2013
Kailangan po Nating Magdasal—Ngayon na!
Hunyo 2013


Kailangan Po Nating Magdasal—Ngayon Na!

Jeffery R. McMahon, Alberta, Canada

Ang aming pamilya ay pauwi na mula sa isang linggong bakasyon sa Peace River, Alberta, Canada, mga limang oras ang layo sa aming tahanan sa Edmonton. Lumatag na ang gabi sa kahilagaan, at bagama’t malakas ang ihip ng hangin na may dalang niyebe sa dinaraanan namin, lahat ay tila payapa at panatag sa loob ng aming van.

Bigla na lang lumitaw ang ilaw na nagbababala sa may dashboard. Nakita ko na ito minsan noon, ilang taon na ang nakalipas, at nangamba ako ngayon sa mangyayari. Kaagad kong pinatay ang mga accesory sa sasakyan na kumukunsumo ng baterya, pero di-nagtagal namatay pa rin ang makina. Alam kong ilang kilometro na ang natahak namin mula nang madaanan namin ang huling bayan, at marami pang kilometro ang aming tatahakin bago namin marating ang susunod na bayan. Hindi ko na maalala kung kailan kami may huling nakitang sasakyan sa magkabilang direksyon.

Habang pinag-iisipan namin ang aming gagawin, ang aming 11-taong-gulang na anak na si Casson ay nagsabing, “Kailangan po nating magdasal—ngayon na!” Wala pang tatlong buwan ang nakalipas, labis na nalungkot si Casson sa pagkamatay ng kanyang nakababatang kapatid na lalaki dahil sa kanser. Ilang panalangin ang isinamo ni Casson sa langit habang sinisikap niyang maunawaan kung bakit nawala sa kanya ang kanyang kaisa-isang kapatid na lalaki?

Hindi kami nakatitiyak ng asawa ko kung gaano niya lubos na naunawaan ang paliwanag namin na kailangang nakaayon ang aming mga panalangin sa kalooban ng Ama sa Langit at hindi kinakailangang ayon sa sarili naming kagustuhan. Subalit ngayon heto siya, ipinapakita sa amin na kailangan naming manalangin sa Ama sa Langit at patuloy na sumampalataya sa Kanya.

Hindi nagtagal matapos magdasal, nagsimulang magliwanag ang mga headlight ng papalapit na sasakyan sa aming rearview mirror. Sa loob ng ilang segundo tumigil sa aming harapan ang isang mahabang flatbed truck patungong Edmonton.

Habang papalapit kami ng drayber sa isa’t isa, itinanong niya sa punto ng isang French Canadian, “May kasama ba kayong mga bata sa van na iyan?” Nang sabihin kong oo, sinabi niyang may nadaanan siyang isa pang nakahintong sasakyan ilang milya na ang layo pero hindi siya huminto dahil masama ang panahon. Gayunman, habang papalapit na siya sa amin, nakadama siya ng malinaw na impresyon na may mga anak kami na nangangailangan ng kanyang tulong. Dahil dito, huminto siya.

Ilang minuto pa naikabit na niya ang aming sasakyan sa kanyang trak para mahila ito, at patungo na kami sa Edmonton. Iyon ay isang malamig na paglalakbay pauwi, ngunit napasigla kami ng magiliw na patunay na talagang dinirinig ng Ama sa Langit ang mga panalangin. Kung minsan dumarating ang sagot sa mga paraang hindi natin inaakala, at kung minsan ang sagot ay mas malakas at tuwiran kaysa maaaring maisip natin. Kailangan lang nating manampalataya at magtiwala sa Panginoon.