Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 32: Pagtugon sa Pang-aapi nang May Pananampalataya at Katapangan


Kabanata 32

Pagtugon sa Pang-aapi nang May Pananampalataya at Katapangan

“Huwag matakot, kundi magpakalakas kayo sa Panginoon at sa kapangyarihan ng kaniyang kalakasan.”

Mula sa Buhay ni Joseph Smith

Sa taglamig ng 1838–39, may utos ang militar ng estado ng Missouri mula sa gobernador na palayasin ang mga Banal sa mga Huling Araw mula sa estado, at ikinulong nila si Propetang Joseph Smith sa Liberty Jail. Noong taglamig na iyon at nang sumunod na tagsibol, isang tagpo ng matinding pagdurusa ang nasaksihan nang sapilitang palayasin ang libu-libong Banal sa kanilang tahanan sa Missouri. Iniwan nila ang karamihan sa kanilang mga ari-arian, at nilakbay ang halos 322 kilometro pasilangan patungong kanluraning Illinois, sa pamamahala ni Brigham Young at ng iba pang mga lider ng Simbahan. Ilan lamang sa mga Banal ang may magagandang bagon at kabayo, at maraming natulog sa gitna ng ulan at niyebe. Ang ilang walang sapatos ay ibinalot na lang sa basahan ang kanilang mga paa sa paglalakad patawid ng niyebe.

Noong Pebrero 1839, tinulungan ng isang mabait na kapitbahay si Emma Smith na mailulan ang kanyang apat na anak at ilang ari-arian sa isang bagon na nababalutan ng dayami. Pagdating ng kanilang grupo sa nagyeyelong Ilog Mississippi, tinawid ni Emma at ng kanyang mga anak ang yelo, na dala ang mga manuskrito ng Biblia na isinalin ng Propeta sa dalawang lalagyang telang nakatali sa kanyang baywang sa ilalim ng kanyang palda. Nagkanlong siya at ang marami pang kaawa-awang mga Banal sa komunidad ng Quincy, Illinois, kung saan patuloy silang dumanas ng gutom, lamig, at sakit, bagama’t ang mga pagdurusang ito ay naibsan ng maraming kabaitan ng isang mapagmalasakit na komunidad.

Bagamat sabik si Propetang Joseph na matulungan ang mga Banal, wala siyang magawa kundi manalangin at magbilin sa pamamagitan ng mga liham kay Brigham Young at sa iba pang mga kalalakihang namumuno sa mga Banal habang siya ay wala. Sa mga desperadong sitwasyong ito, sumulat siya ng mga salitang nagbigay ng lakas ng loob at kapayapaan sa mga miyembro ng Simbahan: “Mga minamahal na kapatid, ating malugod na gawin ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya; at pagkatapos nawa tayo ay makatayong hindi natitinag, na may lubos na katiyakan, na makita ang pagliligtas ng Diyos, at upang ang kanyang bisig ay maipahayag” (D at T 123:17).

Noong Abril 6, 1839, inilipat ang Propeta at kapwa niya mga bilanggo mula Liberty Jail patungong Gallatin, Daviess County, Missouri. Matapos humarap sa hukuman doon, muling inilipat ang mga kalalakihan mula Gallatin papuntang Columbia, Boone County, Missouri. Ngunit noong kalagitnaan ng Abril, habang inililipat sa Columbia ang Propeta at iba pang mga bilanggo, pinatakas sila ng mga guwardiya. Sa loob ng isang linggo, nakasama ng mga kalalakihan ang mga Banal sa Quincy, Illinois. Isinulat ni Elder Wilford Woodruff sa kanyang journal ang muling pagkikita nila ng Propeta: “Muli … kaming nagkaroon ng masayang pribilehiyo na mahawakan siya sa kamay. … Binati niya kami nang may malaking kagalakan. Kalalaya pa lamang niya mula sa piitan at mula sa kamay ng kanyang mga kaaway at kababalik sa piling ng kanyang pamilya at mga kaibigan… Si Joseph ay tapat, prangka, at palabati kagaya ng dati. Tuwang-tuwa si Sister Emma.”1

