Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 39: Pagpapalakas ng mga Pamilya sa mga Gabing Pantahanan ng Mag-anak


Kabanata 39

Pagpapalakas ng mga Pamilya sa mga Gabing Pantahanan ng Mag-anak

Pinatitibay ng mga gabing pantahanan ng mag-anak ang pagmamahalan sa loob ng pamilya at pananampalataya sa puso ng bawat miyembro ng pamilya.

Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith

Mahalaga para kay Pangulong Joseph F. Smith ang kanyang pamilya, tunay na hindi matutumbasan ng ano pa man. Madalas at malinaw niyang mabanggit sa kanyang mga talumpati ang tungkol sa “dakilang pagkakatalaga sa tahanan” at nagsabi na “ang pinaka-saligan ng kaharian ng Diyos, ng kabutihan, ng pagunlad, ng pagsulong” ay itinatatag sa tahanan.1

Noong 1915, pinasimulan sa Simbahan ni Pangulong Smith at ng kanyang mga Tagapayo ang isang lingguhang programa sa gabi para sa tahanan, na hinihikayat ang mga magulang na gamitin ang oras niyon upang bigyang tagubilin ang kanilang mga anak sa salita ng Diyos. Kalaunan, sa paglalarawan sa programang ito, nanawagan si Pangulong Smith sa mga pamilya na “gumugol ng isa o higit pang oras na magkakasama sa isang paraan ng pagsamba—pagkanta ng mga himno at awitin, pagdarasal, pagbabasa ng mga Banal na Kasulatan at iba pang mahuhusay na aklat, pakikinig ng musika, pag-uusap hinggil sa mga paksang pampamilya at mga natatanging tagubilin tungkol sa mga alituntunin ng ebanghelyo at mga problema sa buhay tungkol sa moralidad, pati na ang mga tungkulin at obligasyon ng mga anak sa mga magulang, sa tahanan, Simbahan, pamayanan at bayan.”2

Inilalarawan ng gabing pangtahanang programang ito ang taimtim na paniniwala ni Pangulong Smith na isa sa mga “dakila at mahalagang tungkuling ipinakatiwala sa mga taong ito ay ituro sa kanilang mga anak, mula pagkasilang hanggang sa ganap silang magsilaki, ang lahat ng alituntunin ng ebanghelyo, at magsikap, sa abot ng makakaya ng mga magulang, na itanim sa kanilang mga puso ang pag-ibig sa Diyos, sa katotohanan, kalinisan, katapatan, karangalan at integridad, at sa lahat ng bagay na mabuti.”3

Noong 1917, iniulat ni Pangulong Smith sa mga Banal na ang gabing pantahanan ng mag-anak ay “ginagawa ng maraming pamilya, at kawili-wili at kapaki-pakinabang na mga oras ang nagugugol.” 4 Sa kasalukuyan, patuloy ang Simbahan sa pagbibigaydiin sa maraming mahahalagang katangian ng orihinal na programang ito na pinasimulan ni Pangulong Smith.

Mga Turo ni Joseph F. Smith

Ituro sa inyong pamilya na mahalin ang Diyos at ang mga alituntunin ng ebanghelyo.

Ang pinaka-saligan ng kaharian ng Diyos, ng kabutihan, ng pag-unlad, ng pagsulong, ng buhay na walang hanggan at walang katapusang pag-unlad sa kaharian ng Diyos ay nakalatag sa dakilang pagtatalaga sa tahanan.5

Ang tipikal na tahanan ng mga “Mormon” ang siyang templo ng pamilya kung saan sama-samang nagtitipon ang buong pamilya sa araw at gabi para magdasal at sumamba sa Diyos na iniaalay sa pangalan ni Jesucristo.… Dito itinuturo at malumanay na ipinatutupad ang mga panuntunan ng moralidad at banal na katotohanan, na kapag pinagsama, ay bumubuo ng kabutihan na siyang dumadakila sa isang bansa, at nagtataboy sa kasalanan na isang kasiraan sa sinumang tao.6

Ituro sa inyong mga anak ang pagmamahal sa Diyos. Turuan sila na mahalin ang mga alituntunin ng Ebanghelyo ni Jesucristo. Turuan silang mahalin ang kanilang kapwa, lalo na ang mga kapwa nila miyembro ng Simbahan, nang sa gayon maging tapat sila sa kanilang pakikipagkapatiran sa mga tao ng Diyos. Turuan sila na igalang ang pagkasaserdote, na igalang ang kapangyarihang iginawad ng Diyos sa Kanyang Simbahan para sa wastong pamamahala ng Kanyang Simbahan. Ang bahay ng Diyos ay isang bahay ng kaayusan, at hindi isang bahay ng kaguluhan. … Walang bahay ang maituturing na bahay ng kaayusan kung hindi ito wastong isinaayos tulad ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.7

