Library
Unit 26, Day 4: I Kay Timoteo


Unit 26: Day 4

I Kay Timoteo

Pambungad

Si Apostol Pablo ay sumulat kay Timoteo, isang priesthood leader sa Efeso, at pinayuhan siyang tiyakin na naituturo ang totoong doktrina. Ipinaliwanag niya ang mga kwalipikasyon para sa mga bishop at mga deacon at pinayuhan si Timoteo na maging uliran o halimbawa ng mga nagsisisampalataya. Pinayuhan ni Pablo ang mga Banal na pangalagaan ang mga maralita at mga balo. Tinapos niya ang kanyang sulat sa pagtuturo na, “ang pagibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan” (I Kay Timoteo 6:10).

I Kay Timoteo 1–3

Tinagubilinan ni Pablo si Timoteo hinggil sa kanyang mga responsibilidad na pangalagaan ang Simbahan

Larawan
Pangulong Thomas S. Monson

Basahin ang sumusunod na pahayag na ibinigay ni Pangulong Thomas S. Monson: “Naalala ko ang karanasan ko maraming taon na ang nakalipas noong bishop ako. Sa opening exercises ng miting namin sa priesthood isang Linggo ng umaga, naghanda kami sa pag-ordena sa isang binatilyo sa katungkulan ng priest. Ang bisita namin sa ward nang araw na iyon ay isang high councilor na naglilingkod din bilang isang temple worker. Nang pauupuin ko na ang binatilyo na nakaharap sa kongregasyon para maisagawa namin ang ordenasyon, pinigilan ako ng high councilor at sinabing, ‘Bishop, palagi kong pinahaharap sa templo ang mga inoordena.’ Inayos niya ang silya upang sa direksyon ng templo humarap ang binatilyo. Agad kong natanto ang di-awtorisadong gawain” (“Opening Remarks” [worldwide leadership training meeting, Nob. 2010], lds.org/broadcasts).

Bilang bishop, si Pangulong Monson, sa halip na ang high councilor, ang may awtoridad na mamuno sa gawain ng Panginoon sa kanyang ward. Ano sa palagay mo ang gagawin ng bishop sa gayong sitwasyon? (Ang natitirang bahagi ng ikinuwento ni Pangulong Monson ay makikita kalaunan sa lesson na ito.)

Si Apostol Pablo ay sumulat kay Timoteo, isang bata pang priesthood leader sa Efeso. Sa sangay o branch ng Simbahan na pinamumunuan niya, naharap din si Timoteo sa hamong naranasan ni Pangulong Monson sa kuwentong binasa mo.

Basahin ang I Kay Timoteo 1:3–7, na inaalam ang responsibilidad na ibinigay ni Pablo kay Timoteo.

Ang salitang mga katha (talata 4) ay tumutukoy sa mga maling turo; ang pakikinig sa “mga kasaysayan ng mga lahi na walang katapusan” (talata 4) ay tumutukoy sa mga maling tradisyon na ang kaligtasan ay darating lamang sa mga piling binhi ni Abraham, na madalas kilala sa kanilang mahaba o walang katapusang talaangkanan; at ang “walang kabuluhang pananalita” (talata 6) ay tumutukoy sa walang kabuluhang pag-uusap.

Ayon sa I Kay Timoteo 1:6–7, bakit mahalaga para kay Timoteo na magampanan ang responsibilidad na ibinigay ni Pablo sa kanya?

Natutuhan natin mula sa mga itinuro ni Pablo na ang mga priesthood leader ay may responsibilidad na tiyakin na naituturo ang mga totoo at wastong doktrina.

Larawan
Pangulong Thomas S. Monson

Basahin ang nalalabing bahagi ng kuwento ni Pangulong Monson, na inaalam kung paano siya tumugon sa ginawa ng councilor: “Nakita ko na maaaring dumami pa ang gumawa nito [ang pagpapaharap sa tao sa direksyon ng templo]. Bagamat mas bata ako sa high councilor, alam ko ang nararapat gawin. Ibinalik ko ang silya sa dating posisyon nito na nakaharap sa kongregasyon at sinabi sa kanya, ‘Sa aming ward, nakaharap kami sa kongregasyon’” (“Opening Remarks,” lds.org/broadcasts).

  1. Sa iyong scripture study journal, isulat kung paano napagpapala ang mga miyembro ng Simbahan ng mga priesthood leader na nagsusumigasig na matiyak na naituturo ang totoong doktrina at mga tamang gawain sa Simbahan.

Nalaman natin sa I Kay Timoteo 1:8–11 na nagbabala si Pablo tungkol sa mga taong naghahangad na maging mga guro ng batas ng Diyos ngunit walang tamang pagkaunawa tungkol sa batas. Basahin ang I Kay Timoteo 1:12–16, na inaalam kung bakit nagpasalamat si Pablo kay Jesucristo.

Ayon sa talata 15–16, paano naging “halimbawa” si Pablo para sa lahat ng naniniwala kay Jesucristo?

Pinayuhan ni Pablo si Timoteo sa I Kay Timoteo 1:17–2:15 na maging matatag sa kanyang pananampalataya, at itinuro niya na si Jesucristo ang ating Tagapamagitan. Pinayuhan din ni Pablo ang kababaihan na manamit nang maayos at disente. Nabasa natin sa I Kay Timoteo 3 ang mga turo ni Pablo hinggil sa mga kwalipikasyon para sa mga bishop at mga deacon. Pansinin na ang mga deacon sa sinaunang Simbahan ay hindi 12 o 13-taong gulang na binatilyo, na karaniwan sa panahong ito.