Kalaunan ay pinuri ng Propeta ang kapwa niya mga Banal, na kasama niyang magiting na nagtiis nang labis alang-alang sa kanilang pananampalataya sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo: “Ang pag-uugali ng mga Banal, sa kabila ng pinagsamasama nilang mga pasakit at pagdurusa, ay kapuri-puri; ang kanilang katapangan sa pagtatanggol sa kanilang mga kapatid mula sa pamumuksa ng mga mandurumog; ang katapatan nila sa layon ng katotohanan, sa kabila ng matitinding pagsubok at pangamba na makakayang tiisin ng tao; ang kanilang pagmamahalan; ang kahandaan nilang tumulong sa akin at sa aking mga kapatid na nakakulong sa isang bartolina; ang kanilang mga sakripisyo sa paglisan sa Missouri, at pagtulong sa mga kawawang balo at ulila, at paghanap ng mga bahay para sa kanila sa mas panatag na kapaligiran; lahat ay nagtutulung-tulong para makuha ang paggalang ng lahat ng mabubuti at mababait na tao, at natamo nila ang pagtatangi at pagsang-ayon ni Jehova, at ng isang pangalang di malilimutan hanggang sa kawalang-hanggan.”2

Mga Turo ni Joseph Smith

Kinakalaban ng kaaway ng katotohanan ang mga lingkod ng Panginoon, lalo na kapag higit silang napapalapit sa Panginoon.

“Pinag-iinitan tayo ng mga mang-uusig panaka-naka, … na parang sunud-sunod na kulog, dahil sa ating relihiyon.”3

“Ang mga alituntunin ng ating relihiyon ay lantad sa mundo at handa para siyasatin ng lahat ng tao, subalit batid natin na lahat ng pang-uusig laban sa ating mga kaibigan ay nagmula sa mga paninira [mga maling paratang] at maling paliwanag na walang batayan sa katotohanan at kabutihan. Tiniis natin ito katulad ng lahat ng iba pang samahang pangrelihiyon nang magsimula sila.”4

“Huwag kayong magtaka, samakatwid, kung kayo man ay usigin; kundi alalahanin ang mga salita ng Tagapagligtas: ‘Ang alipin ay hindi dakila kay sa kaniyang Panginoon. Kung ako’y kanilang pinagusig, kayo man ay kanilang paguusigin din’ [tingnan sa Juan 15:20]; at na lahat ng paghihirap na kailangang pagdaanan ng mga Banal, ay katuparan ng mga sinabi ng mga Propetang nagsalita bago pa nilikha ang mundo.” 5

“Kapag ginagawa ko ang makakaya ko—kapag isinasagawa ko ang pinakamabuti, kinakalaban ako ng pinakamaraming kasamaan at masasamang ideya. … Ang mga kaaway ng mga taong ito ay hinding-hindi magsasawa sa pang-uusig sa Simbahan, hanggang sa mapagod sila. Inaasahan ko na ihahanay nila ang lahat ng kaya nilang kontrolin laban sa akin, at magiging mahaba at matindi ang aming labanan. Siya na makikidigma sa tunay na labanang Kristiyano laban sa mga katiwalian sa mga huling araw ay patuloy na kalabanin ng masasamang tao at ng mga anghel ng diyablo, at ng lahat ng puwersa ng kadiliman. Kapag kinalaban ng masasama at tiwaling tao ang isang tao, batayan iyon sa paghatol kung ipinaglalaban ng isang tao ang Kristiyanismo. Kapag mali ang mga kasamaang sinasabi ng lahat ng tao laban sa inyo, mapalad kayo, at kung anu-ano pa [tingnan sa Mateo 5:11]. Ituturing bang masama ang isang tao kapag inaalimura siya ng mga tao? Hindi. Kung ang isang tao ay maninindigan at lalabanan ang makasalanang mundo, makakaasa siyang lalabanan siya ng lahat ng masasama at tiwaling espiritu.

“Pero kaunting panahon na lang, at lahat ng paghihirap na ito ay aalisin sa atin, sapagkat tayo ay tapat, at hindi nagpapadaig sa mga kasamaang ito. Habang nakikita nating patuloy ang biyaya ng endowment, at lumalago at lumalaganap ang kaharian sa lahat ng dako, magagalak tayo na hindi tayo nadaig ng mga kahangalang ito.”6

“Inakala ng ilan na makukuntento ang ating mga kaaway kapag namatay ako; pero sinasabi ko sa inyo na kapag napatay na nila ako hahangarin pa nilang patayin ang lahat ng tao na ang puso ay may munting kislap ng diwa ng kaganapan ng Ebanghelyo. Ang paglaban ng mga taong ito ay inudyukan ng diwa ng kalaban ng lahat ng kabutihan. Hindi lamang ako ang balak nilang patayin, kundi lahat ng lalaki at babaeng magtatangkang maniwala sa mga doktrinang ipinadama sa akin ng Diyos na ituro sa henerasyong ito.”7

“Nalaman ko sa karanasan na ang kaaway ng katotohanan ay hindi natutulog, ni hindi tumitigil sa pagsisikap na itutok ang isipan ng mga tao laban sa mga lingkod ng Panginoon, sa pamamagitan ng pag-uudyok ng galit sa mga tao tungkol sa lahat ng bagay na mahalaga o makabuluhan.”8

Titiisin ng mga taong nagmamahal sa Diyos ang panguusig nang may katapangan at pananampalataya.

