2013
O Kaydakila ng Plano ng Ating Diyos!
Hunyo 2013


O Kaydakila ng Plano ng Ating Diyos!

Noong panahong labis na namimighati at nalulungkot ang aking puso, ang kaalaman ko sa ebanghelyo ang nagbigay ng kumpiyansa sa akin na sumulong.

Larawan
two young men in white

Mga paglalarawan ni Cynthia Clark

Lumaki ako sa isang lugar kung saan hindi gaanong kilala ang Simbahan—isang bayan na tinatawag ngayong Berkh, sa hilagang Mongolia. Ako ang pangalawa sa tatlong anak na lalaki, at sa paglaki namin, lagi kaming magkakasama. Nang pumunta ang kuya ko sa lungsod para mag-aral, labis akong nangulila sa kanya. Pagkalipas ng dalawang taon, umuwi siya sa bahay sa panahon ng tag-init para magbakasyon. Noong tag-init na iyon nagpunta ang aming pamilya sa mabatong kaburulan para mangaso sa loob ng tatlong buwan. Isa ito sa pinakamagagandang bakasyon sa tag-init sa aking buhay.

Sinimulang ikuwento sa akin ng kapatid ko ang tungkol sa isang simbahan na inaniban niya na tinatawag na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Noong panahong iyon hindi ko gusto ang mga simbahang Kristiyano, kaya hindi ko gaanong pinansin ang mga ikinuwento niya sa akin.

Isang araw ng taglagas pagkauwi namin mula sa pangangaso nalaman namin na may ilang bisita kami mula sa lungsod. Sila ay mula sa Simbahang ikinukuwento ng aking kapatid. Bumalik siya sa lungsod kasama nila nang gabing iyon. Kalaunan nalaman namin kung bakit siya umalis: nakatanggap siya ng tawag sa misyon. Hindi man lang niya sinabi sa amin na nagpadala siya ng application para magmisyon! Umalis kaagad ang kuya ko para magmisyon sa Estados Unidos ng Amerika.

Naniwala sa Ebanghelyo

Nang sumunod na taon, nang makatapos ako ng hayskul, pumunta ako sa lungsod para mag-aral sa isang unibersidad. Ang pamilyang tinirhan ko ay mga miyembro pala ng Simbahan. Isang Linggo ng umaga inanyayahan nila akong magsimba kasama nila. Dahil marami akong narinig tungkol sa Simbahang ito, ipinasiya ko na susubukan kong magsimba kahit minsan lang.

Kalaunan, maraming beses na akong nagsisimba. Talagang nakadarama ako ng kapayapaan sa tuwing naroroon ako. Mababait ang mga tao roon, at palagi nila akong kinakamayan. Ang Simbahan ay kaiba sa inakala ko noon. Di nagtagal tinuruan na ako ng mga misyonero. Tinuruan ako ng mga misyonero nang halos dalawang taon.

Alam ko na gusto kong magpabinyag, ngunit kailangang ipagpaliban ang aking binyag dahil nahihirapan akong sundin ang Word of Wisdom. Mahirap para sa akin, pero kalaunan handa na akong magpabinyag. Mapalad ako na mabinyagan ng kuya ko, na kauuwi lang mula sa kanyang misyon ilang buwan bago iyon. Kapag naaalala ko ang sandaling iyon ngayon, naiiyak ako kung minsan. Iyon ang pinakamasayang sandali sa buhay ko.

Matapos akong sumapi sa Simbahan, halos araw-araw nagkukuwento ang kapatid ko tungkol sa gawaing misyonero. Lagi niya akong hinihikayat na magmisyon. Sa tulong niya, pinunan ko ang aking mission application. Hindi ko kailanman malilimutan na napakasaya naming magkapatid noon.

Larawan

Isang Nakakatakot na Karanasan

Isang gabi tinawagan ako ng kuya ko na pumunta at magkita kami pagkatapos ng kanyang trabaho. Gusto niya akong kausapin tungkol sa ilang bagay na may kinalaman sa aking misyon. Nagtakda kami ng oras na magkikita sa central square.

