2016
Paglilingkod sa Dako pa Roon ng Jordan
October 2016


Paglilingkod sa Dako pa Roon ng Jordan

O saan man kayo kailangan ng Panginoon.

Larawan
Amman Jordan

Mga larawang kuha ng iStock/Thinkstock

Napakalaki ng pangangailangan.

Noong mga unang buwan ng 2013, limang kaso ng tigdas ang lumaganap sa Za’atari refugee camp sa bansang Jordan sa Middle East. Mahigit 100,000 Syrian refugee, na nakatira sa napakasisikip na lugar, ang nanganib na magkaroon ng lubhang nakakahawa at mapanganib na virus na ito. Nagplano ang pamahalaan ng Jordan ng malawakang kampanya sa pagbabakuna para hindi lumaganap ang sakit. Ang plano ay bakunahan ang kahit 90,000 Syrian refugee lamang na mula 6 na buwan hanggang 30 taong gulang sa loob ng dalawang linggo.

Pero nagkaroon ng problema. May serum ang United Nations Children’s Emergency Fund (UNICEF). May mga klinika ang Jordanian Ministry of Health. Ang wala sila ay mga cold-chain supply item—mga hiringgilya, lalagyan ng matatalim na instrumento, serum cooler—at lumilipas ang oras.1

At nakibahagi sina Ron at Sandi Hammond, mga senior welfare missionary na naglilingkod bilang mga country director sa Jordan para sa LDS Charities. Dahil may kaugnayan na sina Ron at Sandi sa UNICEF at sa Ministry of Health, agad silang nakipagtulungan sa mga organisasyong ito para alamin kung paano makakatulong ang LDS Charities.

Sabi ni Ron, “Itinanong namin kung magkano ang mga cold-chain supply item. Nang sabihin nila sa amin, sabi namin, ‘Palagay namin, makakatulong ang LDS Charities.’ Sabi nila, ‘Gaano kabilis? Kailangan na nating simulan ito!”

Sa loob ng 20 oras inaprubahan ng LDS Charities ang pagbili ng kailangang mga cold-chain supply. “Nang ipaalam namin ito sa Ministry of Health at sa UNICEF,” sabi ni Ron, “namangha sila. Paano nakakilos nang gayon kabilis ang isang NGO [non-governmental organization]? Hindi lamang nakapagsimula sa oras ang kampanya sa bakuna, kundi binigyang-inspirasyon din nito ang isang pambansang kampanya na nakapagbakuna ng daan-daang libong Jordanian at mga Syrian refugee.”

Larawan
giving immunizations

Kaliwa: larawang kuha sa kagandahang-loob ng Samir Badran, UNIcef-Jordan; mga background pattern at larawan ng Amman, Jordan © iStock/Thinkstock

Naiwasan ang krisis.

Bukod pa rito, ang kapaki-pakinabang na pagtutulungang ito ng UNICEF, ng Ministry of Health ng Jordan, at ng LDS Charities ay lumikha ng potensyal para sa pakikipagtulungan sa hinaharap.

Ang pagdating nina Ron at Sandi Hammond sa mahalagang sandaling iyon sa Middle East ay patunay ng pananampalataya ng mga Hammond at naging inspirasyon para sa senior missionary program ng Simbahan.

Kailangan: Mga Missionary Couple

Noong 2012 ang mga Hammond ay naglilingkod bilang mga ordinance worker sa Rexburg Idaho Temple. Naging matagumpay ang trabaho ni Ron bilang dentista at nagtuturo siya noon sa Religion Department sa Brigham Young University–Idaho. Pero biglang nagbago ang tahimik na buhay nila sa malakas na espirituwal na impresyon na agad magsumite ng mga papeles para magmisyon. Nagulat sila sa tiyempo ng dating nito. Ang kanilang mga anak na may-asawa na ay nasa iba’t ibang yugto ng kanilang propesyon at paglipat ng tirahan, at ayaw pang magretiro ni Ron. Pero tiniyak sa kanila ng Espiritu na kailangan sila at na magiging maayos ang lahat.

Lumabas na matagal na palang ipinag-aayuno at ipinagdarasal ng mga lider ng priesthood sa headquarters ng Simbahan na makita ang angkop na mag-asawang maglilingkod bilang mga country director para sa LDS Charities sa Amman, Jordan.

“Napakalinaw,” sabi ni Sandi, “na nanguna sa amin ang Panginoon, at inihanda ang mga detalye ng partikular na atas Niya para sa amin. Alam namin na ginagawa Niya ito para sa bawat missionary na naglilingkod. Nakapapanatag na malaman na isinasaayos ng Tagapagligtas ang mga bagay-bagay para makapaglingkod kayo bago pa man kayo dumating.”

“Dahil dito,” sabi ni Ron, “nagpapasalamat kami na hindi kami bumanggit ng anumang partikular na lugar ni nagpilit kaming mapunta sa lugar na nais naming paglingkuran. Nang ipinaubaya namin sa Panginoon ang lahat, tinulutan Niyang maranasan namin ang bagay na hindi sana namin naranasan.”

Kasama sa karanasang iyon ang makatrabaho ang pamilya ng hari ng Jordan sa mga humanitarian project na interesado ang pamilya ng hari. Nakipagtulungan ang mga Hammond sa mga lokal na ospital at klinika para mabigyan ng training ang mga doktor at nars ng Jordan tungkol sa mga kasanayan sa nakapagliligtas ng buhay na neonatal resuscitation, na nagpabawas nang malaki sa namamatay na mga bagong silang na sanggol. Sa pagsisikap nila at ng iba pang mga missionary couple, ang LDS Charities ay nagbigay ng training at mga kagamitan sa mga vision clinic at organisasyon na naglilingkod sa mga may kapansanan. Kabilang sa mga sinuportahan ng mga Hammond at iba pang mga welfare missionary ay ang sentrong nagtuturo sa kababaihang may kapansanan kung paano magdisenyo at manahi ng mga espesyal na damit at crafts. Ang mga kasanayang ito ay nagbigay sa mga estudyante ng oportunidad na mas matustusan ang kanilang sarili at kanilang pamilya.

Larawan
midwives practice neonatal resuscitation techniques

Kaliwa: larawang kuha sa kagandahang-loob ng LDS Charities; kanan: larawang kuha sa kagandahang-loob ng mga Hammond

Kabilang sa iba pang mga proyekto ang pakikipagtulungan sa iba pang mga NGO at sa pamahalaan ng Jordan sa emergency response at sa pagsasala sa mga estudyanteng Jordanian na tatanggap ng isa sa dalawang scholarship bawat taon para dumalo sa Brigham Young University. Isa sa lubhang kasiya-siyang mga karanasan ng mga Hammond ang makatrabaho ang Latin Catholic Church sa pagtatayo ng mga silid sa paaralan para sa mga Kristiyanong Iraqi na wala nang ibang lugar na mapagpupulungan.

Kasama ang Panginoon sa Kanyang Ubasan

Habang nasa Jordan, nalaman ng mga Hammond kung gaano katotoo ang pangako ng Panginoon sa mga naglilingkod sa Kanya: “Ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo” (D at T 84:88).

“Kabahagi ang Diyos sa gawain,” sabi ni Ron. “Naroon Siya sa ubasan kasama ang Kanyang mga lingkod. Sinumang mag-asawang nagmimisyon ay sinasamahan ng Panginoon ng ubasan sa ubasan. Hindi lang kami naniniwala sa mga himala sa Jordan; ipinamuhay pa namin ang mga ito.”

Hindi mapag-aalinlanganan na ang mga anghel na nadama nila na “nasa paligid” nila ay nagmula sa langit, pero may kasama rin silang mga mortal, lalo na ang kanilang mga anak, na sumuporta sa desisyon nilang maglingkod nang napakalayo sa tahanan.

At pinagpala naman ng nagpoprotekta at nagpapalakas na kapangyarihan ng Panginoon ang kanilang pamilya. Gumawa sila ng mahahalagang desisyon sa propesyon at paglipat ng tirahan, at nilutas nila ang potensyal na mga kumplikasyon sa panganganak nang ang kanilang mga anak ay bumaling sa Panginoon, nag-usap-usap, at nanalangin at nag-ayuno para sa isa’t isa.

Ang mga pagpapalang natanggap ng kanilang mga anak ay lubhang kagila-gilalas kaya nang anyayahan sina Brother at Sister Hammond na paabutin ng tatlong taon ang kanilang dalawang-taong misyon, masiglang sumuporta ang bawat isa sa kanilang mga anak. Nadama nilang may ginagawa ang Panginoon na napaka-espesyal sa kanila dahil sa paglilingkod ng kanilang mga magulang.

Gayunpaman, ang pagkawalay na nadama ng pamilya Hammond ay isang sakripisyo. Mahirap mapunta sa kabilang panig ng mundo na malayo sa mga mahal nila sa buhay. Pero hindi ito kasing-hirap ng mapalayo noong araw. Ginawang posible ng teknolohiya na makabahagi ang pamilya sa buhay ng isa’t isa nang madalas kung kailangan. Sabi ni Sandi, “Hindi nawawalan ng kontak ang mga mag-asawa sa kanilang pamilya. Madalas naming kontakin ang mga pamilya ng aming mga anak. Dahil sa FaceTime at mga email, kilala kami ng apat na bagong apo namin, na isinilang habang nasa misyon kami, at mainit nila kaming tinanggap pagbalik namin.”

