2009
Paglakad sa pamamagitan ng Pananampalataya, Hindi sa pamamagitan ng Paningin
Marso 2009


Paglakad sa pamamagitan ng Pananampalataya, Hindi sa pamamagitan ng Paningin

Labinlimang taon nang bulag si Daggi Ramirez de Vargas, ngunit sa maraming paraan ay malinaw ang tingin niya. “Nakakaaliw ang makakita,” sabi ng 70-taong-gulang. “Pero nakakahadlang iyon sa espirituwal na pananaw natin.”

Si Sister Daggi, na siyang tawag sa kanya, ay nawalan ng paningin nang matanggal ang mga retina ng dalawang mata niya pagkaraan ng mga operasyon sa katarata.

“Noong una inisip ko kung paano ko gagawin ang lahat,” wika niya. “Pero nakakagawa pa ako. Namamalantsa ako, nananahi, nagluluto. Walang pumapasok habang nagluluto ako,” nakatawang sabi niya. “Malalaking kutsilyo ang gamit ko.”

Kahit nag-aalala si Sister Daggi sa pagkilos niya nang mag-isa, determinado rin siyang manatiling umaasa sa sarili sa espirituwal, na namumuhay sa liwanag ng sarili niyang patotoo kay Cristo sa halip na umasa sa iba sa pag-alam ng katotohanan.

Ang Liwanag ng Ebanghelyo

Bago siya sumapi sa Simbahan noong 1962, si Sister Daggi, na ngayo’y miyembro ng Miraflores Ward, Viña del Mar Chile Archupallas Stake, ay bagong kasal noon at nag-iisip kung aling simbahan ang tama.

Isang gabi napanaginipan niya ang mga taong nagmula sa lahat ng dako ng mundo, at nakakita ng kakaibang puting damit. Kinabukasan, sa bahay kung saan siya nagtatrabaho bilang katulong sa paglilinis, nakilala niya ang damit na kamukha niyon na pinatutuyo sa sampayan.

Sinabi sa kanya ng amo niya na ang mga damit ay nauugnay sa mga templo ng Simbahang Mormon. Di nagtagal at kausap na ni Sister Daggi ang mga misyonerong nagmula sa lahat ng dako ng mundo para imulat ang kanyang espirituwal na mga mata sa liwanag ng ebanghelyo.

Isang Landas na Naiilawan ng Verbo

Mahal na mahal ni Sister Daggi ang ebanghelyo ni Jesucristo, at madalas niyang basahin dati ang kanyang mga banal na kasulatan hanggang sa mabulag siya.

“Nang mabulag ako, ipinagdasal kong maalala ko ang Kanyang salita,” paggunita niya. Mahalaga sa kanya na maalala ang Kanyang salita bilang simbolo ng espirituwal na paningin.

At kahit kailangan na niya ngayong pag-aralan ang ebanghelyo sa ibang mga paraan, naniniwala si Sister Daggi na “ang salita mo’y ilawan sa aking mga paa, at liwanag sa aking landas” (Awit 119:105). Siya ang buhay na halimbawa ng pangako ng Tagapagligtas: “Ako ang ilaw ng sanglibutan: ang sumusunod sa akin ay hindi lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng kabuhayan” (Juan 8:12).

Ayon sa kanyang asawang si Juan, kinilala ng Panginoon ang kanyang taos na kahilingan. “Madaling makaunawa ang kanyang isipan. Kaya niyang magsalita tungkol sa isang paksa nang ilang oras,” nakangiti niyang sabi.

“Kapag humingi ka, ikaw ay bibigyan,” pagtugon niya. “Napakalinaw pa ng paningin ng espiritu ko.”

Ang mga Gawain ng Diyos na Nahayag

Dahil sa mga karanasan ni Sister Daggi sa paghahangad na manatili kapwa ang kanyang pisikal at espirituwal na pag-asa sa sarili mula nang mabulag, naisip ko ang lalaking bulag sa Ebanghelyo ni Juan na nagtanong tungkol dito ang mga disipulo, “Rabi, sino ang nagkasala, ang taong ito, o ang kaniyang mga magulang, upang siya’y ipanganak na bulag?”

Sumagot ang Tagapagligtas, “Hindi dahil sa ang taong ito’y nagkasala, ni ang kaniyang mga magulang man: kundi upang mahayag sa kaniya ang mga gawa ng Dios” (Juan 9:2–3).

Ang mga gawain ng Diyos ay nahayag sa buhay ni Sister Daggi. Sa kabila ng pagkabulag, marami siyang nakitang himala at mapapatotohanan na “nagsisilakad [tayo] sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin” (II Mga Taga Corinto 5:7).

Isang Linggo ng gabi bumisita ang mga home teacher ng pamilya. Hirap ang pamilya noon dahil sa kawalan ng trabaho, at sa gabing iyon kakalahating tasa lang ang bigas niya, kaunting langis na paglulutuan, at dalawang maliliit na kamatis. Ngunit sa pasasalamat sa matatapat na home teacher na ito, tinanong niya sila kung gusto nilang maghapunan.

“Tinanong ng anak kong babae kung paano ko nagawa iyon,” paggunita ni Sister Daggi. Sinabi niya sa kanyang anak na ihanda ang mesa. Pagkatapos ay nagtungo siya sa kusina at nanalangin, “Panginoon, pinakain Ninyo ang 5,000. Pito lang ang hinihiling ko.”

“Pitong tao ang nakakain ng kaning iyon,” pagpapatotoo niya.

Pasasalamat sa Kanyang Kagila-gilalas na Liwanag

Alam ni Sister Daggi na kahit dumilim na ang kanyang paningin, may higit na liwanag para siya makakita.

Itinuro ni Isaias na “ang araw ay hindi na magiging iyong liwanag sa araw; o ang buwan man ay magbibigay sa iyo ng liwanag: kundi ang Panginoon ay magiging sa iyo ay walang hanggang liwanag” (Isaias 60:19).

“Binanggit ni Jesus ang mga taong nakakakita pero bulag. Katulad ngayon,” paghimutok ni Sister Daggi. “May mga himala sa ating paligid, pero napakaraming hindi makakita rito.”

Nagpapasalamat si Sister Daggi sa maraming pagpapalang tinatamasa niya at sinisikap niyang ipamuhay ang payo ni Pedro na “inyong ipahayag ang mga karangalan niyaong tumawag sa inyo mula sa kadiliman, hanggang sa kaniyang kagilagilalas na kaliwanagan” (I Pedro 2:9).

“Kuntento na ako. Binigyan ako ng Ama sa Langit ng napakabait na asawa. Nagpunta kami sa templo at nagpabuklod,” wika niya. “Ang buhay ko ay puno ng mga himala. Sa espirituwal, malinaw ang paningin ko.”

Kaliwa: larawan © Comstock.com; kanan: larawang kuha ni Adam C. Olson

Pinagagaling ni Jesus ang Bulag, ni Carl Heinrich Bloch, sa kagandahang-loob ng National Historic Museum sa Frederiksborg sa Hillerød, Denmark