2009
Pundasyon para sa Kaligayahan
Hunyo 2009


Oras ng Pagbabahagi

Pundasyon para sa Kaligayahan

“Ang mga matagumpay na … mag-anak ay itinatatag at pinananatili sa mga alituntunin ng pananampalataya, panalangin, pagsisisi, [at] pagpapatawad” (“Ang Mag-Anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”).

Ang isang pundasyon ay nagbibigay ng tiyak at matibay na saligan kung saan ang isang bagay ay maitatayo. Halos lahat ng gusali at bahay ay nakatayo sa mga pundasyon.

Nang umpisahang itayo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang pundasyon ng Salt Lake Temple, gumamit sila ng pinagpatung-patong na mga bloke na yari sa sinementong buhangin at bato. Limang taon ang ginugol nila sa pagtayo ng walong-talampakang-lalim (2.4-m) na pundasyon. Nang mabalitaan nilang paparating ang mga kawal, tinabunan nila ng lupa ang pundasyon para itago ito. Nang tanggalin kalaunan ang lupa, nagkalamat at lumihis ang pundasyon. Alam ng mga Banal na hindi kakayanin ng may lamat na pundasyon ang templo. Kaya inalis nila ang pundasyong yari sa sinementong buhangin at bato at pinalitan ito ng malalaking bloke ng granito. Nang mailagay na ang matibay na pundasyong iyon, sinimulan nang gawin ng mga manggagawa ang mga pader ng templo.

Tulad ng templo na nangangailangan ng matibay na pundasyong granito, kayo at ang inyong pamilya ay nangangailangan din ng matibay na pundasyon na pagtatayuan. Sabi ng Panginoon, “Magtayo sa aking bato, na aking ebanghelyo” (D at T 11:24). Kasama sa ebanghelyo ni Jesucristo ang pananampalataya, panalangin, pagsisisi, at pagpapatawad. Ang pagtatag sa mga alituntuning ito ay magbibigay sa inyo ng matibay na pundasyon para tulungan kayo at ang inyong pamilya na maging malakas.

Aktibidad

Tanggalin ang pahinang K14 mula sa magasin. Gupitin ang mga kard. Isalansan ang mga kard ng larawan sa isang salansan at ang mga kard ng salita sa isa pang salansan. Kumuha ng isang kard sa bawat salansan. Kung magkatugma ang mga kard, sabihin kung paano kayo makakatulong sa inyong pamilya sa paggawa ng partikular na bagay na iyon, at pagkatapos ay itabi ang mga kard. Kung hindi magkatugma ang mga kard, gumawa uli ng dalawa pang salansan para sa hindi magkakatugmang kard. Magpatuloy sa paglalaro, na pinapabunot ng mga kard ang bawat manlalaro. Kapag ubos na ang unang dalawang salansan, balasahin ang pangalawang salansan at magpatuloy sa paglalaro hanggang sa magtugma ang lahat ng kard.

Mga Ideya sa Oras ng Pagbabahagi

  1. Ang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo ay nakakapagpalakas sa amin ng pamilya ko. Tulungan ang mga bata na isaulo ang “Kung ikaw ay may pananampalataya, umaasa ka sa mga bagay na hindi nakikita, ngunit totoo” (Alma 32:21). Ipakita ang Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 240 (Si Jesus ang Cristo), at ipaliwanag na ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng pananampalataya kay Jesucristo ay naniniwala tayo na buhay Siya kahit hindi natin Siya nakikita. Nagtitiwala tayo sa Kanya at sinisikap na sundin ang Kanyang mga kautusan. Bago ang oras ng pagbabahagi, maghanap ng mga kuwento sa mga banal na kasulatan at mga larawang nagpapakita kung paano nakatulong ang pananampalataya kay Jesucristo sa mga tao na sundin ang mga kautusan sa mahihirap na sitwasyon. Halimbawa: Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 102 (Paggawa ng Daong), 112 (Pinapatay ni David si Goliat), 114 (Tinanggihan ni Daniel ang Karne at Alak ng Hari), 125 (Si Esther), 210 (Si Jesus at ang mga Mangingisda), 301 (Nililisan ng Mag-anak ni Lehi ang Jerusalem), 313 (Dalawang Libong Kabataang Mandirigma). Bigyan ang bawat klase ng isang larawan, at anyayahan ang mga guro na magkuwento na binibigyang-diin kung paano ipinakita ng mga tao ang kanilang pananampalataya. Pag-isipin ang bawat klase ng isang sitwasyong maaaring makaharap nila at kakailanganin ang kanilang pananampalataya. Hilingin na pag-usapan nila kung paano makakatulong sa kanila ang pananampalataya kay Jesucristo sa ganoong sitwasyon. Anyayahan ang bawat klase na ibahagi ang kuwento sa banal na kasulatan at ang kanilang sitwasyon sa panahong ito. Kantahin ang “Siya’y Aking Susundin” (Liahona, Peb., 2003, K16).

  2. Ako at ang aking pamilya ay pinalalakas ng panalangin. Magpakita sa mga bata ng isang maliit na kagamitang de kuryente o larawan nito. Ipaliwanag na gagana lamang ito kapag konektado sa pinagmumulan ng kuryente. Sabihin sa mga bata na kailangang makipag-ugnayan tayo sa “pinagmumulan ng kapangyarihan” para makatanggap ng espirituwal na lakas. Ang ating Ama sa Langit ang pinagkukuhanan natin ng esprituwal na lakas, at makakaugnayan natin Siya sa pamamagitan ng panalangin. Mula sa pakete ng mga larawan ng Primary, ipakita ang larawan 7-13 (batang lalaking nananalangin) o 1-9 (batang babaeng nananalangin), at ituro na makapananalangin tayo sa Ama sa Langit na tulungan tayo sa ating mga problema at mga pagpapasiya. Ikuwento ang pananalangin ni Mosias para malaman kung papayagan niyang mangaral ang kanyang mga anak na lalaki sa mga Lamanita (tingnan sa Mosias 28:1–6). Hilingin sa mga bata na magtulungang hanapin ang sagot ng Panginoon sa talata 7. Ikuwento ang pananalangin ni Joseph Smith para malaman kung aling simbahan ang sasapian (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:7–18). Hilingin sa mga bata na muling magtulungang hanapin ang sagot ng Panginoon sa talata 19. Magbahagi ng isang personal na karanasan at patotoo ninyo kung paano nasagot ang inyong mga panalangin. Anyayahan ang mga bata na personal na manalangin bawat araw sa linggong ito. ●

Mga paglalarawan ni Beth M Whittaker

Magbasa ng mga Banal na Kasulatan

Manalangin

Gumawa

Maglaro

Maglingkod

Magsimba

Family Home Evening

Oras ng Pagkain