Bagong Tipan 2023
Apendise: Paghahanda sa Inyong mga Anak sa Habambuhay na Pagtahak sa Landas ng Tipan ng Diyos


“Apendise: Paghahanda sa Inyong mga Anak sa Habambuhay na Pagtahak sa Landas ng Tipan ng Diyos,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Apendise,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023

Apendise

Paghahanda sa Inyong mga Anak sa Habambuhay na Pagtahak sa Landas ng Tipan ng Diyos

Dahil ikaw ay mahal Niya, nagtitiwala sa iyo, at alam Niya ang iyong potensyal, binigyan ka ng Ama sa Langit ng pagkakataong tulungan ang iyong mga anak na pumasok at umunlad sa landas ng Kanyang tipan, ang landas tungo sa buhay na walang hanggan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 68:25–28). Kabilang dito ang pagtulong sa kanila na maghandang gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan, tulad ng tipan sa binyag at mga tipang ginagawa sa templo. Sa pamamagitan ng mga tipang ito, ibibigkis ng inyong mga anak ang kanilang sarili sa Tagapagligtas na si Jesucristo.

Maraming paraan para maihanda ang inyong mga anak sa paglalakbay na ito sa landas ng tipan, at tutulungan kayo ng Ama sa Langit na matuklasan ang pinakamainam na paraan para matulungan sila. Habang naghahangad ka ng inspirasyon, isaisip na hindi lahat ng natututuhan ay nangyayari sa nakaiskedyul na mga lesson. Sa katunayan, bahagi ng dahilan kaya napakabisa ng pagkatuto sa tahanan ang pagkakataong matuto sa pamamagitan ng halimbawa at sa maliit at simpleng mga sandali—ang natural na nangyayari sa araw-araw na pamumuhay. Ang pag-aaral tungkol sa landas ng tipan ay katulad ng pagsunod sa landas ng tipan na isang palagian at habambuhay na proseso. (Tingnan sa “Tahanan at Pamilya,” Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas [2022], 30–31.)

Larawan
mag-ina

Maraming paraan para maihanda ang inyong mga anak sa kanilang paglalakbay sa landas ng tipan ng Diyos.

Nasa ibaba ang ilang ideya na maaaring humantong sa karagdagang inspirasyon. Makakakita ka ng mga karagdagang ideya sa pagtuturo sa mga bata sa Primary sa “Paghahanda sa mga Bata sa Habambuhay na Pagtahak sa Landas ng Tipan ng Diyos” sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Binyag at Kumpirmasyon

Itinuro ni Nephi na “ang pasukang [ating] dapat pasukin” sa landas ng tipan “ay pagsisisi at binyag sa pamamagitan ng tubig” (2 Nephi 31:17). Ang mga pagsisikap mong tulungan ang iyong mga anak na maghanda para sa binyag at kumpirmasyon ay magpapatatag sa kanilang mga paa sa landas na iyon. Ang mga pagsisikap na ito ay nagsisimula sa pagtuturo tungkol sa pananampalataya kay Jesucristo at pagsisisi. Kabilang din dito ang pagtuturo kung paano natin pinaninibago ang ating mga tipan sa binyag sa pagtanggap ng sakramento bawat linggo.

Narito ang ilang resources na makakatulong sa iyo: 2 Nephi 31; Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Binyag,” topics.ChurchofJesusChrist.org topics.ChurchofJesusChrist.org.

  • Sa tuwing may karanasan ka na nagpapalakas sa iyong pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, ibahagi ito sa anak mo. Tulungan siyang maunawaan na ang pananampalataya ay isang bagay na maaaring lumakas nang lumakas habambuhay. Ano ang ilang bagay na magagawa ng anak mo para magkaroon ng mas malakas na pananampalataya kay Cristo bago siya binyagan?