I Kay Timoteo 4–5

Inilarawan ni Pablo ang mga katangian ng isang tapat na tagapaglingkod ni Jesucristo

Nabasa natin sa I Kay Timoteo 4:1–11 ang propesiya ni Apostol Pablo na “sa mga huling panahon” (talata 1) ay may ilang miyembro ng Simbahan na tatalikod sa pananampalataya at susundin ang mga maling turo at gawain, tulad ng hindi pag-aasawa. Pinayuhan ni Pablo si Timoteo na pangalagaan ang mga Banal gamit ang mga totoong doktrina.

Basahin ang I Kay Timoteo 4:12, na inaalam ang ipinayo ni Pablo na gawin ni Timoteo. Ang salitang pamumuhay sa talata 12 ay tumutukoy sa kilos o pag-uugali.

Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng maging “uliran ng mga nagsisisampalataya”?

Anong mga paraan ang ipinayo ni Pablo kay Timoteo upang maging uliran o halimbawa ng mga nagsisisampalataya?

  1. Isipin ang mga ipinayong paraan ni Pablo kay Timoteo upang maging uliran o halimbawa ng mga nagsisisampalataya (tingnan sa I Kay Timoteo 4:12). Pumili ng tatlo sa mga paraang iyon, at sa iyong scripture study journal, isulat kung paano magiging isang halimbawa ng mga nagsisisampalataya ang isang tao sa bawat isa sa mga paraang iyon.

Basahin ang I Kay Timoteo 4:13–16, na inaalam ang karagdagang payo na ibinigay ni Pablo kay Timoteo na makatutulong sa kanya na maging uliran ng mga nagsisisampalataya.

Tulad ng nakatala sa I Kay Timoteo 5, tinagubilinan ni Pablo si Timoteo kung paano dapat pangalagaan ng mga Banal ang mga nangangailangan, pati na ang mga balo.

I Kay Timoteo 6

Pinayuhan ni Pablo si Timoteo na tulungan ang iba na magsikap na makamtan ang mga kayamanang walang hanggan

Larawan
mga barya at mga perang papel

Sa iyong palagay, ang pagkakaroon ba ng maraming pera ay maaaring humantong sa mas masama o sa mas mabuti? Bakit?

Sa I Kay Timoteo 6, mababasa natin ang ipinayo ni Pablo kay Timoteo tungkol sa salapi o pera. Basahin ang I Kay Timoteo 6:6–10, na inaalam ang itinuro at babala ni Pablo tungkol sa kayamanan.

Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng mga katagang “ang pagibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan” (I Kay Timoteo 6:10)?

Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa itinuro ni Pablo ay na humahantong sa kasamaan at apostasiya ang pagmamahal sa pera.

Mahalagang maunawaan na ang pagmamahal sa pera, hindi ang pera mismo, ang nagdudulot ng kasamaan. Pag-isipan kung paano maaaring mag-ingat ang lahat ng tao sa babala ni Pablo—mula sa mga maralita hanggang sa mayayaman.

  1. Sa iyong scripture study journal, ipaliwanag kung paano humahantong ang pagmamahal sa pera (hindi ang pera mismo) sa kasamaan.

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Dallin H. Oaks

“Walang masama sa pera. Ang mabuting Samaritano ay gumamit ng pera sa paglilingkod sa kanyang kapwa at si Judas naman ay ipinagkanulo ang Tagapagligtas dahil sa pera. Ang ‘pagibig sa salapi [ang siyang] ugat ng lahat ng uri ng kasamaan.’ (I Kay Tim. 6:10; idinagdag ang italics.) Ang mahalagang kaibhan ay ang antas ng espirituwalidad na ginagamit natin sa pagsasaalang-alang, pagsusuri, at pamamahala sa mga bagay ng mundong ito at sa paggamit natin ng mga ito.

“Kung hahayaan na sambahin o ipriyoridad ito, magagawa tayong makasarili at palalo ng pera, ‘nagmamataas sa mga walang kabuluhang bagay ng daigdig.’ (Alma 5:37.) Sa kabilang banda, kung gagamitin ito para sa pagtupad sa ating mga obligasyon at pagbabayad ng ating mga ikapu at mga handog, ang pera ay makapagpapakita ng integridad at pagiging di-makasarili. Ang naunawaang paggamit ng ari-arian ay makatutulong sa atin na maghanda para sa mas mataas na batas ng selestiyal na kaluwalhatian” (“Spirituality,” Ensign, Nob. 1985, 63).

Basahin ang I Kay Timoteo 6:11–12, 17–19, na inaalam ang ipinayo ni Pablo kay Timoteo at sa mga yaong mayayaman.

Isipin kung paano makatutulong sa atin ang payo ni Pablo na magkaroon ng tamang saloobin sa paghahangad ng yaman at paggamit ng pera at ng iba pang uri ng temporal na kayamanan.

Ayon sa I Kay Timoteo 6:19, kung magtitiwala ang mga Banal sa Diyos at gagawa ng maraming mabubuting gawa, ano ang sinabi ni Pablo na “[matatanganan]” nila?

Ang isang katotohanang matututuhan natin mula sa payo ni Pablo ay na kung magtitiwala tayo sa buhay na Diyos at gagawa ng mabubuting gawa, makapananangan tayo sa buhay na walang hanggan.

  1. Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Kung ang pagtitiwala sa Diyos at paggawa ng kabutihan ang ating pinakapriyoridad, paano iyan makakaapekto sa paraan ng pag-iisip natin tungkol sa pera, paghahangad, at paggamit natin nito?

Kapag nagtiwala ka sa Diyos at ginawa mong pinakapriyoridad ang paggawa ng kabutihan, matatamo mo ang mga tunay na yaman ng buhay na walang hanggan.

  1. Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang I Kay Timoteo at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: