2009
Ang Pagpapala ng Pagtatrabaho
Disyembre 2009


Ang Pagpapala ng Pagtatrabaho

Ang pagtatrabaho ay hindi lamang pangkabuhayan; ito ay espirituwal na pangangailangan. Sa mahihirap na panahong ito ng ekonomiya, tiyak na ang utos na magtrabaho ay isa sa mga utos na kung saan ay handa ang Panginoon na tulungan tayo upang masunod ito.

Larawan
Bishop H. David Burton

Alam ng mga gumugol ng oras sa dagat o baybayin nito kung gaano ito kadaling magbago. Ang mga alon, paglaki at pagkati ng tubig, agos, at hangin ay patuloy na nagbabago at naghahalu-halo. Natututong sumabay ang magagaling na marino at mangingisda sa mga alon at paglaki at pagkati ng tubig at ginagamit ang hangin at agos para marating nang ligtas ang kanilang pupuntahan.

Pabagu-bago rin ang mundo, at ang tulin ng pagbabago ay tila pabilis nang pabilis. May bahagi ang pabagu-bagong kalakaran sa pagtatrabaho sa paghina at kalakaran ng ating nag-iibang mundo. Mabuti na lang, tulad ng paggamit ng mga marino sa mga kasanayan, tsart, at iba pang tulong upang matagumpay na makapaglayag, may mga mapagkukunan at matututuhang kasanayan na makakatulong sa atin para malagpasan ang pabagu-bagong mga kundisyon sa pagtatrabaho. Ang mga sanay hindi lamang sa pagtatrabaho kundi pati sa paghahanap ng trabaho ay mas tagumpay na malalagpasan ang paiba-ibang panahong ito.

Isang Utos at Isang Pagpapala

Ngayon, marami na ang nakalimot sa kahalagahan ng pagtatrabaho. May ilang taong mali ang paniniwala na ang pinakamataas na mithiin sa buhay ay ang makamit ang isang kalagayan kung saan hindi mo na kailangan pang magtrabaho. Karaniwang sinasabi ni Pangulong David O. McKay (1873–1970) na, “Dapat nating maunawaan na ang pribilehiyong magtrabaho ay isang kaloob, na ang kapangyarihang magtrabaho ay isang pagpapala, na ang pagmamahal sa trabaho ay tagumpay.”1

Ang pagtatrabaho ay hindi lamang pangkabuhayan; ito ay isang espirituwal na pangangailangan. Nagsisikap ang ating Ama sa Langit na maisakatuparan ang ating kaligtasan at kadakilaan (tingnan sa Moises 1:39). At, simula kay Adan, inutusan na Niya tayong magtrabaho. Maging sa Halamanan ng Eden, pinagbilinan si Adan na ito ay “alagaan [linangin] at ingatan” (Genesis 2:15). Matapos ang Pagkahulog, sinabihan si Adan, “Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay” (Genesis 3:19). Tulad sa iba pang utos, may kagalakan sa pagsunod dito. Ang pagtatrabaho—nang tapat at kapaki-pakinabang—ay nagdudulot ng kasiyahan at pagpapahalaga sa sarili. Matapos gawin ang lahat para makaasa sa sarili, makapaglaan para sa mga pangangailangan natin at ng ating pamilya, makakabaling tayo sa Panginoon nang may tiwala upang hingin ang anumang kulang pa sa atin.

Mga Kaloob, Talento, at Hilig

Ibinigay na sa atin ng ating Ama sa Langit ang lahat ng talento at kaloob na makakatulong para makapaglaan tayo para sa ating sarili at sa ating pamilya. Ang malaman ang ating mga talento at kaloob—at hilig o kinawiwilihan—ay isang mahalagang hakbang sa paghahanda sa kukuning kurso. Natutuhan ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, mula sa kanyang amang si Henry Eyring, na pumili ng kursong akma sa kanyang mga hilig o kinawiwilihan.

Dahil sa pagmamahal niya sa siyensya, hinikayat ni Propesor Henry Eyring ang kanyang mga anak na lalaki na mag-major sa physics bilang paghahanda sa isang kurso sa siyensya. Habang nag-aaral ng physics si Pangulong Eyring sa University of Utah, may napag-usapan silang mag-ama na nagpabago sa direksyon ng kanyang kurso. Hiningan niya ng tulong ang kanyang ama sa isang napakahirap na problema sa matematika. “Nagsusulat ang tatay ko sa pisarang nasa silong namin,” paggunita ni Pangulong Eyring. “Bigla siyang tumigil. ‘Hal,’ sabi niya, ‘ito pa rin ang problemang sinasagutan natin noong isang Linggo. Tila hindi mo pa rin ito maunawaan ngayon tulad ng dati. Hindi mo ba ito sinisikap gawin?’”