  • Kapag nagkamali ng pasiya ang anak mo, masayang mangusap tungkol sa kaloob na pagsisisi. At kapag ikaw ang nagkamali ng pasiya, ibahagi ang kagalakang dumarating kapag ikaw ay nagsisisi. Magpatotoo na dahil si Jesucristo ay nagdusa at namatay para sa ating mga kasalanan, binigyan Niya tayo ng kapangyarihang magbago. Kapag humihingi ng kapatawaran ang anak mo, magpatawad nang lubos at masaya.

  • Magkuwento sa anak mo tungkol sa iyong binyag. Magpakita ng mga larawan at magkuwento ng mga alaala. Ikuwento kung ano ang nadama mo, paano ka natulungan ng iyong mga tipan sa binyag na mas makilala si Jesucristo, at paano patuloy na pinagpapala ng mga ito ang buhay mo. Hikayatin ang anak mo na magtanong.

  • Kapag may binyag sa inyong pamilya o sa inyong ward, isama ang anak mo para makita ito. Pag-usapan ninyo ang nakita at nadama ninyo ng anak mo. Kung maaari, kausapin ang taong bibinyagan at itanong ang tulad ng mga sumusunod: “Paano mo ginawa ang desisyong ito? Paano ka naghanda?”

  • Sa tuwing napapansin mo na ginagawa ng anak mo ang isang bagay na ipinangako niyang gagawin, taos-puso siyang purihin. Ituro na ang pagtupad sa mga pangako ay tumutulong sa atin na maghandang tuparin ang mga tipang ginagawa natin kapag bininyagan tayo. Ano ang ipinapangako natin sa Diyos kapag bininyagan tayo? Ano ang ipinapangako Niya sa atin? (tingnan sa Mosias 18:8–10, 13).

  • Kapag magkasamang kayong nagkaroon ng ng anak mo ng sagradong karanasan (tulad ng sa simbahan, habang nagbabasa ng mga banal na kasulatan, o habang naglilingkod sa isang tao), sabihin sa kanya ang iyong mga espirituwal na damdamin o impresyon. Anyayahan ang anak mo na sabihin kung ano ang nadarama niya. Pansinin ang iba’t ibang paraan na maaaring mangusap ang Espiritu sa mga tao, pati na ang mga paraan na personal Siyang nangungusap sa iyo. Tulungan ang anak mo na matukoy ang mga sandali na maaaring nararanasan niya ang impluwensya ng Espiritu Santo.

  • Magkasamang panoorin ang ilan sa mga video sa Gospel Library collection na may pamagat na “Pakinggan Siya!” Pag-usapan ang iba’t ibang paraan na pinakikinggan ng mga lingkod ng Panginoon ang Kanyang tinig. Anyayahan ang anak mo na magdrowing o gumawa ng video kung paano niya pinakikinggan ang tinig ng Tagapagligtas.

  • Ikuwento kung paano ka napagpala ng pagiging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Paano ka mas napalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo nang paglingkuran mo ang iba at paglingkuran ka ng iba? Tulungan ang anak mo na mag-isip ng mga paraan para mapaglingkuran at mapalakas ang iba bilang miyembro ng Simbahan.

  • Gawing sagrado at masaya ang oras ng sakramento sa inyong pamilya. Tulungan ang anak mo na magplano ng mga paraan para makatuon kay Jesucristo sa oras ng sakramento. Paano natin ipapakita na sagrado sa atin ang sakramento?

  • Ang magasing Kaibigan ay madalas magsama ng mga artikulo, kuwento, at aktibidad para tulungan ang mga bata na maghanda para sa binyag at kumpirmasyon. Hayaang pumili ang anak mo ng ilang babasahin at ikasisiya ninyo pareho.

    Larawan
    batang lalaking binibinyagan

    Itinuro ni Nephi na “ang pasukan na [ating] dapat pasukin” sa landas ng tipan ay “pagsisisi at binyag sa pamamagitan ng tubig” (2 Nephi 31:17).

