Library
Lesson 2: Ang Plano ng Kaligtasan


Lesson 2

Ang Plano ng Kaligtasan

Pambungad

Itinagubilin ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol sa mga religious educator na magbigay ng maikling buod ng plano ng kaligtasan bago simulan ang kursong pag-aaralan sa bawat taon:

“Ang maikling buod ng ‘plano ng kaligtasan’ … , kung ibibigay sa simula pa lang at babanggitin paminsan-minsan ay magiging napakalaking tulong sa mga estudyante ninyo” (“The Great Plan of Happiness” [mensahe para sa mga CES religious educator, Ago. 10, 1993], si.lds.org; tingnan din sa Teaching Seminary: Preservice Readings [Church Educational System manual, 2004], 68–74).

Ang lesson na ito ay nagbibigay ng maikling buod ng plano ng kaligtasan at nakapokus sa mahalagang tungkulin ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala sa planong iyan.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Ang ginampanan ni Jesucristo sa buhay bago ang buhay sa mundo

Bilang bahagi ng debosyonal, maaari mong sabihin sa klase na kantahin ang taludtod 1 at 4 ng “Ako’y Naniniwala kay Cristo” (Mga Himno, blg. 76) o isa pang himno tungkol sa Tagapagligtas. Simulan ang lesson sa pagtatanong ng:

  • Ano ang sasabihin ninyo kapag tinanong kayo kung bakit mahalaga sa inyo si Jesucristo?

Ipaliwanag sa mga estudyante na pag-aaralan nila sa lesson ngayon ang tungkulin ni Jesuscristo sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit. Sabihin sa kanila na alamin ang mga katotohanan sa pag-aaral nila ngayon na makatutulong sa kanila na mapalakas ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo.

Kopyahin ang sumusunod na chart sa pisara. Maaari mo ring ipamahagi ito sa mga estudyante bilang handout. (Kung mamamahagi ka ng mga handout, sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang mga chart nila habang kinukumpleto mo ang chart sa pisara.)

Larawan
handout, Jesus Christ chart

Si Jesucristo ang sentro sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit

Manwal ng Bagong Tipan para sa Seminary Teacher—Lesson 2

Buhay Bago ang Buhay sa Mundo

Buhay sa Mundo

Kabilang-buhay

Ituro na ang plano ng Ama sa Langit ay may tatlong yugto: (1) ang buhay bago ang buhay sa mundo, na sinundan ng ating pisikal na pagsilang; (2) ang ating buhay sa mundo; at (3) ang kabilang-buhay, na susunod sa ating pisikal na kamatayan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag, at sabihin sa klase na alamin ang mga limitasyon na nararanasan natin sa buhay bago ang buhay sa mundo.

“Nabuhay tayo bilang mga espiritung anak ng ating Ama sa Langit bago tayo isinilang sa mundong ito. Pero hindi tayo katulad ng ating Ama sa Langit, ni magiging katulad Niya at makakamtan ang lahat ng biyayang mayroon Siya kung hindi tayo mabubuhay bilang mortal na may pisikal na katawan.

“Ang buong layunin ng Diyos—Kanyang gawain at Kanyang kaluwalhatian—ay ang magawa nating tamasahin ang lahat ng Kanyang mga biyaya. Naglaan Siya ng perpektong plano para maisagawa ang Kanyang layunin. Naunawaan at tinanggap natin ang planong ito bago tayo naparito sa lupa. …

“Para umunlad at maging tulad ng Diyos, dapat magkaroon ang bawat isa sa atin ng pisikal na katawan para subukin sa panahon ng pagsubok” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero [2004], 52, 53).

  • Anu-ano ang mga limitasyon na naranasan natin sa buhay bago ang buhay sa mundo?

Ipaliwanag na nang ihayag ng Ama sa Langit ang Kanyang plano ng kaligtasan, nalaman natin na kailangan ng tagapagligtas para magawa ang planong ito. Si Lucifer, isa sa mga espiritung anak ng Ama sa Langit, ay sumalungat sa plano ng Ama sa Langit. Siya ay nakilala bilang si Satanas, isang salita sa wikang Hebreo na ang ibig sabihin ay “kaaway.”

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Moises 4:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang hinihingi ni Satanas sa Ama sa Langit.

  • Ano ang hinihingi ni Satanas sa Ama sa Langit?

  • Ayon sa talata 2, ano ang sinabi ng Ama sa Langit tungkol kay Jesucristo?

  • Ano ang piniling gawin ni Jesucristo? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan sa ilalim ng Buhay bago ang buhay sa mundo: Si Jesucristo ay pinili na bago pa man isilang sa mundo na maging Manunubos ng lahat ng tao.)

