Mga Debosyonal noong 2023
Isang Hinaharap na Puno ng Pag-asa


Isang Hinaharap na Puno ng Pag-asa

Pandaigdigang Debosyonal Para sa mga Young Adult

Linggo, Enero 8, 2023

Elder Jeffrey R. Holland: Minamahal naming mga batang kaibigan sa lahat ng dako! Napakapalad namin ni Sister Holland na makasama kayo ngayong gabi. Kahit na naaabot namin ang karamihan sa inyo sa buong mundo sa pamamagitan ng kahanga-hangang makabagong teknolohiya, natutuwa kami na mayroong naririto sa unibersidad at sa institute of religion kung saan kami nagsimulang mag-aral sa kolehiyo, nag-date, at nagpakasal ni Pat.

Ngayon, pakiramdam ko’y medyo kinabahan ang mga nasa silid nang sinabi ko ang salitang kasal. Huwag kayo mag-alala. Kami ay hindi magsasalita tungkol sa kasal ngayong gabi. Ang ilan sa inyo ay kasal na, at ayaw namin na ang natitira sa inyo ay tumakbo nang sumisigaw palabas mula sa silid na ito. Pero nabanggit ko ang simula ng aming pagliligawan at pagmamahalan bilang young adult na iniisip na kung tinamaan kami sa isang gabing tulad nito, malay natin? Baka tamaan ang iba.

Siyempre, maraming mga sister ang nagsabi na sa amin na may ilang lalaking kailangang matamaan, kung hindi ng palaso ni Kupido, ng isang maliit na pickelball paddle. Kung may dalaga diyan sa inyo ngayong gabi na may katabing binata na tulad nito, pinahihintulutan kayo ni Elder at Sister Holland na sikuhin siya sa may tagiliran ngayon—mahina lang gawin ito para magpakita ng pagmamahal ngunit nang may tamang lakas para maipaabot ang mensahe. Magiging masaya kami kung magagawa ng ganitong pagsiko sa inyo tulad ng nagawa nito sa amin, ang kaibahan lang ay sa kaso namin, ito ay siko ko at ang tagiliran ay kay Sister Holland.

Sa darating na Hunyo, magiging 60 taon na nang magpakasal kami ni Pat sa St. George Temple na kalahating milya mula sa kampus ng unibersidad. Ang anim na dekadang pagsasama ay binigyan kami ng napakagandang pagkakataon na magpaalam sa panahon na naging mahirap sa marami at trahedya sa ilan. Dahan-dahan na tayong lumalabas mula sa pandemyang COVID-19, ngunit ang salot na ito na halos kasing lala ng nasa Biblia ay isa pa ring isyu sa maraming bahagi ng mundo, dahil mayroon pa ring humigit-kumulang 1,700 na iniuulat na kamatayan dahil sa sakit na ito araw-araw.1 Ang salot na ito ay nakaapekto, hindi lamang sa pisikal na kalusugan kundi maging sa panlipunan, pulitikal, at pang-ekonomiyang pamumuhay ng halos lahat ng nasa mundo, sa ilang paraan.

Iba pa ang uri ng salot ang nagaganap pa rin sa silangang Europa, kung saan ang milyun-milyong tao, kabilang na ang mga miyembro ng Simbahan, ay napinsala, pinaalis, o nag-alay ng buhay sa labanan na hindi nila hiniling o hindi marapat sa kanila. Ilang linggo pa lang ang nakararaan, sa isang assignment sa Europa, nakipagkita kami ni Sister Holland sa mga Ukrainian refugee. Tumawa at umiyak at nagdasal kami kasama ng mga taong iniwan ang lahat at tumakas na ang suot lamang nila ang dala-dala. Ganito rin ang nadama naming emosyon at kalungkutan para sa matatapat na miyembro sa loob ng Russia na naaapektuhan din ng labanang ito kahit nang walang kasalanan. Bukod pa sa mga trahedyang ito, sa maraming lugar sa buong mundo, nakakakita tayo ng mga pamamaril sa mga sibilyan—kabilang ang isang trahedya na naganap noong isang linggo lang dito sa katimugang Utah—imoral na nilalaman ng media, at gawaing pampulitika kung saan ang mga pangunahing alituntunin gaya ng integridad, kabaitan, at katapatan ay tila nalimutan na.

