2016
Ang Aking mga Linggo na Puno ng Paglilingkod
October 2016


Paglilingkod sa Simbahan

Ang Aking mga Linggo na Puno ng Paglilingkod

Ang awtor ay naninirahan sa California, USA.

Ang aking mga Linggo ay puno ng gawain, ngunit nagpapasalamat ako na nakapaglilingkod ako nang hindi nahihirapang tulad ng naunang mga pinuno ng Simbahan kagaya ni Elder Parley P. Pratt.

Larawan
Parley P. Pratt in the snow

Mga paglalarawan ni Chidy Wayne

Linggo ng umaga iyon. Puno ang 12-oras ko ng iskedyul ng mga miting, interbyu, kumpirmasyon, at ordinasyon. Magsisimula ako sa isang stake center at matatapos sa ibang meetinghouse sa kabila ng bayan—na pawang ginagawa sa sobrang init ng maghapon.

Inaasam ko ang bawat miting, interbyu, kumpirmasyon, at ordinasyon. Ngunit kahapon, nang pag-isipan ko kung gaano ako magiging abala, naawa ako sa sarili ko—hanggang sa buklatin ko ang Autobiography of Parley P. Pratt at simulan itong basahin kung saan ako tumigil. Ibinilanggo si Elder Pratt, kasama sina Joseph at Hyrum Smith at ang iba pa, noong mga panahon ng paghihirap sa Missouri. Matapos dalhin sa Independence, ikinulong ang mga Kapatid sa isang hotel kung saan sa sahig sila natutulog, gamit ang isang bloke ng kahoy bilang kanilang unan.

Isang malamig at maniyebeng umaga nagbangon si Elder Pratt at nakatalilis ng hotel nang walang nakapansin. Naglakbay siya pasilangan at dumaan sa bayan at sa kalapit na mga bukirin. Matapos maglakad nang mga isang milya (1.6 km), pumasok si Elder Pratt sa gubat, at natakpan ng niyebe ang kanyang mga bakas at itinago ng mga puno ang kanyang dinaanan.

Napag-isip-isip niya ang kanyang gipit na kalagayan. Para makapagpatuloy pasilangan kinailangan niyang tumakas papunta sa ibang estado, kung saan niya mapapasunod ang kanyang pamilya. Kapag bumalik siya sa hotel, makukulong siya at pararatangan ng mabibigat na krimen. Nang matuksong tumakas, naisip ni Elder Pratt na “baka magkaproblema, o mamatay pa” ang ibang mga bilanggo kung tatakas siya.

Habang nag-aalangan, naalala niya ang isang talata sa banal na kasulatan: “Ang sinomang magibig iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito; at ang sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin ay matatagpuan ito, maging buhay na walang hanggan” (tingnan sa Marcos 8:35; D at T 98:13).

Bumalik si Elder Pratt sa hotel. Sumunod ang mga buwan ng nakakapagod na pagkabilanggo—walang pamilya, pakikisalamuha ng mga Banal, o kakayahang maglingkod sa kanyang tungkulin bilang apostol.1

Nang isara ko ang aklat, pinagbulayan ko ang mga pagdurusa ng naunang mga Banal—na ang ilan ay aking mga ninuno. Dahil sa kanilang patotoo sa ebanghelyo at pananampalataya kay Jesucristo, tiniis nila ang kalupitan at pang-uusig. Dahil sa kanilang pagtitiis, ngayo’y malaya na akong makapaglilingkod at makasasamba, at kasama nila sa pananampalataya at patotoo.

Habang naghahanda ako para sa araw na ito ng Sabbath, ang pamilya ko ay ligtas, at inaasam ang araw ng pagsamba sa isang maginhawang meetinghouse. Ang pakikisalamuha sa mga Banal ay magpapasigla sa aming araw. Magagalak kami kasama nila sa isasagawang mga kumpirmasyon at ordinasyon, sa tutuparing mga responsibilidad, at sa mga pananampalataya na lalo pang titibay. Makikibahagi kami ng sakramento, na inaalaala ang ating Tagapagligtas at ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. At ngayong gabi ay magtitipon kami sa aming tahanan upang basahin ang Aklat ni Mormon at sama-samang manalangin bago kami mahiga sa magiginhawang kama at ihimlay ang aming ulo sa malalambot na unan.

Puno ang aking mga araw ng Linggo. Nagpapasalamat ako at mapalad ako dahil diyan.

Tala

  1. Tingnan sa Parley P. Pratt, Autobiography of Parley P. Pratt, inedit ni Parley P. Pratt Jr. (1979), 194–97.