Napakaliit na ng banal na pagsamba, pagmamahal at takot sa Diyos sa loob ng tahanan; labis-labis na ang kamunduhan, kasakiman, kawalang pagpapahalaga at kakulangan ng paggalang sa pamilya, o hindi sana lalaganap kailanman ang mga bagay na ito sa labas. Kung gayon, ang tahanan ang nangangailangan ng pagbabago.… Hayaang managana ang inyong pamilya sa pagmamahal, katiwasayan at sa Espiritu ng Panginoon, kabaitan, kawanggawa, at pagsasakripisyo para sa iba. Iwaksi ang mararahas na salita, inggitan, poot, pagbibitiw ng masasama at mahahalay na salita at mga pagpapasaring, kalapastanganan. Hayaang pagharian ng Espiritu ng Diyos ang inyong mga puso. Ituro sa inyong mga anak ang mga bagay na ito, sa espiritu at kapangyarihan, na itinataguyod at pinatitibay ng pagtupad mismo ng sarili. Ipakita ninyong nagsisikap kayo at ginagawa ang ipinangangaral ninyo. Huwag ninyong ipaubaya ang inyong mga anak sa mga dalubhasa para ituro ito sa kanila, sa halip, turuan sila sa pamamagitan ng sarili ninyong tuntunin at halimbawa, sa loob ng sarili ninyong tahanan. Kayo mismo ay magpakadalubhasa sa katotohanan. Sa halip na maging tangi at pangunahin nating guro ang ating mga pagpupulong, paaralan at samahan, gawin nating pantulong ang mga ito sa ating mga turo at pagsasanay sa loob ng ating tahanan.8

Sa mga gabing pantahanan, turuan natin ang ating pamilya na magsilakad nang matwid sa harapan ng Panginoon.

Pinapayuhan namin ang mga Banal sa mga Huling Araw na tuparing mabuti ang mga kautusan ng Panginoon na ibinigay sa ika-68 bahagi ng Doktrina at mga Tipan (25—28):

At muli, yayamang ang mga magulang ay may mga anak sa Sion, o sa alinman sa kanyang mga istaka na naitatag, na hindi nagtutro sa kanila na maunawaan ang doktrina ng pagsisisi, pananampalataya kay Cristo ang Anak ng Buhay na Diyos, at ng pagbibinyag at ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, pagsapit ng walong taong gulang, ang kasalanan ay nasa ulo ng mga magulang;

“Sapagkat ito ay magiging batas sa mga naninirahan sa Sion, o sa alinman sa kanyang mga istaka na naitatag;

“At ang kanilang mga anak ay bibinyagan para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan pagsapit ng walong taong gulang, at tatanggapin ang pagpapatong ng mga kamay.

“At tuturuan din nila ang kanilang mga anak na manalangin, at magsilakad nang matwid sa harapan ng Panginoon.”

Dapat ding tuparing mabuti ng mga anak ng Sion ang mga kautusang ibinigay sa sinaunang Israel, at inulit sa mga Banal sa mga Huling Araw: “Igalang ninyo ang inyong ama at inyong ina, upang maging mahaba ang inyong mga araw sa lupaing ibinigay ng Panginoon ninyong Diyos sa inyo”. [Exodo 20:12.]

Ang mga paghahayag na ito ay mahigpit na ipinatutupad sa mga Banal sa mga Huling Araw, at kailangang ituro at ipatupad ng mga ama at ina ng Simbahang ito ang mga kautusang ito sa kanilang mga tahanan.

Sa puntong ito, ipinapayo namin at hinihikayat na pasimulan ang isang “Gabing Pantahanan” sa buong Simbahan, at sa oras na ito titipunin ng mga magulang ang kanilang mga anak sa tahanan at ituturo sa kanila ang mga salita ng Panginoon. Sa ganito nila malalaman nang husto ang mga pangangailangan ng kanilang mga pamilya; at kasabay nito, higit nilang mauunawaan at ng kanilang mga anak ang mga alituntunin ng Ebanghelyo ni Jesucristo. Ang “Gabing Pantahanang” ito ay dapat na ibuhos sa pagdarasal, pag-awit ng mga himno at awitin, pakikinig sa musika, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, pag-uusap ng mga paksang pampamilya at mga natatanging tagubilin tungkol sa mga alituntunin ng ebanghelyo, at mga problema sa buhay tungkol sa moralidad, pati na ang mga tungkulin at obligasyon ng mga anak sa kanilang mga magulang, sa tahanan, Simbahan pamayanan at bayan. Para sa maliliit na bata, maaaring magturo ng mga angkop na pagbigkas ng mga tula, awit, kuwento at laro. Magaang na meryenda sa mga pagkakataong tulad nito ay maaaring maramihang ihain sa tahanan.

