2014
Tama o Mali?
Abril 2014


Tama o Mali?

Kung minsan mahirap malaman kung ano ang tama at mali, ngunit binigyan tayo ng ating Ama sa Langit ng makapangyarihang mga kaloob na tutulong sa atin na matukoy ang katotohanan ng Diyos at mga kasinungalingan ni Satanas.

Kung nakakuha ka na ng isang pagsusulit na may mga tanong na sasagutin ng tama o mali, alam mo na kung minsan ay mahirap matukoy ang isang kasinungalingan. Gayundin, sa mahahalagang tanong tungkol sa pananampalataya, paniniwala, at araw-araw na pamumuhay, bagama’t lubhang mahalagang malaman ang kaibhan ng tama at mali, hindi ito laging madali.

Gayunman, hindi tayo kailangang matakot na tulad ng mga hindi handang kumuha ng pagsusulit. Biniyayaan tayo ng ating Ama sa Langit ng maraming kaloob para tulungan tayong makilala ang Kanyang mga katotohanan at ang mga kasinungalingan ng kaaway.

Iba’t Ibang Uri ng Kasinungalingan

Una, para mailarawan ang isang punto, narito ang isang quiz na sasagutin ninyo ng tama o mali:

  1. Ang buwan ay berde. tama   mali

  2. Sinabi ni Neil Armstrong, ang astronaut ng Apollo 12 na siyang unang tao na naglakad sa buwan, na ang kaganapan ay isang “napakalaking tagumpay para sa sangkatauhan.” tama   mali

  3. Ang National Aeronautics and Space Administration (NASA) program ay hindi makapunta sa planetang Mars noong 1969, kaya kinailangan nilang magpunta sa buwan. tama   mali

  4. Ang mga solar wind, radiation, cosmic ray at iba pang mga hadlang ay naging dahilan sana para hindi makalapag ang tao sa buwan, at ang mga retrato ay mukhang binago at ang salaysay ng mga saksi ay hindi magkakatugma sa ilang detalye, kaya maaaring gawa-gawa lang ng pamahalaan ng Estados Unidos ang lahat. tama   mali

Ang sagot sa bawat tanong ay Mali, at ang mga tanong na ito ay kumakatawan sa ilang pangunahing uri ng kasinungalingan na maaari ninyong makaharap.

Ang Tanong 1 ay simpleng kasinungalingan, malinaw na mali. Ang Tanong 2 ay may bahagyang katotohanan, na nakalilinlang, dahil inihalo ang isa o mahigit pang katotohanan sa isang kamalian (Apollo 11 iyon, hindi Apollo 12—naisahan kayo!). Ang Tanong 3 ay naglalaman ng maling dichotomy, o isang sitwasyon kung saan dalawang opsiyon lang ang inilahad pero hindi naman talaga iyon lang ang mga opsiyon (maaari namang piliin ng NASA na hindi pumunta kahit saan, halimbawa). Ang Tanong 4 ay isang “makatwirang” paliwanag, na nakabatay sa tila makatwirang pananaw ngunit kadalasan ay maling katibayan upang humantong sa maling konklusyon.

Mga Makabagong Kasinungalingan

Pagdating sa mga bagay na nakaiimpluwensya sa inyong mga iniisip, paniniwala, pagpili, at pag-uugali—mga bagay na maaaring may mga walang-hanggang bunga—makabubuting hanapin ang iba pang uri ng mga kasinungalingan, dahil gagamitin ni Satanas, na “ama ng kasinungalingan” (2 Nephi 9:9), ang anumang paraan para malinlang niya tayo. Narito ang ilang halimbawa kung paano niya ito ginagawa ngayon, at narito rin ang mga halimbawa kung paano tayo makakatugon ayon sa katotohanan.

Simpleng Kasinungalingan

Maling Ideya:

Saan Ito Humahantong (Malaking Kasinungalingan):

Ang Katotohanan:

Ang pornograpiya ay normal at hindi sinasaktan ang sinuman.

Humayo at manood ng pornograpiya.

Ang pornograpiya ay sumisira sa ating pananaw ukol sa seksuwalidad, maaari itong makalulong, matindi ang espirituwal na pinsalang dulot nito sa atin, at maaari itong makasira sa mga relasyon.

Bahagyang Katotohanan

Maling Ideya:

Saan Ito Humahantong (Malaking Kasinungalingan):

Ang Katotohanan:

Bawat tao ay kakaiba at mapipili niya kung paano siya mamumuhay, kaya ang pakiramdam at pagpapahayag ninyo sa inyong sarili ang pinakamahahalagang bagay sa inyong buhay.

Hindi ninyo dapat hayaang sabihin sa inyo ng Diyos o ng Simbahan kung paano mamuhay, kaya humayo at gawin ang nais ninyo kung maganda ang pakiramdam ninyo tungkol dito.

Bawat isa sa atin ay isang walang katulad na anak ng Ama sa Langit, na naghahangad na maging pinakamabuti tayo at maging katulad Niya. Ang pagsunod sa Kanyang mga utos ay magbibigay sa atin ng lubos na kagalakan.

Maling Dichotomy (Dalawang Opsiyon Lamang)

Maling Ideya:

Saan Ito Humahantong (Malaking Kasinungalingan):

Ang Katotohanan:

Ang Simbahan ay nangangaral laban sa ilang uri ng pamumuhay; samakatwid, hindi ito mapagparaya at namumuhi sa mga tao—hindi ito umuunawa at nagmamahal.

Dahil ang Simbahan ay hindi mapagparaya at namumuhi, nararapat itong pintasan, batikusin, at isumpa, kaya dapat kang tumigil sa pakikisama rito.

Ang hindi pagtanggap sa pamumuhay ng iba ay hindi katulad ng pagkapoot at hindi pagpaparaya. Maaari tayong magpakita ng habag, respeto, at kabaitan sa lahat—pati na sa mga tao na ang uri ng pamumuhay ay salungat sa mga batas ng Diyos—habang nananatiling tapat sa Diyos at sa Kanyang mga utos.

“Makatwirang” Paliwanag

Maling Ideya:

Saan Ito Humahantong (Malaking Kasinungalingan):

Ang Katotohanan:

May ilang bagay sa Aklat ni Mormon na pinabubulaanan ng kasalukuyang katibayan ng siyensya, at ang mga salaysay kung paano ito isinalin ay hindi pare-pareho, kaya maaaring ito ay gawa-gawa lang o kinopya ni Joseph Smith mula sa kung saan.

Ang Aklat ni Mormon ay hindi totoo at si Joseph Smith ay hindi isang propeta, kaya tumigil na kayo sa pakikisama sa Simbahan.

Pinagtitibay ng siyensya ang maraming bagay sa Aklat ni Mormon, at ang “katibayan” laban dito ay mali. Ngunit ang pinakamahalagang katibayan nito ay ang patotoo ng Espiritu na nagsasabi sa inyo na ito ay totoo at na si Joseph Smith ay isang tunay na propeta.

Paano Malalaman ang Katotohanan

Kaya saan nanggagaling ang mas kumpletong pananaw ukol sa katotohanan? Paano natin makikita nang malinaw ang mga kasinungalingan? Narito ang ilan sa mga makapangyarihang kaloob na bigay ng Ama sa Langit sa atin para matukoy ang mabuti sa masama.

  • Ang Liwanag ni Cristo. “Ang Liwanag ni Cristo ay … hinihikayat … ang lahat ng taong may isip sa buong mundo na makilala ang mabuti sa masama, ang tama sa mali. Pinasisigla nito ang inyong budhi.”1

  • Ang Espiritu Santo. “Ang Espiritu ng katotohanan … ay papatnubayan … kayo sa buong katotohanan” (Juan 16:13).

  • Mga Banal na Kasulatan. “Ginagamit ng Diyos ang banal na kasulatan para iwasto ang maling kaisipan, mga maling tradisyon, at kasalanan at mga pinsalang dulot nito.”2 Ang Aklat ni Mormon ay lalong mahalaga ukol dito, sapagkat “inilalantad nito ang mga kaaway ni Cristo. Nililito nito ang mga maling doktrina at inaalis ang pagtatalo. (Tingnan sa 2 Ne. 3:12.)”3

  • Mga makabagong propeta. “Ang [tungkulin ng isang propeta] ay ipaalam ang kalooban at tunay na katangian ng Diyos sa sangkatauhan. … Binabatikos ng isang propeta ang kasalanan at inihahayag niya ang kahihinatnan nito.”4

  • Edukasyon. “Ang isang banal … ay naghahangad na matuto sa pamamagitan ng pag-aaral, at gayon din sa pagsampalataya. Ang edukasyon … ay binibigyang-kakayahan ang isang tao na mahiwatigan ang katotohanan sa kamalian, lalo na sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan. (Tingnan sa D at T 88:118.)”5

Kahit hindi laging madaling sumagot ng Tama o Mali kapag naharap sa lahat ng iba’t ibang ideya, ang mga kaloob na ibinigay sa inyo ng Ama sa Langit ay matutulungan kayong makapasa sa pagsubok.

Mga Tala

  1. Richard G. Scott, “Katahimikan ng Budhi at Kapayapaan ng Isipan,” Ensign o Liahona, Nob. 2004, 15.

  2. D. Todd Christofferson, “Ang Biyaya ng Banal na Kasulatan,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 33.

  3. Ezra Taft Benson (1899–1994), “The Book of Mormon Is the Word of God,” Ensign, Mayo 1975, 64.

  4. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Propeta,” scriptures.lds.org.

  5. Russell M. Nelson, “Thus Shall My Church Be Called,” Ensign, Mayo 1990, 16.