Mga Banal na Kasulatan
Ang Doktrina at mga Tipan 1


Ang Doktrina at mga Tipan

Bahagi 1

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa isang natatanging pagpupulong ng mga elder ng Simbahan, ginanap sa Hiram, Ohio, ika-1 ng Nobyembre 1831 (History of the Church, 1:221–224). Maraming paghahayag ang natanggap mula sa Panginoon una pa sa pagkakataong ito, at ang pagtitipon ng mga ito para sa paglalathala sa anyo ng isang aklat ay isa sa mga pangunahing paksa na pinagtibay sa pagpupulong. Ang bahaging ito ang bumubuo ng paunang salita ng Panginoon sa mga doktrina, tipan, at kautusang ibinigay sa dispensasyong ito.

1–7, Ang tinig ng babala ay para sa lahat ng tao; 8–16, Ang lubusang pagtalikod sa katotohanan at kasamaan ay mauuna sa Ikalawang Pagparito; 17–23, Si Joseph Smith ay tinawag upang ibalik sa mundo ang mga katotohanan at kapangyarihan ng Panginoon; 24–33, Ang Aklat ni Mormon ay inilabas at ang totoong Simbahan ay naitatag; 34–36, Ang kapayapaan ay aalisin sa mundo; 37–39, Saliksikin ang mga kautusang ito.

1 Makinig, O kayong mga tao ng aking simbahan, ang wika ng tinig niya na nananahanan sa kaitaasan, at kung kaninong mga mata ay nakatuon sa lahat ng tao; oo, katotohanang sinasabi ko: Makinig kayong mga tao na mula sa malayo; at kayong nasa mga pulo ng dagat, sama-samang makinig.

2 Sapagkat katotohanang ang tinig ng Panginoon ay sumasalahat ng tao, at walang sinuman ang makatatakas; at wala ni isa mang mata na hindi makakikita, ni tainga na hindi makaririnig, ni pusong hindi maaantig.

3 At ang mga mapanghimagsik ay babagabagin ng labis na pighati; sapagkat ang kanilang mga kasamaan ay ipagsisigawan sa mga bubungan, at ang kanilang mga lihim na gawain ay ihahayag.

4 At ang tinig ng babala ay mapapasalahat ng tao, sa pamamagitan ng mga bibig ng aking mga disipulo, na aking mga pinili sa mga huling araw na ito.

5 At sila ay hahayo at walang makapipigil sa kanila, sapagkat ako, ang Panginoon ang nag-utos sa kanila.

6 Masdan, ito ang aking kapangyarihan, at ang kapangyarihan ng aking mga tagapaglingkod, at ang aking paunang salita sa aklat ng aking mga kautusan, na aking ibinigay sa kanila upang mailathala sa inyo, O mga naninirahan sa mundo.

7 Dahil dito, matakot at manginig, O kayong mga tao, sapagkat anuman ang ihayag ko, ang Panginoon sa kanila ay matutupad.

8 At katotohanang sinasabi ko sa inyo, na sila na humahayo, na naghahatid ng mga balitang ito sa mga naninirahan sa mundo, sa kanila ay ibinigay ang kapangyarihang pagbubuklod kapwa sa lupa at sa langit, ang mapag-alinlangan at mapanghimagsik;

9 Oo, katotohanan, ang ibuklod sila sa araw kung kailan ang poot ng Diyos ay ibubuhos sa masasama nang walang sukat—

10 Sa araw kung kailan ang Panginoon ay paparito upang gantihan ang bawat tao alinsunod sa kanyang gawa, at susukatin ang bawat tao alinsunod sa panukat na kanyang ipinanukat sa kanyang kapwa-tao.

11 Dahil dito ang tinig ng Panginoon ay hahanggan sa mga dulo ng mundo, upang ang lahat ng makaririnig ay makarinig:

12 Maghanda kayo, maghanda kayo para sa yaong paparito, sapagkat ang Panginoon ay nalalapit na;

13 At ang galit ng Panginoon ay nagsiklab, at ang kanyang espada ay hinugasan sa langit, at ito ay babagsak sa mga naninirahan sa mundo.

14 At ang bisig ng Panginoon ay ipahahayag; at darating ang araw na sila na hindi makikinig sa tinig ng Panginoon, ni sa tinig ng kanyang mga tagapaglingkod, ni tatalima sa mga salita ng mga propeta at apostol, ay ihihiwalay sa mga tao;

15 Sapagkat sila ay lumihis mula sa aking mga ordenansa, at sumira sa aking walang hanggang tipan;

16 Hindi nila hinanap ang Panginoon upang itatag ang kanyang kabutihan, kundi ang bawat tao ay lumalakad sa sarili niyang paraan, at alinsunod sa larawan ng sarili niyang diyos, na kung kaninong larawan ay kahalintulad ng daigdig, at kung kaninong kaanyuan ay yaong sa diyus-diyusan, na naluluma at masasawi sa Babilonia, maging ang Babilonia na makapangyarihan ay babagsak.

17 Dahil dito, ako, ang Panginoon, nalalaman ang kapahamakang sasapit sa mga naninirahan sa mundo, ay tinawag ang aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., at nangusap sa kanya mula sa langit, at nagbigay sa kanya ng mga kautusan;

18 At nagbigay rin ng mga kautusan sa iba, na dapat nilang ihayag ang mga bagay na ito sa sanlibutan; at ang lahat ng ito ay upang maisakatuparan, ang yaong isinulat ng mga propeta—

19 Ang mahihinang bagay ng sanlibutan ay magsisilabas at bubuwagin ang mga makapangyarihan at ang malalakas, na ang tao ay hindi dapat magpayo sa kanyang kapwa tao, ni magtiwala sa bisig ng laman—

20 Bagkus ay makapangusap ang bawat tao sa pangalan ng Diyos, ang Panginoon, maging ang Tagapagligtas ng sanlibutan;

21 Nang ang pananampalataya rin ay maragdagan sa mundo;

22 Nang ang aking walang hanggang tipan ay mapagtibay;

23 Nang ang kabuuan ng aking ebanghelyo ay maihayag ng mahihina at ng mga pangkaraniwang tao sa mga dulo ng daigdig, at sa harapan ng mga hari at namamahala.

24 Masdan, ako ang Diyos at siyang nangusap nito; ang mga kautusang ito ay mula sa akin, at ibinigay sa aking mga tagapaglingkod sa kanilang kahinaan, alinsunod sa pamamaraan ng kanilang wika, upang sila ay mangyaring makaunawa.

25 At yayamang sila ay nagkamali ito ay maipaalam;

26 At yayamang sila ay naghangad ng karunungan sila ay maturuan;

27 At yayamang sila ay nagkasala sila ay maparusahan, upang sila ay makapagsisi;

28 At yayamang sila ay nagpakumbaba sila ay maaaring gawing malakas, at pagpalain mula sa kaitaasan, at tumanggap ng kaalaman sa pana-panahon.

29 At pagkaraang matamo ang talaan ng mga Nephita, oo, maging ng aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., ay maaaring magkaroon ng kapangyarihang makapagsalin sa pamamagitan ng awa ng Diyos, sa kapangyarihan ng Diyos, ng Aklat ni Mormon.

30 At gayon din sa mga yaong kung kanino ang mga kautusang ito ay ibinigay, ay maaaring magkaroon ng kapangyarihang maitatag ang saligan ng simbahang ito, at maipakita ito mula sa pagkakatago at mula sa kadiliman, ang tanging tunay at buhay na simbahan sa ibabaw ng buong mundo, na kung saan ako, ang Panginoon, ay labis na nalulugod, nangungusap sa buong simbahan at hindi sa bawat isa lamang—

31 Sapagkat ako, ang Panginoon ay hindi makatitingin sa kasalanan nang may pinakamaliit na antas ng pagsasaalang-alang;

32 Gayunman, siya na nagsisisi at sumusunod sa mga kautusan ng Panginoon ay patatawarin;

33 At siya na hindi nagsisisi, kukunin sa kanya maging ang liwanag na kanyang natanggap; sapagkat ang aking Espiritu ay hindi tuwinang papatnubay sa tao, wika ng Panginoon ng mga Hukbo.

34 At muli, katotohanang sinasabi ko sa inyo, O mga naninirahan sa mundo: Ako, ang Panginoon ay nahahandang ipaalam ang mga bagay na ito sa lahat ng tao;

35 Sapagkat ako ay hindi nagtatangi ng mga tao, at nagnanais na ang lahat ay makaalam na ang araw ay mabilis na darating; ang oras ay hindi pa, subalit nalalapit na, kung kailan ang kapayapaan ay aalisin sa mundo, at ang diyablo ay magkakaroon ng kapangyarihan sa kanyang sariling nasasakupan.

36 At gayon din ang Panginoon ay magkakaroon ng kapangyarihan sa kanyang mga banal, at maghahari sa gitna nila, at bababa sa paghuhukom sa Idumea, o sa sanlibutan.

37 Saliksikin ang mga kautusang ito, sapagkat ang mga ito ay tunay at tapat, at ang mga propesiya at pangako na nasa mga ito ay matutupad na lahat.

38 Kung ano ang sinabi ko, ang Panginoon, ay sinabi ko, at hindi ko binibigyang-katwiran ang aking sarili; at bagaman ang kalangitan at ang lupa ay lilipas, ang aking salita ay hindi lilipas, kundi matutupad na lahat, maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa.

39 Sapagkat masdan, at narito, ang Panginoon ay Diyos, at ang Espiritu ang nagpapatotoo, at ang patotoo ay tunay, at ang katotohanan ay mananatili nang magpakailanman at walang katapusan. Amen.