At, siyempre, marami pang ibang mga problema sa kultura at lipunan na bumabagabag sa atin. Pero hindi kami pumunta para palungkutin kayo dahil sa mga problema sa mundo. Ang totoo, kabaliktaran ang layunin namin! Alam namin ang pagkabagabag ng inyong henerasyon. At humihingi kami ng paumanhin na hindi nabigyang-solusyon ng henerasyon namin ang ilan sa mga problemang itong kinakaharap ninyo. Ngunit nananawagan kami sa inyo at sa bawat iba pang Banal sa mga Huling Araw na manguna sa puwersang moral na makalulutas ng mga problemang ito, na makapapawi ng takot, pagiging negatibo, at pagkabalisa na nakapaligid sa atin. Napakahalaga para inyo na manalangin hindi lamang para manaig ang Panginoon sa inyong buhay,2 tulad ng hiniling ni Pangulong Russel M. Nelson, kundi manalangin din na manaig sa buhay ng ibang tao na hindi pa sigurado ang mga katangian ninyo. Kung tayong lahat ay mas mapagmahal at mapayapa at mabait bilang mga indibiduwal na disipulo ng Panginoong Jesucristo, kung gagawin natin ang lahat ng makakaya natin upang masunod ang mga kautusan ng Diyos, may dahilan tayo na maging kumpiyansa sa kondisyon natin at ng mundo. Sa pagsulong sa hinaharap sa gayong paraan, na puno ng kapayapaan at pangako ng Diyos, magkakaroon tayo ng napakalaking epekto sa mundo. Sinabi minsan ni Abrahan Lincoln na sinusubukan niyang bumunot ng damo at magtanim ng bulaklak kapalit niyon kapag nakakita siya ng pagkakataong gawin iyon. Kung gagawin nating lahat iyon, ang ating moral at espirituwal na mga disyerto ay magiging napakagandang mga hardin sa lalong madaling panahon.3

Alam ninyo na nasa Germany ngayong gabi—kung saan ay labis-labis ang ipinapakitang mainit na pagtanggap sa mga Ukranian refugee na nakilala namin—ang kasabihan na ipinapalagay na kay Johann Goethe na “Kung ang lahat ay nagwawalis sa labas ng pintuan nila, ang buong mundo ay magiging malinis.”

Kaya, alam ang mga hamon at nagnanais na mag-alok ng paraan para malutas ang mga ito, kami ni Sister Holland ay pumunta ngayong gabi sa paraan na sinabi ni Apostol Pedro na nararapat: “[laging] handa na ipagtanggol sa bawat taong humihingi [ng katuwiran] tungkol sa pag-asang nasa inyo.”4 Magsasalita kami tungkol sa pag-asa, na inihahayag na kailanman ay hindi tayo dapat mawalan nito o ng mga nauugnay na kabutihan dito: pananampalataya at pag-ibig sa kapwa tao. Natanto namin na maraming paraan para mabigyang-kahulugan ang mga magkakaugnay na mga alituntuning ito, at maririnig ninyo kami na magbibigay ng ilan sa aming mga pakahulugan ngayon gabi. Maririnig din ninyo kami na ipahayag kasama ni Moroni na mahalaga ang pag-asa kung nais nating “matanggap ang mana [na] inihanda [ng Diyos para sa atin].”5 Nais naming matanggap ninyo ang manang iyon bilang mga anak ng isang hari. Upang magawa iyon, dapat nating maunawaan na ang pag-asa ay hindi lamang ang mensahe o pamamaraan ng pagiging positibo; ito ay pribilehiyo ng lahat ng naniniwala.6 Bilang isang naniniwala na puno ng pag-asa (at pananampalataya at pag-ibig sa kapwa), talagang nadarama ni Sister Holland ang kahalagahan ninyong mga nanonood ngayong gabi at ang inyong papel sa mga araw na darating. Alam niya na kayo ang grupo na pinasahan namin ng baton at nadaramang mahalagang sumulongkayo at tanggapin ang inyong tadhana. Sister Holland.

Sister Patricia T. Holland: Talagang mahalaga kayo sa akin. Kayo ang pinakadakilang henerasyon ng mga young adult sa kasaysayan ng mundo. Mahal ko kayo dahil dito. Nagpapasalamat kami ni Elder Holland na tinutupad ninyo ang inyong mga tipan at na nagsisikap kayong gawin ang tama. At dahil napakarami ninyo, magkakaroon kayo ng kakayahan na binanggit ni Elder Holland. Nakikita ko ang inyong liwanag sa silid na ito. Napakaliwanag nito. Ipinapaisip nito sa akin ang panahon na nagpakita ang Tagapagligtas sa mga Nephita. Sinabi Niya: “Itaas ninyo ang inyong ilawan upang ito ay magliwanag sa sanlibutan. Masdan, ako ang ilaw na inyong itataas.”7 Tulad ninyo, mga bata rin kami dati, pero ngayon ay matatanda na. Sa pagbabalik-tanaw, kung may bahagi ng buhay ko na maaari kong ulitin, may isang bagay na iibahin akong gawin: pasisimplehin ko ito! Para sa akin mas maganda ang mga bagay-bagay kapag pinasimple—ang ating pagkain, pananamit, mga gamit sa bahay, at iskedyul. Ang isang labis na pinanghihinayangan ko noong aking kabataan ay na hindi ko nakita ang simpleng kagandahan ng ebanghelyo; ginawa ko itong napakakumplikado. Ipinalagay ko na napakalalim, napakahirap, at kung minsan ay napakamisteryoso nito. Maging noong isang young adult ako, inisip ko na dapat kong akyatin ang gabundok na antas ng kabutihan, dumaan sa hurno ng nagniningas na apoy, lutasin ang bawat pinagtatalunang doktrina ng sangkatauhan kung nais kong maging katanggap-tanggap sa Diyos.

