Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 10: Punuin ang Daigdig at ang Ating Buhay ng Aklat ni Mormon


Kabanata 10

Punuin ang Daigdig at ang Ating Buhay ng Aklat ni Mormon

“May kapangyarihan sa [Aklat ni Mormon] na magsisimulang dumaloy sa inyong buhay sa sandaling simulan ninyong dibdibang pag-aralan ang aklat.”

Mula sa Buhay ni Ezra Taft Benson

Sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 1989, binasa ni Pangulong Thomas S. Monson ang isang mensahe mula kay Pangulong Ezra Taft Benson sa mga bata sa Simbahan. Sa mensaheng ito, sinabi ni Pangulong Benson:

“Alam kong binabasa ninyo ang Aklat ni Mormon, dahil nakatanggap ako ng daan-daang mga sulat mula sa inyo na nagsasabing binabasa ninyo ang sagradong aklat na ito. Napapaluha ako sa galak kapag naririnig ko ito. …

“Tuwang-tuwa akong marinig ang pagmamahal ninyo sa Aklat ni Mormon. Mahal ko rin ito, at nais ng Ama sa Langit na patuloy kayong matuto mula sa Aklat ni Mormon araw-araw. Ito ay espesyal na regalo sa inyo ng Ama sa Langit. Sa pagsunod sa mga turo nito, matututuhan ninyong gawin ang kalooban ng ating Ama sa Langit.”1

Sa buong Simbahan, dininig ng mga Banal sa mga Huling Araw ang payong ito mula sa kanilang propeta. Ang sumusunod na mga salaysay ay nagpapakita ng mga halimbawa ng mga pagpapalang natanggap ng mga tumugon sa panawagan ni Pangulong Benson na “punuin ang mundo at [kanilang] buhay ng Aklat ni Mormon.”2

“‘Nagbibiro lang siya!’ naisip ni Margo Merrill … nang una niyang marinig ang kahilingan ni Pangulong Ezra Taft Benson na basahin ng mga magulang ang Aklat ni Mormon sa kanilang mga anak. ‘Ang mga anak ko ay anim, lima, at dalawang taong gulang lamang. Magsasayang lang ako ng oras at pasensya.’

“Pero ipinasiya nina Brother at Sister Merrill na subukan pa ring basahin ang Aklat ni Mormon sa kanilang mga anak. Pagdating nila sa kuwento tungkol kay Nephi at sa kanyang nabaling pana, nagka-pulmonya ang anim-na-taong-gulang na si Melissa.

“‘Nakiusap sa akin si Melissa na payagan ko siyang pumasok sa eskuwela kahit maysakit siya,’ [sabi ni] Margo. ‘Kung hindi raw siya papasok, hindi malalaman ng kaibigan niyang si Pamela—na miyembro ng ibang simbahan—ang nangyari kay Nephi. Pagkatapos ay nag-iiyak si Melissa at sumubsob sa braso ko. Pinatigil ko siya sa pag-iyak at iminungkahi kong tawagan niya sa telepono si Pamela at ikuwento rito ang nangyari kay Nephi.

“‘Nang marinig kong ikinuwento ni Melissa ang detalye tungkol sa nabaling pana ni Nephi, naalala ko ang naisip ko noong una na pagsasayang ko ng oras at pasensya sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon sa mga anak ko. Ah, labis kong minaliit ang kakayahan nilang matutuhan ang mga aral ng Aklat ni Mormon!’”3

Pinagbulayan ni Howard J. McOmber II ang panghihikayat ni Pangulong Benson na punuin ang mundo ng Aklat ni Mormon. Naisip niya, “Bilang indibiduwal, paano ako magiging mahalagang bahagi ng gayong pagpupuno?

“Pagkatapos isang gabi,” sabi ni Brother McOmber, “habang pinagbubulayan ko ang problemang ito natanto ko na mabibigyan ko ng pagkakataon ang bawat tao sa kalye namin na tumanggap ng kopya ng Aklat ni Mormon.

