2015
Resipe para sa isang Masayang Pamilya
Agosto 2015


Resipe para sa isang Masayang Pamilya

Narito ang ilang paraan para mapalakas ninyo ang inyong pamilya.

Larawan
Group portrait of family in Australia

Sa listahan ng mahahalagang doktrina sa ebanghelyo ni Jesucristo, ang pamilya ay binibigyan ng mataas na prayoridad. Kayong mga kabataang babae ay palaging binibigkas ang inyong pangako na “palakasin ang tahanan at mag-anak,”1 kayong mga kabataang lalaki ay inaanyayahang “gumawa ng listahan ng mga paraan na makatutulong [kayo] sa pagbubuo ng isang masayang tahanan,”2 at ipinaalala sa mga kabataang lalaki at kabataang babae na: “Pagpapalain ang inyong pamilya kapag ginagawa ninyo ang inyong bahagi para patatagin ito.”3

Kaya ano ang pinakamainam na paraan para mapalakas ninyo ang inyong pamilya at makatulong kayo sa paglikha ng isang masayang tahanan? Nasa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” ang sagot! Ang mahalagang pahayag na ito ay naglalarawan kung bakit napakahalaga ng pamilya sa plano ng Ama sa Langit at kung ano mismo ang magagawa natin para mapalakas ang mga relasyon natin sa pamilya. Ipinaliliwanag din nito kung paano magiging mas maligaya ang ating pamilya. Walang sikretong resipe—kundi mga pangunahing alituntunin lamang ng ebanghelyo na matagal nang itinuturo sa atin: “Ang kaligayahan sa buhay ng mag-anak ay lalong higit na makakamit kapag isinalig sa mga turo ng Panginoong Jesucristo. Ang mga matagumpay na buhay mag-asawa at mag-anak ay itinatatag at pinananatili sa mga alituntunin ng pananampalataya, panalangin, pagsisisi, pagpapatawad, paggalang, pagmamahalan, awa, gawa, at kapaki-pakinabang na mga gawaing panlibangan.”4

Ito na nga iyon—ang simpleng pormula para magkaroon ng masayang pamilya at mapatibay ang walang-hanggang mga relasyon ninyo sa pamilya. Gayunpaman, hindi ibig sabihin niyan ay wala na kayong gagawin o pagsisikapan. Ngunit lahat ng pagsisikap ninyo para mapalakas ang pamilya ay tiyak na mas magpapasaya sa inyo—at sa kanila.

Narito ang ilang ideya kung paano maipapamuhay ang mga alituntuning ito.

Pananampalataya

  • Makibahagi sa pampamilya at personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan at sa family home evening.

  • Gawing mithiin sa inyong pamilya na mas masunod ang isang kautusan, tulad ng batas ng ayuno o batas ng ikapu.

  • Planuhin na sama-samang pakinggan ang darating na pangkalahatang kumperensya o pag-aralan ang mga nakaraang pangkalahatang kumperensya bilang pamilya.

Panalangin

Larawan
Family praying.
  • Makibahagi sa panalangin ng pamilya.

  • Sa inyong personal na panalangin, ipagdasal ang bawat miyembro ng pamilya na binabanggit ang kanilang pangalan. Isipin ang kanilang mga pangangailangan kapag ipinagdarasal ninyo sila.

Pagsisisi

  • Magsabi ng sori; sabihin ito nang madalas. At sabihin ito nang taos-puso.

  • Alamin ang kahalagahan ng Pagbabayad-Sala ni Cristo at ng sakramento at ang tungkuling ginagampanan ng mga ito sa proseso ng pagsisisi.

Pagpapatawad

  • Maging mapagpakumbaba at tanggapin na lahat, maging mga magulang, ay nagkakamali.

  • Isiping muli ang nagugustuhan ninyo sa mga taong nakasakit sa inyo.

  • Manalangin na matulungan kayong mapatawad ang iba.

Paggalang

  • Sundin ang inyong mga magulang.

  • Huwag magsalita ng masama sa sinuman sa inyong pamilya.

  • Hanapin ang magagandang katangiang nakita ninyo sa bawat miyembro ng pamilya. Sabihin sa kanila kung ano ang hinahangaan ninyo sa kanila.

Pagmamahal

Larawan
Brother and sister interacting.
  • Ipagdasal na magkaroon ng pag-ibig sa kapwa—ang pagmamahal ng Tagapagligtas—para sa mga miyembro ng inyong pamilya.

  • Maghanap ng mga paraan na mapaglingkuran ang inyong pamilya.