Siyempre pa, ang pananaw ko noon ay higit pa sa kayang gawin ng isang batang babae mula sa katimugang Utah. Katulad iyon ng sinabi minsan ng isang tao: “Ang dahilan kaya hindi sumasapi ang mga tao sa inyong mga Kristiyano ay dahil ipinapakita ninyo na ang inyong relihiyon ay tila ba isang sakit sa ulo, tila isang koronang tinik.” Iisang tao lang ang kinailangang tiisin ang koronang tinik na iyan, at ginawa Niya ito upang tayo ay mamuhay nang masaya, masagana, at payapa—hindi sa kawalang-pag-asa. Kahit kailan ang ebanghelyo ay hindi isang bundok na hindi kayang akyatin ng isang batang babae, Gusto Niya na ang batang ito—at ang lahat ng iba pa sa mundo—ay laging mapuno ng pag-asa. Gusto Niyang malaman natin na ang ebanghelyo ay may napakagandang kasimplehan at na ito ay napakaganda.

Ngunit huwag kayong magkamali ng pagkaunawa. Sa pagbanggit ko ng pag-asa, hindi ko ibig sabihin na dapat tayong bigyan ni Cristo ng magical wand o makabagong lightsaber. Ang ating pag-asa ay dapat higit pa sa “kapag humiling ka sa isang bituin” ni Pinocchio8 kung nais natin na ang pag-asang ito ay maging katulad ng itinuro ng Tagapagligtas. Mga batang kapatid, ito ay isang regalo, ang Kanyang kaloob sa atin at sa buong sangkatauhan. At dapat nating makita ito bilang liwanag sa madilim na daigdig. Tulad ng sabi ng isang manunulat, “Wala nang mas kaawa-awa pa [kaysa sa] yaong mga nawalan na ng pag-asa.”9

Ang kalugud-lugod na kasimplehan sa pagtuklas sa kaloob na ito ay hindi ninyo ito kailangang hanapin; habul-habulin; hindi ninyo ito ginagawa at hindi ninyo ito magagawa. Tulad ng pagtatamo ng biyaya, hindi ninyo ito matatamo kung aasa lang kayo sa sarili ninyong lakas o sa iba pang mga tao. Walang sekretong pormula o mahika na kailangan dito. Hindi ito manggagaling sa pag-eehersisyo (mahalaga man ito) o sa pagbabasa ng aklat tungkol sa kung paano makahanap ng kaligayahan.

Sa katunayan, mahalaga ang papel na ginagampanan natin ngunit napakaliit; nasa Diyos ang mas malaking bahagi ng gawain. Ang inaasahan sa atin ay lumapit sa Kanya sa kababaan nang loob at kasimplehan, at pagkatapos ay huwag nang mag-aala at matakot.10 Bakit napakasimple? Dahil sa likod ng lahat ng itinuro ni Cristo—sa bawat banal na kasulatan, kuwento, at talinghaga—ay ang pangako na sa Diyos, “ang lahat ng mga bagay ay maaaring mangyari,”11 ang pangako na kayang patuyuin ng kapangyarihan ng Diyos ang bawat luha.12 Iwaksi natin ang kawalang-pag-asa at humanap ng kapahingahan sa Panginoon.13 Lumapit tayo sa Kanya nang may kaamuan at mapagpakumbabang puso14 at tanggapin ang mga pagpapala na hatid ng Kanyang walang-katapusang pagmamahal. Dapat tayong magtiwala tulad ng isang bata, o isang tupa, na tayo ay kabilang sa malaking kawan Niya.

Laging magiging aligaga ang ating mga puso hanggang sa makahanap ang mga ito ng kapahingahan sa Diyos.

Ang utos na itong maging maamo at mapagkumbaba—isa sa mga paglalarawan ng Panginoon sa Kanyang sarili—na Siya ay maamo at mapagpakumbaba—ay utos sa ating lahat bilang Kanyang mga disipulo. Kung mamumuhay tayo sa ganitong paraan, sabi Niya, makakahanap tayo ng kapahingahan sa ating mga puso at matutuklasan na madaling dalhin ang Kanyang pamatok at magaan ang Kanyang pasan.15 Nakikita ko ang panawagang ito na maging maamo at mapagkumbaba habang nagbabasa ako ng mga banal na kasulatan. (Marahil ay kailangan ko itong malaman palagi.)

Ang talagang sigurado ako ay hindi makararanas ng malalim na espirituwalidad ang sinumang salat sa pag-asa at kapakumbabaan. Ang paraan ng pag-iisip na iyan ay ang nais naming matutuhan ninyo ngayong gabi—na matutuhan ninyo ito habang bata pa kayo. Gusto naming malaman ninyo nang buong puso’t isipan namin na ang Diyos ay inyong Ama, na kayo ay Kanyang “dinala mula sa sinapupunan,”16 na Siya ay may plano para sa inyo, mga plano para sa “kinabukasan at ng pag-asa.”17

Hayaan ninyong ibahagi ko ang dalawang banal na kasulatan na gustung-gusto ko sa Lumang Tipan na gumamit ng ilan sa mismong mga katagang iyon. Sinabi sa Isaias:

“Inyong dinggin ako, O sambahayan ni Jacob,… [ang] nalabi sa sambahayan ni Israel, na kinalong ko mula sa iyong pagsilang, na dinala mula sa sinapupunan: …

“… Hanggang sa katandaan mo …at hanggang sa magkauban [ka] ay dadalhin kita: Ginawa kita at aking dadalhin ka; … Aking dadalhin at ililigtas ka.”18

At isinulat ni Jeremias:

“Sapagkat nalalaman ko ang aking mga panukala para sa inyo, sabi ng Panginoon, mga panukala para sa ikabubuti at hindi sa ikasasama, upang bigyan kayo ng kinabukasan at ng pag-asa.