Pagtuturo sa Inyong mga Anak Tungkol sa Priesthood

Ang priesthood ay ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos na ginagamit Niya para mabasbasan ang Kanyang mga anak. Ang priesthood ng Diyos ay nasa lupa ngayon sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Lahat ng miyembro ng Simbahan na tumutupad sa kanilang mga tipan ay binibiyayaan ng kapangyarihan ng priesthood ng Diyos sa kanilang tahanan para palakasin ang kanilang sarili at ang kanilang pamilya (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 3.5, ChurchofJesusChrist.org ChurchofJesusChrist.org). Ang kapangyarihang ito ay tutulong sa mga miyembro sa pagsasakatuparan ng gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos sa kanilang personal na buhay at sa kanilang pamilya (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 2.2).

Tumatanggap tayo ng mga ordenansa sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood. Kapag ang kalalakihan at kababaihan ay naglilingkod sa mga tungkulin sa Simbahan, ginagawa nila ito nang may awtoridad ng priesthood, sa ilalim ng pamamahala ng mga mayhawak ng mga susi ng priesthood. Lahat ng anak ng Ama sa Langit—ang Kanyang mga anak na lalaki at Kanyang mga anak na babae—ay pagpapalain kapag mas nauunawaan nila ang priesthood.

Para malaman ang iba pa tungkol sa priesthood, tingnan sa Russell M. Nelson, “Mga Espirituwal na Kayamanan,” Liahona, Nob. 2019, 76–79; Russell M. Nelson, “Ang Halaga ng Kapangyarihan ng Priesthood,” Liahona, Mayo 2016, 66–69; “Mga Alituntunin ng Priesthood,” kabanata 3 sa Pangkalahatang Hanbuk.

  • Gawing palagiang bahagi ng inyong buhay-pamilya ang mga ordenansa ng priesthood. Halimbawa, tulungan ang anak mo na espirituwal na maghanda para sa sakramento bawat linggo. Hikayatin ang anak mo na maghangad ng mga basbas ng priesthood kapag siya ay maysakit o nangangailangan ng pag-alo o patnubay. Ugaliing ituro ang mga paraan na pinagpapala ng Panginoon ang inyong pamilya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood.

  • Habang sama-sama ninyong binabasa ang mga banal na kasulatan, mag-abang ng mga pagkakataong talakayin kung paano pinagpapala ng Diyos ang mga tao sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan. Ibahagi ang sarili mong mga karanasan kung kailan ka napagpala ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang priesthood. Para sa mga halimbawa ng mga pagpapalang natatanggap natin mula sa Diyos sa pamamagitan ng priesthood, tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 3.2, 3.5.

  • Alamin ang linya ng awtoridad ng priesthood ng isang tao sa inyong pamilya. (Ang mga mayhawak ng Melchizedek Priesthood ay maaaring tumanggap ng kopya ng kanilang linya ng awtoridad sa pamamagitan ng pag-email sa LineofAuthority@ChurchofJesusChrist.org LineofAuthority@ChurchofJesusChrist.org ChurchofJesusChrist.org.) Pag-usapan kung bakit mahalagang malaman na ang awtoridad ng priesthood ay nagmumula kay Jesucristo mismo. Bakit Niya ito ibinabahagi sa atin?

  • Ituro sa anak mo na pagkatapos ng binyag, maaari siyang tumanggap ng kapangyarihan ng priesthood sa pamamagitan ng pagtupad sa tipan sa binyag. Magkasamang rebyuhin ang mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson na “Mga Espirituwal na Kayamanan” (Liahona, Nob. 2019, 76–79). Sabihin sa anak mo kung paano nakapaghatid ang mga ordenansa ng priesthood ng kapangyarihan ng Diyos sa buhay mo. Para sa listahan ng ilan sa mga paraan na pinagpapala tayo ng kapangyarihan ng priesthood, tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 3.5.

  • Talakayin ang tanong na “Ano ang isang lingkod ng Panginoon?” Magkasamang basahin ang Doktrina at mga Tipan 121:36–42, at hanapin ang mga sagot. Sa tuwing mapapansin mo ang anak mo (o ibang tao) na ipinamumuhay ang isa sa mga alituntunin o katangian sa mga talatang ito, sabihin ito.

