Mga Tulong sa Pag-aaral
Paghahayag ni Juan


Paghahayag ni Juan

Ang kahuli-hulihang aklat sa Bagong Tipan, na binubuo ng isang paghahayag na ibinigay sa Apostol na si Juan. Pinahintulutan siyang makita ang kasaysayan ng daigdig, lalo na ang mga huling araw (Apoc. 1:1–2; 1 Ne. 14:18–27; D at T 77). Ang Paghahayag ni Juan ay kilala rin bilang Apocalipsis.

Tinanggap ni Juan ang paghahayag na ito nang araw ng Panginoon sa pulo ng Patmos (Apoc. 1:9–10), mula sa baybay-dagat ng Asia, di kalayuan sa Efeso. Hindi alam ang tamang petsa ng paghahayag.

Mga susi sa pag-unawa sa aklat ay napapaloob sa 1 Nephi 14:18–27 at D at C 77 (Eter 4:15–16).

Ang mga kabanata 1–3 ay pambungad sa aklat at mga sulat para sa pitong simbahan sa Asia. Isinulat ni Juan ang mga liham upang tulungan ang mga Banal na lutasin ang ilang mga suliranin. Natatala sa mga kabanata 4–5 ang mga pangitaing tinanggap ni Juan na nagpapakita ng pagkamaharlika at makatarungang kapangyarihan ng Diyos at ni Cristo. Sa mga kabanata 6–9, 11, itinala ni Juan ang nakita niyang isang aklat na tinatakan ng pitong tatak, na ang bawat tatak ay kumakatawan sa isanlibong taon na pansumandaling kasaysayan ng daigdig. Ang mga kabanatang ito ay may higit na kinalaman sa mga pangyayari na nasa ikapitong tatak (Tingnan sa Apoc. 8–9; 11:1–15). Inilalarawan ng kabanata 10 ang aklat na kinain ni Juan. Sumasagisag ang aklat sa isang hinaharap na misyong kanyang gagawin. Natatala sa kabanata 12 ang isang pangitain ng kasamaan na nagsimula sa langit nang si Satanas ay maghimagsik at pinalayas. Ang nagsimulang digmaan doon ay patuloy na pinaglalabanan sa lupa. Sa mga kabanata 13, 17–19, inilarawan ni Juan ang masasamang kaharian sa mundo na pinamamahalaan ni Satanas at itinala ang kanilang kapalaran, kabilang ang huling pagkawasak ng kasamaan. Inilalarawan ng mga kabanata 14–16 ang kabutihan ng mga Banal sa gitna ng kasamaan bago sumapit ang ikalawang pagparito ni Cristo. Inilalarawan ng mga kabanata 20–22 ang Milenyo, ang magandang lunsod ng Bagong Jerusalem, at ang mga huling pangyayari sa kasaysayan ng mundo.