Mga Tulong sa Pag-aaral
Diyos, Panguluhang Diyos


Diyos, Panguluhang Diyos

May tatlong magkahiwalay na katauhan sa Panguluhang Diyos: Diyos, ang Amang Walang Hanggan; ang kanyang Anak, si Jesucristo; at ang Espiritu Santo. Naniniwala kami sa bawat isa sa kanila (S ng P 1:1). Mula sa paghahayag ng huling araw nalaman natin na ang Ama at ang Anak ay may katawang laman at buto na nahahawakan at ang Espiritu Santo ay isang katauhan na espiritu, walang katawang laman at buto (D at T 130:22–23). Ang tatlong katauhang ito ay magkakasama sa ganap na pagkakaisa at magkakatugma ng layunin at doktrina (Juan 17:21–23; 2 Ne. 31:21; 3 Ne. 11:27, 36).

Diyos Ama

Ito ang Ama, o Elohim, na tinutukoy ng katawagang Diyos. Tinawag siyang Ama dahil siya ang ama ng ating mga espiritu (Mal. 2:10; Blg. 16:22; 27:16; Mat. 6:9; Ef. 4:6; Heb. 12:9). Ang Diyos Ama ang pinakadakilang namamahala ng sansinukob. Siya ay pinakamakapangyarihan (Gen. 18:14; Alma 26:35; D at T 19:1–3), nakaaalam ng lahat (Mat. 6:8; 2 Ne. 2:24), at saan mang dako ay naroroon sa pamamagitan ng kanyang Espiritu (Awit 139:7–12; D at T 88:7–13, 41). May natatanging kaugnayan ang sangkatauhan sa Diyos na naghihiwalay sa tao sa iba pang bagay na nilikha: mga espiritu ng anak ng Diyos ang mga lalaki at babae (Awit 82:6; 1 Juan 3:1–3; D at T 20:17–18).

May ilang naitalang mga pangyayari na ang Diyos Ama ay nagpakita o nangusap sa tao. Isinasaad sa mga banal na kasulatan na nangusap siya kina Adan at Eva (Moi. 4:14–31) at ipinakilala si Jesucristo sa ilang pagkakataon (Mat. 3:17; 17:5; Juan 12:28–29; 3 Ne. 11:3–7). Nagpakita siya kina Esteban (Gawa 7:55–56) at Joseph Smith (JS—K 1:17). Sa huli ay nagpakita siya kapwa kina Joseph Smith at Sidney Rigdon (D at T 76:20, 23). Sa mga yaong umiibig sa Diyos at dinadalisay ang kanilang sarili sa harapan niya, pinagkakaloob minsan ng Diyos ang pribilehiyong makita at makilala sa kanilang sarili na siya ang Diyos (Mat. 5:8; 3 Ne. 12:8; D at T 76:116–118; 93:1).

Diyos Anak

Ang Diyos na kilala bilang Jehova ay ang Anak, si Jesucristo (Is. 12:2; 43:11; 49:26; 1 Cor. 10:1–4; 1 Tim. 1:1; Apoc. 1:8; 2 Ne. 22:2). Gumagawa si Jesus sa ilalim ng pamamatnubay ng Ama at may ganap na pagkakaisa sa kanya. Kapatid niya ang buong sangkatauhan, sapagkat siya ang pinakamatanda sa mga espiritung anak ni Elohim. Tinutukoy siya ng ilang banal na kasulatang sanggunian sa salitang Diyos. Halimbawa, sinasabi sa banal na kasulatan na “Nilikha ng Diyos ang langit at lupa” (Gen. 1:1), subalit iyon ay si Jesus na siyang Lumikha sa ilalim ng pamamatnubay ng Diyos Ama (Juan 1:1–3, 10, 14; Heb. 1:1–2).

Diyos Espiritu Santo

Ang Espiritu Santo ay isa ring Diyos at tinatawag na Banal na Espiritu, ang Espiritu, at ang Espiritu ng Diyos, sa iba pang magkakatulad na mga pangalan at katawagan. Sa tulong ng Espiritu Santo maaaring malaman ng tao ang kalooban ng Diyos Ama at malaman na si Jesus ang Cristo (1 Cor. 12:3).