“At kayo’y tatawag sa akin, … at dadalangin sa akin, at diringgin ko kayo.”19

Pinatototohanan ko sa inyo, aking batang mga kapatid, mula sa aking karanasan, na tutuparin ng Ama sa Langit ang Kanyang bahagi sa mga pangakong ito. Nasasaatin na kung maniniwala tayo, na mas maging tulad ng isang bata sa ating kaamuan at lalo na sa pasasalamat habang tinatanggap ang Kanyang mga kaloob. Gusto ba ninyo na maging maganda ang taon na ito? Gusto ba ninyo ng magandang kinabukasang puno ng pag-asa? Naniniwala ba kayo na may mga pagpapalang nakalaan sa inyo? Nakita na ba ninyo nang sapat ang kabutihan ng Diyos para patuloy na umasa at abutin ito? Ang kabalintunaan nito ay na ito ay magagawa sa pamamagitan ng pagluhod, pagyukod, marahil, pagpapatirapa sa mga paanan ng Diyos. Napakasimple! Pagluhod, pagyukod, pagpapatirapa sa “trono ng biyaya.”20

Ipinahiwatig ni Elder Holland na makikita ninyo na ang itinatanging kaloob na ito ay nauugnay sa dalawang iba pang kaloob sa atin ng Diyos—ang pananampalataya at pag-ibig sa kapwa. Huwag sana ninyong gawin ang ginawa ko noong ako ay bata pa, at palakihin at gawing kumplikado ang mga katangiang ito kaya nahihirapan tayong unawain ang mga ito. Pahalagahan ang kasimplehan ng mga ito.

Bibigyan ko kayo ng simpleng paliwanag. Ang pananampalataya ay paniniwala na may Diyos, ang pag-asa ay pagtitiwala na tutulungan Niya tayo, at ang pag-ibig sa kapwa-tao ay ang Kanyang pagmamahal at kakayahan na ibinibigay Niya sa atin upang pagpalain ang ibang tao.

Natutuhan ko tungkol sa pag-ibig sa kapwa-tao na wala ni isa sa atin ang may kakayahan, panahon, kagamitan, o lakas na gawin ang lahat ng gustong gawin ng ating mga puso. Hindi natin magagawa lahat iyan; ang pagnanais ng ating mga puso ay lampas pa sa ating kakayahan. Kamangha-mangha na ang kapangyarihan ng Diyos na kumikilos sa pamamagitan natin ay makapagpapalawak ng ating maliit na impluwensiya, magpaparami ng limitadong nagagawa natin, at magawan ang iba ng hindi natin kailanman magagawa nang mag-isa.

Ang simpleng pananaw na ito sa tatlong pangunahing doktrinang ito ay mga pagpapala sa buhay ko. Sana maaga pa lang ay itinuring ko nang hindi gaanong nakakatakot ang mga ito. Matibay ang paniniwala ko na nilayon ng Diyos na gawing simple ang gayong mga katotohanan ng ebanghelyo para maunawaan kahit ng isang bata. Maaari ko bang ulitin iyan? Ang pananampalataya ay paniniwala na may Diyos. Ang pag-asa ay ang pagtitiwalang tutulungan Niya tayo. At ang pag-ibig sa kapwa tao ay ang Kanyang pagmamahal na naipararamdam sa pamamagitan natin.

Dahil pinag-uusapan na natin ang mga kaloob mula sa Diyos, hayaan ninyong magdagdag ako ng isa pang kaloob na magpapalaki ng ating pag-asa sa bagong taon na ito. Ang nagpapaalab ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa ay ang maganda—at simple—na kaloob ng Liwanag ni Cristo. Ang liwanag na ito, na kaugnay ng pag-asa, ay kaloob na ibinigay sa bawat lalaki, babae, at bata na isinilang at isisilang sa mortalidad. Likas na ito sa atin. Bahagi ito ng ating pagkatao.

Sa isa sa aking paboritong mga banal na kasulatan ay ang taludtod na ito: “At ang Espiritu ay nagbibigay ng liwanag sa bawat tao na dumarating sa daigdig; at ang Espiritu ay nagbibigay-liwanag sa bawat tao sa pamamagitan ng daigdig.21

Ang liwanag na iyan ang isa sa mga pangunahing dahilan ng pag-asa natin sa buhay. Lubos tayong nahihikayat, nasasabik, at umaasa sa ating nadarama na hindi lang nagsasabi sa atin na may tamang daan para makayanan ang kaguluhan ng mundo kundi nagsasabi rin sa atin na mahahanap natin ang tamang daan kung tayo ay “maamo at may mapagpakumbabang puso.”22 Tulad ng sinabi ni Pangulong Nelson sa buong Simbahan noong nakaraang linggo lang, “Kailangan ng mundo ang liwanag ni Jesucristo. At kailangan [na kailangan] ng mundo ang inyong [magandang] liwanag.”23

