2014
May Plano ang Ama sa Langit para sa Kanyang mga Anak
Pebrero 2014


Dalhin sa Tahanan ang Turo sa Primary

May Plano ang Ama sa Langit para sa Kanyang mga Anak

Alamin ang iba pa tungkol sa tema ng Primary sa buwang ito!

Naaamoy ni Oliver ang brownies na hinuhurno ni Lola sa oven, at may pagpipitagan sa bahay nina Lolo’t Lola. Buong araw na inabangan ni Oliver ang espesyal na family home evening na ito.

“Ang lesson natin ay tungkol sa plano ng kaligayahan na ginawa ng Ama sa Langit para sa ating lahat,” sabi ni Lolo. “Ngayong gabi ang kusina ang kakatawan sa langit, kung saan tayo nanahan sa piling ng Ama sa Langit bago tayo pumarito para manirahan sa lupa,” wika niya.

“Naroon po ba ako noon, Lolo?” tanong ni Archie. Inilibot ni Oliver ang kanyang tingin sa buong silid sa kanyang Lolo at Lola, Inay at Itay, at nakababatang mga kapatid na sina Archie at Ethan.

“Oo,” sabi ni Lolo. “Naroon tayong lahat. At nang ilahad sa atin ng Ama sa Langit ang Kanyang plano na lumikha ng isang daigdig at magsugo ng Tagapagligtas para sa atin, napakasaya natin kaya naghiyawan tayo sa galak.”

Nagtawanan at nagtatalon sina Archie at Ethan.

“Sino sa pamilya natin ang unang lumisan sa langit at pumarito sa lupa?” tanong ni Lolo.

“Kayo po,” sabi ni Oliver.

Umalis si Lolo sa kusina. Sumunod na umalis si Lola. Pagkatapos ay isa-isang sumama sa kanila sa kuwarto ang bawat miyembro ng pamilya ni Oliver.

“Ang kuwartong ito ang kakatawan sa mundo,” sabi ni Lolo. “Ano ang ilan sa mga bagay na magagawa natin dito na tutulong sa atin na makabalik sa Ama sa Langit?” tanong niya.

“Magpabinyag,” sabi ni Oliver.

“Magpunta sa templo,” sabi ni Inay.

“Piliin ang tama,” sabi Archie.

Tumango si Lola at ngumiti. Pagkatapos ay sinabi niya na kailangan nang lisanin ang lupa at bumalik sa Ama sa Langit.

“Ako muna,” sabi ni Lolo.

“Naku Lolo, huwag po kayong umalis!” sabi ni Ethan.

“Huwag kang mag-alala,” sabi ni Lolo. “Ang pag-alis sa lupa ay bahagi ng plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit. Hindi magtatagal at magkakasama-sama tayong muli.”

Isa-isang nagbalikan sa kusina ang lahat. “Nakabalik na tayo sa langit!” sabi ni Itay nang yumakap sa kanya sina Archie at Ethan.

Natuwa rin si Oliver na makita ang kanyang pamilya na para bang matagal siyang nawalay sa kanila. Patakbo niyang niyakap ang kanyang mga kapatid at Inay at Itay. Naunawaan na niya ngayon kung bakit tinawag ito ni Lolo na plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit.