2016
Mga Batang Musmos at ang Sakramento
October 2016


Mga Batang Musmos at ang Sakramento

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Nadama ng aming mga anak na musmos na mahalaga ang sakramento sa amin. Mas marami pa sana kaming magagawa para tulungan silang makita na mahalaga rin ito sa kanila.

Larawan
family partaking of the sacrament

Naisip na ba ninyo kung bakit natin tinutulutang makibahagi ng sakramento ang mga batang hindi pa nabinyagan? Para lang ba hindi sila mag-away-away at mag-ingay kapag gusto nilang kumuha ng tinapay mula sa trey? Para lang ba mas madaling maisagawa ang ordenansa, para mapanatili ang kapayapaan?

Palagay ko’y hindi. Naniniwala ako na may mas malalalim na dahilan ito. Naniniwala ako rito dahil naniniwala ako na kapag sinabi ni Jesuscristo na “lahat,” ang ibig Niyang sabihin ay lahat. At kapag nagsasalita Siya sa mga tao, hindi Siya nagtatangi ng sinuman.

Nang pasimulan ng Tagapagligtas ang sakramento sa Kanyang mga tao sa mga lupain ng Amerika, binigyang-diin Niya na ang ordenansa ay may espesyal na kahulugan para sa mga nabinyagan.1 Magkagayunman, inutusan Niya ang Kanyang mga disipulo na “bigyan [ng sakramento] ang maraming tao.”2 Kasama sa maraming taong iyon ang “mga musmos.”3

Kapag binibigkas ngayon ng mga maytaglay ng priesthood ang mga panalangin sa sakramento, hinihiling nila sa Ama sa Langit na basbasan at gawing banal ang tinapay at tubig “sa mga kaluluwa ng lahat nila” na makikibahagi.4 Lahat. Bawat taong nakikibahagi—pati na ang bawat batang musmos.

Kung sa pakikibahagi ng tinapay at tubig, tinanggap ng mga bata ang mga sagisag na ito bilang pagpapala sa kanilang dalisay na mga kaluluwa, kailangan ay may paraan para matulungan silang mahanap ang kahulugan ng ordenansa.

Sa pagkaunawang ito, ginugunita ko ang mga araw na maliliit pa ang aking mga anak. Napanatili naming mag-asawa na tahimik sila habang ipinapasa ang sakramento. Palagay ko nadama nila na mahalaga ang sakramento sa amin. Ngunit mas marami pa sana kaming magagawa para tulungan silang makita na mahalaga rin ito sa kanila.

Ano kaya ang dapat sana ay ginawa namin? Naalala sana namin na ang mga batang musmos ay may kakayahang tuparin ang mga pangako sa panalangin sa sakramento. Mauunawaan nila, sa sarili nilang munti ngunit matinding paraan, ang kahulugan ng “laging alalahanin” si Jesus. Maaari silang mangakong “sundin ang kanyang mga utos.” Maaari pa nilang ipakita na sila ay “pumapayag na taglayin sa kanilang sarili ang pangalan” ni Cristo, batid na hindi magtatagal at mapapasakanila ang pribilehiyong iyon kapag sila ay nabinyagan at nakumpirma.5

Pero paano naman ang pagpapanibago ng mga tipan? Itinuro ng mga pinuno ng Simbahan na kapag nakikibahagi tayo ng sakramento, pinaninibago natin ang lahat ng tipang nagawa natin sa Panginoon.6 Walang anumang paninibaguhing mga tipan ang mga batang musmos.

Iniisip kong muli ang panahon na maliliit pa ang aming mga anak. Hindi namin sila natulungang gunitain ang mga tipan, ngunit natulungan sana namin silang asamin ito. Nakikinita ko ang sarili ko na may kasamang isang batang anak na lalaki o babae isang umaga ng Sabbath:

“Kapag walong taong gulang ka na,” sasabihin ko, “bibinyagan ka at tatanggap ng kaloob na Espiritu Santo. Makikipagtipan ka. Ang tipan na iyong gagawin kung gayon ay magiging gaya ng mga pangakong iyong ginagawa ngayon tuwing makikibahagi ka ng sakramento.

“Kapag nakibahagi ako ng sakramento ngayon, paninibaguhin ko ang aking tipan sa binyag, na para bang muli kong ginagawa ang mga pangakong iyon. Kasama kita, pero hindi ka magpapanibago ng tipan. Hindi ka pa nakakagawa niyon. Sa halip, maaari kang magsanay sa paggawa ng tipan. Tuwing tatanggap ka ng sakramento, maaari kang maghandang mabinyagan at makumpirma. Sa gayon, handa ka na kapag walong taong gulang ka na.”

Kung tila hindi karaniwan na gamitin ang salitang magsanay sa ganitong paraan, isipin ito: Sa isang mapitagang sitwasyon, maaaring tulungan ng isang ama ang kanyang mga anak na maghanda para sa ordenansa ng binyag sa pagpapakita sa kanila kung paano sila magkasamang tatayo sa tubig at sa pagbabahagi ng mga salita ng panalangin sa binyag. Hindi siya nagsasagawa ng ordenansa sa sitwasyong iyon. Sa isang paraan, tinutulungan niyang magsanay ang kanyang mga anak. Sa gayong paraan, hindi sila nag-aalala sa mangyayari kapag lumusong sila sa mga tubig ng binyag. Naniniwala ako na matutulungan din ng mga ina at mga ama ang mga bata na magsanay sa paggawa at pagtupad ng tipan sa binyag. Bawat sacrament meeting ay maaaring maging sagradong sesyon sa pagsasanay para sa mga batang musmos habang nakikibahagi sila ng mga simbolo ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.

Kaya nga babalik ako sa orihinal na tanong ko. Bakit natin tinutulutang makibahagi ng sakramento ang mga batang hindi pa nabinyagan? Para lang ba “mapanatili ang kapayapaan”? Siyempre hindi. Tinutulungan natin ang ating mga musmos na makibahagi ng sakramento para maalala nila ang kanilang Tagapagligtas at mapanatili nila ang Kanyang kapayapaan—kapayapaang naiiba sa anumang maibibigay ng mundo.7 Tinutulungan natin silang maghanda na matanggap ang kapayaang iyan nang mas sagana sa hinaharap, kapag nakipagtipan sila sa Kanya at tinupad nila ang mga iyon.