Medyo napahiya, inamin ni Pangulong Eyring na hindi nga. Naalaala ni Pangulong Eyring ang sagot ng kanyang ama: “Nang sabihin kong hindi, saglit na tumigil ang tatay ko. Masakit at madamdamin ang sandaling iyon, dahil alam ko kung gaano niya ako kamahal at kung gaano niya ako gustong maging siyentipiko. At saka niya sinabi, ‘Hal, mabuti pa siguro itigil mo na ang pag-aaral ng physics. Kailangan mong hanapin ang pinakagusto mong gawin para kahit hindi mo kailangang mag-isip ng anuman, iyon pa rin ang iniisip mo.’”2

Pagsasanay at Edukasyon

Kapag nasuri na natin ang sarili nating mga hilig at kakayahan at kapag nakahingi na tayo ng payo sa mga nakakakilala at nagmamahal sa atin—lalo na sa Panginoon—kailangan nating hangarin ang edukasyon at karanasan sa pinili nating propesyon. Ang edukasyon at kasanayan ay kabilang sa mga pinakamakabuluhang pamumuhunan ng kahit sino.

Matutong makahiligan ang pag-aaral. Tulad ng kahalagahan ng patuloy na pagdedeposito sa bangko, mahalaga na patuloy ninyong pag-aralan ang pinili ninyong propesyon o kurso para mas madali kayong makahanap ng trabaho dahil sa mga kasanayan ninyo. Tulad ng marinong nagmamasid sa pagbabago ng panahon sa kalangitan, ang patuloy na pagsasapanahon ng kaalaman ninyo sa inyong propesyon ay makakatulong para mapansin ninyo ang mga pagbabago sa inyong larangan at magawa ninyo ang mga nararapat iwasto.

Pagbibigay at Pagtanggap ng Tulong

Walang sinuman sa atin na nag-iisa sa karagatan; bahagi tayo ng isang malaking pangkat. Tulad sa isang hukbong-dagat na maraming suportang sasakyang-dagat, ang Simbahan ay may mga bishop, branch president, Relief Society president, quorum president, employment specialist, at iba pa na handang tumulong sa atin. Madalas makabilang sa ganitong pagtulong ang pagtuturo sa atin sa mga mapagkukunan at kasanayan na akma sa ating natatanging mga sitwasyon—gaya ng paggawa ng résumé, mabisang paghahanap ng trabaho, at pagkatutong sumailalim sa mga interbyu nang buong husay.

Bago pa man ginamit ang salitang networking, nagpapalitan na ng impormasyon ang mga marino tungkol sa mga bagay na tulad ng mga mapanganib na kababawan ng dagat, bagong daanan, at mapagkukunan ng suplay. Ang isang marinong susuong sa di-pamilyar na karagatan ay magtatanong sa lahat ng taong may makapagbibigay ng makabuluhang impormasyon at makapagbabahagi ng karanasan. Sa kalagayan ng pagtatrabaho ngayon, mahalaga ring magkaroon at manatiling nakikipag-ugnayan sa mga taong may makabuluhang impormasyon o karanasan. Mainam magsimula sa mga lokal na lider ng ward o branch at mga kamag-anak.

Pagtuturo sa mga Bata na Magtrabaho

Isa sa pinakamahahalagang responsibilidad ng mga magulang ay turuan ang kanilang mga anak na magtrabaho. Kahit ang maliliit na bata ay maaari nang maranasan ang mga benepisyo ng pagtatrabaho kapag tumutulong sila sa mga gawaing-bahay at naglilingkod sa iba. Ang matatalinong magulang ay magtatrabaho kasama ang mga bata, dadalasan ang pagpuri, at titiyakin na walang trabahong hindi kakayanin.

Noong bata pa si Pangulong Thomas S. Monson, itinuro sa kanya ng kanyang mga magulang ang alituntunin ng pagtatrabaho sa pamamagitan ng kanilang mga halimbawa. Ang kanyang ama, na isang manlilimbag, ay buong sikap na nagtatrabaho nang mahabang oras halos araw-araw ng buhay niya. Kapag nasa bahay siya, hindi siya tumitigil sa katatrabaho para makapagpahinga man lang. Patuloy siyang nagsisilbi sa pamilya at gayundin sa mga kapitbahay.3 Ang kanyang ina ay laging nagtatrabaho upang mapagsilbihan ang isang kapamilya o kaibigan kung kailangan. Madalas magpasama o magpatulong ang mga magulang ni Pangulong Monson sa kanya, kaya natuto siya mismong magsilbi sa iba.

Natutuhan ni Pangulong Monson sa kanyang ama kung paano magpatakbo ng negosyo at sinimulan ang una niyang part-time job noong 14 anyos siya, nang magtrabaho siya sa palimbagang pinangasiwaan ng kanyang ama. Ikinuwento ni Pangulong Monson na paglampas niya sa edad na 14, halos wala nang araw sa buhay niya—maliban sa mga araw ng Linggo—na hindi siya nagtrabaho. “Kapag natuto kayong magtrabaho habang bata pa, makakagawian na ninyo iyan,” sabi niya.4

Mga Pagpapala ng Pagtitiyaga

Tungkol sa pagtatrabaho, katulad ng halos lahat ng ipinagagawa sa atin sa buhay, mahalagang umasenso tayo. Kapag ginagawa natin ang lahat, na hinihingi ang patnubay ng tao at ng Diyos at nagtitiwala sa ating mapagmahal na Ama sa Langit, pagpapalain Niya ang kahihinatnan nito.