  • Kapag gumagamit ka o ang anak mo ng mga susi para buksan ang isang pinto o paandarin ang isang kotse, mag-ukol ng sandali para ikumpara ang mga susing iyon sa mga susing hawak ng mga lider ng priesthood. (Para sa kahulugan ng mga susi ng priesthood, tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 3.4.1). Ano ang “nabubuksan” o “napapaandar” ng mga susi ng priesthood para sa atin? Tingnan din sa Gary E. Stevenson, “Nasaan ang mga Susi at Awtoridad ng Priesthood?,” Liahona, Mayo 2016, 29–32 ChurchofJesusChrist.org.

  • Kapag ise-set apart ka para sa isang calling, anyayahan ang anak mo na dumalo, kung maaari. Hayaang makita ng anak mo ang pagganap mo sa iyong calling. Maaari ka pa ngang maghanap ng angkop na mga paraan na matutulungan ka niya. Ilarawan kung paano mo nadarama ang kapangyarihan ng Panginoon sa iyong calling.

Pagpunta sa Templo—Mga Binyag at Kumpirmasyon para sa mga Patay

Ang mga templo ay bahagi ng plano ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak. Sa mga templo, gumagawa tayo ng mga sagradong tipan sa Ama sa Langit kapag nakikibahagi tayo sa mga sagradong ordenansa, na pawang nakaturo kay Jesucristo. Ang Ama sa Langit ay naglaan ng paraan para lahat ng Kanyang anak ay makagawa ng mga tipan at makabahagi sa mga ordenansa, pati na ang mga hindi nakatanggap ng mga iyon sa buhay na ito. Sa simula ng taon na siya ay magiging 12, nasa tamang edad na ang anak mo para mabinyagan at makumpirma sa templo para sa mga yumaong ninuno.

temples.ChurchofJesusChrist.org

  • Dumalo sa templo nang madalas kung ipinahihintulot ng iyong sitwasyon. Sabihin sa anak mo kung bakit ka pumupunta sa templo at paano ka tinutulungan nito na mas mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

  • Rebyuhin at talakayin ang mga tanong sa temple recommend nang magkasama. Sabihin sa anak mo kung ano ang nangyayari sa interbyu para sa temple recommend. Ibahagi kung bakit mahalaga sa iyo ang pagkakaroon ng temple recommend.

  • Magkasamang basahin ang Malakias 4:6. Pag-usapan kung paano maaaring bumaling ang puso ninyo sa inyong mga ninuno. Alamin ang iba pa tungkol sa inyong mga ninuno sa pamamagitan ng magkasamang pagsasaliksik sa inyong family history sa FamilySearch.org FamilySearch.org. Hanapin ang mga ninunong kailangang mabinyagan at makumpirma. Maaaring makatulong sa inyo ang isang ward temple and family history consultant.

  • Magkasamang rebyuhin ang ilan sa resources sa koleksyon na may pamagat na “Templo” sa bahaging pambata ng Gospel Library. ChurchofJesusChrist.org

Pagtanggap ng Patriarchal Blessing

Ang patriarchal blessing ay maaaring pagmulan ng patnubay, kapanatagan, at inspirasyon. Naglalaman ito ng personal na payo sa atin mula sa Ama sa Langit at nagpapaunawa sa atin ng ating walang-hanggang identidad at layunin. Tulungan ang anak mo na maghandang tumanggap ng patriarchal blessing sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanya ng kahalagahan at likas na kasagraduhan ng mga patriarchal blessing.

Para malaman ang iba pa, tingnan sa Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Mga Patriarchal Blessing,” topics.ChurchofJesusChrist.org topics.ChurchofJesusChrist.org.

  • Ibahagi sa anak mo ang iyong karanasan sa pagtanggap ng patriarchal blessing. Maaari mong ibahagi ang mga bagay na tulad ng kung paano ka naghandang tanggapin ito, paano ka natulungan nito na mas mapalapit sa Diyos, at paano mo ginagamit ang pagpapala sa buhay mo. Maaari mo ring anyayahan ang anak mo na kausapin ang iba pang mga kapamilya na nakatanggap na ng kanilang patriarchal blessing.

