2016
Pananampalataya, Pag-asa, at Pag-ibig sa Kapwa: Magkakahalong Katangian
Disyembre 2016


Pananampalataya, Pag-asa, at Pag-ibig sa Kapwa: Magkakahalong Katangian

Kapag pinaghalo natin ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa sa ating pang-araw-araw na buhay, nagiging tunay na mga alagad tayo ng Tagapagligtas na si Jesucristo.

Larawan
rope and blocks

Larawan mula sa iStock/Thinkstock

Kahit medyo maikli ang aklat ni Moroni sa Aklat ni Mormon, na 10 kabanata lamang, nagbibigay ito ng isang napakagandang payo. Sina Moroni at Mormon ay parehong nagtuturo ng mahahalagang alituntunin ng ebanghelyo. Habang kinukumpleto ni Moroni ang pagpapaikli ng kanyang ama sa Aklat ni Mormon, paulit-ulit niyang ginunita ang mga turo ng kanyang ama tungkol sa mga pagkakaugnay ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa. Malinaw na ginustong bigyang-diin nina Mormon at Moroni ang kahalagahan ng tatlong alituntuning ito.

Sa nauna kong mga pag-aaral ng Aklat ni Mormon, karaniwa’y itinuring kong building blocks ang tatlong alituntuning ito. Una muna ang pananampalataya, pagkatapos ay ang pag-asa, at pagkatapos ay ang pag-ibig sa kapwa. Parang makatwirang proseso ito. Habang lumalago ang ating pananampalataya, nag-iibayo ang ating pag-aaral at kaalaman, at sinisimulan nating ipamuhay ang alituntunin ng pag-asa. Ang magkahalong pananampalataya at pag-asa ay humuhubog at gumagabay sa atin na tularan ang pamumuhay ng Tagapagligtas, at nagsisimula tayong magtaglay ng mga katangian ng isang taong may pag-ibig sa kapwa.

Gayunman, sa mga pag-aaral nitong huli, naunawaan ko na ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa sa ibang paraan. Itinuturing ko na ngayon ang mga ito na magkakahalong magagandang katangian, na bawat isa ay may mahalagang papel sa pagpapalago at paglilinaw ng ating patotoo.

Gusto ng anak naming si Joy na lumikha ng mga hayop at bagay sa pamamagitan ng pag-iikit ng mga lobo. Nang pagmasdan ko siyang gawin ito isang araw, naisip ko kung paano nabubuo ang isang lubid sa pag-iikit-ikit ng ilang hibla. Nakatulong ito para mailarawan ko sa aking isipan ang bagong tuklas kong pagkaunawa sa pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa bilang mga hiblang nakaikit sa isa’t isa upang bumuo ng isang matibay na lubid.

Pananampalataya: “Magkakaroon Kayo ng Kapangyarihan”

Ang pananampalataya sa Ama sa Langit at sa Panginoong Jesucristo ay isang pundasyon ng lipunan at relihiyon hindi lamang sa pagtatamo ng buhay na walang hanggan kundi pati na sa ating buhay sa lupa. “At winika ni Cristo: Kung kayo ay magkakaroon ng pananampalataya sa akin, magkakaroon kayo ng kapangyarihang gawin kahit na anong bagay na kapaki-pakinabang sa akin” (Moroni 7:33). Ginamit ko ang kapangyarihang ito sa pamamagitan ng pagsampalataya nang maraming beses sa buhay ko. At umasa ako na malalagpasan ko ang ilang mahihirap na sandali sa pamamagitan ng pagsampalataya.

Habang nag-aaral ako sa Brigham Young University–Hawaii, nasa bagong kapaligiran ako at Ingles ang pangalawang wika ko. Mahirap iyon, at alam kong kailangan ko ng tulong sa pag-aaral kung gusto kong mapanatili ang scholarship ko. Kung wala ito, hindi ako makapagpapatuloy sa pag-aaral. Bukod pa rito, nangako ako na hindi ako mag-aaral sa araw ng Linggo.

