2012
Binigyan Tayo ng Panginoon ng Isang Batas ng Kalusugan
Pebrero 2012


Ang Ating Paniniwala

Binigyan Tayo ng Panginoon ng Isang Batas ng Kalusugan

Ang isa sa mga dakilang pagpapalang tinanggap natin nang pumarito tayo sa lupa ay ang katawang pisikal. Banal at napakahalaga ng ating katawan kaya tinawag ito ng Panginoon na mga templo ng Diyos (tingnan sa I Mga Taga Corinto 3:16). Sinabi rin Niya sa atin na walang temporal sa Kanyang mga kautusan kundi lahat ng Kanyang “mga kautusan ay espirituwal” (D at T 29:35). Kaya’t ang Kanyang mga kautusan hinggil sa kalusugan ng ating katawan ay para din sa ating espirituwal na kabutihan (tingnan sa D at T 89:19–21).

Dahil nais ng ating Ama sa Langit na pangalagaan natin ang ating katawan, naghayag Siya ng mahalagang impormasyon kung paano ito gawin. Karamihan sa impormasyong ito ay matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 89 at kilala bilang Word of Wisdom.

Dito’y natututuhan natin ang ilang bagay na dapat at hindi natin dapat gawin upang manatiling malusog ang ating katawan. Ang diwa ng batas na ito ay kumain ng masusustansiyang pagkain at iwasan ang anumang nakakagawian o nakasasama sa ating katawan. Kabilang sa mga bagay na iniutos ng Panginoon na huwag nating ipasok sa ating katawan ay ang alak at sigarilyo, na mga droga (tingnan sa D at T 89:5–8). Hindi tayo dapat gumamit ng anumang gamot maliban kung kailangan ito bilang medisina. Ang mga taong mali ang paggamit ng mga legal o ilegal na droga ay kailangang humingi ng tulong upang ang kanilang katawan ay muling malinis at mapalaya sa adiksyon. Ang malinis na katawan ay mas madaling makahiwatig sa Espiritu Santo.

Pinayuhan din tayo ng Panginoon laban sa paggamit ng “maiinit na inumin” (D at T 89:9). Ipinaliwanag na ng mga propeta na ang ibig sabihin nito ay kape at tsaa, na may mga sangkap na nakasasama sa katawan. Dapat nating iwasan ang lahat ng inumin, mainit man o malamig, na may mga sangkap na nakasasama sa katawan.

Dapat din nating iwasan ang anumang nakasasama sa ating katawan, tulad ng katakawan o pagtangging kumain ng masusustansiyang pagkain na nagpapalusog sa atin.

Bukod pa sa mga bagay na hindi natin dapat gawin, sinasabi sa atin ng Word of Wisdom ang mga bagay na dapat nating gawin. Ang ilan sa mga bagay na iyon ay ipinakikita rito.

Yaong mga sumusunod sa batas ng Panginoon ukol sa kalusugan ay “tatanggap ng kalusugan sa kanilang pusod at sa kanilang utak-sa-buto; at makatatagpo ng karunungan at malaking kayamanan ng kaalaman, maging mga natatagong kayamanan; at tatakbo at hindi mapapagod, at lalakad at hindi manghihina” (D at T 89:18–20).

Sa Word of Wisdom at sa iba pang mga talata sa banal na kasulatan, inihayag ng Panginoon ang mga tuntunin sa kalusugan:

  1. Ang mga prutas, gulay, at mabubuting halaman ay gagamitin “sa panahon nito” at “nang may mabuting pagpapasiya at pagbibigay-pasalamat” (tingnan sa D at T 89:10–11).

  2. Ang karne at produktong nagmula sa poultry ay “[itinalaga] upang gamitin ng tao nang may pasasalamat; gayunman ang mga ito ay nararapat gamitin nang paunti-unti” (D at T 89:12).

  3. “Lahat ng butil ay mabuti para sa pagkain ng tao” (D at T 89:16).

  4. Hindi tayo dapat “gumawa nang labis kaysa [ating] lakas” (D at T 10:4).

  5. Dapat nating ugaliin ang wastong pagtulog upang “ang [ating] mga katawan at [ating] mga isip ay mabigyang-lakas” (D at T 88:124).

Ibaba: paglalarawan © Getty Images; kanan: mga paglalarawan nina Welden C. Andersen, John Luke, Robert Casey © Corbis