Ipaliwanag na matapos mapili si Jesucristo na isagawa ang plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit, nilikha Niya ang mundo kung saan tayo maaaring magkaroon ng pisikal na katawan at magtamo ng karanasan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Sa Mga Hebreo 1:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ginampanan ni Jesucristo sa paglikha ng mundo.

  • Ano ang ginampanan ng Tagapagligtas sa paglikha ng mundo? (Isulat sa pisara ang sumusunod na doktrina sa ilalim ng Buhay bago ang buhay sa mundo: Sa ilalim ng patnubay ng Ama sa Langit, nilikha ni Jesucristo ang mundo.)

Sabihin sa mga estudyante isipin ang kagandahan ng mundo. Maaari kang magpakita ng isa o higit pa na mga larawang nagpapakita ng kagandahan ng mundo.

  • Paano naapektuhan ang nadarama mo kay Jesucristo nang malaman mong nilikha Niya ang mundo, at ang milyun-milyon pang tulad nito?

Ang ginampanan ni Jesucristo sa buhay sa mundo

Ipaliwanag na dumaranas tayo ng karagdagang mga limitasyon o balakid sa buhay na ito na humahadlang sa atin na maging katulad ng Ama sa Langit at makabalik sa Kanyang piling. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag, at sabihin sa klase na alamin ang dalawang hadlang na nararanasan natin sa mortalidad.

“Sa mortalidad daranasin natin kapwa ang pisikal at espirituwal na kamatayan. Ang Diyos ay may perpekto, niluwalhati, at imortal na katawan na may laman at buto. Para maging tulad ng Diyos at makabalik sa piling Niya, dapat ay mayroon din tayong imortal na katawang may laman at buto. Pero dahil sa Pagkahulog nina Adan at Eva, bawat tao sa lupa ay may katawang mortal na hindi perpekto at sa bandang huli’y mamamatay. Kung hindi dahil sa Tagapagligtas na si Jesucristo, wala nang pag-asa ang lahat na makapiling ang Ama sa Langit balang-araw.

“Kaakibat ng pisikal na kamatayan, ang kasalanan ang pinakamalaking hadlang na pipigil sa atin na maging katulad ng ating Ama sa Langit at makabalik sa Kanyang piling. Sa ating mortal na kalagayan madalas tayong natutukso, lumalabag sa mga kautusan ng Diyos, at nagkakasala. … Kahit kung minsan ay parang kabaligtaran ang nangyayari, laging nauuwi sa kalungkutan ang kasalanan. Nagiging sanhi ng dusa at kahihiyan ang kasalanan. Dahil sa ating mga kasalanan, hindi tayo makababalik sa piling ng Ama sa Langit maliban kung napatawad at nalinis muna tayo.

“… Tulad ng pisikal na kamatayan, hindi natin madadaig ang epekto ng kasalanan nang mag-isa” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 55).

Ipaliwanag na bago isinilang si Jesus sa mundo, isang anghel ang nagpakita kay Jose sa panaginip nang malaman niya na nagdadalang-tao si Maria. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 1:21. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ipinahayag ng anghel kay Jose.

  • Ano ang sinabi ng anghel na gagawin ni Jesus? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na doktrina sa pisara sa ilalim ng Buhay sa mundo: Si Jesucristo ay naparito upang iligtas tayo mula sa ating mga kasalanan.)

  • Ano ang ginawa ni Jesucristo na nagligtas sa atin mula sa ating mga kasalanan?

Larawan
Nananalangin si Jesus sa Getsemani
Larawan
Ang Pagpapako sa Krus
Larawan
Si Maria at ang Nabuhay na Mag-uling si Jesucristo

Bakit Ka Umiiyak? © 2015 ni Simon Dewey. Ginamit nang may pahintulot mula sa Altus Fine Art, altusfineart.com.

Ipakita ang mga larawang Nananalangin si Jesus sa Getsemani, Ang Pagpapako sa Krus, at Si Maria at ang Nabuhay na Mag-uling si Jesus (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], mga blg. 56, 57, 59; tingnan din sa LDS.org). Ipaalala sa mga estudyante na ang pagdurusa, kamatayan, at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo ay ang kabuuan ng Pagbabayad-sala.

  • Ano ang kailangan nating gawin upang maligtas mula sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo? (Tingnan sa Mga Gawa 2:38).

Ang ginampanan ni Jesucristo sa kabilang-buhay

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang taong namatay na. Pagkalipas ng ilang sandali, itanong:

  • Ayon sa inyong pagkaunawa sa plano ng kaligtasan, nasaan ang kaluluwa ng mga taong namatay na? (Sa kamatayan, ang espiritu ng lahat ng tao ay pumapasok sa daigdig ng mga espiritu. Para mas maunawaan ng mga estudyante, maaari mong ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 40:11-14.)

Ipakita ang larawang Libing ni Jesus (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 58; tingnan din sa LDS.org). Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Ni Pedro 3:18–20; 4:6. Pagkatapos ay itanong:

  • Ano ang kaagad na ginawa ni Jesucristo pagkamatay Niya?

Larawan
Ang Libing ni Cristo

Ang Libing ni Cristo, ni Carl Heinrich Bloch. Sa kagandahang-loob ng National Historic Museum at Frederiksborg sa Hillerød, Denmark. Bawal kopyahin.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 138:18–19, 30–32. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ginawa ni Jesucristo upang maipangaral ang ebanghelyo sa daigdig ng mga espiritu.

  • Ano ang ginawa ni Jesucristo para maipangaral ang ebanghelyo sa daigdig ng mga espiritu?

  • Paano nailalarawan ng mga gawaing ito ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa lahat ng tao?

Ituro ang larawang Si Maria at ang Nabuhay na Mag-uling si Jesus (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 59; tingnan din sa LDS.org), at itanong sa klase:

  • Ano ang nangyari sa ikatlong araw matapos ang pagkamatay ng Tagapagligtas? (Siya ay nabuhay na muli.)

  • Ano ang ibig sabihin ng nabuhay na muli? (Ang espiritu at katawan ng isang tao ay muling magsasama, hindi na kailanman muling maghihiwalay [tingnan sa D at T 138:17].)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 15:20–22. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang epekto sa bawat isa sa atin ng Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo.

  • Paano tayo naaapektuhan ng Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na doktrina sa ilalim ng Kabilang-buhay: Dahil sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, lahat ng tao ay mabubuhay na muli.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Apocalipsis 20:12. Pagkatapos ay itanong:

  • Ano ang mangyayari sa atin kapag tayo ay nabuhay muli?

Ipaliwanag na ang aklat ng buhay ay kumakatawan sa iniisip at ikinikilos ng isang tao sa buhay na ito gayundin ang mga talaang iniingatan sa langit ng mabubuti (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Aklat ng buhay”). Bigyang-diin na hahatulan tayo hindi lamang ayon sa ating mga gawa kundi ayon din sa ating mga iniisip, mga salita, at mga pagnanais (tingnan sa Mosias 4:30; Alma 12:14; 41: 3; D at T 137: 9).

Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang Juan 5:22 sa margin ng kanilang mga banal na kasulatan na malapit sa Apocalipsis 20:12. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Juan 5:22 at alamin kung sino ang hahatol sa atin.

  • Sino ang hahatol sa atin? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na doktrina sa ilalim ng Kabilang-buhay: Si Jesucristo ang hahatol sa lahat ng tao.)

Ipaalala sa mga estudyante na ang pinakalayunin ng plano ng Ama sa Langit ay magbigay sa atin ng pagkakataong magtamo ng buhay na walang hanggan, o ng kadakilaan, na ang ibig sabihin ay makatulad ang Ama sa Langit at makapiling Siya magpakailanman bilang bahagi ng isang walang-hanggang pamilya. Maaari kang magpakita ng larawan ng iyong pamilya at ipaliwanag kung bakit mahalaga sa iyo na makapiling ang Ama sa Langit at ang iyong pamilya magpakailanman.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 3:16–17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang dapat nating gawin para matanggap ang buhay na walang hanggan.

  • Ano ang kailangan nating gawin para matanggap ang buhay na walang hanggan? (Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng maniwala sa Bugtong na Anak ay sumampalataya kay Jesucristo at mamuhay ayon sa Kanyang ebanghelyo, na kinapapalooban ng pagtanggap ng mga ordenansa sa templo.)

  • Anong alituntunin ang nakikita ninyo sa Juan 3:16? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin sa ilalim ng Kabilang-buhay: Kung mananampalataya tayo kay Jesucristo at mamumuhay ayon sa Kanyang ebanghelyo, makatatanggap tayo ng buhay na walang hanggan.)

