2013
Susundin Ko ang Plano ng Ama sa Langit sa Pamamagitan ng Pagpapabinyag at Pagpapakumpirma
Hunyo 2013


Dalhin sa Tahanan ang Turo sa Primary

Susundin Ko ang Plano ng Ama sa Langit sa Pamamagitan ng Pagpapabinyag at Pagpapakumpirma

Magagamit ninyo ang aralin at aktibidad na ito para matutuhan pa ang iba tungkol sa tema ng Primary sa buwang ito.

Ikinukuwento sa Aklat ni Mormon ang isang grupo ng mga tao na nagtipun-tipon sa kagubatang tinatawag na Mormon. Gusto nilang marinig si Alma na magturo tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo. Pagkatapos silang turuan ni Alma nang maraming araw, tinanong niya sila kung gusto nilang makipagtipan na maglingkod sa Diyos at sundin ang Kanyang mga utos. Sinabi niya sa kanila na kung sila ay mabibinyagan, ang Espiritu Santo ay lalagi sa kanila (tingnan sa Mosias 18:7–10).

Nang marinig nila ito, masayang-masaya ang mga tao kaya “ipinalakpak nila ang kanilang mga kamay sa kagalakan” (Mosias 18:11). Mga 200 katao ang nabinyagan ni Alma sa mga Tubig ng Mormon. Itinuring ng mga taong ito na magandang lugar ang kagubatan ng Mormon dahil doon sila natuto tungkol sa Tagapagligtas at nabinyagan (tingnan sa Mosias 18:30).

Tulad ng mga tao ni Alma, masaya nating inaasam o inaalaala ang ating binyag. Tulad ng mga taong iyon, kapag nabinyagan tayo, nakikipagtipan tayo sa Diyos. Nangangako tayong susundin ang Kanyang mga utos at paglilingkuran Siya. Tinataglay natin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo at nagiging miyembro tayo ng Kanyang Simbahan. Kapag kinumpirma tayo, tinatanggap natin ang napakagandang pangakong tinanggap ng mga tao ni Alma: na ang Espiritu Santo ay mapapasaatin tuwina, kung susundin natin ang mga utos ng Diyos.

Paglalarawan ni Dani Jones