Mahal kong mga batang kaibigan, ang taimtim kong dalangin ngayong gabi—ang aking inaasam—ay na lahat kayo bilang mga young adult sa iba’t ibang panig ng mundo ay tanggapin ang pagtawag na ito bilang inyong personal na responsibilidad, na tanggapin ninyo ang pag-asang binanggit ng Tagapagligtas at dalhin ito na parang sulo sa mga taong itinuturing ang mundo na talagang madilim at talagang mahirap na lugar. May paraan ba na mahihikayat ko kayo na makita na ang pagdadala ng liwanag na ito ang inyong responsibilidad sa mga huling araw? Nagsusumamo ako sa inyo, nawa’y maintindihan ninyo na ito ang pinakamahalagang bagay na masasabi ko sa inyo ngayong gabi. Ang pinakamalaking takot ko ay na hindi ko nasabi ito sa paraang paniniwalaan ninyo ako. Dapat ninyong taglayin ang liwanag na ito sa paraang hindi ito kailanman mapapalamlam ng lahat ng kadiliman sa mundo.

Ang simple ngunit makapangyarihang pananaw na ito ay kayang baguhin ang magulo at madilim na mundo sa kabila ng mabibigat at kumplikadong mga isyu. Manalig sa Diyos, umasa na tutulungan Niya kayo, at tanggapin ang pag-ibig sa kapwa na magtutulot sa Kanya na kumilos sa pamamagitan ninyo na magawa ang bagay na tanging kayo lamang ang makagagawa.

Sa pagtanggap ninyo ng hamon na ito at pagsisimula ninyo ng taong ito, pagkatapos ninyong suriin ang inyong sarili, nakikiusap ako sa inyo na tumingala sa langit. Ang mga matang nakatingin sa inyo ay mula sa inyong mapagmahal na Ama sa Langit na kayang ipagkaloob, at ipagkakaloob ang lahat ng bagay na inaasam ninyo sa kabutihan. Hindi ninyo makakamit ang mga biyayang ito sa pagpupumilit. Huwag kayo masyadong magpakapagod. Pumayapa; tumahimik. Gawing simple ang mga bagay-bagay. Maging maamo at mapagkumbaba, at mapagdasal. Pinatototohanan ko sa inyo na darating ang mga himala kapag naghinay-hinay, huminahon, at lumuhod tayo. Lahat ng mayroon ang Ama ay mapapasainyo balang araw.24 Tunay ngang nakahihikayat ito na harapin ang kinabukasan ninyo nang puno ng pag-asa. Mahal ko kayo, hinahangaan ko kayo, at lagi ko kayong ipagdarasal. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Elder Holland: Salamat, Sister Holland, hindi lamang sa pagtuturo ng ebanghelyo kundi sa pagsasabuhay nito at sa pag-asa kay Cristo na nasa iyo. Sa aming pinakamahihirap na araw—at sa anim na dekada ng pagsasama, nagkaroon kami ng ilang ganitong araw—ipinamuhay ni Sister Holland ang mga itinuro niya. Siya ay laging nananalig. Lagi siyang nagtitiwala sa walang hanggang liwanag na nasa kanyang kaluluwa. Lagi siyang namumuhay nang may katiyakan na diringgin ng Diyos ang aming mga panalangin at ipapakita sa amin ang daan kahit na tila napakadilim ng gabi. Sa isang mundo na minsan ay nakakabagabag sa isang bata-batang mag-asawa, kadalasan ay tanging ang mga katotohanan at pangako ng ebanghelyo lang ang mayroon kami, ngunit sapat na iyon dahil narito kami ngayong gabi, na nakatanggap na ng higit pa sa mga biyayang inakala naming matatanggap namin sa aming halos 60-taong pagsasama. Kaya tulad ng sinabi at ginawa ng magandang babaeng ito, mangyaring umasa, laging manalangin, at manalig.

Idaragdag ko sa payo ni Sister Holland ang panghihikayat mula sa mga banal na kasulatan na harapin nang may kagalakan hangga’t kaya ang hinaharap. May nagsulat minsan na ang panghihikayat na ginagawa sa atin ni Cristo sa mga banal na kasulatan, lahat ng pag-asang paulit-ulit Niyang inaalok sa atin, na paulit-ulit din nating hindi tinatanggap ay ang panghihikayat na “magalak.”25 Maaari ba nating paniwalaan si Cristo? Maaari bang kahit subukan lang natin ito? Naway’ tanggapin natin ang masaya at puno-ng-pag-asa na paanyayang iyan ngayong gabi sa pagtanggap natin ng isa pang pagkakataon na magsimula ng bagong taon at gawin sa ating buhay ang mga gusto nating gawin.