  • Mag-ukol ng oras para magkasamang rebyuhin ang ilan sa resources na nasa Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Mga Patriarchal Blessing.” Para malaman ang proseso ng pagtanggap ng patriarchal blessing, tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 18.17.

  • Kung may mga ninuno kang nakatanggap ng mga patriarchal blessing, maaaring magbigay-inspirasyon na basahin ninyo ng anak mo ang ilan sa mga iyon. Para hilingin ang mga blessing ng mga ninunong pumanaw na, mag-log in sa ChurchofJesusChrist.org ChurchofJesusChrist.org, i-klik ang account icon sa itaas sa kanang sulok ng screen, at piliin ang “Patriarchal Blessing.”

  • Pagkatapos makatanggap ng patriarchal blessing ang anak mo, anyayahan ang sinumang mga kapamilyang naroon na itala ang kanilang damdamin at ibahagi ang mga iyon sa anak mo.

Pagpunta sa Templo—ang Endowment

Nais ng Diyos na pagkalooban, o pagpalain, ang lahat ng Kanyang mga anak ng “kapangyarihan mula sa itaas” (Doktrina at mga Tipan 95:8). Minsan lang tayo nagpupunta sa templo para tumanggap ng sarili nating endowment, pero ang mga tipang ginagawa natin sa Diyos at ang espirituwal na kapangyarihang ibinibigay Niya sa atin bilang bahagi ng endowment ay maaaring magpala sa ating buhay araw-araw.

Para malaman ang iba pa tungkol sa endowment sa templo, tingnan sa temples.ChurchofJesusChrist.orgRussell M. Nelson, “Paghahanda para sa mga Pagpapala ng Templo,” Liahona, Okt. 2010, 41–51.

  • Magdispley ng isang larawan ng templo sa inyong tahanan. Magkuwento sa anak mo tungkol sa nadarama mo sa loob ng templo. Banggitin nang madalas ang iyong pagmamahal sa Panginoon at sa Kanyang bahay at ang mga tipan na nagawa mo roon.

  • temples.ChurchofJesusChrist.org Magkasamang basahin ang mga artikulong tulad ng “Maghanda para sa Bahay ng Panginoon.” Hayaang magtanong ang anak mo ng anumang bagay tungkol sa templo. Para sa patnubay kung ano ang maaari ninyong pag-usapan sa labas ng templo, tingnan ang mensahe ni Elder David A. Bednar na “Handa na Matamo ang Bawat Kinakailangang Bagay” (Liahona, Mayo 2019, 101–4; tingnan lalo na ang bahaging may pamagat na “Pag-aaral at Paghahanda sa Templo na Nakasentro sa Tahanan at Sinusuportahan ng Simbahan”).

  • Habang nakikilahok kayo ng anak mo o sumasaksi sa iba pang mga ordenansa (tulad ng sakramento o basbas ng pagpapagaling), maglaan ng ilang sandali sa pagtalakay sa simbolismong nakapaloob sa ordenansa. Ano ang kinakatawan ng mga simbolo? Paano nagpapatotoo ang mga ito kay Jesucristo? Makakatulong ito na maghanda ang anak mo na pagnilayan ang simbolikong kahulugan ng mga ordenansa sa templo, na nagpapatotoo rin kay Jesucristo.

  • Tulungan ang anak mo na mapansin kung paano niya tinutupad ang tipan sa binyag na nakalarawan sa Mosias 18:8–10, 13. Tulungan din ang anak mo na mapansin kung paano siya pinagpapala ng Panginoon. Patatagin ang tiwala ng anak mo sa kakayahan niyang tuparin ang mga tipan.

