2016
Sinasabi sa akin ng ilang tao na kailangan kong magkaroon ng mga kaibigan na iba ang mga pamantayan kaysa sa akin para mapalakas ko ang aking pamantayan. Totoo ba?
October 2016


Mga Tanong at mga Sagot

“Sinasabi sa akin ng ilang tao na kailangan kong magkaroon ng mga kaibigan na iba ang mga pamantayan kaysa sa akin para mapalakas ko ang aking pamantayan. Totoo ba?”

Sa huli, ang pagpapatatag ng iyong mga pamantayan ay nagmumula sa pagkatuto tungkol sa at pamumuhay ayon sa ebanghelyo ni Jesucristo, at makakatulong o makakahadlang ang mga kaibigan sa paggawa niyon. Malaki ang impluwensya ng mga kaibigan sa iyo—sa paraan ng iyong pag-iisip, pagsasalita, at pagkilos hanggang sa magiging pagkatao mo. Iminumungkahi sa Para sa Lakas ng mga Kabataan na, “Pumili ng mga kaibigang kapareho ninyo ang mga pinahahalagahan upang mapalakas at mahikayat ninyo ang isa’t isa na ipamuhay ang mataas na mga pamantayan” ([2011],16). Tutulungan ka ng ganitong uri ng mga kaibigan na ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo, sundin ang iyong mga pamantayan, at maging mas mabuti kang tao.

Gayunman, hindi lahat ng taong nakakahalubilo mo ay katulad mo ang mga pamantayan o mga miyembro ng Simbahan. Mahalagang maging mabait sa lahat at tratuhin sila kung paano sila tatratuhin ng Tagapagligtas—may pagmamahal at kabaitan. Kapag patuloy mong susundin ang iyong mga pamantayan, maaari kang “maging uliran ng mga nagsisisampalataya, sa pananalita, sa pamumuhay, sa pagibig, sa pananampalataya, sa kalinisan” (I Kay Timoteo 4:12). Sa pamamagitan ng iyong halimbawa, makikita nila kung paano ka pinagpapala sa pamumuhay ayon sa matataas na pamantayan, at mahihikayat mo silang gawin din ang gayon.

Hangarin ang patnubay ng Espiritu Santo—at magkaroon ng tapang na kumilos ayon sa Kanyang mga pahiwatig—sa pagpili mo ng mga kaibigan at pagsisikap na patatagin ang iyong mga pamantayan.

Mga Tunay na Kaibigan

Sa unang taon ko sa middle school kinabahan ako na baka hindi ako makahanap ng mga kaibigan na igagalang ang mga pamantayan ko. Pagkaraan ng maikling panahon naging mabuting magkaibigan kami ng isang kaklase ko, at sinabi ko sa kanya na Mormon ako. Tinanong niya ako tungkol dito, kaya binigyan ko siya ng polyetong Para sa Lakas ng mga Kabataan. Simula sa araw na iyon, hindi na siya nagmura sa harapan ko. Kung mga tunay na kaibigan ang mga kaibigan mo, igagalang nila ang iyong mga desisyon at tutulungan kang sundin ang iyong mga pamantayan.

Candela M., edad 13, Buenos Aires, Argentina

Sundin ang Payo ng mga Propeta

Kung minsan mahirap labanan ang tukso kung sumasama tayo sa mga kaibigan na gumagawa ng mga maling pasiya o pinipilit tayong gumawa ng mga maling pasiya. Sinabi na sa atin ng mga propeta sa polyetong Para sa Lakas ng mga Kabataan na ang mga kaibigan ay “magiging impluwensya … sa inyong pag-iisip at pagkilos, at maging sa magiging pagkatao ninyo” ([2011], 16). Palagay ko dapat tayong magkaroon ng mga kaibigan na handang igalang ang ating mga pamantayan at magpakita pa ng interes sa atin sa pagsunod sa ating mga pamantayan.

Calvin W., edad 16, Arizona, USA

Alalahanin ang Iyong mga Pamantayan

Ang mga kaibigang hindi mo kapareho ang mga pamantayan ay maaari talagang pahinain at sirain ang iyong mga pamantayan. Nang una kaming lumipat sa bago kong paaralan, sinikap kong makibagay sa pamamagitan ng pagsasabi ng ilan sa mga bagay na sasabihin ng mga tao sa paligid ko. Muntik ko nang malimutan ang ilan sa mga pamantayan ko habang sinisikap kong gayahin ang lahat. Alam ko na ngayon na para mapatatag ang iyong mga pamantayan, kailangan mo ng mga kaibigan na sumusuporta at nakikiisa sa iyong mga pamantayan. Nagpapasalamat ako na kalaunan ay nakatagpo ako ng gayong uri ng mga kaibigan dahil ipinapaalala nila sa akin ang aking mga pamantayan.

Logan J., edad 15, Utah, USA

Panatilihing Mataas ang Iyong mga Pamantayan

Ang mga kaibigang iba ang mga pamantayan ay hindi nakapagpapatatag sa mga pamantayan mo, ngunit dahil kaibigan ka nila, mapapakitaan mo sila ng mabuting halimbawang susundan. Kapag may mga kaibigan ka na hindi kapareho ng sa iyo ang mga paniniwala, makahihikayat ito sa iyo na panatilihing mataas ang iyong mga pamantayan at tutulungan kang manindigan sa tama.

Warren S., edad 14, Oregon, USA

Ang Mabubuting Kaibigan ay Isang Pagpapala

Kung hindi kapareho ng sa iyo ang mga pamantayan ng iyong mga kaibigan, maaaring mas mahirap patatagin ang iyong mga pamantayan. Ang pagbabasa ng Para sa Lakas ng mga Kabataan ay palagiang nakatulong sa akin na pumili ng mabubuting kaibigan na iginagalang ako. Ngayon ay naghahanda akong maglingkod sa misyon, at alam ko na ang mapalibutan ng mga tao na kapareho ko ang mga pamantayan ay nakatulong upang manatili akong tapat sa ebanghelyo.

Nair M., edad 19, Buenos Aires, Argentina

Humawak sa Gabay na Bakal

Ang pagkakaroon ng mga kaibigan na may mabubuting pamantayan ang siya mismong nais mo. Nais mong palibutan ka ng mga kaibigang tutulong sa iyo na sundin ang mga kautusan at gaganyak sa iyo na mamuhay nang matwid. Manatiling nakahawak nang mahigpit sa gabay na bakal, na patungo sa punungkahoy ng buhay, hindi sa malaki at maluwang na gusali. Ang mapalibutan ka ng kasamaan ay hahantong sa mga tukso. Magkaroon ng mabubuting kaibigan na iimpluwensya sa inyo na ipamuhay ang ebanghelyo.

Annie P., edad 13, Utah, USA

Ipagdasal na Makahanap ng mga Kaibigan

Matapos kaming lumipat ng pamilya ko sa isang bagong estado, patuloy kong ipinagdasal na makahanap ng mga kaibigang makakausap ko tungkol sa ebanghelyo. Habang nagdarasal ako, napanatag ako, at makalipas ang ilang buwan nagkaroon ako ng ilang kahanga-hangang mga kaibigan. Makakaasa ako sa kanilang suporta, at natulungan nila akong magkaroon ng mas malaking pagmamahal sa ebanghelyo. Alam ko na mahalaga ang mga kaibigan at magagawa nilang mas madali para sa atin na ipamuhay ang ebanghelyo.

Sarah P., edad 16, Rio de Janeiro, Brazil