2009
Pagsamba sa Pamamagitan ng Pagpipitagan
Disyembre 2009


Pagsamba sa Pamamagitan ng Pagpipitagan

Ang pagpipitagan ay higit pa sa hindi pag-iingay. Kabilang sa taos-pusong pagpipitagan ang pakikinig, pagninilay-nilay sa mga bagay ng Diyos, at pagrespeto, pagmamahal, at paggalang sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo.

Larawan
Elder Robert C. Oaks

Ang payo ni Pangulong David O. McKay (1873–1970) ay nagbigay-linaw sa paksang pagpipitagan: “Ang pagpipitagan ay malalim na paggalang na may kahalong pagmamahal.”1 Ang pananaw na ito ay pinagyaman pa sa mga titik ng isang awitin sa Aklat ng mga Awit Pambata:

Paggalang, hindi lang katahimikan:

Ito’y pag-alala sa D’yos,

Nararamdaman ‘pag biyaya’y nakamtan.

Paggalang ay pagmamahal.2

Ang mga pangunahing salitang napakadalas makita sa mga banal na kasulatan na nauugnay sa pagpipitagan ay paggalang, pagmamahal, at papuri. Gamit ang mga pamantayang ito, makikita natin na ang pagpipitagan ay makikita sa nadarama ng puso, hindi lamang sa pagtitikom ng bibig.

Ang pagpipitagan ay mahalagang bahagi ng pagsamba. Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Ang pagsamba ay madalas makita sa mga kilos, ngunit ang tunay na pagsamba ay laging makikita sa takbo ng isipan.

“Ang pagsamba ay pumupukaw sa pinakamalalim na katapatan, pagmamahal, at paggalang. Ang pagsamba ay pinaghalong pagmamahal at pagpipitagan sa isang debosyong naglalapit sa ating espiritu sa Diyos.”3

Tiyak na ang pangunahing layunin sa pagpasok sa isang sambahan ay para mapalapit sa Diyos.

Habang pinag-aaralan natin ang buhay at mga turo ni Jesucristo at nagkakaroon ng pagpapahalaga sa kagila-gilalas na epekto —kapwa sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan—ng Kanyang Pagbabayad-sala sa ating buhay, natural na makadama tayo ng paggalang, pagmamahal, at papuri. Pagsunod sa ebanghelyo at Kristiyanong paglilingkod ang angkop na nagpapahayag ng mga damdaming ito pagkatapos. Ngunit kung walang pagpipitagan, hindi lubos ang pagpapahayag ng paggalang, pagmamahal, at papuri.

Habang pinag-iibayo natin ang pagpipitagan kay Jesucristo, mas nagiging huwaran natin sa buhay ang Kanyang perpektong halimbawa. Maraming aspeto ang ganitong pagpipitagan: pananampalataya na Siya ay buhay, pagtitiwala sa Kanyang ipinangakong mga pagpapala, at pagsunod sa mga pamantayan ng ebanghelyo. Ngunit isa sa pinakamahahalagang aspeto ang damdamin ng ating puso—ang paggalang, pagmamahal, at papuring nadarama natin sa Maykapal. Tayong mga gumagalang, nagmamahal, at nagpupuri sa Panginoon ay hindi kailanman gagamitin ang Kanyang pangalan sa walang kabuluhan at magiging asiwa tayo sa mapanghamak o walang saysay na mga biro tungkol sa Kanya. Sa halip, pinupuri at pinagpipitaganan natin ang ating Ama sa Langit at Siya na ating sinasamba bilang ating Panginoon at Tagapagligtas.

Nagbigay ang Panginoon ng malinaw na gabay ukol sa inaasahan Niyang pagpipitagan sa Levitico 19:30, kung saan sinabi Niya, “Ipangingilin ninyo ang aking mga Sabbath, at igagalang ninyo ang aking santuario: ako ang Panginoon.” Ang paggalang na ipinapakita natin sa Kanyang mga templo at kapilya ay pahiwatig ng pagpipitagan sa Kanya na dama natin sa ating puso. Ang antas ng ating paggalang, pagmamahal, at papuri sa Panginoon ay tuwirang nasasalamin sa ating pagpipitagan, na nakikita sa ating mga pag-uugali at kagandahang-asal.

Mga Pagpapala ng Pagpipitagan

Nagbigay ng nakawiwiling ideya si Propetang Joseph Smith tungkol sa pagpipitagan sa kanyang panalangin sa paglalaan ng Kirtland Temple noong 1836. Nanalangin si Joseph na nawa’y magsibalik ang mga nangagsisisi at “mapanumbalik sa mga pagpapala na inyong itinalagang ibubuhos sa mga yaong nagpipitagan sa inyo sa inyong bahay” (D at T 109:21). Binigyang-diin sa panalangin ng Propeta kung ano ang mga pagpapalang ito ng pagpipitagan: mga salita ng karunungan, kaganapan ng Espiritu Santo, makasihan sa paningin ng Panginoon, kapangyarihan ng Diyos, at kapatawaran (tingnan sa mga talata 14, 15, 21, 22, 34). Tunay ngang napakalaki ng kabayaran ng pagpipitagan!

Karamihan sa ating sinasabi sa Simbahan tungkol sa pagpipitagan ay kadalasang nakatuon sa pagtahimik sa mga sambahan, na labis na binibigyang-diin ang pagiging tahimik ng mga bata. Tunay na ang pagtahimik ay pangunahing bahagi ng pagpipitagan, ngunit ang lubos at malalim na kahulugan ng konsepto ng pagpipitagan ay higit pa sa pagiging tahimik at hindi magulo. Ang pagtahimik ay hindi nangangahulugan ng pagpipitagan.