  • Pag-usapan nang hayagan at madalas kung paano ginagabayan ng iyong mga tipan sa templo ang iyong mga pagpili at paano ka tinutulungang mas mapalapit kay Jesucristo. Maaari mong gamitin ang Pangkalahatang Hanbuk, 27.2, para rebyuhin ang mga tipang ginagawa natin sa templo.

Paglilingkod sa Misyon

Itinuro ni Elder David A. Bednar: “Ang pinakamahalagang bagay na magagawa ninyo para makapaghanda sa tawag na maglingkod ay ang maging misyonero bago pa man kayo magpunta sa misyon. … Hindi ang pagpunta sa misyon ang isyu; sa halip, ang isyu ay ang pagiging missionary at paglilingkod natin habambuhay nang ating buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas. … Naghahanda kayo para sa habambuhay na gawaing misyonero” (“Pagiging Misyonero,” Liahona, Nob. 2005, 45–46). Ang mga karanasan ng anak mo sa pagiging missionary ay magpapala sa kanya nang walang hanggan, hindi lamang sa panahon na maaari siyang maglingkod bilang missionary.

Para malaman ang iba pa, tingnan sa Russell M. Nelson, “Pangangaral ng Ebanghelyo ng Kapayapaan,” Liahona, Mayo 2022, 6–7; M. Russell Ballard, “Ang Paglilingkod Bilang Missionary ay Nagpala sa Buhay Ko Magpakailanman,” Liahona, Mayo 2022, 8–10 ChurchofJesusChrist.org.

  • Ipakita kung paano ibahagi ang ebanghelyo sa likas na mga paraan. Laging maging alerto sa mga oportunidad na ibahagi sa iba ang nadarama mo tungkol sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas at sa mga pagpapalang natatanggap mo bilang miyembro ng Kanyang Simbahan. Anyayahan ang iba na sumama sa pamilya mo sa mga aktibidad na may kaugnayan sa Simbahan at sa pamilya.

  • Humanap ng mga pagkakataon para makausap ng inyong pamilya ang mga missionary. Anyayahan silang turuan ang inyong mga kaibigan, o alukin silang turuan ang mga tao sa bahay ninyo. Tanungin ang mga missionary tungkol sa mga karanasan nila at kung paano sila tinutulungan ng paglilingkod bilang missionary na mas mapalapit kay Jesucristo. Itanong din kung ano ang ginawa nila (o sana’y ginawa nila) para maghandang maging mga missionary.

  • Kung nagmisyon ka, magsalita nang hayagan at madalas tungkol sa iyong mga karanasan. O anyayahan ang mga kaibigan o kapamilyang nagmisyon na magkuwento tungkol sa misyon nila. Maaari mo ring ikuwento ang mga paraan na naibahagi mo ang ebanghelyo sa iba sa buong buhay mo. Tulungan ang anak mo na mag-isip ng mga paraan na maibabahagi niya ang ebanghelyo.

  • Bigyan ng mga pagkakataon ang anak mo na ituro sa inyong pamilya ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Maaari ding magpraktis ang anak mo na ibahagi ang kanyang mga paniniwala sa iba. Halimbawa, maaari mong talakayin ang mga tanong na tulad ng “Paano natin ipakikilala ang Aklat ni Mormon sa isang taong hindi pa nakarinig tungkol dito?” o “Paano natin ilalarawan ang pangangailangan sa Tagapagligtas sa isang taong hindi Kristiyano?”

  • Tulungan ang anak mo na maging komportable sa pakikipag-usap sa mga tao. Ano ang ilang mabubuting paraan para simulan ang isang pag-uusap? Hikayatin ang anak mo na pag-aralan kung paano makinig sa sinasabi ng iba, maunawaan ang nasa puso nila, at magbahagi ng mga katotohanan ng ebanghelyo na maaaring magpala sa kanilang buhay.

  • Humanap ng mga pagkakataon na matutuhan ng anak mo ang iba pang mga kultura at relihiyon. Tulungan siyang kilalanin at igalang ang mabuti at tunay na mga alituntunin sa mga paniniwala ng iba.