Ipaalala sa mga estudyante ang itinanong ninyo sa simula ng klase. “Ano ang sasabihin ninyo kapag tinanong kayo kung bakit mahalaga sa inyo si Jesucristo?” Sabihin sa mga estudyante kung paano nila mas maipapaliwanag ang kanilang mga sagot batay sa natutuhan nila ngayon. Maaari mo ring pagbahagiin ang ilang estudyante ng kanilang patotoo tungkol kay Jesucristo at ang Kanyang bahagi sa plano ng Ama sa Langit. Maaari mong tapusin ang lesson na ibinabahagi rin ang sarili mong patotoo.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Si Jesucristo ay nakipagtipan na maging Manunubos

Habang naglilingkod sa Panguluhan ng Pitumpu, itinuro ni Elder Tad R. Callister na si Jesucristo ay pinili ng Ama sa Langit at nakipagtipan na gagawin ang Pagbabayad-sala sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit:

“Sa kapulungan sa langit bago tayo isinilang, nakipagtipan ang Tagapagligtas sa Ama na gagawin Niya ang Pagbabayad-sala. Isinulat ni John Taylor, ‘Ginawa ang isang tipan sa pagitan Niya at ng Kanyang ama, kung saan sumang-ayon Siya na magbayad-sala para sa mga kasalanan ng mundo’ [The Mediation and Atonement (1882), 97], at dahil dito nakilala siya bilang ang ‘Cordero na pinatay buhat nang itatag ang sanglibutan’ (Apocalipsis 13:8; tingnan din sa Moises 7:47)” (The Infinite Atonement [2000], 74).

Nabasa natin sa Abraham 3:27 na ipinakita ni Jesucristo na handa Siyang gawin ang Kanyang tungkulin bilang Manunubos nang sabihin Niyang, “Narito ako, isugo ako.” Ito ang itinuro ni Elder Neal A. Maxwell, ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa sinabi ni Jesucristo:

“Isa iyon sa mga espesyal na sandali na mas makabubuting gumamit ng iilang salita sa halip na marami. Hindi pa kailanman nangyari na ang isang tao, gamit ang iilang salita, ay nakagawa ng napakarami para sa lahat ng tao tulad ng ginawa ni Jesus nang Siya ay mapagkumbabang nag-alay ng Kanyang Sarili bilang pantubos para sa ating lahat” (Plain and Precious Things [1983], 53).

Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay tumutulong sa ating madaig ang kasalanan at kamatayan.

Ipinaliwanag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay nagtutulot sa atin na madaig ang mga ibinunga ng Pagkahulog nina Adan at Eva, pati na ang mga epekto ng sarili nating mga kasalanan:

“Bunga ng pagkakasala ni Adan, ang mga tao’y nawalay sa Diyos (tingnan sa Mga Taga Roma 6:23) at habampanahon maliban kung may makikitang paraan para madaig ang kamatayan. Hindi ito magiging madali, dahil kailangan dito ang sakripisyo alang-alang sa iba ng Taong walang bahid-dungis at makakaako sa mga kasalanan ng buong sangkatauhan.

“Salamat at magiting na isinagawa ni Jesucristo ang sakripisyong ito sa sinaunang Jerusalem. … Si Jesus ay kusang nagdusa nang sa gayon lahat tayo’y magkaroon ng oportunidad na mahugasan at maging malinis—sa pamamagitan ng ating pananampalataya sa kanya, pagsisisi sa ating mga kasalanan, pagkabinyag sa wastong awtoridad ng priesthood, sa pagtanggap sa nakadadalisay na kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng kumpirmasyon, at pagtanggap sa lahat ng iba pang kinakailangang ordenansa,” (“Ang Pagbabayad-Sala at ang Kahalagahan ng Isang Kaluluwa,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 84–85).

Si Jesucristo ang may pinakapangunahing bahagi o gagampanan sa plano ng kaligtasan.

Pinatotohanan ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang kahalagahan ni Jesucristo na siyang may pinakapangunahing bahagi o gagampanan sa plano ng kaligtasan:

“Ang Pagbabayad-sala [ni Jesucristo] ang pinakadakilang pangyayari sa kasaysayan ng sangkatauhan. Walang maaaring maihambing dito. Ito ang pinakapangunahing bahagi ng plano ng ating Ama para sa kaligayahan ng Kanyang mga anak. Kung wala ito, ang buhay sa mundo ay mawawalan ng kabuluhan, wala ni pag-asa o patutunguhan” (“Mga Kaisipang Nagbibigay-Inspirasyon,” Ensign, Set. 2007, 8; tingnan din sa Juan 3:16).

“Ginawa [ni Jesucristo] ang sanglibutan”

Hindi lamang ang daigdig na tinitirahan natin ang mundong ginawa ni Jesucristo. Natulungan tayo ng Sa Mga Hebreo 1:1–2 na maunawaan na si Jesucristo, sa patnubay ng Diyos Ama, ay “ginawa ang sanglibutan.” Inihayag sa aklat ni Moises na ang mga daigdig na Kanyang nilikha ay “di mabilang” (Moises 1:32–33).