Mensahe ng Unang Panguluhan

Sugar Beets at ang Kahalagahan ng Isang Kaluluwa

Ni Pangulong Thomas S. Monson

President Thomas S. Monson
I-print Ibahagi

    Maraming taon na ang nakararaan, nagbigay si Bishop Marvin O. Ashton (1883–1946), na naglingkod bilang tagapayo sa Presiding Bishopric, ng isang paglalarawang ibabahagi ko sa inyo. Wariin natin ang isang magsasakang nagmamaneho ng isang malaking open-bed truck na puno ng sugar beets patungong pabrika ng asukal. Pagdaan ng magsasaka sa baku-bakong daan, nagtalbugan ang ilang sugar beets sa trak at tumilapon sa tabing-daan. Nang malaman niyang nawala ang ilang beets, inutusan niya ang kanyang mga katulong, “Maraming asukal din ‘yung nangawala. Bumalik tayo at kunin ang mga iyon!”

    Sa pag-aangkop ko ng paglalarawang ito, ang sugar beets ay kumakatawan sa mga miyembro ng Simbahang ito na pananagutan natin bilang tinawag na mga lider; at yaong mga tumilapon mula sa trak ay kumakatawan sa mga lalaki at babae, mga kabataan at bata, na sa kung anong dahilan ay hindi na nagsisimba. Kung babaguhin natin ang sinabi ng magsasaka tungkol sa sugar beets, sinasabi ko tungkol sa mga kaluluwang ito, na mahalaga sa ating Ama at ating Panginoon: “Mahalaga rin naman ang nangawala. Bumalik tayo at kunin sila!”

    Ngayon mismo, ilan sa kanila ang nabihag ng kamunduhan. Ang iba ay nangawala dahil sa hirap ng buhay. Ang iba naman ay nangawala dahil sa mga pagkakasalang nagawa.

    Hindi kailangang magkaganito. Nasa atin ang mga doktrina ng katotohanan. Nasa atin ang mga programa. Nasa atin ang mga tao. Nasa atin ang kapangyarihan. Ang misyon natin ay higit pa sa pagdalo sa mga miting. Ang ating tungkulin ay magligtas ng mga kaluluwa.

    Ang Ating Tungkulin: Magligtas ng mga Kaluluwa

    Binigyang-diin ng Panginoon ang kahalagahan ng bawat lalaki o babae, kabataan o bata, nang sabihin Niya:

    “Ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos. …

    “At kung mangyayaring kayo ay gagawa nang buo ninyong panahon sa pangangaral ng pagsisisi sa mga taong ito, at magdala kahit isang kaluluwa sa akin, anong laki ng inyong kagalakang kasama niya sa kaharian ng aking Ama!

    “At ngayon, kung ang inyong kagalakan ay magiging malaki sa isang kaluluwa na inyong nadala sa akin sa kaharian ng aking Ama, anong laki ng inyong kagalakan kung makapagdadala kayo ng maraming kaluluwa sa akin!” (D at T 18:10, 15–16).

    Tandaan na may karapatan kayo sa mga pagpapala ng ating Ama sa gawaing ito. Hindi Niya kayo tinawag sa natatanging tungkulin ninyo para hayaang mag-isa, nang walang patnubay, na nakaasa sa suwerte. Taliwas nga rito, alam Niya ang inyong galing, talos Niya ang inyong debosyon, at gagawin Niyang mga kalakasan ang inyong mga kakulangan. Nangako Siya: “Ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo” (D at T 84:88).

    Mga lider ng Primary, kilala ba ninyo ang mga batang pinaglilingkuran ninyo? Mga lider ng Young Women, kilala ba ninyo ang inyong young women? Mga lider ng Aaronic Priesthood, kilala ba ninyo ang young men? Mga lider ng Relief Society at Melchizedek Priesthood, kilala ba ninyo ang mga babae at lalaking pinamumunuan ninyo? Nauunawaan ba ninyo ang kanilang mga problema at paghihirap, pananabik, ambisyon, at pangarap? Alam ba ninyo kung gaano na kalayo ang kanilang nalakbay, mga hirap na dinanas, mga problemang pinasan, at kalungkutang tiniis?

    Hinihikayat ko kayong tulungan at mahalin ang mga pinaglilingkuran ninyo. Kapag tunay ninyong minahal ang mga pinaglilingkuran ninyo, hindi sila hahantong sa kinatatakutang “Never, Never Land”—hindi kailanman magiging problema, hindi kailanman mangangailangan ng tulong. Maaaring wala kayong pribilehiyong maipasok sila sa mga lungsod o palasyo, ngunit ang tunay na kaligayahan at walang hanggang kagalakan ay darating sa inyo at sa bawat pinaglilingkuran ninyo kapag tumulong at nag-impluwensya kayo.

