2009
Paglilinis ng Bakuran ng Templo
Oktubre 2009


Paglilinis ng Bakuran ng Templo

Sa Kentucky, sa katimugang Estados Unidos, mainit at maalinsangan ang tag-init. Isang araw napansin ng mga tao na may berdeng amag na tumutubo sa bakod sa paligid ng Louisville Kentucky Temple. At hindi lang kaunti—napakarami!

Kaya nagpasiya ang mga batang Primary ng Crestwood Second Ward sa Louisville Kentucky Stake na gawan ito ng paraan. Isang mainit na araw ng Hunyo nagkaroon sila ng aktibidad. “Kumuha kami ng mga basahan at timba-timbang tubig at sabon para linisin ang bakod at tumulong na mapanatiling malinis ang bahay ng ating Ama sa Langit,” sabi ni Sara M., edad 10. Nabasa siya, pero “masaya kasi naroong lahat ang mga kaibigan namin.”

Sabi ni Josh H., edad 9, medyo napagod siya sa paglilinis sa matataas na bahagi ng bakod. Pero maraming tumulong sa kanya. Katunayan, halos lahat ng batang Primary ay dumating, mga 75 silang lahat. Maraming nagsama ng kanilang mga kapatid at magulang para tumulong.

Alam ng mga bata na sila ay nasa bakuran ng templo, kaya sinikap nilang maging mapitagan. At walang nagreklamo na nahirapan siyang maglinis. “Talagang nagkuskos kami nang husto dahil matagal nang nakadikit ang mga mantsa,” sabi ni Megan H., edad 6. Pero sulit iyon. “Alam ko na pinangangalagaan namin ang tahanan ng ating Ama sa Langit.”

Gayon din ang nadama ni Sara. “Talagang nadama ko ang Espiritu dahil alam kong masaya ang Ama sa Langit sa ginawa namin,” wika niya.

Nang matapos ang gawain, nagtipon ang grupo sa gusali ng Simbahan sa kabila para kumain ng mga hot dog at pag-usapan ang natutuhan nila.

Hindi makapaghintay ang mga batang Primary na makapasok sila mismo sa templo upang magpabinyag para sa mga patay. Ngunit sa ngayon, masaya silang malaman na nakatulong silang pagandahin ang labas nito—tulad ng dapat mangyari sa bahay ng Ama sa Langit.

Kaliwa: border © Artbeats; kanan: paglalarawan ni Steve Kropp; larawang kuha ni Todd Hall