2012
Ibinaba ang Edad na Kailangan para Makapagmisyon
Nobyembre 2012


Ibinaba ang Edad na Kailangan para Makapagmisyon

Sa pagsisimula ng Ika-182 Ikalawang Taunang Pangkalahatang Kumperensya, ipinahayag ni Pangulong Thomas S. Monson na, simula ngayon, ang mga lalaki ay maaari nang magmisyon sa edad na 18 at ang mga babae sa edad na 19.

Pagkatapos, sa isang press conference, binigyang-diin ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang pagbabago ay isang opsiyon: “Ang mga kabataang lalaki at babae ay hindi dapat magsimulang maglingkod hangga’t hindi sila handa sa espirituwal at temporal,” sabi niya. Ang mga bagay na tulad ng pag-aaral, sitwasyon ng pamilya, at kalusugan ay mahalaga pa ring isaalang-alang sa pagdedesisyon kung kailan magmimisyon.

Ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang magiging mga missionary ay maaaring irekomenda ng kanilang bishop at stake president sa full-time service 120 araw bago sumapit ang kanilang ika-18 kaarawan o ang petsang maaari na silang umalis. Ang mga kabataang lalaki ay maaaring pumasok sa missionary training center (MTC) pagkatapos nila ng high school o ng katumbas nito at 18 taong gulang na sila. Ang mga babae ay maaaring pumasok pagtuntong ng kanilang ika-19 na kaarawan.

Pinakikiusapan ang magiging mga missionary na paghusayin ang kanilang paghahanda para sa misyon bago sila pumasok sa MTC.

“Pinabibilis ng Diyos ang Kanyang gawain,” sabi ni Elder Holland. “At kailangan Niya ng mas marami pang handa at karapat-dapat na missionary na magpapalaganap ng liwanag at katotohanan at pag-asa at kaligtasan ng ebanghelyo ni Jesucristo sa madalas ay madilim at nakatatakot na mundo.”

Sinabi ni Elder Holland na malamang na maragdagan pa ang mga mission.

Para mapagkasya ang inaasahang pagdami ng mga missionary sa mga misyon sa buong mundo, babawasan ng 1/3 ang mga araw ng pananatili ng lahat ng missionary sa mga MTC. Isang 12-linggong training course na ipinatupad kamakailan at isinasagawa sa mga misyon ang tutulong para lalo pang maihanda ang mga missionary.

Ang mga kabataang lalaki ay maaari na ngayong magmisyon sa edad na 18 at ang mga babae sa edad na 19, depende sa kanilang sitwasyon at sa pagpapasiya ng kanilang mga lider ng priesthood.

© 2004 IRI