Pagpunta sa Templo—Pagbubuklod

Sa templo, maaaring ikasal ang isang mag-asawa para sa kawalang-hanggan. Nangyayari ito sa isang ordenansang tinatawag na pagbubuklod. Kahit maaari na matagal pang mangyayari ang ordenansang ito para sa anak mo, ang maliit, simple, at palagiang mga bagay na magkasama ninyong ginagawa sa mga taon na iyon ay makakatulong sa kanya na maghanda para sa kamangha-manghang pagpapalang ito.

topics.ChurchofJesusChrist.org

  • Magkasamang basahin ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” sa ChurchofJesusChrist.org ChurchofJesusChrist.org. Ano ang itinuturo ng pagpapahayag na ito tungkol sa kaligayahan sa buhay-pamilya at tungkol sa matagumpay na pagsasama ng mag-asawa? Kasama ang anak mo, pumili ng isa sa mga alituntuning nakalista sa pagpapahayag para pag-aralan. Maaari kang maghanap ng mga talata sa mga banal na kasulatan na may kaugnayan sa alituntuning iyon sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Maaari ka ring magtakda ng mga mithiin na ipamuhay nang mas lubusan ang alituntuning iyon sa inyong pamilya. Habang pinagsisikapan mong makamit ang iyong mga mithiin, magkasamang talakayin ang epekto ng pagsasabuhay ng alituntuning iyon sa buhay-pamilya.

  • Kasama ang anak mo, basahin ang mensahe ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf na “Bilang Papuri sa mga Taong Nagliligtas” (Liahona, Mayo 2016, 77–80). Kapag narating ninyo ang bahaging may pamagat na “Isang Lipunan ng mga Puwedeng Itapon,” maaari kayong maghanap ng mga bagay sa bahay ninyo na puwedeng itapon at ang iba pang mga bagay na hindi puwedeng itapon. Pag-usapan kung paano naiiba ang pagtrato ninyo sa mga bagay-bagay kapag gusto ninyong magtagal ang mga ito. Ano ang ipinahihiwatig nito kung paano natin dapat tratuhin ang mga pagsasama ng mag-asawa at pamilya? Ano pa ang matututuhan natin mula sa mensahe ni Pangulong Uchtdorf kung paano tayo matutulungan ng Tagapagligtas na magkaroon ng matitibay na pagsasama ng mag-asawa at pamilya?

  • Kung may-asawa ka, ipagtapat sa anak mo ang mga bagay na sa palagay mo ay ginagawa ninyo nang maayos bilang mag-asawa, mga bagay na natututuhan ninyo, at mga paraan na sinisikap ninyong pagbutihin pa. Kung nabuklod na kayong mag-asawa sa templo, magpakita ng halimbawa sa anak ninyo kung paano ninyo sinisikap na tuparin ang inyong mga tipan sa isa’t isa at sa Panginoon. Sabihin sa anak ninyo kung paano ninyo sinisikap na gawing sentro ng inyong relasyon ang Ama sa Langit at ang Tagapagligtas at kung paano Nila kayo tinutulungan.

  • Kapag kailangan ng pamilya na magdesisyon, magdaos ng mga family council at talakayan. Tiyaking marinig at pahalagahan ang opinyon ng lahat ng miyembro ng pamilya. Gamitin ang mga talakayang ito bilang pagkakataon para maipakita ang halimbawa ng magandang komunikasyon at kabaitan sa mga relasyon ng pamilya, kahit hindi magkakapareho ang tingin ng lahat sa mga bagay-bagay.

  • Kapag mayroong di-pagkakasundo o pagtatalo sa pamilya, magpasensya at magpakita ng habag. Tulungan ang anak ninyo na makita kung paano makakatulong sa kanya ang pagharap sa mga pagtatalo sa paraang tulad ng paraan ni Cristo para maging handa siya para sa isang masayang pagsasama ng mag-asawa. Sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 121:41–42, at pag-usapan kung paano maiaangkop ang mga alituntunin sa mga talatang ito sa pagsasama ng mag-asawa.