Katulad ng lahat ng paanyaya Niya sa atin, ipinamuhay ni Cristo ang mga ito bago Niya ito itinuro. Sa kabila ng lahat ng paghihirap na pinasan Niya, Siya ay puno ng pag-asa at positibo, at tinulungan Niya ang iba na gawin din iyon, kabilang na, idaragdag ko, ang mga propeta ng Diyos. Mula sa silong ng Liberty Jail—at sa katindihan ng kawalang-pag-asa na naranasan niya roon—ang payo ni Propetang Joseph Smith sa mga Banal na nananalangin para sa kanyang paglaya ay na “malugod na gawin ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya; at pagkatapos nawa tayo ay makatayong hindi natitinag, na may lubos na katiyakan, na makita ang pagliligtas ng Diyos, at upang ang kanyang bisig ay maipahayag.”26 At wala nang mas positibo, mas optimista, mas puno ng pag-asa kaysa kay Russell Marion Nelson, and ating buhay na propeta na inulit ang payo ni Joseph nang sabihin niya sa atin kamakailan: “Walang espirituwal na kaloob na hindi ibibigay sa mabubuti. … Nais ng Panginoon na tanawin natin … ang hinaharap nang may ‘pag-asam na puno ng galak’ [Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 601].”27 Masayahin ang mga propeta dahil sila ay tunay na mga disipulo ni Jesucristo, at ito ang pinakamagandang pinagmumulan ng pag-asa. Nagagalak ang mga propeta dahil alam nila ang plano; alam nila kung sino ang magwawagi sa huli.

Tulad ng napakagandang sinabi ni Sister Holland, ang kakayahan na maging positibo sa buhay ay isa pang kaloob mula sa Diyos. “Ang kalalakihan”—at idaragdag ko ang kababaihan at mga bata—“ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan,”28 ang sabi sa mga banal na kasulatan. Kaya nga ito ay isang “plano ng kaligayahan.”29 Dahil sa planong iyan at sa Pagbabayad-sala ni Cristo sa sentro nito, maaari tayong umasa kahit gaano man kadilim ang ilang araw.

Ang kadakilaan ng halimbawa ng Tagapagligtas sa bagay na ito ay nararapat nating pagpitaganan sa pagharap natin sa isang bagong taon, isang taon na maaaring magbigay ng ilang hamon para sa ilan sa atin. Pag-isipan ninyo ito. Paano nasabi ni Jesus na magalak sa gitna ng lahat ng paghihinagpis na naranasan Niya habang papalapit ang Pagpapako sa Kanya sa Krus? Bagama’t maaari sanang makadama ng lungkot sa Huling Hapunan, ipinaalala pa rin ni Cristo sa Kanyang mga disipulo ang dahilan, at kanilang responsibilidad, na “magalak.”30 Naisip ko, sa pasakit na naghihintay sa Kanya, kung paano Niya nagawang magsalita nang positibo at umasa na makikita ng Kanyang mga kapatid ang lahat ng ito nang may kagalakan. Walang alinlangan, na ang ipinakita Niyang pananampalataya, ang Kanyang pag-asa at pag-ibig sa kapwa, ay dahil nalalaman Niya ang wakas ng kuwento. Alam Niya na mananaig ang kabutihan sa pagtatapos ng kwento. Alam Niya na laging madaraig ng liwanag ang kadiliman nang magpakailanman. Alam Niya na ang Kanyang Ama sa Langit ay hindi kailanman nagbibigay ng kautusan nang hindi naglalaan ng paraan upang maisagawa ito.31 Ang tagumpay ay nagpapagalak sa lahat, at si Cristo ang mananaig sa kamatayan at impiyerno. Malalim na teolohiya ito, pero ito ang dahilan ng kanilang kagalakan. Ang pagkapanalo ni Jesus ang pinagmumulan ng ating pag-asa sa bagong taon na ito at sa bawat taon—magpakailanman.

Dahil sa mga panggagambala sa buhay at mga tukso ni Lucifer, maaaring mahirap manatiling umasa at masaya bukas o sa susunod na buwan o sa susunod na taon. Gayunpaman, iyan mismo ang punto ni Sister Holland nang hilingin niya sa inyo ang pagpapasimple at masigasig na pagtutuon sa mga pangunahing alituntunin ng buhay ng mga Banal sa mga Huling Araw. Kung minsan ay kusa tayong tumutuon sa mga ito, at kung minsan ay itinutuon tayo rito ng buhay, ngunit sa alinmang sitwasyon, kung naitatag natin ang ating patotoo sa mahahalagang alituntunin ng ebanghelyo, marami tayong matututuhan mula sa ating mahihirap na karanasan tulad ng kasalukuyang natutuhan ng aking iginagalang na kaibigan. Siya, ang kanyang asawa, at anak na babae—at ang alam ko ay nakikinig sila ngayong gabi—ay dumaranas ng iba’t ibang uri ng hamon sa kalusugan—napakabigat na mga hamon. Maraming dahilan para maghinagpis sila at isipin kung ano ang kabutihang nagawa sa kanila ng kanilang pag-asa o kanilang pananampalataya o kanilang pag-ibig sa kapwa. Ngunit dahil sa pagiging determinadong disipulo sa panahon ng kagalakan o kalungkutan, sila ay nananaig.

