2015
Hindi Nalipat
Hunyo 2015


Hindi Nalipat

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Nagkamali yata ang mission president ko—ano pa ang matututuhan ko kung magtatagal pa ako sa lugar na ito?

Larawan
illustration of luggage

Larawan ng pinto na kuha ng gracethang/iStock/Thinkstock; larawan ng maleta na kuha ng monticello/iStock/Thinkstock

Nilisan ko ang aming tahanan sa NanTze, Taiwan, para maglingkod bilang full-time missionary sa hilagang California noong 2005. Nadestino kaming magkompanyon sa lugar na maliit lang kaya nakatok naming magkompanyon ang mga pintuan ng bawat kalye sa kabayanan sa loob ng apat at kalahating buwan. Mahirap ang gawaing misyonero, at madalas kaming sigawan ng mga tao. Kakaunti ang mga investigator namin. Sa tingin ko walang patutunguhan ang gawain doon. Pagkaraan ng mga apat na buwan, handa na akong umalis. Kumbinsido ako na malilipat ako.

Linggo ng gabi naghintay ako sa tabi ng telepono hanggang sa tumawag ang zone leader ko. Nang ireport niya na anim na linggo pa akong mananatili sa lugar na iyon, hindi ako makapaniwala sa narinig ko. Inisip ko na may mali yata!

Ang sumunod na linggo ay hindi naging produktibo para sa akin at siguro pati na sa kompanyon ko at sa mga taong nasa aming pangangalaga. Hindi ko matanggap na tama ang desisyong iyon. Gayunpaman, pinilit kong ngumiti tuwing may kaharap o kausap kami, pero nanatiling malungkot ang aking kalooban. May pagmamataas ko pa ring sinabi sa sarili ko na wala ako sa dapat kong kalagyan. Umasa pa rin ako na tatawagan ako ng mission president ko at sasabihin sa akin na ililipat ako sa ibang lugar.

Paano Ako Muling Nakatiyak

Nang sumunod na Linggo ng umaga habang atubili akong naghahandang magsimba, tumunog ang telepono. Ang mission president pala. Binati niya ako tulad ng dati sa mabait at taos-pusong tinig at saka sinabing, “Sister Cho, kahapon sa tanghalian naisip kita at nadama ko na kailangan kitang tawagan para ipaalam sa iyo na ikaw ay nasa tamang lugar. Nasa lugar ka na dapat mong kalagyan.” Napaluha ako nang marinig ko ang kanyang sinabi.

Pinasalamatan ko siya at ibinaba ko ang telepono. Nang magsimula akong umiyak, naging napakalinaw sa akin na may mga gawain pa akong dapat tapusin sa aming lugar. Alam ko rin na alam ng aking Ama sa Langit ang mga iniisip at pagkainis ko. Naunawaan Niya ang aking kahinaan, at ipinadala ang Kanyang lingkod upang bigyan akong muli ng katiyakan.

Matapos ang tawag na iyon sa telepono, naghanda akong tanggapin ang aking kalagayan at magsumigasig. Ipinagdasal kong patatagin ako sa bawat araw, na hinihiling na makita ko nang mas malinaw kung paano ko magagawa ang inaasahan sa akin ng Panginoon. Nang sumunod na limang linggo, nasaksihan naming magkompanyon ang maraming himala nang sumampalataya kami nang sapat para magsumigasig. Isang handang-handa nang investigator ang lumipat sa aming lugar at nabinyagan bago kami naglipatan.

Pinapasok din kami sa tahanan ng mga taong dati-rati ay ayaw kaming patuluyin. Maraming bago kaming nakilalang mga tao na nahihirapan at pinagpala kaming ibahagi sa kanila ang nakapapanatag na mga salita ng Diyos. Bagama’t hindi ipinasiya ng ilan na magpabinyag, hinding-hindi ko malilimutan ang kanilang masasayang mukha o kung paano inantig ng Espiritu at ng pag-ibig ng Diyos ang puso nila—at puso ko.

Ang Natutuhan Ko

Natutuhan ko na totoong alam ng Panginoon ang nangyayari sa bawat isa sa atin; hindi Niya isinusugo ang Kanyang mga missionary saanmang lugar nang walang dahilan. Natutuhan ko na kapag itinalaga tayo sa isang lugar, nais ng Panginoon na gawin tayong mga kasangkapan doon sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain. Kapag ipinabahala natin sa Kanyang mga kamay ang ating buhay, nangyayari ang mga himala at lumalambot ang mga puso, kahit hindi natin nakikita kung paano ito nangyayari.

Ang mahalaga, nalaman ko na ang mission president ko, tulad ng iba pang mga lider ng Simbahan, ay talagang tinawag ng Diyos na maging Kanyang lingkod. Pinapagindapat ng Panginoon ang ating mga lider na tumanggap ng paghahayag at inspirasyon na kailangan natin para sa kapakanan ng ating kaluluwa.

Walang hanggan ang pasasalamat ko sa aking mga karanasan dahil hindi ako nalipat.