2019
Mga Halaman ng Patotoo
Enero 2019


Mga Halaman ng Patotoo

Ano ba ang ibig sabihin ng magkaroon ng patotoo?

Larawan
Testimony Plants

Pumasok si Elisa sa klase ng Primary at umupo sa tabi ng kaibigan niyang si Armando.

“Welcome!” sabi ni Sister Russo. “Magsimula tayo sa pamamagitan ng isang awit.”

Sumabay si Elisa sa pagkanta ng kanyang klase. “[Ang pananampalataya ay] lalagong parang binhi: ‘Pag ‘tinanim ito” (Aklat ng mga Awit Pambata, 50).

Namigay si Sister Russo ng papel at mga krayola. “Isipin ang ating kinanta,” sabi niya. “Kapag itinanim ninyo ang binhi ng pananampalataya, lalago ito para maging patotoo. Ngayon ay idrowing ninyo kung ano ang itsura ng inyong patotoo kung halaman ito.”

Tumitig si Elisa sa kanyang blangkong papel. Ang lahat ay nagsimula nang magdrowing. Tiningnan ni Elisa ang drowing ni Armando. Ang kanyang halaman ay may tuwid na sanga na may maraming dahon. Mukha itong basil na lumalago sa balkonahe ng kanilang apartment. Siguro ay ganoon din ang itsura ng kanyang patotoo! Hinawakan niya ang kanyang krayola at nagdrowing ng isang katulad ng kay Armando.

“Buklatin sa inyong mga banal na kasulatan ang Alma 32,” sabi ni Sister Russo.

Binasa nila ang tungkol sa pagtatanim ng binhi sa kanilang mga puso at madama itong lumalago. Tiningnan ni Elisa ang kanyang halaman ng patotoo. May patotoo ba siya? Ano ba ang ibig sabihin noon? Gusto niyang magtanong pero masyado siyang nahihiya.

Nang matapos ang klase, lumapit si Sister Russo kay Elisa.

“Parang may gumugulo sa isip mo. May problema ba?” tanong ni Sister Russo.

Tiningnan muli ni Elisa ang kanyang drowing. “Hindi po ako sigurado kung may patotoo ako. Hindi ko po talaga alam kung ano ang ibig sabihin niyon.”

Magiliw na ngumiti si Sister Russo kay Elisa. “Okey lang iyan. Naaalala mo pa ba kung ano ang pananampalataya?”

tumango si Elisa. “Paniniwala sa isang bagay na hindi natin nakikita?”

“Tama!” sabi ni Sister Russo. “Ano ang ilang mga bagay na pinaniniwalaan mo?”

Madaling tanong iyon. “Naniniwala po ako sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Alam ko pong mahal Nila ako.”

Ngumiti si Sister Russo. “Kakabahagi mo lang ng iyong patotoo! Ang patotoo ay kung ano ang pinaniniwalaan mo tungkol sa ebanghelyo.”

Pinag-isipan ito ni Elisa. “May patotoo na po ako?”

“Oo!” Ipinakita ni Sister Russo ang kanyang mga banal na kasulatan. “At naaalala mo kung ano ang binasa natin ngayon? Pinalalago mo ang binhi sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay tulad ng pagsisimba. Pagkatapos ay mas lalakas ang iyong patotoo.”

Nadama ni Elisa na naunawaan niya. “Kaya po ba namin idinrowing ang mga patotoo bilang mga halaman?”

“Mismo. Dahil paunti-unti ang paglago ng mga halaman,” sabi ni Sister Russo. “Ang mga patotoo ay ganoon din. Kadalasan ay hindi ito dumarating nang minsanan. Paunti-unti ang paglago nito.”

Mas bumuti ang nadarama ni Elisa tungkol sa halamang idinrowing niya. Nang makauwi siya, isinulat niya ang “Aking Halaman ng Patotoo” sa tabi ng kanyang drowing. Inilagay niya ito sa tabi ng kanyang higaan. Alam niya na lumalago na ang kanyang patotoo. At gusto niyang magpatuloy sa pagsunod kay Jesus para mas lumago pa ito!