2009
Ang 20-Mark Note
Hunyo 2009


Ang 20-Mark Note

Halaw mula sa isang mensahe sa debosyonal na ibinigay sa Brigham Young University–Idaho noong Marso 12, 2002. Para sa buong teksto ng mensahe sa Ingles, bumisita sa www.byui.edu/Presentations/Transcripts/Devotionals/2002_03_12_Packer.htm.

Larawan
President Boyd K. Packer

Mahigit 30 taon na ang nakararaan naatasan ako at ng dating si Elder Thomas S. Monson na mag-organisa ng stake para sa mga sundalo sa Europe. Nagpulong kami sa Berchtesgaden, Germany, sa tuktok ng Bavarian Alps. Dati itong mga kuwartel na itinayo ni Adolf Hitler sa isang napakagandang lugar. Iilan lamang sa mundong ito ang katulad ni Adolf Hitler na ang personalidad at intensyon ay kahalintulad sa diyablo. Inisip ko noon na naibalik namin ang lugar sa dating ganda nito, isang lugar na itinayo sa masamang hangarin at ngayo’y pinagtipunan namin para iorganisa ang isang stake ng Sion.

Matapos ang pagtatalaga at ang pagkumpleto sa organisasyong iyon, inatasan kaming pumunta sa Berlin para sa isang stake conference. Kinailangan naming umalis sa Berchtesgaden mula sa Alps pababa sa Munich papuntang paliparan.

Marami pa kaming oras pagdating sa paliparan para makasakay sa aming eroplano, na naka-iskedyul na umalis nang mga alas-diyes ng umaga, ngunit hindi kami makaalis dahil sa kapal ng ulap. Naupo kami at pinakinggan ang pag-uulat tungkol sa panahon nang halos 12 oras. Lagi nilang sinasabi na mahahawi rin ang makakapal na ulap. Hindi ito nahawi.

Noong halos alas-diyes na ng gabi, dalawang misyonero ang dumating sa paliparan. Noon namin nalaman na hindi makakalipad ang eroplano. Sinabi nila sa amin na may treng paalis ng Munich papuntang Berlin bandang hating-gabi. Dinala kami ng mga elder sa istasyon ng tren, tinulungan kaming bumili ng aming tiket, at hinintay na makasakay kami sa tren, na bibiyahe nang mula hating-gabi hanggang alas-diyes kinaumagahan para makarating sa Berlin.

Nang papaandar na ang tren, sabi ng isang batang elder, “Mayroon ba kayong pera ng Aleman?”

Umiling ako.

Sabi niya, “Dapat mayroon kayo,” at habang tumatakbong kasabay ng tren, dumukot siya sa kanyang bulsa ng 20-mark note. Iniabot niya ito sa akin.

Nang panahong iyon “bantay-sarado” ang Iron Curtain. Huminto ang tren sa Hof sa hangganang nasa pagitan ng West Germany at East Germany, at napalitan ang mga tripulante sa tren. Bumaba ng tren ang lahat ng tripulante mula sa West Germany, at pumanhik naman ng tren ang mga tripulanteng mula sa East Germany. Pagkatapos ay tumulak na ang tren patawid ng East Germany patungong Berlin.

Kasisimula pa lang magbigay noon ang pamahalaang U.S. ng pang-limang taong pasaporte. May bago akong pasaporte na limang-taon ang bisa. Bago kami magbiyahe, ipinabago namin ang pasaporte ng aking asawa, pero ibinalik nila at sinabing tinatanggap ang pang-tatlong taong pasaporte bilang pang-limang taong pasaporte. May mahigit dalawang taon pa siyang natitira sa kanyang pasaporte.

Noong mga alas-dos ng umaga, lumapit ang konduktor, na tipong sundalong militar, at hiningi ang aming mga tiket, at nang mapansing hindi kami Aleman, hiningi niya ang aming mga pasaporte. Ayokong ibigay ang pasaporte ko, lalo na sa mga di pamilyar na lugar. Pero kinuha niya ang mga ito. Halos wala akong inaayawang tao, maliban lang sa taong ito! Siya ay masungit, walang pakundangan, at may magaspang na pag-uugali.