Una sa lahat ang ating mga kapilya ay mga bahay-sambahan kung saan dapat tayong tahimik na maupo habang tumutugtog ang prelude music at magnilay-nilay sa ganda ng ipinanumbalik na ebanghelyo, ihanda natin ang ating mga puso at isipan para sa sacrament, at pagbulayin ang karingalan ng ating Ama sa Langit at kaluwalhatian ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Saan pa ba mas magandang pag-isipan ang gayon kasagrado at kahalagang mga bagay? Ang mga pagpapakitang ito ng ating pagsamba ay talagang may kalakip na pagpipitagan.

Ang ganitong mga pagkakataong sumamba ay mahalaga sa pagpapalakas ng ating pananampalataya at padadaluyin sa ating kaluluwa ang diwa ng patotoo at paghahayag. Ang katotohanang ito ay malinaw na naipakita sa akin isang araw ng Sabbath habang nakaupo ako at tinutugtog ang prelude music para sa sacrament meeting. Noon pa namin hangad ng aking asawa na espirituwal na matagubilinan sa isang partikular na katanungan sa aming buhay. Mabuti na lamang at dumating ang sagot sa pamamagitan ng napiling himno sa prelude. Bilang sagot sa magiliw na himig, malinaw na ipinadama ng Espiritu ang nararapat naming gawin. Nakalulungkot na bago pa natapos ang himno, bumaling sa akin ang katabi ko at kinausap ako, at mabilis na lumisan ang Espiritu. Ang yaman ng magiliw na paghahayag ay naputol ng kawalan ng pagpipitagan.

Mula sa karanasang ito nagkaroon ako ng natatanging pagpapahalaga sa kabanalan ng tahimik na sandali ng prelude. Binigyang-diin ni Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang katotohanang ito nang sabihin niyang, “Ang kawalan ng pagpipitagan ay akma sa mga layunin ng kaaway sa pagharang nito sa daluyan ng paghahayag kapwa sa isipan at espiritu.”4

Mga Sukatan ng Pagpipitagan

Hindi kumplikado ang mga sukatan ng pagpipitagan. Sa halip na tulutang lumihis ang ating isipan sa mga makamundong bagay, dapat nating turuan ang ating pag-iisip sa mga lugar at oras ng pagpipitagan na isipin ang mga bagay ng Diyos: ang karingalan ng Pagbabayad-sala, walang hanggang pamilya, ang Panunumbalik ng ebanghelyo sa kaganapan nito. Kabilang sa mga sukatang ito ng pagpipitagan ang pagdisiplina sa ating asal upang maipakita ang paggalang, pagmamahal, at papuri. Kabilang dito ang pananamit nang disente sa pinakamagaganda nating damit, na iniiwasan ang masyadong kaswal na kasuotang uso ngayon, at ang malakas na pagsasalita at magulong pag-uugali sa loob ng Simbahan. At kapag nasa loob ng kapilya, dapat nating hangaring mas “tumahimik,” lalo na sa oras ng pangangasiwa ng sacrament.

Ang hangaring magpitagan ay hihikayat sa ating planuhin nang maaga na maupo malapit sa may pintuan para tahimik tayong makalabas kung sakaling kailanganin nating umalis sa anumang kadahilanan. Ang pag-alis sa kalagitnaan ng serbisyo, lalo na habang may nagsasalita o iba pang pagtatanghal, ay nakagagambala sa nagsasalita at sa mga katabi ninyo. Bilang paggalang sa iba at sa Panginoon, dapat nating iwasan ang gayong wala sa oras na mga paggalaw.

Madalas nating iugnay ang pagpipitagan ng isang kongregasyon sa asal ng mga batang naroon. Totoo, ang mga batang musmos ay malaking hamon sa pagpipitagan. Ngunit ang unang tuntunin pagdating sa mga bata ay isama sila! Maaari silang turuan, maaari silang ilabas, at maaari silang ibalik sa pulong. At sa pagtuturo mas mabuting kaunting gamit lang sa pagsasanay sa bata ang dalhin sa Simbahan, tulad ng mga laruan at pagkain. Ang mga kongregasyon ng mga Banal sa mga Huling Araw ay karaniwang binibiyayaan ng maraming bata at kabataan, at dapat natin itong pasalamatan. Sila ang kinabukasan ng Simbahan.

Ang taos-pusong pagpipitagan ay mahalagang bahagi ng ating pagsamba sa ating Ama sa Langit at sa Panginoon. Sa lahat ng aktibidad at iniisip natin sa buhay bawat araw, nawa’y iwasan natin ang anumang kawalan ng pagpipitagan sa Kanila. Sa lahat ng ating aktibidad sa pagsamba, nawa’y hangarin nating palawakin at pagyamanin ang ating damdamin ng paggalang, pagmamahal, at papuri sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Ang mga damdaming ito ay tanda ng tunay na pagkatao ng isang Kristiyano.

Mga Tala

  1. David O. McKay, sa Conference Report, Abr. 1967, 86.

  2. “Paggalang ay Pagmamahal,” Aklat ng mga Awit Pambata, 12.

  3. Dallin H. Oaks, Pure in Heart (1988), 125.

  4. Boyd K. Packer, “Reverence Invites Revelation,” Ensign, Nob. 1991, 22.

Mga paglalarawan ni Cary Henrie