“Lahat ng Banal! makinabang sa mahalagang Susi na ito—na sa lahat ng inyong pagsubok, problema, tukso, paghihirap, pagkaalipin, pagkabilanggo at kamatayan, tiyakin, na hindi ninyo ipagkakanulo ang langit; na hindi ninyo ipagkakanulo si Jesucristo; na hindi ninyo ipagkakanulo ang mga kapatid; na hindi ninyo ipagkakanulo ang mga pahayag ng Diyos, sa Biblia, Aklat ni Mormon, o Doktrina at mga Tipan, o anumang naibigay o ibibigay at ihahayag sa tao sa mundong ito o sa mundong darating. Oo, sa lahat ng inyong pakikipaglaban at pakikibaka, tiyakin na hindi ninyo magawa ang bagay na ito, kung hindi ay mababahiran kayo ng dugo ng walang malay sa inyong laylayan, at mapupunta kayo sa impiyerno.”9

Noong tagsibol ng 1830 pinag-usig ang mga Banal dahil sa pagkalathala ng Aklat ni Mormon: “Matagal-tagal na ring nailathala ang Aklat ni Mormon (ang tungkod ni Jose na nasa kamay ni Ephraim,), at tulad ng hula ng sinaunang propeta, ‘inari [itong] parang [ka]katwang bagay.’ [tingnan sa Oseas 8:12.] Lumikha ng malaking kaguluhan ang paglabas nito. Sinundan ng matinding oposisyon at labis na pang-uusig ang mga naniniwala sa katotohanan nito. Ngunit ngayo’y bumukal na ang katotohanan mula sa lupa, at bumaba na ang kabutihan mula sa langit [tingnan sa Awit 85:11; Moises 7:62], kaya hindi namin kinatakutan ang aming mga kalaban, dahil batid namin na nasa aming panig kapwa ang katotohanan at kabutihan, ang Ama at ang Anak, dahil nasa amin ang mga doktrina ni Cristo, at sinunod namin ang mga ito; samakatwid patuloy kaming nangaral at nagbigay ng kaalaman sa lahat ng handang makinig.”10

Noong Hulyo 1839, itinala ni Wilford Woodruff: “Nagsalita nang maikli sa amin si Joseph at nagsabi, ‘Tandaan, mga kapatid, na kung kayo ay mabilanggo, unang nabilanggo si Brother Joseph kaysa sa inyo. Kung kayo ay mapunta sa isang lugar na makikita lamang ninyo ang inyong mga kapatid sa pagitan ng mga rehas ng bintana habang nakakadena dahil sa ebanghelyo ni Jesucristo, tandaan na sinapit din ni Brother Joseph ang gayon.’ ”11

Noong 1841 isinulat ni Joseph Smith at ng kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan: “Ang katotohanan, gaya ng matibay na punong oak, ay hindi natinag sa gitna ng nagtatalong mga elemento, na ubod ng lakas na humampas dito. Rumagasa ang mga baha, sunud-sunod ang mabilis na dating ng mga alon, at hindi ito nilamon. ‘Itinaas nila ang kanilang tinig, O Panginoon; ang mga baha ay nagtaas ng kanilang hugong; ngunit ang Panginoon ng mga Hukbo ay higit na makapangyarihan kaysa malalakas na hampas ng alon sa dagat’ [tingnan sa Awit 93:3–4]; ni hindi ito nagawang sirain ng naglalagablab na pang-uusig, sa kabila ng lahat ng impluwensya ng mga mandurumog; ngunit gaya ng mababang punungkahoy ni Moises, hindi ito natupok, at ngayon sa sandaling ito ay nagpapakita ng mahalagang tanawin kapwa sa mga tao at mga anghel.

“Saan natin maibabaling ang ating tingin upang makakita ng katulad niyon? Naiisip natin ang isang lahing tumanggap sa isang sistema ng relihiyon, na hindi popular, at ang pagsunod dito ay naghatid sa kanila ng paulit-ulit na mga pang-uusig. Isang lahing dahil sa pagmamahal nila sa Diyos, at pagiging tapat sa Kanyang layon, ay nagtiis ng gutom, kahubaran, mga panganib, at halos lahat ng kawalan. Isang lahing alang-alang sa kanilang relihiyon ay kinailangang mamighati sa maagang pagkamatay ng mga magulang, asawa, at anak. Isang lahing minabuting mamatay kaysa magpaalipin at magkunwari, at nanatiling marangal ang pagkatao, at nanindigan at hindi natinag, sa mga panahong sinubukan ang kaluluwa ng mga tao.”12

Susuportahan ng dakilang kapangyarihan ng Diyos ang mga taong inuusig alang-alang sa kabutihan.