Pagmumulat ng mga Mata at Puso

Larawan
the Hammond family

Kaliwa: larawang kuha sa kagandahang-loob ng LDS Charities; kanan: larawang kuha sa kagandahang-loob ng mga Hammond

Kabilang sa maraming pagpapalang nadarama ng mga Hammond na natanggap nila mula sa kanilang paglilingkod ang mamulat ang kanilang mga mata sa pagiging bukas-palad at pakikipagkaibigan ng mga Jordanian. Nang matanggap ng mga Hammond ang tawag sa kanila noong una, hindi sila makatiyak sa mga taong paglilingkuran nila.

“Pero nalaman namin na magiliw at bukas-palad ang mga kaibigan naming Muslim,” sabi ni Ron, “at tiyak namin na kapag nadama nila na mapapahamak kami, gagawin nila ang lahat para protektahan kami.

“Kamangha-mangha ang pag-ibig nila sa kapwa. Hindi makayanan ng mga Jordanian na malaman na walang makain ang iba kung may maitutulong sila. Bago pa man isinilang si David ay tumatanggap na sila ng mga refugee. Maraming reperensya sa Biblia tungkol ‘sa dako pa roon ng Jordan,’ at sinimulan naming lagdaan ang aming mga liham ng ‘Sa Dako pa Roon ng Jordan’ bilang pagkilala sa mahabaging paglilingkod na naging pribilehiyo naming ilaan sa makasaysayang bansang ito na mahabagin. Ilang siglong naging lugar ng pag-ibig sa kapwa ang Jordan, at pinagpala ng Panginoon ang mga taong ito dahil doon.”

Sa pakikipagtulungan sa mga Jordanian nakabuo ng ilang matitibay na pakikipagkaibigan ang mga Hammond. “Inanyayahan kami sa ilang hapunang Iftar, ang hapunan na tanda ng pagwawakas ng araw-araw na pag-aayuno para sa Ramadan,” sabi ni Sandi. “Inanyayahan din kami ng mga kaibigan naming Muslim sa mga engagement party, kasal, at iba pang okasyon na pampamilya.”

Hindi nagpo-proselyte ang Simbahan o pumapayag na binyagan ang mga Muslim sa Jordan o sa iba pang dako kung saan ito ipinagbawal ng batas, kaya hindi nagbahagi ng impormasyon ang mga Hammond tungkol sa Simbahan. Sa halip, nagtuon sila sa pagpapatatag at pagpapanatili ng mga ugnayan—sa pamilya ng hari, sa local humanitarian partners, sa iba pang mga couple missionary na kasama nilang naglilingkod, at sa mga pinuno ng relihiyon at pamahalaan. Nang matanong sa mga detalye tungkol sa Simbahan, hinikayat ng mga Hammond ang mga nagtatanong na bumisita sa LDS.org.

Ang Tawag na Maglingkod

Dahil sa mga pambihirang karanasan nina Ron at Sandi, pakiramdam kaya nila natatangi sila sa iba pang mga mag-asawang tinawag na maglingkod—o maaaring tawaging maglingkod?

Oo—at hindi. “Naglingkod kami kung saan at kung kailan kinailangan ng Panginoon ng mag-asawang may partikular na mga kasanayan at karanasan sa buhay,” sabi ng mga Hammond. “Pero totoo iyan sa lahat ng senior missionary. Bawat mag-asawang may kakayahang magmisyon ay naihandang maglingkod sa mga paraang natatangi sa kanila. Kailangan lamang nila ng sapat na pananampalataya upang magpunta kung saan sila kailangan ng Panginoon, at gagamitin Niya sila upang gumawa ng kaibhan sa buhay ng iba.”

“Makagagawa ng kaibhan ang mga mag-asawa,” sabi ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Makagagawa ng mga kahanga-hangang bagay ang mga mag-asawa na hindi magagawa ng sinuman. …

“… Walang hanggan ang mga paraan na maaaring maglingkod ang mga mag-asawa. Mula sa [mission office support] at pagsasanay sa pamumuno hanggang sa [family history], gawain sa templo, at makataong paglilingkod—may pagkakataong magagamit ang halos anumang kasanayan o talinong ipinagkaloob sa inyo ng Panginoon. …

“… Nakatanggap kayo ng malaki sa inyong buhay; humayo at magbigay nang walang bayad sa paglilingkod sa inyong Panginoon at Tagapagligtas. Sumampalataya; batid ng Panginoon kung saan kayo kailangan. Malaki ang pangangailangan, mga kapatid, at kakaunti ang mga manggagawa.”2

Mga Tala

  1. Tingnan sa “Mass Vaccination Campaigns in Syria, Jordan, Lebanon, Iraq and Turkey Amid Measles Outbreaks,” Abr. 30, 2013, unicef.org.

  2. Robert D. Hales, “Mga Mag-asawang Misyonero: Panahon upang Maglingkod,” Liahona, Hulyo 2001, 30, 31.