  • Sumulat ng maiikling liham ng panghihikayat at pagmamahal. Itago ang mga ito sa lunch box, bag, o pitaka para makita ng mga kapamilya kalaunan.

Habag

  • Hikayatin ang mga miyembro ng pamilya na sabihin ang nararamdaman nila at sikaping unawain ang isa’t isa.

  • Panatagin ang isa’t isa sa oras ng mga pagsubok at sikaping dalhin ang pasanin ng isa’t isa (tingnan sa Mosias 18:8–9).

Gawain

  • Magkusang ipagluto ng pagkain ang pamilya.

  • Tumulong sa gawaing-bahay tulad ng pagtatabas ng damo, pagbubunot ng talahib, o paglilinis ng mga bintana.

  • Tulungan ang inyong nakababatang mga kapatid sa kanilang gawain sa paaralan.

Kapaki-pakinabang na mga Libangan ng Pamilya

Larawan
Parents and teenage daughter standing together and laughing.
  • Tumulong na planuhin ang pamamasyal ng pamilya, bakasyon, o mga aktibidad na ikasisiyang gawin ng pamilya nang sama-sama.

  • Iwasang gumamit ng anumang digital device. Isara ang TV at iba pang electronic device habang kasama ang inyong pamilya.

Mga Karanasan ng mga Kabataan

Tinanong namin ang ilang kabataan kung paano nila ipinamumuhay ang mga alituntuning ito sa kanilang sariling pamilya. Narito ang sinabi nila tungkol sa kanilang mga karanasan:

Pananampalataya

Nagkusa akong ihanda ang susunod na dalawang family home evening, na nagtutuon sa pananampalataya. Nagsimula ako sa paghahanda ng mga lesson at sinikap kong matutuhan ang chords sa gitara ng mga awiting kakantahin namin.

Ang unang lesson ay tungkol sa panalangin. Itinanong ko kung ano ang mababago namin bilang pamilya para mapalakas ang aming pananampalataya. Sumagot sila, “Manalangin, mag-aral ng banal na kasulatan, mag-ayuno, magsimba,” at iba pa. Sumang-ayon kami na maraming magagawa para mapalakas ang pananampalataya, pero ang pinakamahalaga ay talagang gawin ito. Mahalaga na kumilos kayo upang mapalakas ang inyong pananampalataya.

Ang pangalawang lesson ay tungkol sa mga espirituwal na kaloob. Pinag-usapan namin ang pagkakaugnay ng pananampalataya at mga espirituwal na kaloob.

Ang family home evening namin na may temang pananampalataya ay naging matagumpay. May ilang bagay kaming pinagbuti sa aming pamilya; nagkatuwaan kami at hindi nagmadali para lang matapos ito. Sama-sama naming nadama ang Espiritu bilang pamilya.

Riza S., edad 16, Roskilde, Denmark

Panalangin

Nagpasiya akong ipamuhay ang aking relihiyon sa pamamagitan ng pagdarasal at paghiling sa Diyos na tulungan at gabayan ako. Noong una hindi ko alam ang epekto ng mga panalangin ko, pero pagkaraan ng ilang araw nakita ko na mas payapa kami sa bahay.

Kaya lang pagkaraan niyon ay sinubok ang pananampalataya ko. Nagkaroon ng matinding pinsala ang bunsong kapatid ko at kinailangang operahan, gayundin ang isa sa mga kaibigan ko, at ang nanay ko naman ay nagkaroon ng sakit sa lalamunan at mataas ang lagnat. Nawala ang katiwasayan sa paligid ko dahil sa mga nakapanlulumong sitwasyong ito. Napakalungkot ko pero patuloy pa rin akong nanalangin. Naisip ko ang paboritong tula ng lola ko, na nagsasabing mas alam ng Diyos ang lahat ng bagay kaysa sa atin at dapat tayong magtiwala sa Kanya. Kaya sinimulan kong ipamuhay pang lalo ang aking relihiyon at gawin ang lahat ng kaya ko. Hindi nagtagal at nakalabas din ng ospital ang kuya ko. Maayos-ayos na ang lagay ng kaibigan ko kumpara sa dati. Gumaling na ang nanay ko.

Ngayon kapag nagdarasal ako para sa iba, nagdarasal ako nang mas may pagtutuon at pananampalataya kaysa rati. Dapat tayong manampalataya sa Diyos, lalo na kapag nahihirapan tayong maniwala sa Kanya at sa Kanyang mga plano, at huwag tayong magreklamo kailanman dahil alam Niya ang pinakamainam.