Isang araw habang binabasa ko ang Doktrina at mga Tipan, isang partikular na talata ang tumatak sa aking isipan. Habang binabasa ko ang bahagi 109, talata 7, naraanan ko ang linyang ito: “Maghanap ng kaalaman maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya.” Ang talatang iyon ang naging susi sa tagumpay ko sa pag-aaral. Sa pagsampalataya at masigasig na pag-aaral nang anim na araw sa loob ng isang linggo, pinagpala ako sa aking pag-aaral. Nagtaka ang ilang kaklase ko kung paano ako pumapasa nang hindi nag-aaral sa araw ng Linggo, na tulad ng ginagawa nila. Nalaman ko na ang pagkatuto sa pamamagitan ng pagsampalataya ay kayang daigin ang maraming hamon.

Gayon din ang naranasan ko nang simulan kong magnegosyo. May nag-alok sa akin ng magandang trabaho, pero malamang na kailanganin kong magtrabaho sa araw ng Linggo. Nangako na ako na hindi ako magtatrabaho sa araw ng Sabbath. Sa huli, kinailangan kong tanggihan ang alok. Hindi ko maaaring ikompromiso ang pangako ko na panatilihing banal ang araw ng Sabbath. Tulad ng pangako ko sa kolehiyo, kalaunan ay nabiyayaan ako ng maraming iba pang pagkakataong magnegosyo nang hindi ako nakokompromiso kaya naiukol ko ang mga araw ng Linggo sa pagsamba sa Panginoon.

Habang lumilikha tayo ng ating kunwa-kunwariang lubid na nag-uugnay sa atin sa mga pagpapala ng langit, magsimula tayo sa isang matibay na hibla ng pananampalataya.

Pag-asa: “Ibabangon Tungo sa Buhay na Walang Hanggan”

Larawan
man standing in field

Mga larawan © Djorje_Stojilijkovic at urfinguss/Thinkstock

Maraming bagay tayong inaasahan: na umasenso tayo sa ating propesyon; na gumanda ang buhay ng ating mga anak; na matugunan natin ang mga inaasahan sa paglilingkod natin sa Simbahan; na manatili tayong malusog; na magkaroon tayo ng kailangan natin para buhayin at matustusan ang ating pamilya. Pero saan nagmumula ang pinakamataas na uri ng pag-asa, at saan tayo dadalhin nito?

Sabi ni Mormon, “Ako ay mangungusap sa inyo na nasa simbahan, na mga mapamayapang tagasunod ni Cristo, at na nagkaroon ng sapat na pag-asa kung saan kayo ay makapapasok sa kapahingahan ng Panginoon” (Moroni 7:3).

Habang patuloy tayong inaanyayahan ni Mormon na maging tunay na mga alagad ni Cristo, muli niyang binalikan ang paksang ukol sa pag-asa nang itanong niya, “At ano ito na inyong aasahan?” Pagkatapos ay sinagot niya ang napakahalagang tanong na ito: “Masdan, sinasabi ko sa inyo na kayo ay magkakaroon ng pag-asa sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo at sa kapangyarihan ng kanyang pagkabuhay na mag-uli, na ibabangon tungo sa buhay na walang hanggan, at ito ay dahil sa inyong pananampalataya sa kanya alinsunod sa pangako” (Moroni 7:41).

Ang ganitong uri ng pag-asa ay naiiba sa karaniwang pag-asa. Dumarating ang ganitong banal na pag-asa sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ito ay walang-hanggang pag-asa. Kung wala ang gayong pag-asa magsisimba tayo linggu-linggo nang hindi nalalaman na abot-kamay natin ang lahat ng kagila-gilalas na mga pagpapalang ito. Sa pamamagitan ni Cristo magagabayan tayo ng ating pag-asa pabalik sa ating Ama sa Langit at tungo sa buhay na walang hanggan.

Sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya kamakailan, sinabi ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Tinulutan [ng Ama] ang Kanyang Anak na maglaan, sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, ng pag-asa na umaaliw sa atin kahit gaano kahirap ang daan pauwi sa Kanya.”1 Sa pamamagitan ng pag-asa makikita natin ang mga pagpapala at pagkakataong naghihintay sa atin habang nananatili tayong tapat sa ebanghelyo ni Jesucristo at pinaglilingkuran natin Siya nang buong puso, kakayahan, isipan, at lakas.

Sa pag-unawang iyan, idagdag natin ang susunod na hibla sa ating lubid, ang hibla ng pag-asa.

Pag-ibig sa Kapwa: Ipinagkakaloob sa mga Tunay na Alagad

Larawan
mother studying with child

Ang ikatlong magandang katangian para mas mapatibay pa ang ating lubid ay pag-ibig sa kapwa. Nagkakaroon tayo ng kaloob na pag-ibig sa kapwa sa pamamagitan ng ating taos-pusong mga pagsisikap na tularan ang Tagapagligtas. Gayunman, ang kaganapan ng kaloob na ito ay ipinagkakaloob sa atin ng Diyos kapag masigasig natin itong hinangad sa panalangin. Sa pagsunod natin sa Kanya na nagbigay sa atin ng buhay, natututuhan natin ang tunay na kahulugan ng pag-ibig sa kapwa, “ang dalisay na pag-ibig ni Cristo” (Moroni 7:47).

Tulad ng itinuro ni Mormon, “Manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang kayo ay mapuspos ng ganitong pag-ibig, na kanyang ipinagkaloob sa lahat na tunay na mga tagasunod ng kanyang Anak, si Jesucristo; upang kayo ay maging mga anak ng Diyos” (Moroni 7:48). Bilang mapagpayapang mga alagad, maaaring nagtamo na tayo ng sapat na pag-asa, ngunit para mapagkalooban ng pag-ibig sa kapwa, kailangan nating maging tunay na mga alagad. Kung tayo ay tunay na mga alagad, magiging higit na katulad Niya tayo, na siyang layunin ng buhay.

Sa pagtatanim ng dalisay na pag-ibig ni Cristo sa ating puso, mas malamang na taglayin natin ang makadiyos na katangian na pag-ibig sa kapwa—ang paglingkuran pareho ang ating kapwa-tao at ang Diyos. “Kung ang isang tao ay maamo at may mapagpakumbabang puso, at kinikilala sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo na si Jesus ang Cristo, kailangang magkaroon siya ng pag-ibig sa kapwa-tao; sapagkat kung wala siyang pag-ibig sa kapwa-tao ay wala siyang kabuluhan; anupa’t kailangan niyang magkaroon ng pag-ibig sa kapwa-tao” (Moroni 7:44).

Ngayo’y may tatlo na tayong mahahalagang hibla at ating lubid. Tingnan natin kung paano nagtutulungan ang mga ito.

Nagtutulungan ang Tatlong Ito

“Kaya nga, kailangang magkaroon ng pananampalataya; at kung may pananampalataya ay kinakailangang may pag-asa rin; at kung may pag-asa ay kinakailangang mayroon ding pag-ibig sa kapwa-tao.

“At maliban kung mayroon kayong pag-ibig sa kapwa-tao, kayo ay hindi maaaring maligtas sa kaharian ng Diyos; ni kayo ay maliligtas sa kaharian ng Diyos kung kayo ay walang pananampalataya; ni kayo ay maliligtas kung kayo ay walang pag-asa” (Moroni 10:20–21).

Kapag pinagsama, ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa ay hindi na parang building blocks para sa akin; sa halip ay nakaikit na ang mga ito sa isa’t isa. Hindi tayo natatapos magpatatag ng pananampalataya, at pagkatapos ay nagkakaroon ng pag-asa, o matapos tayong magkaroon ng pag-asa, sa huli ay nagkakaroon tayo ng pag-ibig sa kapwa. Nagtutulungan ang mga ito. At habang nagkakaikit ang mga ito, nagtutulungang lahat ito sa paghubog ng ating pagkatao at patotoo.

Tala

  1. Henry B. Eyring, “Ang Mang-aaliw,” Liahona, Mayo 2015, 20.