Hindi kami marunong magsalita ng Aleman. Sa kuwarto ng tren, anim kaming naroon: ang aking asawa at ang katabi niyang Aleman at tatlo pang Aleman na nakaupo sa harapan namin at halos kaumpugan na namin ng tuhod. Nag-uusap kami nang kaniya-kanya. Nang pumasok ang konduktor, tahimik ang lahat.

May sinabi siya, at alam ko kung ano iyon. Ayaw niyang tanggapin ang pasaporte ng aking asawa. Umalis siya at bumalik nang dalawa o tatlong beses.

Sa huli, nang hindi ko na alam ang gagawin, nakaramdam ako ng inspirasyon at kinuha ko ang 20-mark note na iyon. Tiningnan niya ito, kinuha ang pera, at iniabot sa amin ang aming mga pasaporte.

Kinaumagahan, pagdating namin sa Berlin, sinalubong kami sa tren ng isang miyembro ng Simbahan. Ikinuwento ko sa kanya nang bahagya ang naranasan namin. Bigla siyang sumeryoso. Tinanong ko, “Ano’ng problema?”

Sabi niya, “Hindi ko maubos-maisip kung paano kayo nakarating dito. Sa buong mundo ang East Germany ang bansang hindi tumatanggap ng pang-tatlong-taong pasaporte. Para sa kanila, walang bisa ang pasaporte ng asawa mo.”

Sabi ko, “Ano ba ang puwede nilang gawin kung sakali?”

Sagot niya, “Pababain kayo sa tren.”

Sabi ko, “Hindi nila tayo pabababain sa tren, di ba?”

Sabi niya, “Hindi tayo. Siya!”

Nakikinita ko ang aking sarili na kasama ang isang taong nagtatangkang pababain sa tren ang aking asawa nang mga alas-dos ng umaga sa isang lugar sa East Germany. Hindi ako sigurado kung alam ko ang gagawin ko. Nalaman ko na lang pagkatapos noon kung gaano kadelikado iyon at kung ano ang mga kahahantungan lalo na sa aking asawa. Mas nag-aalala ako sa kanya kaysa sa sarili ko. Nalagay pala kami sa matinding panganib. Ang mga may-ari ng mga pasaporteng hindi nila tatanggapin ay huhulihin at ikukulong.

Pinapatnubayan ang Ating Buhay

Lahat ng ito’y humahantong sa katotohanang ito: ang elder na nag-abot sa akin ng 20-mark note ay si David A. Bednar, isang batang elder na naglilingkod sa South German Mission, na ngayon ay miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol.

Bakit inabutan ako ng batang elder na ito na mula sa San Leandro, California ng 20-mark note? Kung nauunawaan ninyo iyan at nauunawaan ninyo kung ano ang buhay, tunay ninyong mauunawaan ang lahat ng kailangan ninyong malaman tungkol sa buhay bilang mga miyembro ng Simbahan. Mauunawaan ninyo kung paanong hindi talaga sa atin ang buhay natin. Pinamamahalaan ang mga ito—at kung ipinamumuhay natin ang nararapat, mapangangalagaan tayo. Sa palagay ko hindi niya alam ang mga ibubunga ng ginawa niya. Anim na dolyar ang katumbas ng 20-mark note na iyon, at ang anim na dolyar ay malaking halaga para sa isang elder!

Sa inyong buhay, matutuklasan ninyo na nangyayari ang mga bagay na ito kapag ipinamumuhay ninyo ang nararapat.

Kung malalaman ninyo ang tungkol sa Espiritu, hindi kayo mag-iisa. Sa Doktrina at mga Tipan 46:2, sinasabi, “Sa kabila ng yaong mga bagay na nasusulat, ito sa tuwina ay ibinibigay sa mga elder ng aking simbahan mula pa sa simula, at gayon nga tuwina, upang pangasiwaan ang lahat ng pagpupulong habang sila ay inaatasan at pinapatnubayan ng Banal na Espiritu.”

Ang Inyong Katawang Espiritu

Ang doktrinang ipinaliwanag sa mga banal na kasulatan, ang mga paghahayag, ay nagsasabi sa atin na tayo ay may dalawang katauhan. Alam natin na may espiritu at katawan. “Ang espiritu at ang katawan [kapag pinagsama nang walang hanggan, ay nagiging] kaluluwa ng tao” (D at T 88:15). Kaya mayroon kayong dalawang bahagi. May espiritu sa loob ng katawan.

Kayo ay may katawang espiritu; ang inyong katalinuhan ay umiiral nang walang katapusan (tingnan sa D at T 93:29). Mahirap unawain iyan sa inyong isipan. Mabubuhay tayo nang walang katapusan. Naniniwala kayo riyan, hindi ba? Sa Pagkabuhay na Mag-uli, mabubuhay tayo nang walang hanggan. Hindi maaaring maging totoo iyan kung hindi rin iyan totooo sa nakaraan, na tayo ay nabuhay noon nang walang hanggan. Nasa kalagitnaan tayo ng kawalang hanggan dito.

Iniisip ko ang panahong iiwan na ng aking espiritu ang aking katawan. Kapag dumating na ang “paglisan” na iyan at isasantabi muna ang inyong katawan at mamasdan natin ang inyong espiritu, ano kaya ang hitsura ninyo? Ano kaya ang hitsura ng inyong espiritu?

Mailalarawan ang ilan sa inyo na mga perpektong atleta—perpekto ang bikas ng katawan, kayang gawin kahit ano! Maganda ang inyong pisikal na katawan. Kung ihihiwalay natin ang inyong katawan mula sa inyong espiritu, ano kaya ang magiging hitsura ng inyong espiritu? Matututuhan ninyo, kung kayo ay mag-aaral at mananalangin at makikiramdam, na maaari kayong magkaroon ng magandang katawan at isang salanta at mahinang espiritu. Sa kabilang banda, maaaring ang katawan ninyo ay limitado sa maraming bagay, subalit sa walang hanggang plano ng mga bagay, masasanay at matuturuan ninyo ang inyong espiritu nang sa gayon maging walang hanggan ang kahalagahan nito.

Maaasam ninyo ang araw na kayo ay “lilisan” at ang inyong espiritu ay hihiwalay mula sa inyong katawan. Ang inyong espiritu ay bata at masigla at maganda. Kahit na ang katawan ninyo ay matanda at may karamdaman o lumpo o walang kakayahan sa alinmang paraan, kapag pinagsama ang espiritu at katawan sa Pagkabuhay na Mag-uli, magiging maluwalhati kayo, luluwalhatiin kayo.

May isa akong kakilala—isa sa dakilang mga tao na nakilala ko—na kasama sa pangkat ng mga pilyong binatilyo. Lagi sila sa lugar na hindi sila dapat naroon at wala kailanman sa lugar na dapat nilang paroonan. Sa huli, isang matalino at maalam na lider ang nagdala sa kanila sa klase sa Sunday School. Ang guro ay ang matandang lalaking ito—isang ordinaryo at simpleng matandang lalaki. Bukod pa riyan, siya ay miyembro mula sa Europa, at hindi siya mahusay magsalita ng Ingles. Nagbungisngisan sila, “Iyan ba ang titser natin? Siya ba?” Ang mga binatilyong ito, sa palagay ko, ay kilala pagdating sa panlalait sa guro.