Jarom K., edad 18, Graz, Austria

Pagsisisi

Nalaman ko kung gaano kalaki ang epekto ng pagsisisi sa lahat ng bagay. Halimbawa, ilang buwan akong gumawa ng mga kasalanan na hindi ko pinagsisihan, at nahirapan na akong baguhin ang gawing ito. Pero matapos makipag-usap sa bishop at iba pang malalapit na kaibigan, nagawa kong magsisi at mas napalapit ako sa Diyos at naging masaya akong muli. Sa pagdarasal nang taimtim at pag-uukol ng maraming oras sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan, napag-isip-isip ko na kailangan kong baguhin ang ilang aspeto ng buhay ko. Alam ko na ngayon kung gaano ako lumago dahil dito. Dahil sa karanasang ito naging mas malapit ako lalo na sa nanay at tatay ko.

Kahit may mga tukso pa rin akong nararanasan at nagagawang mga kasalanan, nahihikayat ako ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas na magsisi at pag-isipang muli ang mga nagagawa ko araw-araw at sikapin na laging magpakabuti. Walang hanggan kong pasasalamatan ang Pagbabayad-sala sa aking buhay.

Billy P., edad 17, Ipswich, England

Gawain

Yamang itinuturing ko ang family history na isang uri ng gawain, nagpasiya akong gumawa ng sarili kong family history book. Kaya tinipon ko ang lahat ng retrato ng mga miyembro ng pamilya ko. Ginawa ko iyon para makita ng mga anak ko at mga apo-sa-tuhod ang hitsura ng kanilang mga ninuno. At habang ginagawa ko ito, napakapayapa ng pakiramdam ko dahil alam kong hindi ko ginagawa ito para sa aking sarili, kundi ginagawa ko rin ito para sa darating na mga henerasyon.

Glory S., edad 18, Johannesburg, South Africa

Kapaki-pakinabang na mga Libangan ng Pamilya

Noong una mahirap para sa akin na makasama ang mga kapatid ko sa kapaki-pakinabang na mga libangan. Pero nagbagong lahat iyon nang magpunta kami sa Blue Ridge Mountains. Ang mga dahon doon ay iba’t iba ang kulay, at ang amusement park ay masayang pasyalan, pero dahil paminsan-minsan ay may masasakit na salitang maririnig, pagdaramot, at panunukso, madalas itong makawala ng gana. Bago kami umalis, inakyat namin ng kapatid kong babae ang maliit na burol at tahimik na naupo roon habang nakikinig sa himig ng kalikasang nakapaligid sa amin. Iyon ang unang pagkakataon na nagkasama kami nang hindi nag-aaway, na tahimik na nag-uusap tungkol sa mga mangyayari sa hinaharap at ang kasalukuyang mga alalahanin namin sa buhay. Naroon ang Espiritu, at naghahatid ng kapayapaan na matagal ko nang hindi naramdaman.

Sinimulan kong kausapin ang aking mga kapatid, kinumusta ko sila, niyakap sila—inalam ko ang mga nangyayari sa kanila. Tinulungan ko ang bunsong kapatid kong lalaki, na isang autistic, sa homework niya. Tinulungan ko ang bunsong kapatid kong babae na gumawa ng mga grammar flash card at lumikha ng nakakatawang mga tula para maisaulo ang iba’t ibang bahagi ng pananalita. Sa sumunod na eksamen niya naragdagan siya ng mahigit 20 puntos at nakatanggap ng pinakamataas niyang marka sa pagsusulit. Ang kagalakang nadama ko mula sa mga sandaling iyon ay kakaiba at mas malalim kaysa inasahan ko.

Ang maging kabilang sa isang pamilya ay maaaring mahirap, pero sa mga ganoong panahon ay sulit ang lahat. Ang mga simpleng sandaling iyon ay nauuwi sa katuwaan, paglalaro, at tawanan; at nadama ko na muling nagkaisa ang pamilya namin.

Emily C., edad 17, North Carolina, USA

Mga Tala

  1. “Tema ng mga Kabataang Babae,” Pansariling Pag-unlad ng Young Women (buklet, 2009), 3.

  2. Tungkulin sa Diyos (buklet, 2010), 80.

  3. Para sa Lakas ng mga Kabataan (buklet, 2011), 14.

  4. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Nob. 2010, 129.

Mga Aralin sa Araw ng Linggo

Paksa sa Buwang Ito:

Pag-aasawa at Pamilya