“Pero may isang problema—kilala nila ako. Alam nila ang tungkol sa aso ko na napakadalas tumahol—nang napakaaga. Alam nilang hindi ang bakuran ko ang pinakamalinis sa lugar namin. Alam nila ang mga pagkukulang ko bilang kapitbahay; malamang na tanggihan nila ako.

“Nagpasiya akong manalig at gawin pa rin iyon. Iaalok ko sa kanila ang aklat—kahit maaaring itapon nila ito, o hayaan itong maalikabukan nang maraming taon sa kanilang estante. Pero napansin kong negatibo ang iniisip ko; muntik ko nang makumbinsi ang sarili ko na mawawalan ng saysay ang pagsisikap ko.

“Pagkatapos ay naalala ko na magkakakilala naman kami ng mga kapitbahay ko. Ang ilan sa kanila ay mahahalay ang biro sa huling community development meeting, at ang ilan naman ay naparami ang inom ng alak sa huling barbecue party naming magkakapitbahay. Ang ilan ay tila halos walang layunin sa buhay. Naisip ko kung ano kaya ang nangyari sa akin kung hindi ako miyembro ng Simbahan, o kung hindi ko pa narinig ang tungkol sa Aklat ni Mormon. Malinaw na makakatulong ang aklat na ito sa mga magbibigay rito ng pagkakataon.

“Kaya kinontak ko ang lahat ng nakatira sa kalye namin at inalok sila ng kopya ng Aklat ni Mormon—at nagpasalamat silang lahat sa akin! Naging maayos ang lahat kaya nagpunta ako sa kasunod na kalye, nilibot ko ang buong subdivision namin, at saka ako nagpunta sa kasunod na subdivision. Nang matapos ako, 104 na bahay ang nabisita ko at apatnapung aklat ang naipamigay ko.

“Naging mas madali nang mag-alok ng mga kopya ng Aklat ni Mormon sa mga kakilala.

“Di-nagtagal nabigyan ko ng mga kopya ng Aklat ni Mormon ang lahat ng pitumpu’t limang empleyado sa pinagtatrabahuhan ko. Dalawampu’t tatlo sa kanila ang tinuruan ng mga missionary. Pito ang nabinyagan kalaunan, at apat na anak din ng mga katrabaho ko ang sumapi sa Simbahan. Isang lalaki ang tinuruan nang dalawang beses pero nawalan ng interes na siyasatin ang Simbahan. Makalipas ang pitong buwan, matapos siyang lumipat ng trabaho sa ibang kumpanya, tinawagan niya ako para sabihin na binabasa niya ang Aklat ni Mormon at natanto niya na nadarama niya ang banayad at payapang pag-antig ng Espiritu, tulad ng inilarawan ko. Di-nagtagal, natapos din niya ang mga talakayan at siya’y nabinyagan.

“Mahal ko ang Aklat ni Mormon. Itinuturing ko itong calling card ng Panginoon, at namangha ako kung gaano kadaling pasimulan ang espirituwal na pagpapalaganap nito sa sariling paraan. Kapag ginagawa natin ang gawain ng Panginoon, tinutulungan niya tayo.”4