Maingat na iwasan ang labis na pormalidad, at dapat na sumali ang buong pamilya sa mga gawain.

Magbibigay ng pagkakataon ang mga pagtitipong ito para sa mabuo ang tiwala sa isa’t isa sa pagitan ng mga magulang at anak, sa magkakapatid, at pagkakataong makapagbigay ng mga salita ng babala at payo ang mga magulang sa kanilang mga anak. Magbibigay ito ng mga pagkakataon para makapagbigay-galang sila sa kanilang mga ama’t ina, at ipakita ang kanilang pasasalamat sa mga biyaya ng pagkakaroon ng tahanan, nang sa gayon literal na matupad ang mga pangako ng Panginoon sa kanila, at pahahabain ang kanilang buhay at magiging maligaya.…

Hinihiling … namin sa lahat ng may katungkulan sa mga samahang pantulong ng buong Simbahan na suportahan ang kilusang ito at hikayatin ang mga kabataan na manatili sa tahanan sa mga gabing iyon, at ilaan ang kanilang lakas upang makapagbigay-tagubilin, at gawin itong kapaki-pakinabang at kawili-wili.

Kung susundin ng mga Banal ang mga payong ito, ipinapangako namin na mga dakilang pagpapala ang ibubunga nito. Ang pagmamahal sa tahanan at pagiging masunurin sa mga magulang ay madaragdagan. Lalakas ang pananampalataya sa mga puso ng kabataan ng Israel, at magkakaroon sila ng lakas para labanan ang masasamang impluwensiya at tukso na nakapaligid sa kanila.9

Nananaig sa buong Simbahan ang diwa ng pagkakaisa, debosyon, at pananampalataya.… Ang pagpapasimula ng kilusang pulong pantahanan ay nakatutulong sa direksiyong ito. Isang gabi sa loob ng isang linggo.… para sa paglilibang ng pamilya sa tahanan, pag-unlad at kasiyahan, pinangangasiwaan para sa at sa ilalim ng diwa ng relihiyon, ay napatutunayang tagumpay sa direkyong nais nitong tahakin, at dapat na buong pusong irekomenda sa lahat ng lugar.10

Buong tapat na dapat nating gampanan ang mga tungkulin natin bilang mga magulang sa Sion.

Nababasa natin sa Aklat ng Doktrina at mga Tipan na kailangang turuan ng mga magulang ang kanilang mga anak na “maunawaan ang doktrina ng pagsisisi, pananampalataya kay Cristo ang Anak ng buhay na Diyos, at ng pagbibinyag at ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay pagsapit ng walong taong gulang.” “At tuturuan din nila ang kanilang mga anak na manalangin at magsilakad nang matwid sa harapan ng Panginoon.” At kung mabibigo ang mga magulang na gawin ito, at ang mga anak ay mangaligaw at talikuran ang katotohanan, sa gayon sinabi ng Panginoon na ang kasalanan ay nasa ulo ng mga magulang [Doktrina at mga Tipan 68:25, 28].…

Dapat na bantayan natin ang ating mga inaasal, at tiyaking ginagawa natin ang tama at ginagampanan ang ating mga tungkulin bilang mga magulang sa Sion. Dapat na nagkakaisa ang mga mag-asawa sa kanilang pagsisikap na maimpluwensiyahan ang kanilang mga anak sa direksiyong ito.… Ang aking mga anak ay hindi nararapat at hindi lilihis ng landas nang may pahintulot ko. Kung lumihis man sila, ito ay talagang sa kabila ng pagtutol ko, at taliwas sa aking halimbawa. Makikiusap ako sa aking mga anak; sisikapin kong gawin ang lahat nang magagawa ko para maging tunay at tapat sila sa Ebanghelyong ito na posible kong magawa; sapagkat kung wala silang lahat sa kaharian ng Diyos ay madarama kong hindi perpekto ang aking sambahayan.…

