2009
Aalalahanin Ko si Jesucristo
Disyembre 2009


Oras ng Pagbabahagi

Aalalahanin Ko si Jesucristo

“Nguni’t talastas ko na manunubos sa akin ay buhay, at siya’y tatayo sa lupa sa kahulihulihan” (Job 19:25).

Nang mabuhay si Jesus sa lupa, Siya ay naglilibot na gumagawa ng mabuti.

Hindi nagkasala si Jesus, ngunit Siya ay nagdusa at namatay para sa mga kasalanan ng buong sangkatauhan. Pagkaraan ng tatlong araw Siya ay nabuhay na mag-uli. Naisakatuparan ni Jesus ang Pagbabayad-sala nang Siya ay magdusa, mamatay, at Mabuhay na Mag-uli.

Tuwing Linggo sa simbahan kapag tumatanggap kayo ng sacrament, dapat ninyong alalahanin ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, gayundin ang mga pangakong ginawa ninyo sa Ama sa Langit nang kayo ay binyagan. Ang sacrament ay oras para isipin kung gaano kayo kamahal ni Jesucristo at ng Ama sa Langit. Ito ay oras para magsisi at isipin ang magagawa ninyo para maging higit na katulad Nila.

Habang kinakanta ninyo ang himno sa sacrament, pakinggan ang mga titik. Pakinggang mabuti ang mga panalangin sa sacrament. Pag-isipan ang natututuhan at nadarama ninyo.

Aktibidad

Pilasin ang pahina K12 mula sa magasin, at idikit ito sa mas makapal na papel. Itupi ang buklet ng sacrament sa mga tuldok na linya. Kapag kumakanta kayo ng himno sa sacrament sa simbahan, pakinggan ang sinasabi ng mga titik tungkol kay Jesucristo. Pag-uwi ninyo bawat linggo, sumulat ng isang bagay sa inyong buklet na natutuhan ninyo tungkol kay Jesus mula sa himno.

Mga Ideya sa Oras ng Pagbabahagi

  1. Naaalala ko si Jesus kapag tumatanggap ako ng sacrament. Ikuwento ang Huling Hapunan mula sa Mateo 26:17–30. Sama-samang basahin ang Lucas 22:19, at ipaulit sa mga bata ang mga salitang “Gawin ninyo ito sa pag-aalaala sa akin.” Ipaliwanag na ang pagtanggap ng sacrament ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon na maalaala ang Tagapagligtas at ang Kanyang Pagbabayad-sala. Ipakita ang mga sacrament tray. Tulungan ang mga bata na maunawaan na ang tinapay ay nagpapaalala sa atin ng katawan ni Jesus at ang tubig ay nagpapaalaala sa atin ng Kanyang dugo. Isulat sa pisara: “Ano ang magagawa ninyo para maalala si Jesus sa pagtanggap ninyo ng sacrament?” Isulat ang mga sagot sa pisara. (Mga halimbawa: magbasa ng isang banal na kasulatan tungkol kay Jesus, makinig sa mga panalangin sa sacrament, isipin ang Pagbabayad-sala ni Jesus.) Hikayatin ang mga bata na subukan ang isa sa mga mungkahi sa susunod na pagdalo nila sa sacrament meeting.

  2. Ang pag-alaala kay Jesus ay tumutulong sa akin na piliin ang tama. Bago magklase, ibalot ang Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 240 (Si Jesus ang Cristo) para magmukhang regalo sa Pasko. Sabihin sa mga bata na nasa loob ang isang bagay na kumakatawan sa pinakadakilang kaloob. Sabihin sa mga bata na magtanong ng mga katanungang masasagot ng oo o hindi para mahulaan kung ano ito. Pabuksan ang regalo sa batang nakahula nang tama. Idikit sa pisara ang larawan ni Jesus. Bago magklase, ilagay ang sumusunod na mga wordstrip nang hindi sunud-sunod sa paligid ng silid: “Bininyagan si Jesus,” “Naglingkod si Jesus sa iba,” “Nanalangin si Jesus sa Ama,” “Si Jesus ay naglilibot na gumagawa ng mabuti,” “Mahal tayo ni Jesus,” “Si Jesus ay natutong magtrabaho,” at “Iginalang ni Jesus ang Kanyang ina.” Hatiin ang pisara sa dalawang hanay. Sa itaas ng isang hanay, isulat ang “Pag-alaala kay Jesus”. Sa itaas ng pangalawang hanay, isulat ang “Tinutulungan akong piliin ang tama”. Bigyan ang bawat klase ng reperensya sa banal na kasulatan o larawan na nagsasaad ng bahagi sa buhay ni Jesus. Mga halimbawa: Mateo 3:13–17—Bininyagan si Jesus; Juan 13:4–15—Naglingkod si Jesus sa iba; 3 Nephi 17:15—Nanalangin si Jesus sa Ama; Juan 15:12—Mahal tayo ni Jesus; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 206 (Kabataan ni Jesucristo)—Si Jesus ay natutong magtrabaho; 242 (Si Jesus at Kanyang Ina)—Iginalang ni Jesus ang Kanyang ina. Hilingin sa mga bata na basahin ang banal na kasulatan o pag-aralan ang larawan at hanapin ang wordstrip na naglalarawan dito. Kapag tama ang napili ng bawat klase, ilagay ang wordstrip sa unang hanay. Tulungan ang mga bata na umisip ng gayon ding pagpiling magagawa nila, tulad ng “Magpapabinyag ako.” Isulat ito sa pangalawang hanay sa tapat ng katugmang wordstrip.●

Mga paglalarawan ni Paul Mann

Aalalahanin ko si Jesucristo