nating isipin at palakasin ang espirituwalidad ng ibang tao.”

Layong Ipamuhay

Binigyang-diin ni Omar Rodriguez na marami sa mga aktibidad ng komite ang nagamit upang maisagawa ang mga kailangan sa Tungkulin sa Diyos at naiplanong katugma ng mga aktibidad sa Aaronic Priesthood at Mutual.

Sabi ni José Núñez, pangalawang tagapayo sa La Caleta Ward bishopric, samantalang natututo ng ebanghelyo ang mga kabataan sa kanilang mga klase at korum, tinutulungan sila ng komite na maipamuhay ang natutuhan nila sa araw-araw. “Kapag nasa lansangan sila at kausap mismo ang mga taong nangangailangan, talagang nalalaman nila kung ano ang kahulugan ng magmahalan,” wika niya. “Napapamahal sa kanila ang mga tao sa paligid nila. At nagkakaroon din sila ng pagmamahal sa sarili dahil natututo silang disiplinahin ang kanilang sarili, at binibigyan sila nito ng tiwalang kumilos nang angkop saanman sila naroon.”

Binigyang-diin din ni Brother Núñez na hindi pinapalitan ng komite ang mga dating aktibidad ng Simbahan. “Nakakatulong ito roon,” wika niya. “Sa mga korum ng priesthood at klase ng Young Women, halimbawa, tinuturuan sila ng mga alituntunin ng ebanghelyo. Pero sa mga aktibidad na nakatuon sa ebanghelyo na gaya ng komite at iba pang mga proyekto sa paglilingkod, may pagkakataon silang gamitin ang natutuhan nila.” Isa iyan sa mga paraan, wika niya, para maging “tagatupad [sila] ng salita at hindi tagapakinig lamang” (Santiago 1:22).

Nakatuon sa Komunidad

Sabi ni Omar madalas mahingan ng tulong ang komite sa mga programa ng komunidad gaya ng pagbabakuna laban sa tigdas. “Nais naming magtungo kung saan kailangan ang tulong,” wika niya, “at alam iyan ng komunidad. Tiwala sila sa amin dahil handang-handa kami.” Katunayan, ginagamit ng comité, na itinatag ng mga miyembro ng Simbahan na sina Basilio Cabrera at Domingo Peralta, ang mga paraang gamit ng Red Cross at mga boluntaryong mamamayan. Nagbigay ng espesyal na pagkilala ang kagawaran ng pampublikong kalusugan sa grupo ng mga LDS, at nagbigay din ng mga gawad ang mga pamahalaan ng lungsod at lalawigan sa grupo.

Ipinaliwanag ni Brother Núñez na ang komite ay nagpaplano ng mga pagtugon sa emergency ayon sa isang pag-aaral sa mga lugar na kritikal sa Santo Domingo at kalapit na mga komunidad. “Sa isang emergency nagpupunta kami sa mga lugar na iyon at tinitingnan kung may mga miyembro ng Simbahang nangangailangan ng tulong,” wika niya. “Kasabay niyon, sinusuri namin ang mga pangangailangan ng lahat ng tao sa lugar na iyon at inuulat ito sa mga awtoridad. Natukoy na namin ang mga lugar na pinaka-kritikal kapag may bagyo, lindol, baha, o anumang katulad nito. Alam namin kung aling mga lugar ang mangangailangan ng agarang paglikas. Alam pa nga namin kung nasaan ang mga sanga ng puno na puputulin para maiwasan ang pinsala kapag lumakas ang hangin. Bahagi ito ng iniatas sa mga kabataan.”

Ibinigay rin ng mga miyembro ng komite ang ilang oras sa mismo nilang pagdiriwang ng Pasko at Easter para makasama sila sa pagbabantay, sa ilalim ng pamamahala ng matatanda, sa loob ng 24 na oras. “Ginagawa namin ito dahil ito ang mga panahon na maraming taong naaaksidente o nag-aaway dahil nag-iinuman sila,” sabi ni Brother Núñez. Ang katotohanang iyan ay nakapagturo sa mga miyembro ng komite, sa isang napaka-praktikal na paraan, ng kahalagahang ipamuhay ang Word of Wisdom (tingnan sa D at T 89).

Handa, Nagkukusa, Naganyak

Bakit naman nagbibigay ng oras nila ang mga miyembro ng komite para makapaglingkod? Bakit kailangang pagdaanan ang lahat ng training na iyon?

Sabi ni Omar kahit kailangan ng oras at sipag ang pagsama roon, sulit naman ito. Maganda ang pakiramdam niya lalo na kapag nakakatulong siya sa ibang tao, isang bagay na marami siyang natutuhan pagkaraan ng bagyong Noel. “Ang tungkulin natin ay tulungan ang mga nangangailangan na magkaroon ng damit at pagkain,” wika niya. “Nakakita ako ng mga taong nagdurusa, at ang madalhan sila ng maisusuot at makakain at saka makita silang nasisiyahan, gumaganda ang pakiramdam ko.”

Sabi ni Osiris Rodriguez nagpapasalamat siya sa pagkakaisang nadarama niya sa komite. Itinuturing niya itong karugtong ng pagkakaisang nadarama niya sa kanyang korum at sa mga kabataan sa Simbahan sa pangkalahatan.

Sabi ni Junior Batista, na sumapi sa Simbahan ilang buwan na ang nakararaan, nang malaman niya ang tungkol sa emergency committee, nasabik siyang sumali. At hindi siya nabigo. “Maganda ang pakiramdam namin dahil tinutupad namin ang utos na nagsasabing magmahalan tayo. Magkakasama kami bilang magkakapatid, mga anak na lalaki at babae ng Diyos.”

Kapag gayon ang pakiramdam ninyo sa paglilingkod, patuloy kayong maglilingkod.

Mga larawang kuha ni Richard M. Romney

Osiris Rodriguez

Junior Rivera

Junior Batista

José Núñez