Pagkatapos ay sinabi ng kaibigan ko ang isang bagay na nangyari. Nagsimulang magsalita ang guro, at nagsimula silang lahat na makinig. Sabi ng kaibigang ito, “Mapapainit mo ang kamay mo sa nag-aalab niyang pananampalataya.” Nangangahulugan na sa mas matanda at mahinang katawang iyon na tila di man lang kayang tanggalin ang punto sa pagsasalita, ay naroon ang malakas na espiritu.

Sa Pagkabuhay na Mag-uli—ang alabok ng lupa, ang makamundong bahagi natin—ay mapapanibago at magagawang malakas upang maipantay sa espiritu.

Papatnubayan Kayo ng Espiritu Santo

Kung nauunawan ninyo kung paano kumikilos ang Espiritu, mabuti ang kalalagyan ninyo. Walang sapat na pinagsama-samang kasamaan—kung pinagsama-sama man ito bilang madilim at pangit na sinag at nakatutok sa inyo, hindi kayo mawawasak nito, maliban na lang kung ito’y pahihintulutan ninyo.

Tiyaking natututuhan ninyo ang mga bagay na hindi hayagang itinuturo sa inyo. Kung ang alam lamang ninyo ay ang nababasa o naririnig ninyo, kaunti lamang ang inyong malalaman. Napakahalaga ng mga sandali ng pagpipitagan kapag kayo ay nag-iisip at nakikiramdam. Iyan ang dahilan kung bakit napakahalaga ng mga templo. Makakapunta kayo sa templo at makaaalis sa mundo.

Ipinangako ng Panginoon na kapag tinanggap ninyo ang Espiritu Santo, “siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalaala ng lahat na sa inyo’y aking sinabi” (Juan 14:26).

Gagawin ninyo ang ilang bagay nang kusa, nang halos hindi ninyo namamalayan. Kahit hindi ninyo iniisip, matutuklasan ninyo na nahikayat at napatnubayan kayo ng Banal na Espiritu. Iyan ang dahilan kung bakit ang batang elder na ito ay dumukot ng 20-mark note sa kanyang pitaka, nang hindi alam kung bakit, at mabilis na sumabay sa tren at iniabot ito sa akin habang papaandar ang tren. Iniligtas niya kami sa napakalaking panganib.

Sa ganyang paraan ninyo gagawin ang mga bagay at kalaunan ay magbabalik-tanaw kayo at malalaman ninyo na kayo ay pinatnubayan. At sa ganyan ding paraan kayo mababalaan. Babalaan kayo na, “Huwag pumunta roon! Huwag ninyong gawin iyan!” Babalaan kayo na, “Huwag sumama sa lalaking iyan! Huwag sumama sa babaeng iyan! Huwag sumama sa kanila!” At, “Sumama sa grupong ito!” Papatnubayan kayo at pangangalagaan kayo ng Panginoon.

Alam ko na ang ebanghelyo ay totoo, na si Jesus ang Cristo, na Siya ay buhay, na ito ang Kanyang Simbahan. Humanap ng lugar sa mundo kung saan hindi kayo mahihiya, hindi kayo mag-aalinlangan na ipahayag sa inyong sarili: una, na tinatanggap ninyo ang ebanghelyo ni Jesucristo, at pangalawa, na ang pagkatao ninyo ay mas mahalaga kaysa inyong ginagawa. Ang ginagawa ninyo kung may patnubay ito, ay huhubog sa inyong pagkatao ngayon at sa maaari ninyong maging.

Paglalarawan ni Gregg Thorkelson

Bakit ako inabutan ng 20-mark note ng batang elder na ito? Kung nauunawaan ninyo iyan, mauunawaan ninyo na hindi talaga sa atin ang buhay natin. Pinamamahalaan ang mga ito. Ang elder na nag-abot sa akin ng 20-mark note ay si David A. Bednar, isang batang elder na naglilingkod noon sa South German Mission, na ngayon ay miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol.

Paglalarawan ni Matthew Reier

Larawan ng Hong Kong China Temple na kuha ni Craig Dimond; paglalarawan ni John Luke