2012
Pag-asa sa Pagbabayad-sala
Abril 2012


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Pag-asa sa Pagbabayad-sala

Mula sa isang mensahe sa debosyonal na ibinigay sa Brigham Young University noong Nobyembre 4, 2008. Para sa buong teksto sa Ingles, bisitahin ang speeches.byu.edu.

Larawan
Bishop Richard C. Edgley

Ang pag-asa ay hindi lamang dapat nakabatay sa kaalaman at patotoo kundi sa personal na pagtanggap ng tao na bahagi siya ng Pagbabayad-sala.

Marami akong kilala na tuluyan nang nawalan ng pag-asa. Ang pagsisisi, para sa kanila, ay bagay na hindi para sa kanila at hindi ibibigay sa kanila. Hindi nauunawaan ng mga taong ito ang nakalilinis na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala. O, kung nauunawaan man nila, hindi nila ginagawang bahagi ng kanilang buhay ang kahulugan ng pagdurusa ni Jesucristo sa Getsemani at sa krus. Ang sinuman sa atin na nawawalan ng pag-asa na mapadadalisay ang ating buhay ay hindi rin pagtanggap sa lalim, kapangyarihan, at kakayahan ng Kanyang Pagbabayad-sala para sa atin.

Ilang taon na ang nakararaan, habang ako ay nasa isang stake conference ipinakausap sa akin ang isang 21-taong-gulang na lalaki para malaman kung karapat-dapat ba itong magmisyon. Hindi karaniwang nag-iinterbyu ang mga General Authority ng mga magiging misyonero. Kaya’t hindi ito pangkaraniwan. Habang binabasa ko ang ilang impormasyon tungkol sa mga dahilan ng interbyung ito, nanlumo ako. Ang binatang ito ay nakagawa ng mabibigat na kasalanan. Palagay ko ang iba roon ay gawa-gawa na lang niya. Iniisip ko kung bakit inatasan akong kausapin ang isang taong may gayong pagkatao, iniisip na imposible para sa akin na irekomenda siya o pahintulutan siyang maging misyonero.

Pagkatapos ng sesyon sa Sabado ng gabi ng kumperensya, pumunta ako sa opisina ng stake president para mag-interbyu. Habang naghihintay, dumating ang isang binata na may maaliwalas na mukha. Naramdaman kong gusto niyang makipag-usap sa akin kaya inisip ko kung ano ang idadahilan para makaiwas, dahil kailangan ko pang interbyuhin ang isang binatang may malaking problema. Pagkatapos ay nagpakilala siya. Siya pala ang binatang kakausapin ko.

Sa loob ng opisinang iyon, isa lang ang itinanong ko. “Bakit kita iniinterbyu?”

Isinalaysay niya ang kanyang nakaraan. Nang matapos siya, ipinaliwanag niya ang mga hakbang na kanyang ginawa at ang mga pagdurusang dinanas niya. Binanggit niya ang tungkol sa Pagbabayad-sala—ang walang-hanggang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala. Nagpatotoo siya at ipinahayag ang kanyang pagmamahal sa Tagapagligtas. Pagkatapos ay sinabi niyang, “Naniniwala ako na ang pagdurusa ng Tagapagligtas sa Getsemani at ang Kanyang pagsasakripisyo sa krus ay may sapat na kapangyarihang iligtas maging ang taong tulad ko.”

Dahil naantig ako sa kanyang pagpapakumbaba at naantig ako ng Espiritu, sinabi kong “Irerekomenda kita na magmisyon bilang kinatawan ni Jesucristo.” At pagkatapos ay sinabi kong, “May isa lamang akong hihilingin sa iyo. Gusto kong ikaw ang maging pinakamagaling na misyonero sa buong Simbahan. Iyon lamang.”

Makalipas ang tatlo o apat na buwan, naging tagapagsalita kami ni Sister Edgley sa isang missionary training center. Nang matapos ang debosyonal, nakikipag-usap ako sa ilang misyonero nang makita ko ang isang lalaki na pamilyar sa akin.

Itinanong niya, “Natatandaan po ba ninyo ako?”

Medyo nahihiya kong sinabing, “Pasensya ka na. Alam kong dapat natatandaan ko, pero hindi ko talaga matandaan.”

Pagkatapos ay sinabi niyang, “Hayaan po ninyong sabihin ko kung sino ako. Ako po ang pinakamagaling na misyonero sa missionary training center.” At naniwala ako sa kanya.

Ang pag-asa ng binatang ito ay hindi lamang nakabatay sa kaalaman at patotoo tungkol sa Pagbabayad-sala kundi sa personal na pagtanggap ng kaloob na ito sa kanyang buhay. Naunawaan niya na iyon ay para sa kanya! Nalaman niya ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala at ang pag-asang ibinibigay nito sa panahong tila wala nang pag-asa.