    Mga Aral na Nakaukit sa Puso

    Kung masiraan kayo ng loob sa inyong mga pagsisikap, tandaan na kung minsan ay hindi tugma ang tiyempo ng Panginoon sa atin. Noong bishop ako maraming taon na ang nakararaan, lumapit sa akin ang isa sa mga lider ng young women, si Jessie Cox, at sinabi, “Bishop, bigo ako!” Nang tanungin ko kung bakit gayon ang pakiramdam niya, sinabi niya, “Wala akong mga kabataan sa Mutwal na naipakasal sa templo, na tulad ng dapat gawin ng isang magaling na titser. Ginawa ko na ang lahat, pero mukhang hindi pa iyon sapat.”

    Pinilit kong aluin si Jessie sa pagsasabing alam ko, bilang bishop niya, na nagawa na niya ang lahat. At nang subaybayan ko ang mga kabataang iyon sa paglipas ng mga taon, nalaman ko na bawat isa ay nabuklod sa templo kalaunan. Kung nakaukit sa puso ang aral, hindi ito nawawala.

    Nalaman ko habang minamasdan ko ang matatapat na lingkod na gaya ni Jessie Cox na bawat lider ay maaaring maging tunay na pastol, naglilingkod sa pamamahala ng ating dakila at Mabuting Pastol, may pribilehiyong pamunuan at itangi at kalingain ang mga yaong nakakakilala at nagmamahal sa Kanyang tinig (tingnan sa Juan 10:2–4).

    Paghahanap sa Nawawalang Tupa

    Magbabahagi ako ng karagdagang karanasan bilang bishop. Napansin ko isang Linggo ng umaga na wala na naman sa miting ng priesthood si Richard, isa sa mga priest namin na bihirang dumalo. Pinabantayan ko muna ang korum sa adviser at binisita ko si Richard sa bahay. Sabi ng nanay niya nagtatrabaho siya sa isang lokal na garaheng nagkukumpuni ng mga kotse. Pumarada ako sa garahe para hanapin si Richard at naghanap ako sa lahat ng dako pero hindi ko siya nakita. Bigla akong nagkaroon ng inspirasyong sumilip sa ilalim ng makalumang grease pit sa tabi ng gusali. Mula sa kadiliman nakita ko ang dalawang matang kumikislap. Narinig kong sabi ni Richard, “Nahuli ‘nyo ‘ko, Bishop! Aakyat ako.” Nang mag-usap kami ni Richard, sinabi ko kung gaano namin siya kinasabikan at kailangan. Napapangako ko siyang dumalo sa kanyang mga miting.

    Malaki ang ipinagbago niya sa pagdalo. Kalaunan ay lumipat sila ng kanyang pamilya, pero pagkaraan ng dalawang taon tumanggap ako ng imbitasyong magsalita sa ward ni Richard bago siya nagmisyon. Sa kanyang pananalita sa araw na iyon, sinabi ni Richard na nagbago ang buhay niya nang makita siya ng kanyang bishop na nagtatago sa grease pit at tinulungan siya nitong maging aktibong muli.

    Mahal kong mga kapatid, atin ang responsibilidad, maging ang taimtim na tungkulin, na tulungan ang lahat ng yaong ang buhay ay pinaiimpluwensyahan sa atin. Tungkulin nating gabayan sila tungo sa kahariang selestiyal ng Diyos. Nawa’y lagi nating tandaan na ang tungkuling mamuno ay hindi isang bagay na magbibigay ng ginhawa kundi ng responsibilidad. Nawa’y tulungan nating masagip ang mga nangangailangan ng ating tulong at pagmamahal.

    Kapag nagtagumpay tayo, kapag napaaktibo natin ang isang babae o lalaki, bata man o matanda, masasagot natin ang taimtim na dalangin ng isang maybahay o kapatid o ina, matutulungang matupad ang pinakadakilang hangarin ng isang asawang lalaki o kapatid o ama. Susundin natin ang tagubilin ng isang mapagmahal na Ama at halimbawa ng isang masunuring Anak (tingnan sa Juan 12:26; D at T 59:5). At ang ating mga pangalan ay pupurihin ng mga tinutulungan natin magpakailanman.

    Buong puso kong dalangin na lagi tayong gabayan ng ating Ama sa Langit sa pagsisikap nating magsilbi at mailigtas ang Kanyang mga anak.

    Mga paglalarawan ni Jeff Ward; larawang kuha ni David Newman