Isa pang miyembro ang nagkuwento ng pagbabagong naganap sa kanyang patotoo nang sundin niya ang payo ni Pangulong Benson na basahin ang Aklat ni Mormon: “Nang hamunin tayo ni Pangulong Benson na basahin ang Aklat ni Mormon, 15 anyos ako noon. Palagi na akong nagbabasa ng banal na kasulatan, at karaniwa’y nakatuon ako sa Bagong Tipan. Ngunit sa paghimok ni Pangulong Benson, sinimulan kong pag-aralan ang Aklat ni Mormon araw-araw. Iyon ang gumawa ng malaking pagbabago sa buhay ko. Naituro sa akin ng Bagong Tipan ang paglilingkod ni Jesucristo sa mundo, at lagi ko iyong pasasalamatan. Ngunit kinailangan ko ang lalim ng pang-unawang nagmula sa pag-aaral ng Aklat ni Mormon. Bagama’t nakatulong ang Biblia para malaman ko ang ginawa ni Jesus para sa mga tao sa Banal na Lupain, binigyan ako ng Aklat ni Mormon ng mas malalim na pang-unawa sa nagawa Niya para sa akin. Sa pag-aaral ng Aklat ni Mormon, nagkaroon ako ng patotoo sa walang-hanggang Pagbabayad-sala ng aking Tagapagligtas. At kalaunan, nang maharap ako sa mga krisis na sumubok sa aking pananampalataya, bumaling ako sa Aklat ni Mormon para sa kapanatagan at lakas. Ngayo’y hindi ko pinalalagpas ang isang araw nang hindi binabasa ang Aklat ni Mormon.”5

Larawan
Depicts the angel Moroni at left appearing to a kneeling Joseph Smith who has the newly unearthed gold plates lying at his right side. [Supplied title]

Milyun-milyon na ang lumapit kay Cristo dahil sa mga katotohanan sa aklat na ibinigay ni Moroni kay Joseph Smith.

Mga Turo ni Ezra Taft Benson

1

Ang Aklat ni Mormon ay isinulat para sa atin.

Ang Aklat ni Mormon … ay isinulat para sa ating panahon. Ang aklat ay hindi napasakamay ng mga Nephita; ni ng mga Lamanita noong unang panahon. Ito ay sadyang para sa atin. Sumulat si Mormon nang malapit nang magwakas ang sibilisasyon ng mga Nephita. Sa inspirasyong mula sa Diyos, na nakakakita sa lahat ng bagay mula sa simula, pinaikli niya ang mga talaan na maraming siglo nang naisulat, pumili ng mga kuwento, mensahe, at pangyayari na lubos na makatutulong sa atin.

Bawat pangunahing manunulat ng Aklat ni Mormon ay nagpatotoo na sumulat siya para sa mga darating na henerasyon. … Kung nakita nila ang ating panahon at pinili ang mga bagay na magiging makabuluhan sa atin, hindi ba iyon ang dapat na paraan ng pag-aaral natin ng Aklat ni Mormon? Dapat nating palaging itanong sa ating sarili, “Bakit binigyang-inspirasyon ng Panginoon si Mormon (o si Moroni o si Alma) na isama iyon sa kanyang talaan? Anong aral ang matututuhan ko mula roon na tutulong sa akin na mamuhay sa panahong ito?”

At may mga halimbawa roon kung paano sasagutin ang tanong na iyan. Halimbawa, sa Aklat ni Mormon nakikita natin ang huwaran sa paghahanda para sa Ikalawang Pagparito. Isang malaking bahagi ng aklat ang nakatuon sa ilang dekada bago dumating si Cristo sa Amerika. Sa masusing pag-aaral tungkol sa panahong iyan, malalaman natin kung bakit nilipol ang ilang tao sa kakila-kilabot na paghuhukom na nangyari bago Siya dumating at kung bakit naroon ang iba sa templo sa lupaing Masagana at nahawakan nila ang mga sugat sa Kanyang mga kamay at paa.

Mula sa Aklat ni Mormon nalaman natin kung paano namuhay ang mga disipulo ni Cristo sa panahon ng digmaan. Mula sa Aklat ni Mormon nakita natin ang kasamaan ng mga lihim na pagsasabwatan na inilarawan sa malinaw at kakila-kilabot na katotohanan. Sa Aklat ni Mormon nakita natin ang mga aral sa pagharap sa pang-uusig at apostasiya. Marami tayong natututuhan kung paano gawin ang gawaing misyonero. At higit sa lahat, nakikita natin sa Aklat ni Mormon ang mga panganib ng materyalismo at paglalagak ng ating mga puso sa mga bagay ng mundo. May mag-aalinlangan pa ba na ang aklat na ito ay sadyang isinulat para sa atin at dito ay magkakaroon tayo ng matinding lakas, malaking kapanatagan, at matinding proteksyon?6

2

Kapag araw-araw nating pinag-aralan ang Aklat ni Mormon, dadaloy ang kapangyarihan ng aklat sa ating buhay.