Sa isang email kamakailan (na ibabahagi ko sa inyo nang may pahintulot niya), isinulat niya:

“Sa nakalipas na ilang buwan naging napakaliit ng mundo ko: [kasing laki ng mga kama sa] ospital at mga silid ng maysakit. Ang [pagpapagaling ng asawa ko matapos ang kanyang kidney transplant] ay talagang napakahirap, at ginugol niya ang huling buwan … na pabalik-balik sa ospital. Dahil dito ‘nahiwalay’ ako sa mga bagay ng mundo [sa paligid ko].” Isipin ang salitang kasimplehan.

Sinabi pa niya: “Hindi ko kailanman nagustuhan ang ideya na binibigyan tayo ng Panginoon ng mga pagsubok, ngunit naniniwala ako na magagamit Niya ang mga ito para sa Kanyang mga layunin. Ang isang bagay na naging mahalaga sa akin nitong nakaraang ilang linggo ay ang … kahalagahan at pagiging totoo ng ebanghelyo [at hindi ng napakaraming bagay na maaaring kalabisan na]. Ang karanasan ng pagmamahal para sa kapwa; ang karanasang mahalin at paglingkuran ng iba; ang tahimik na presensya ng tinig ng Diyos habang pagod kang nakaupo sa gabi [sa tabi ng kama] ng isang maysakit na anak o sa ospital sa silid ng iyong asawa [na may malubhang sakit at marinig ang banal na mga salitang], ‘Kapayapaan ay mapasaiyong kaluluwa, aking anak.’

“Nabasa ko na ang Aklat ni Mormon at ang Mga Ebanghelyo at nadama ang pagmamahal ng Diyos. Higit pa sa suporta ng Simbahan [at higit pa sa hindi konkretong] teolohiya, [ang mga bagay] na makatutulong sa atin na unti-unting makarating sa liwanag … ay ang katotohanan ng pananampalataya, … patotoo, [pag-asa, at pagmamahal].”

Sa huli ay sinabi niya, “Ilang linggo na akong hindi nakakapunta sa sacrament meeting, ngunit nakita ko ang maraming mabubuting tao na tapat sa kanilang … mga tipan na naglilingkod sa aking pamilya. … Labis akong pinagpala, at mahal ko ang Panginoon, [mahal ko] ang ebanghelyo, [mahal ko] ang Pagpapanumbalik, at ang Simbahan.”32

Ang napakagandang patotoong iyon tungkol sa pag-asa at pagtitiyaga na sinambit sa gitna ng napakahirap na panahon ay umantig sa akin. At dapat nating malaman na darating ang isang punto sa ating buhay kung saan ang ating pag-asa at ating paniniwala ay siguradong susubukin at pipinuhin din sa pamamagitan ng personal na paghihirap. Mga magagandang batang kaibigan, ang hindi sinubok na pananampalataya ay hindi malakas na pananampalataya. Sinasabi natin na itinayo tayo sa bato na si Cristo. Dapat lang, dahil ang buhay ay may mga bagyo at malalakas na hangin, at ang pundasyong itinayo sa buhangin ay hindi magtatagal kapag umihip ang malakas na hangin, bumagsak ang ulan, at nagsimulang bumaha.33

May isa pa akong sasabihin sa pagtatapos natin ng pandaigdigang brodkast na ito sa simula ng magandang bagong taon, kabilang ang isang bagong taon sa institute. Ang ilan sa inyo ay maaaring mag-alala tungkol sa mga bagay na mas mahalaga kaysa sa kung aling kurso ang kukunin o anong propesyon ang pag-aaralan. Ang ilan sa inyo ay maaaring nahihirapan dahil sa pagkakasala—at wala nang higit pang nakapipinsala at nakapagpapahina sa ating pag-asa at nakapaglalayo sa atin sa Diyos kaysa sa kasalanan. Sadyang hindi namin pinili ni Sister Holland na gawin ang mensaheng ito tungkol sa kasalanan o pagkakasala, ngunit magiging iresponsable kami kung hindi namin babanggitin ang sinabi ng Panginoon na obligasyon naming ituro.

Hindi kailanman mawawala ang pangangailangan sa alituntuning puno ng pag-asa at pagsisisi. Kapag nagkasala tayo, alam natin mismo kung bakit lumalamlam ang ating apoy ng pag-asa at kung bakit minsan ay tila naglalaho ito. Sa gayong sitwasyon, kailangan nating magbago, o mawawala sa atin ang ating “pag-asa para sa masayang hinaharap.” Mamamatay ang apoy ng kandila. Kaya nga kailangan nating lahat na patuloy na magsisi. Tayong lahat! Araw-araw, wika nga ni Pangulong Nelson.34

Kaya hinihiling ko sa inyo ngayong gabi na harapin agad ang kasalanan ninyo, simula ngayon mismo, kasalanan na siyang pinakamatinding kaaway ng pag-asa sa buong mundo na alam ko. Manalangin sa Panginoon at magtapat, at magpunta sa bishop kung kinakailangan dahil sa inyong kasalanan. Ngunit baguhin ang anumang mali, malaki man o maliit. Pagsisisi ang paraan para makapagsimula tayo nang panibago; ito ang paraan upang matamo ang masayang hinaharap. Mahirap na ang buhay kahit wala kayong pinapasang mga pagkakamali—buong araw, araw-araw, buong gabi, gabi-gabi. Alisin ang mga ito. Palitan ang pagkabalisa ng kapanatagan. Palitan ang kalungkutan ng kagalakan. Ibinigay ni Cristo ang Kanyang buhay upang maging malaya kayo na gawin iyon.

Pagkatapos ay magagawa ninyo ang ipinagagawa sa atin ni Nephi. Sa kanyang pangwakas na mensahe bago siya mamatay, sinabi ng anak na lalaking ito na nakita ang karamihan sa pagtutunggali at pag-aaway na gusto at sinubukan naming sabihin ni Sister Holland ngayong gabi:

Magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao.35

“Ganap na kaliwanagan ng pag-asa,” mula sa pag-ibig ng Diyos at sa lahat ng tao—iyan ang gusto namin para sa inyo ngayong bagong taon. Kasama sa maliwanag na pag-asang iyon ang hindi mapag-aalinlanganang tinig na bumubulong na mahal kayo ng Diyos, na si Cristo ang inyong Tagapamagitan, na ang ebanghelyo ay totoo. Ang kaliwanagan nito ay magpapaalala sa inyo na sa ebanghelyo mayroong isang bagong pagkakataon, isang bagong buhay, at isang bagong taon—kada araw, kada oras. Kaylaking himala! Kaygandang kaloob! At dahil sa kaloob ni Cristo, ang pinakamabubuting bagay sa buhay ay mapapasaatin kung patuloy tayong mananalig at patuloy na magsisikap at aasa.

Naaalala ninyo ang mga pandaigdigang kalagayang iyon na sinabi ko nang magsimula tayo? Harapin ang mga ito at harapin ang inyong personal na mga hamon, nalalamang sa pamamagitan ng pananampalataya, magiging maayos ang lahat sa huli. Tanggihan ang mundo sa kung ano ang ipinapakita nito. Paliwanagin ang liwanag ng inyong pag-asa rito, at gawin kung ano ang nararapat dito. Maging liwanag na iyon na inanyayahan kayong maging ni Sister Holland, isang liwanag na hindi kailanman maglalaho, ang liwanag ng Tagapagligtas ng mundo.

Iniiwan ko sa bawat isa sa inyo ngayong gabi ang basbas ng isang apostol para sa bagong taon na ito hinggil sa mga bagay na natitiyak ako at mga bagay na lagi ninyong kakailanganin. Ginagawa ko ito nang may pagmamahal ko sa inyo, nang may pagmamahal ng Panginoon sa inyo, at nang may pagmamahal ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol sa inyo. Pagmamahal ng lahat! At ng inyong pagdalo dito ngayong gabi. Binabasbasan ko kayo na ang mga simple ngunit napakagandang kapangyarihang matatagpuan sa mga altuntunin ng ebanghelyo, tulad ng pananampalataya, at pag-asa, at pag-ibig sa kapwa, ay laging mapasainyo at makita sa inyong buhay. Binabasbasan ko kayo na malaman, tulad ko, na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay makabuluhan, nagbibigay ng pag-asa, at totoo. Pinatototohanan ko ito gamit ang awtoridad ko bilang apostol, at na ito ang tanging sagot sa mga problema sa buhay, sa buhay ko at buhay ninyo, at ang tanging paraan upang madakila sa kawalang-hanggan.

Binabasbasan ko ang sinuman sa inyo na sa mga panahong ito ay dumaranas ng “krisis sa pananampalataya.” Ang tunay na pananampalataya, nagpapabago-ng-buhay na pananampalataya, pananampalataya ni Abraham, ay laging nasa krisis. Sa ganitong paraan ninyo malalaman na ito ay pananampalataya. Nangangako ako sa inyo na ang higit na pananampalataya ay magbabawas ng krisis hanggang sa huli ay sabihin ng Diyos, “Magaling! Mabuti at tapat na alipin.”36

Binabasbasan ko kayo na malaman na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay talagang iyon mismo: ang Simbahan ni Jesucristo. At tanging sa pamamagitan lamang ng mga ordenansa at oportunidad na makukuha mula rito matatanggap ang “sukat ng ganap na kapuspusan ni Cristo.”37 Binabasbasan ko ang bawat isa sa inyo ng bawat kaloob na kakailanganin ninyo para sa paglalakbay na ito, at binabasbasan ko kayo, at nakikiusap sa inyo, na patuloy na magsikap habang, sa Kanyang karunungan, hinahanap ng Ama sa Langit ang pinakamagandang paraan na regular na ibigay sa inyo ang inyong hinihingi at mga pangangailangan. Idinaragdag ko ang aking taos-puso at sagrado at personal na patotoo sa banal na pagmamahal ng Diyos, sa walang hanggang pamamagitan para sa atin ng Tagapagligtas, at sa nagpapatuloy na kapanatagang hatid ng Espiritu Santo, sa kapangyarihan ng banal na priesthood, at sa buhay na propetang si Pangulong Russell M. Nelson, sa kabanalan ng Aklat ni Mormon, at sa “ganap na kaliwanagan ng pag-asa” na hatid ng ebanghelyong ito. Ginagawa ko ito sa pangalan Niya na pinagmumulan ng lahat ng aking pag-asa, maging ang pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.