Ibig kong malaman ng aking mga anak, at lahat ng anak na nasa Sion, na walang bagay sa mundong ito na mas mahalaga pa sa kaalaman tungkol sa Ebanghelyo na naipanumbalik sa mundo sa mga huling araw na ito sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Walang makapupuno sa pagkawala nito. Walang bagay sa mundo ang maihahambing sa kagalingan ng kaalaman na tungkol kay Jesucristo. Kaya nga, alagaan ng mga magulang sa Sion ang kanilang mga anak, at ituro sa kanila ang mga alituntunin ng Ebanghelyo, at pagsikapan hangga’t maaari na pagampanan sa kanila ang kanilang mga tungkulin—hindi na parang mga makina dahil pinilit silang gawin ito, kundi itanim sa puso ng mga anak ang diwa ng katotohanan at matatag na pagmamahal sa Ebanghelyo. Nang sa gayon hindi lamang nila ginagawa ang kanilang mga tungkulin dahil ikinasisiya ito ng kanilang mga magulang, kundi dahil ito rin ay nakasisiya sa kanila.11

Mga minamahal kong kapatid, alagaan ang inyong mga anak; ituro ninyo sa kanilang kamusmusan ang mga alituntunin ng katotohanan; turuan silang mamuhay nang malinis, na magkaroon ng pananampalataya sa Diyos, at tumawag sa pangalan ng Panginoon nang may pananampalataya nang matanggap nila ang buong pakikipagkapatiran ng Panginoon at maging mga tagapagmana ng kaligtasan sa Kanyang kaharian.12

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

  • Sa paanong paraan matatatag ang “pinaka-saligan ng kaharian ng Diyos” sa tahanan? Anu-anong mahalagang alituntunin ang dapat ituro sa tahanan na magpapalakas sa ating pamayanan?

  • Paano natin matuturuan ang ating mga anak na mahalin ang Diyos at ang ibang tao? Paano natin sila matuturuang igalang ang pagkasaserdote?

  • Ano ang payong ibinigay ni Pangulong Smith para madagdagan ang banal na pagsamba at mabawasan ang kamunduhan sa ating mga tahanan? Paano ninyo pinagsikapang huwag unang isaalang-alang ang mga bagay ng daigdig na ito sa inyong tahanan?

  • Paano makatutulong ang gabing pantahanan ng mag-anak sa mga magulang para matupad nila ang mga utos ng Diyos na ibinigay sa Doktrina at mga Tipan 68:25–28? Paano makatutulong ang gabing pantahanan ng mag-anak sa mga anak na matupad ang utos na ibinigay sa Exodo 20:12?

  • Anu-anong gawain ang nakatulong sa inyo para makapagsagawa ng mas epektibong gabing pantahanan ng mag-anak? Anu-ano ang ibinigay na patnubay ni Pangulong Smith para sa mga gabing pantahanan ng mag-anak?

  • Anu- anong biyaya ang natatanggap ng mga nagdaraos ng gabing pantahanan ng mag-anak? Anu-ano ang ibubunga ng hindi pagdaraos nito?

  • Bakit hindi tayo dapat sumuko sa ating mga tungkulin bilang magulang sa pagdadala sa ating pamilya sa katotohanan? (Tingnan sa 3 Juan 1:4; Mosias 27:14.)

  • Bakit dapat na ang mag-asawa ay nagkakaisa sa kanilang pagsisikap na maimpluwensiyahan ang kanilang mga anak”? Paano pagyayamanin ng mag-asawa ang ganitong pagkakaisa?

Mga Tala

  1. “Editorial Thoughts,” Juvenile Instructor, Nob. 1916, 739.

  2. Sa Messages of the First Presidency of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, tinipon ni James R. Clark, 6 na tomo (1965–75), 5:89.

  3. Gospel Doctrine, ika-5 edisyon (1939), 292.

  4. Sa Messages of the First Presidency, 5:89.

  5. Gospel Doctrine, 304.

  6. “An Address: The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints to the World,” sa Conference Report, Abr. 1907, 7.

  7. Sa Conference Report, Abr. 1915, 5.

  8. Gospel Doctrine, 301–2.

  9. Sa Messages of the First Presidency, 4:337–39.

  10. Sa Messages of the First Presidency, 4:347.

  11. Deseret News: Semi-Weekly, ika-28 ng Hunyo 1898, 1; idinagadg ang pagtatalata.

  12. “Discourse by President Joseph F. Smith,” Millennial Star, ika-30 ng Ago. 1906, 54546.

Larawan
Smith family

Mga miyembro ng pamilya sa tahanan ni Pangulong Joseph F. Smith sa Lunsod ng Salt Lake noong 1891. Sinabi niya: “Ibig kong malaman ng aking mga anak, at lahat ng anak na nasa Sion, na walang bagay sa mundong ito na mas mahalaga pa kaysa kaalaman tungkol sa Ebanghelyo” (Deseret News: Semi-Weekly, ika-28 ng Hunyo 1898, 1).