Hindi lamang itinuturo sa atin ng Aklat ni Mormon ang katotohanan, bagama’t ito nga ang ginagawa nito. Hindi lamang nagpapatotoo ang Aklat ni Mormon tungkol kay Cristo, bagama’t ito nga rin ang ginagawa nito. Ngunit mayroon pang iba. May kapangyarihan sa aklat na iyon na magsisimulang dumaloy sa inyong buhay sa sandaling simulan ninyong dibdibang pag-aralan ang aklat. Magiging mas malakas kayo para labanan ang tukso. Magkakaroon kayo ng kapangyarihang iwasan ang panlilinlang. Magkakaroon kayo ng lakas na manatili sa makipot at makitid na landas. Ang mga banal na kasulatan ay tinatawag na “mga salita ng buhay” (D at T 84:85), at wala nang iba pang aklat na higit na totoo kaysa sa Aklat ni Mormon. Kapag nagsimula kayong magutom at mauhaw sa mga salitang iyon, makikita ninyo na lubos na sasagana ang buhay.7

Maaaring malinlang ng mga tao ang isa’t isa, ngunit hindi nililinlang ng Diyos ang mga tao. Samakatwid, ang Aklat ni Mormon ang pinakamainam na panuri sa pag-alam sa katotohanan nito—ibig sabihin, basahin ito at itanong sa Diyos kung ito ay totoo [tingnan sa Moroni 10:4]. …

Kung gayon, ito ang lubos na katiyakan sa matatapat ang puso—ang malaman sa pamamagitan ng personal na paghahayag mula sa Diyos na ang Aklat ni Mormon ay totoo. Milyun-milyon na ang sumubok dito at nalaman nila, at milyun-milyon pa ang makakaalam nito.

Ngayon ang espiritu, gayundin ang katawan, ay nangangailangan ng pangangalaga sa tuwina. Ang pagkain kahapon ay hindi sapat para tustusan ang mga pangangailangan ngayon. Gayundin naman ang madalang na pagbabasa ng “pinakatumpak sa anumang aklat sa mundo,” na siyang tawag dito ni Joseph Smith, ay hindi sapat. (History of the Church, 4:461.)

Hindi lahat ng katotohanan ay pantay-pantay ang halaga, ni ang lahat ng banal na kasulatan ay magkakasing-halaga. May mas mabuti pa bang paraan na mapapangalagaan ang espiritu kaysa madalas na pagpapakabusog sa aklat na sinabi ni Propetang Joseph Smith na ang isang tao ay “malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin nito, nang higit kaysa sa pamamagitan ng alin mang aklat”? (History of the Church, 4:461.)8

Nakasalalay ba ang mga walang-hanggang bunga sa pagtugon natin sa aklat na ito? Oo, sa ating ikabubuti o kaya’y sa ating ikapapahamak.

Dapat pag-aralan ng bawat Banal sa mga Huling Araw ang aklat na ito nang habambuhay. Kung hindi ay ipinapahamak niya ang kanyang kaluluwa at binabalewala ang makapagtutugma ng espirituwal at intelektuwal na aspeto sa kanyang buong buhay. May pagkakaiba sa miyembrong nakasalig sa bato ni Cristo sa pamamagitan ng Aklat ni Mormon at nananatiling nakahawak sa gabay na bakal, at sa taong hindi [nakasalig] dito.9

Dumarami na ang mga taong naniniwala, sa pamamagitan ng Aklat ni Mormon, na si Jesus ang Cristo. Ngayon kailangang dumami ang bilang ng gagamit ng Aklat ni Mormon na maging tapat kay Cristo. Kailangan nating maniwala at maging tapat.

