2014
Ang mga Hamon ang Siyang mga Pagpapala
Hunyo 2014


Ating mga Tahanan, Ating mga Pamilya

Ang mga Hamon ang Siyang mga Pagpapala

Ang awtor ay naninirahan sa New Zealand.

Ang inakala kong mga hamon na lakip ng pagpapakasal sa templo ay naging magagandang pagpapala.

Kausap ko noon ang isang mabuting kaibigan tungkol sa mga pagpapala kapag nagpakasal sa templo. Pabiro kong sinabi na iilan lang ang pagpapalang naiisip ko, pero marami akong naiisip na mga hamon. “Aba,” sabi niya, “baka iyon ang siyang mga pagpapala!”

Nalaman kong tama siya.

Ang mabuklod sa templo ay nagpala sa akin ng walang-hanggang pananaw tungkol sa pag-aasawa at pamilya. Ang aking mga tipan sa templo ay naging “salamin” naming mag-asawa sa aming mga pagpapasiya, kahit noong bagong kasal pa lang kami.

Isang Walang-Hanggang Pananaw

Sinimulan namin ang aming pagsasama nang may walang-hanggang pananaw, at nadama namin na ang ibig sabihin niyon ay hindi namin dapat ipagpaliban o limitahan ang mga anak na naghihintay na mapabilang sa aming pamilya. Itinuloy ng asawa ko ang pag-aaral niya (sa kolehiyo) habang lumalaki ang aming pamilya. Nang magkaroon siya ng trabaho, lima na ang anak namin. Itinuloy ko ang pag-aaral ko nang part-time para maalagaan ko sa bahay ang mga anak namin. Masaya kong ginugunita ang mga taon na iyon. Nakakatuwa iyon! Nakatira kami sa isang maliit na apartment, may dalawa kaming anak na wala pang 15 buwan, nabuhay kami sa maliit na student allowance at sa kakakain ng mince (hamburger).

Itinuturing ko ang mga taon na iyon bilang mga panahong namuhay kami gaya ng mga pioneer—tinatawid namin ang “kapatagan” ng pag-aaral sa kolehiyo, nagsisimula kaming magpamilya, at nabubuhay sa limitadong kita. Ang nadama ko ay katulad—ngunit nang kaunti lamang—ng sinabi ng isa sa mga nakaligtas sa Martin handcart company tungkol sa kanilang paglalakbay: “Lahat kami ay nakaligtas nang may tiyak na kaalaman na ang Diyos ay buhay dahil nakilala namin Siya sa pinakamatitindi naming paghihirap.”1

Sa paningin ng mundo, ang pinili naming gawin noong bagong kasal kami ay walang katuturan. Ang ipagpaliban na tapusin ang aking pag-aaral para magkaanak, mabuhay sa kita ng isa lang sa amin, at magsakripisyo ng ilang luho ay maaaring tila kalokohan. Ngunit sinabi ng Panginoon kay Isaias:

“Sapagka’t ang aking mga pagiisip ay hindi ninyo mga pagiisip, o ang inyo mang mga lakad ay aking mga lakad, sabi ng Panginoon.

“Sapagka’t kung paanong ang langit ay lalong mataas kay sa lupa, gayon ang aking mga lakad ay lalong mataas kay sa inyong mga lakad, at ang aking mga pagiisip kay sa inyong mga pagiisip” (Isaias 55:8–9).

Ang pagsasakripisyo ng mga makamundong mithiin para sundin ang kalooban ng Ama sa Langit para sa aming pamilya ay nagpala sa aming buhay.

Pagharap sa mga Hamon nang Magkasama

Mababasa natin sa Doktrina at mga Tipan na yaong mga “handang tuparin ang kanilang mga tipan sa pamamagitan ng paghahain … ay tinatanggap [ng Panginoon].

“Sapagkat ako, ang Panginoon, ay pagbubungahin sila tulad sa isang mabungang punungkahoy na itinanim sa mabuting lupa, sa tabi ng isang dalisay na sapa, na nagbubunga ng labis na mahahalagang bunga” (D at T 97:8–9). Ang lima naming anak ang itinatangi naming bunga. Walang alinlangang sila ang aming pinakamalalaking pagpapala.

Sa paglipas ng mga taon, naharap kaming mag-asawa sa maraming hamon, at sa aking gunita tapat kong masasabi na pinasasalamatan ko ang mga ito. Binibigyan tayo ng Panginoon ng mga pagsubok para dalisayin tayo bilang mga indibiduwal at tulungan tayong bumaling sa Kanya at sa ating kabiyak.

Ang kasal sa templo ang pinakamataas na tipan ng kadakilaan. Kapag tinupad ang tipang ito, hahantong ito sa pinakamataas na antas sa kahariang selestiyal, o buhay na walang hanggan, na ibig sabihin ay walang-hanggang pag-unlad (tingnan sa D at T 131:1–4). Dahil sa dakilang gantimpalang ito, dapat nating asahan na huhubugin tayo ng kasal sa templo, na babaguhin nito ang mismong pagkatao natin.

Sinabi ni Elder Bruce C. Hafen, miyembrong emeritus ng Pitumpu: “Maaaring kaya tayo nag-asawa ay para guminhawa sa buhay. Ngunit dumarating ang mga problema. Kung sisikapin talaga nating lutasin ang mga ito, maaaring hindi tayo laging komportable, ngunit uunlad tayo. At sa huli ay masasabi nating nag-asawa tayo hindi lamang para guminhawa kundi para magalak.”2 Ang paglutas ng aming mga problema nang magkasama ay hindi laging madali, ngunit talagang naghatid ito sa amin ng galak.

Pagsusumikap at Kagalakan

Pagiging ina ang pinakamahirap na bagay na nagawa ko. Bago kami nagkaanak, akala ko ang pagiging ina kadalasan, kung hindi man palagi, ay masaya—na may kasamang isa o dalawang pagsusumikap. Ngunit naunawaan ko na kabaligtaran pala ito. Dahil sa walang-hanggang pagtutulungan naming mag-asawa, ang pagiging magulang at pag-aasawa ko ay naging laboratoryo upang maging katulad ng Ama sa Langit. Ang responsibilidad ng pagiging magulang sa buhay na ito ay katulad ng gawain at mga layunin ng ating Ama sa Langit, “ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Ang pagiging asawa at ina ay nangangailangan ng matinding pasensya, lakas, at pagmamahal. Ang pagiging ina ay tumutulong sa akin na maging higit na katulad ng Diyos sa pagkatao, mga hangarin, at mga posible kong kahinatnan.

Ang mabuklod sa templo ay nagpala sa akin sa mga paraang hindi ko inasahan. Ito ang pinagkukunan ko ng lakas at pinagkukunan ng katatagan ng aking mga anak. Iniuugnay ako nito sa aking mga ninuno at pinagpapala sila habang ginagawa ko ang kanilang gawain sa templo. Sulit ang lahat ng sakripisyo sa kasal ko sa templo, at alam ko na malalaking pagpapala ang hatid nito.

Mga Tala

  1. Francis Webster, sa William R. Palmer, “Pioneers of Southern Utah,” The Instructor, Mayo 1944, 217–18.

  2. Bruce C. Hafen, Covenant Hearts: Marriage and the Joy of Human Love (2005), 13.

Larawan sa kagandahang-loob ni Rachel Harrison