Ang mga Pagpapala ng Pagmiministeryo

I-print Ibahagi

    Ang mga miyembro ng Simbahan ay nagpapala ng mga buhay at nagpapalakas ng mga patotoo kapag tinutularan nila ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pagmiministeryo sa iba.

    Ang ulirang paglilingkod ni Pangulong Thomas S. Monson ay alam na alam ng mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Mahigit anim na dekada siyang tumulong sa mga nangangailangan, umalo at pumayapa sa di-mabilang na mga tao at personal na nagministeryo sa maysakit at nagdadalamhati.1

    “Ngayo’y may mga pusong pasasayahin, may mga gawaing gagawin—maging mga natatanging kaluluwang ililigtas,” pagpapahayag ni Pangulong Monson. “Ang maysakit, napapagal, nagugutom, giniginaw, nasugatan, nalulumbay, matanda, lagalag ay pawang humihingi ng tulong sa atin.”2

    Sa kanyang personal na pagmiministeryo, naipakita ni Pangulong Monson ang kaibhan ng pangangasiwa at pagmiministeryo. Ang mga miyembro ng Simbahan ay nangangasiwa sa mga programa at ordenansa, ngunit sila ay nagmiministeryo sa mga tao, minamahal sila at tinutulungan. Sa pagtulong sa iba, tinularan ni Pangulong Monson ang Tagapagligtas, na “hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod” (Marcos 10:45).

    Ayon sa paglalarawan sa apat na sumusunod na salaysay, ang mga Banal sa mga Huling Araw na “humayo … , at gayon din ang [ginagawa]” (Lucas 10:37) ay pinagpapala ang iba, ang Simbahan, at ang kanilang sarili.

    Samaritanong May Dalang Tinimplang Pancake

    Ang paggaling ko kasunod ng di gaanong malaking operasyon ay hindi kasindali ng inasahan ko. Ngunit bilang ward Relief Society president, nadama ko na dapat ay ako ang tumutulong sa iba, hindi iyong ako ang nagpapatulong. Lunes ng umaga, tatlong araw matapos akong operahan, pitong bata ang kinailangan kong gisingin at ihanda sa pagpasok sa paaralan. Inisip ko kung kakailanganin kong panatilihin sa bahay ang panganay kong babae para tulungan akong mag-alaga sa bunso.

    Habang naiisip ko ito, may kumatok sa pinto. Dumating si Vickie Woodard, ang unang tagapayo at mabuting kaibigan ko, para tumulong. Ipinaalam niya na naroon siya para magluto ng mga pancake. May dala siyang isang mangkok ng tinimplang pancake at tinanong kung saan niya makikita ang kawali. Tuwang-tuwa ang mga bata.

    Pagkakain ng almusal, pinapasok na ni Vickie ang mga bata, naglinis siya, at iniuwi niya ang bunso hanggang sa maidlip ito sa tanghali. Kalaunan, nang itanong ko kung sino ang nag-aalaga sa sarili niyang mga anak, sabi niya lumiban nang dalawang oras ang asawa niya sa trabaho para matulungan niya ako.

    Ang paglilingkod ni Vickie at ng kanyang asawa sa araw na iyon ay nagpaipon ng aking lakas at nakatulong sa paggaling ko.

    Beverly Ashcroft, Arizona, USA

    Sa Pinakamaliit na Ito

    Isang araw noong nag-iisa ako sa bahay kasama ang bunso kong anak na lalaki, nadulas ako sa hagdan at nahulog. Ilang araw na sumakit ang tiyan ko dahil dito, kaya kumonsulta ako sa doktor.

    Buntis ako noon, at nakita sa mga pagsusuri na hindi na nakadikit ang placenta sa matris ko. Kinailangan ko ng todong pahinga dahil dito, o malalaglag ang sanggol.

    Nag-alala ako dahil tatlo na ang anak kong maliliit at wala akong ibabayad sa katulong. Gayunman, nalaman ng kababaihan sa branch namin ang kalagayan ko at tinulungan ako kahit hindi ko sila sinabihan. Nagbuo sila ng tatlong grupong tumulong sa akin sa umaga, sa hapon, at sa gabi.

    Nagpunta sila para maglaba, magplantsa, magluto, maglinis at tulungan ang mga anak ko sa homework nila. Naging kilalang-kilala ang isang miyembrong nagngangalang Rute, na nabinyagan sa Simbahan sa panahong naratay ako sa higaan, sa bahay namin. Si Rute, na isang nars, ang tumulong sa gabi at nagtusok ng mga kailangang iniksyon.

    Hindi ko na kailangang humiling ng anuman; alam ng kababaihang ito ang aking mga pangangailangan at sila ang namahala sa lahat. Kapag sobra ang tumulong kaysa kailangan nila, tinatabihan at kinakausap ako ng isa. Tatlong buwan nilang ginawa ito.

    Ang kababaihang ito ay nagbigay sa akin ng lakas, pagmamahal, at dedikasyon. Nagbigay sila ng panahon at mga talento. Nagsakripisyo sila para makapunta. Hindi sila humingi ng anumang kapalit kahit kailan. Nagmahal sila at naglingkod, sa pagsunod sa halimbawa ng Panginoon, na nagturo sa atin, “Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa” (Mateo 25:40).

    Enilze do Rocio Ferreira da Silva, Paraná, Brazil

    Dalhan Mo Lang Sila ng mga Damit

    Habang nasa Orlando, Florida, ang asawa kong si Brandon dahil sa negosyo, nagising siya isang gabi na mataas ang lagnat at hindi makahinga. Nagpatawag siya ng ambulansya para madala siya sa ospital, kung saan niya nalaman na may malubha siyang pulmonya.

    Dahil maliliit pa ang mga anak namin ni Brandon, hindi ako kaagad makapagbiyahe mula sa bahay namin sa Pennsylvania papuntang Florida. Araw-araw kong tinawagan si Brandon, na umaasang gagaling siya para makauwi siya sa amin.

    Gayunman, lumala ang kalagayan ni Brandon. Nang madaliin ako ng nars na makapunta sa ospital sa lalong madaling panahon, nagsimula akong mag-isip kung sino ang maaaring mag-alaga sa mga anak namin.

    Pumayag ang nanay ko na lumiban sa trabaho at sinabing darating siya sa lalong madaling panahon, ngunit lilipad na ang eroplanong sasakyan ko bago pa siya makarating. Tinawagan ko ang ilang kaibigan para alamin kung mababantayan nila ang mga bata hanggang sa dumating ang nanay ko. Isang kaibigan sa Relief Society, si Jackie Olds, ang nagsabi na kasiyahan niyang bantayan sila.

    “Dalhan mo lang sila ng mga damit at lampin,” sabi niya, “at aalagaan ko sila kahit ilang araw ka mawala.”

    Tumanggi ako dahil ang miyembrong ito, na may tatlong anak, ay abalang-abala sa buhay, pero mapilit siya. Di naglaon nang idaan ko ang mga anak ko, inalo niya ako sa pagsasabing, “Huwag mo silang alalahanin. Alalahanin mo ang paggaling ni Brandon at maiuwi siya. Sanay akong mag-alaga ng maliliit na bata.”

    Alam ko na magiging ligtas, masaya, at maaalagaang mabuti ang mga anak ko, at totoo naman. Nasamahan ko ang asawa ko, na napakalubha na ng sakit pagdating ko sa ospital. Ngunit pagkaraan ng ilang araw, magaling-galing na siya para makauwi.

    Nagpapasalamat ako sa isang mabuting kaibigang tumulong—nang higit pa sa mahihiling ko sa kanya—at naglingkod sa amin sa oras ng pangangailangan.

    Kelly Parks, Pennsylvania, USA

    Paglilingkod sa Tabi ng Higaan

    Si Brother Anderson, ang masiglang 35-taong-gulang na ward Young Men president, ang uri ng lider ng mga kabataan na hinangaan ng lahat: isang nakauwi nang misyonero, lima ang anak, may negosyo, masayahin. Ngunit ngayon ay may leukemia siya. Matapos matanggap ang balitang ito mula sa bishop, kumilos na si Ryan Hill, ang priests quorum first assistant, at tinawagan ang bawat aktibo at di-gaanong aktibong priest sa kanyang korum.

    “Dadalawin natin sa ospital si Brother Anderson. Kailangan namin kayong lahat. Makakasama ba kayo?” pag-ulit niya sa bawat tawag.

    “Hindi ako sigurado kung makakasama ako,” sabi ng isang priest. “Baka nasa trabaho ako.”

    “Kung gayo’y hihintayin ka naming makauwi,” sagot ni Ryan. “Isang bagay ito na dapat nating gawin nang sama-sama.”

    “OK,” sabi ng miyembro ng korum. “Titingnan ko kung puwede akong makipagpalit ng oras sa iba.”

    Nagpunta sa ospital ang lahat ng 11 priest. Naroon ang mga di-gaanong aktibo at yaong laging dumadalo sa miting tuwing Linggo. Sama-sama, nagtawanan sila at nag-iyakan at nagdasal at nagplano para sa hinaharap. Sa mga buwang sumunod, nagtakda sila ng mga oras ng paghilot sa mga paa ni Brother Anderson kapag nahihirapang dumaloy ang kanyang dugo, naghalinhinan silang magbigay ng dugo sa tig-dalawang-oras na mga sesyon para dugo lang nila ang magamit sa kanya, at nagbiyahe pa nang 20 milya (32 km) noong prom night kasama ang mga kadeyt nila (pati na ang dalawang dalagitang hindi miyembro ng Simbahan) upang dalawin siya sa ospital para makuwentuhan siya ng mga karanasan nila sa hayskul.

    Sa mga huling araw niya, pinakiusapan sila ni Brother Anderson na magmisyon, magpakasal sa templo, at subaybayan ang isa’t isa. Mahigit labindalawang taon pagkaraan, nakauwi na sila mula sa kanilang misyon, naikasal na sa templo, at nagsisimula na ng sarili nilang pamilya, naaalala pa rin nila ang mahahalagang espirituwal na karanasang ito ng paglilingkod kasama ang kanilang mahal na lider.

    Norman Hill, Texas, USA

    Mga paglalarawan ni Gregg Thorkelson

    Ipakita ang mga Reperensya

    Mga Tala

    1. 1.

      Tingnan sa Quentin L. Cook, “Tumalima sa mga Salita ng mga Propeta,” Liahona, Mayo 2008, 49–50.

    2. 2.

      Thomas S. Monson, “Your Jericho Road,” Tambuli, Set. 1989, 6.