… Mahal kong mga kapatid, magbasa tayo ng Aklat ni Mormon at maniwala na si Jesus nga ang Cristo. Paulit-ulit nating basahin ang Aklat ni Mormon upang lalo pa tayong mapalapit kay Cristo, maging tapat sa Kanya, nakatuon sa Kanya, at wala nang ibang iisipin kundi Siya.

Nakakaharap natin ang kaaway araw-araw. Ang mga hamon sa panahong ito ay makikipagtagisan sa anumang hamon noong araw, at darami ang mga hamong ito kapwa sa espirituwal at sa temporal. Kailangang maging malapit tayo kay Cristo, kailangan nating taglayin araw-araw ang Kanyang pangalan, lagi Siyang alalahanin, at sundin ang Kanyang mga utos.10

3

Kailangan nating punuin ang mundo at ang ating buhay ng Aklat ni Mormon.

Kailangang magkaroon ang bawat isa sa atin ng sariling patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Pagkatapos ang ating patotoo, pati na ang Aklat ni Mormon, ay dapat ibahagi sa iba upang malaman din nila sa pamamagitan ng Espiritu Santo ang katotohanan nito.11

Nakikinita ba ninyo ang mangyayari sa dumaraming kopya ng Aklat ni Mormon na nasa mga kamay ng dumaraming missionary na nakakaalam kung paano gamitin ito at mga isinilang na sa Diyos? Kapag nangyari ito, sasagana ang pag-ani natin ng mga kaluluwa na ipinangako ng Panginoon.12

Larawan
Elder missionaries giving an elderly man a Book of Mormon.

“Nakita ko sa pangitain na napuno ng Aklat ni Mormon ang daigdig.”

Ganito ang paniniwala ko: Kapag lalo tayong nagturo at nangaral mula sa Aklat ni Mormon, lalong malulugod sa atin ang Panginoon at magiging mas mabisa ang ating pagsasalita. Sa paggawa nito, mapaparami natin ang mga tao na may malalim at lubos na pananalig, kapwa sa loob ng Simbahan at sa mga taong ating tinuturuan. … Ang utos sa atin kung gayon ay ituro ang mga alituntunin ng ebanghelyo na nasa Biblia at sa Aklat ni Mormon. “Ang mga ito ang kanilang magiging mga aral, habang sila ay ginagabayan ng Espiritu” (D at T 42:13).13

Ang Aklat ni Mormon ang kasangkapang nilayon ng Diyos na papapangyarihin Niyang “umabot sa buong mundo gaya ng isang baha, upang tipunin ang [Kanyang] mga hinirang.” (Moises 7:62.) Kailangang mas isentro natin sa sagradong aklat na ito ng banal na kasulatan ang ating pangangaral, ating pagtuturo, at ating gawaing misyonero.

… Sa panahong ito ng electronic media at maramihang pamamahagi ng nakalimbag na salita, pananagutin tayo ng Diyos kung hindi natin isusulong ang Aklat ni Mormon sa pambihirang paraan.

Mayroon tayong Aklat ni Mormon, mayroon tayong mga miyembro, mayroon tayong mga missionary, mayroon tayong mapagkukunan, at may pangangailangan ang mundo. Ngayon na ang panahon!

Mahal kong mga kapatid, hindi natin maaarok ang kapangyarihan ng Aklat ni Mormon, ni ang banal na tungkuling kailangang gampanan nito, ni kung hanggang saan ito kailangang isulong. …

Hinahamon ko tayong lahat na mapanalanging pag-isipan ang mga hakbang na personal nating magagawa upang mas lubos na maihatid ang bagong saksing ito ni Cristo sa ating sariling buhay at sa mundo na lubhang nangangailangan nito.

Nakita ko sa pangitain ang mga tahanang nabigyang-babala, mga klaseng nabigyang-buhay, at mga pulpitong nag-aalab sa diwa ng mga mensaheng hatid ng Aklat ni Mormon.