Noong bata pa si Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, gusto niyang maiba naman ang karanasan niya sa trabaho sa halip na maghatid lamang ng labada para sa kanyang pamilya. Hindi siya gaanong natuwa sa kareta, sa mabigat na bisikleta, o sa trabaho; gayunpaman, nagsikap siya sa trabaho para makatulong sa kanyang pamilya.

Ikinuwento niya ang sumusunod tungkol sa isang pagpapalang dumating dahil sa mahirap na karanasang iyon sa trabaho.

“Maraming taon ang nagdaaan, nang papasok na ako sa militar, nagpasiya akong magboluntaryo na lang at sumali sa Air Force para maging piloto. Gustung-gusto kong magpalipad ng eroplano at naisip kong pagpipiloto ang bagay sa akin.

“Para matanggap sa programa kinailangan kong maipasa ang ilang pagsusuri, pati na ang mahigpit na pagsusuri sa katawan. Medyo nag-alala ang mga doktor sa mga resulta at nagsagawa pa ng karagdagang mga pagsusuri. Tapos ay ibinalita nila, ‘May tama ang baga mo na pahiwatig na nagkaroon ka ng sakit sa baga noong tinedyer ka pa, pero halata namang maayos ka na ngayon.’ Nagtaka ang mga doktor kung paano ako gumaling sa sakit. Hanggang sa araw ng pagsusuring iyon wala akong malay na nagkasakit ako sa baga. Tapos ay naging malinaw sa akin na ang regular na paglanghap ko ng sariwang hangin habang nakabisikleta at naghahatid ng labada ang nagpagaling sa sakit ko. Kung hindi dahil sa kapapadyak sa mabigat na bisikletang iyon gabi’t araw, akyat-babang paghila ng kareta ng labada sa mga kalsada ng aming bayan, kailanman ay hindi sana ako naging jet fighter pilot at kalauna’y kapitan ng eroplanong 747. …

“Kung nalaman ko lang sana noon ang natutuhan ko pagkaraan ng maraming taon—kung sana’y nakita ko ang wakas mula sa simula—mas napahalagahan ko sana ang mga karanasang ito, at mas napadali sana nito ang trabaho ko.”5

Pagsisimula sa Paglalakbay

Sa mahirap na panahong ito ng ekonomiya, na tila nawawalan na ng pagkakataon, na ang hangin at agos ay tila humaharang sa ating pag-unlad, mahalagang alalahanin na ang Panginoon ay hindi nag-uutos sa mga anak ng tao “maliban sa siya ay maghahanda ng paraan para sa kanila upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang ipinag-uutos sa kanila” (1 Nephi 3:7). Tiyak na kabilang ang utos na magtrabaho para masuportahan ang sarili at pamilya sa mga utos na handa ang Panginoon na tulungan tayo upang masunod ito.

Para sa iba, tila nakakatakot ang hamon, tulad ng hamon kay Nephi nang sulyapan niya ang karagatang lampas pa sa abot-tanaw niya. Isang kabataan sa disyerto ang magiging manggagawa ng barko at magdaragat. Iyan ang pagbabago ng propesyon. Nagpaturo si Nephi at nagsimulang magtrabaho (tingnan sa 1 Nephi 17:8–11). Maging sa ngayon, pagpapalain tayo ng Panginoon habang patuloy tayong nagsasakripisyo at nagsisilbi sa kaharian at sumusulong nang may pananampalataya, batid na hindi tayo naglalayag nang mag-isa.

Mga Tala

  1. David O. McKay, Pathways to Happiness (1957), 381.

  2. Tingnan sa Gerald N. Lund, “Elder Henry B. Eyring: Molded by ‘Defining Influences,’” Liahona, Abr. 1996, 28.

  3. Tingnan sa Thomas S. Monson, “Mga Palatandaan ng Isang Maligayang Tahanan,” Liahona, Okt. 2001, 7.

  4. Thomas S. Monson, “Friend to Friend,” Friend, Okt. 1981, 7.

  5. Dieter F. Uchtdorf, “Makita ang Wakas Mula sa Simula,” Liahona, Mayo 2006, 43.

Tanawin sa likuran at mga paglalarawan ni Doug Fakkel; mga paglalarawan ni Welden C. Andersen, maliban kung iba ang nakasaad

Walang sinumang kailangang maglayag nang mag-isa sa magulong daigdig ng pagtatrabaho. Bukod sa mga lokal na lider ng Simbahan, ang mga dalubhasang tulad nito na nasa Mexico Employment Resource Center ay makapagbibigay ng mahalagang patnubay.

Tulad ng mga marinong sumusuong sa mga di-pamilyar na karagatan, makabubuti sa mga taong naghahanap ng trabaho na humingi ng payo sa mga taong nauna sa kanila roon.

Kaliwa: paglalarawan ni Matthew Reier