Sa panahong ito may nagaganap na parliamentary election sa Mongolia. Nang magkita kami sa central square, nagdaraos ng demonstrasyon ang mga mamamayan dahil sa halalan. Naroon ang mga pulis, pero naging marahas at nakakatakot ang demonstrasyon, at nagkaroon ng matinding kaguluhan. Isang malaking gusali at ilang kotse ang sinunog, at naghihiyawan ang mga tao. Nakakatakot iyon.

Nagkita kaming magkapatid malayo sa pinagdarausan ng demonstrasyon, pero nag-alala siya. Binigyan niya ako ng perang pamasahe sa taxi at sinabihang umuwi kaagad. Sinabi niya sa akin na makikita ko siya kinabukasan. Nagplano siyang bumalik sa kanyang tahanan, na malapit sa pinagtatrabahuhan niya. Dumating ang taxi, at nagpaalam agad kami sa isa’t isa bago ako umalis.

Di nagtagal nalaman ko na ipinasara ng gobyerno ang lahat ng daan dahil sa kaguluhan. Dahil hindi ako nakauwi sa bahay, na nasa labas ng lungsod, ginugol ko ang gabing iyon sa pinagtatrabahuhan ko. Nakikita sa lahat ng dako ang mga sasakyan ng militar at mga armadong sundalo. Lalong lumala ang pag-aaway, at nang gabing iyon idineklara ang state of emergency. Tumagal ito nang apat na araw.

Nang matapos ang state of emergency, dumating ang bayaw ko para sunduin ako. Dumating kami sa kanyang tahanan at inabutang naghihintay ang lahat ng aming kamag-anak doon. Lahat sila ay umiiyak. Nalaman ko na nabaril ang kuya ko habang naglalakad siya pauwi.

Parang sasabog ang puso ko. Namatay ang kapatid ko sa edad na 24 dahil sa demonstrasyong iyon. Ang sumunod na mga araw matapos mamatay ang aking kapatid ay isa sa pinakamalalagim na pangyayari sa buhay ko.

Sa mahirap na panahong ito natanggap ko ang aking tawag sa misyon. Matapos ang aking pagbabalik-loob, binyag, at paghahanda sa misyon kasama ang aking kapatid, naiwan akong mag-isa na binubuksan ang aking mission call. Sa gulat ko, tinawag akong maglingkod sa sarili kong bansa.

Dahil nag-iisa ako, lumuhod ako agad at nagdasal na nagpapasalamat sa aking Ama sa Langit. At ipinagdasal ko ang aking kapatid. Umiyak ako nang umiyak habang nagdarasal ako. Sa panahong ito, na labis ang sakit at lungkot sa puso ko, mas lalong pinatotohanan ng Espiritu sa akin ang plano ng kaligtasan, at lumakas ang pananampalataya ko.

Larawan

Kaliwa pakanan: Amarsanaa at kanyang mga kapatid, Dorjsuren at Amarsaikhan

Isang Patotoo sa Kanyang Plano

Kahit hindi ko na kasama ang kuya ko sa pagbubukas ng aking mission call, lagi akong magpapasalamat sa kanya. Nagpapasalamat din ako na ibinigay ng Diyos ang plano ng kaligtasan sa atin sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ito ang pinakakahanga-hangang plano sa lahat. Kung susundin natin ang planong ito, madarama natin ang kapayapaan sa ating puso.

Sinasabi sa atin ng mga banal na kasulatan: “O kaydakila ng plano ng ating Diyos! Sapagkat … ang paraiso ng Diyos ay tiyak na palalayain ang mga espiritu ng mabubuti, at ang libingan ay palalayain ang katawan ng mabubuti; at ang espiritu at katawan ay magsasamang muli sa sarili nito, at lahat ng tao ay magiging walang kabulukan, at walang kamatayan, at sila ay mga buhay na kaluluwa” (2 Nephi 9:13).

Alam ko na buhay ang kapatid ko sa daigdig ng mga espiritu. Ang kaalamang ito ay nagbibigay sa akin ng pagtitiwalang kailangan ko para pagbutihin ang aking misyon. Alam ko na makakasama ko siya sa mahihirap na sandali—at gayundin ang Panginoon.