Nakita ko sa pangitain ang mga home teacher at visiting teacher, mga pinuno ng ward at branch, at mga lider ng stake at mission na nagpapayo sa ating mga tao mula sa pinakatumpak sa alinmang aklat sa mundo—ang Aklat ni Mormon.

Nakita ko sa pangitain ang mga alagad ng sining na ginagawan ng pelikula, drama, literatura, musika, at mga painting ang napakagagandang tema at tauhan mula sa Aklat ni Mormon.

Nakita ko sa pangitain ang libu-libong missionary na nagpupunta sa mission field na may daan-daang talatang isinaulo mula sa Aklat ni Mormon upang maibigay nila ang mga pangangailangan ng isang mundo na kulang sa espirituwalidad.

Nakita ko sa pangitain ang buong Simbahan na lalong napapalapit sa Diyos sa pagsunod sa mga tuntunin ng Aklat ni Mormon.

Tunay ngang nakita ko sa pangitain ang paglaganap sa mundo ng Aklat ni Mormon.14

Pinupuri ko kayong matatapat na Banal na nagsisikap na punuin ang mundo at ang inyong buhay ng Aklat ni Mormon. Hindi lamang natin dapat isulong sa pambihirang paraan ang mas maraming kopya ng Aklat ni Mormon, kundi kailangan nating isulong nang buong tapang sa ating sariling buhay at sa buong daigdig ang mas marami pang kagila-gilalas na mensahe nito.15

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Sa bahagi 1, rebyuhin ang payo ni Pangulong Benson kung paano pag-aralan ang Aklat ni Mormon. Paano tayo matutulungan ng payo na ito sa pagharap sa mga hamon? Ano ang ilang talata sa Aklat ni Mormon na nauugnay sa mga hamon na ating kinakaharap?

  • Sa anong mga paraan ninyo nakita ang katuparan ng mga pangakong nakalista sa bahagi 2? Ano ang ilang magagawa natin upang maibahagi ang Aklat ni Mormon sa mga taong nangangailangan ng mga pangakong ito sa kanilang buhay?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “punuin ang mundo at ang [ating] buhay ng Aklat ni Mormon”? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa bahagi 3.)

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan

2 Nephi 27:22; Mormon 8:26–41; Moroni 1:4; 10:3–5; tingnan din sa pambungad sa Aklat ni Mormon

Tulong sa Pag-aaral

Habang nagbabasa, “guhitan at markahan ang mga salita o parirala para matukoy ninyo ang mga ideya sa iisang [talata]. … Sa mga margin isulat ang mga sangguniang banal na kasulatan na naglilinaw sa mga talata na iyong pinag-aaralan” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo [2004], 25).

Mga Tala

  1. “To the Children of the Church,” Ensign, Mayo 1989, 81–82.

  2. “Beware of Pride,” Ensign, Mayo 1989, 4.

  3. LaRene Gaunt, “Does the Book of Mormon Count?” Ensign, Hunyo 1991, 20.

  4. Howard J. McOmber II, sa “Finding Truth in the Book of Mormon,” Ensign, Ene. 1996, 10–11.

  5. Hindi ibinigay ang pangalan, di-inilathalang manuskrito.

  6. “The Book of Mormon—Keystone of Our Religion,” Ensign, Nob. 1986, 6–7.

  7. “The Book of Mormon—Keystone of Our Religion,” 7.

  8. “A New Witness for Christ,” Ensign, Nob. 1984, 6–7.

  9. “The Book of Mormon Is the Word of God,” Ensign, Ene. 1988, 5.

  10. “Come unto Christ,” Ensign, Nob. 1987, 84, 85.

  11. “The Book of Mormon and the Doctrine and Covenants,” Ensign, Mayo 1987, 84.

  12. “Born of God,” Ensign, Hulyo 1989, 4.

  13. The Teachings of Ezra Taft Benson (1988), 58.

  14. “Flooding the Earth with the Book of Mormon,” Ensign, Nob. 1988, 4, 5–6.

  15. “Beware of Pride,” 4.