Habang nakakulong sa Liberty Jail, sumulat si Joseph Smith sa mga Banal: “Huwag ninyong isiping pinanghinaan ang aming mga puso, na para bagang may nangyayari sa atin na di pangkaraniwan [tingnan sa I Pedro 4:12], sapagkat nakita at tiniyak na sa atin ang lahat ng bagay na ito bago pa man ito nangyari, at tiyak na mas malaki ang ating pag-asa kaysa ating mga manguusig. Samakatwid pinalakas tayo ng Diyos nang sapat para makapagtiis. Nagagalak tayo sa ating mga pagdurusa, dahil alam natin na nasa ating panig ang Diyos, na Siya ay ating kaibigan, at ililigtas Niya ang ating kaluluwa. Wala tayong pakialam sa kanila na pumapatay ng katawan; hindi nila masasaktan ang ating kaluluwa [tingnan sa Mateo 10:28]. Wala tayong anumang hinihiling sa mga kamay ng mga mandurumog, ni sa mundo, ni sa diyablo, ni sa kanyang mga alagad na naghihimagsik, at sa mga taong mahihilig magsinungaling, at nagsisinungaling, upang ipahamak tayo. Hindi natin itinago kailanman ang tunay nating pakay, ni hindi natin iyon gagawin para lamang mabuhay. … Alam natin na matagal na tayong nagsisikap nang buong isipan, kapangyarihan, at lakas, na gawin ang kalooban ng Diyos, at lahat ng bagay na ipag-utos Niya sa atin. …

“… Sinabi ng Tagapagligtas, ‘Kinakailangang dumating ang mga kadahilanan; datapuwa’t sa aba ng taong yaong panggalingan ng kadahilanan.’ [Tingnan sa Mateo 18:7.] At muli, ‘Mapapalad kayo pagka kayo’y inaalimura, at kayo’y pinaguusig, at kayo’y pinagwiwikaan ng sarisaring masama na pawang kasinungalingan, dahil sa akin. Mangagalak kayo, at mangagsayang totoo: sapagka’t malaki ang ganti sa inyo sa langit: sapagka’t gayon din ang kanilang pagkausig sa mga propeta na nangauna sa inyo.’ [Mateo 5:11–12.]

“Ngayon, mga kapatid, kung may mga tao mang may dahilan para angkinin ang pangakong ito, tayo iyon; sapagkat alam natin na hindi lamang tayo kinamumuhian ng mundo, kundi nagsasalita pa sila ng lahat ng uri ng mali at masasamang paratang laban sa atin, na ang tanging dahilan ay sapagkat matagal na tayong nagsisikap na ituro ang kaganapan ng Ebanghelyo ni Jesucristo. …

“At ngayon, pinakamamahal na mga kapatid—at kapag sinasabi naming kapatid, ibig naming sabihi’y yaong patuloy sa pananampalataya kay Cristo, mga lalaki, babae at bata—nais namin kayong payuhan sa pangalan ng Panginoong Jesus, na maging matibay sa pananampalataya sa bago at walang hanggang tipan, at huwag matakot sa inyong mga kaaway. … Maging matatag kahit hanggang kamatayan; sapagkat ‘siya na naghahangad iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito; at siya na mamamatay dahil sa akin, at sa Ebanghelyo, ay maililigtas yaon,’ sabi ni Jesucristo [tingnan sa Marcos 8:35].”13

Mula pa rin sa Liberty Jail, sumulat ang Propeta at ang kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan sa mga lider ng Simbahan: “Mga kapatid, huwag matakot, kundi magpakalakas kayo sa Panginoon at sa kapangyarihan ng kanyang kalakasan. Ano ang halaga ng tao na dapat siyang katakutan ng alagad ng Diyos, o ng anak ng tao na dapat manginig ang tao dahil sa kanya? Ni huwag ninyong pagtakhan ang mahihigpit na pagsubok sa atin, na wari bang may nangyayari sa atin na di-pangkaraniwan. Tandaan na lahat ay dumaranas ng gayong mga paghihirap. [Tingnan sa I Pedro 4:12–13.] Samakatwid, magalak sa inyong mga paghihirap, na nagpapasakdal sa inyo at nagpasakdal din sa pinuno ng ating kaligtasan. [Tingnan sa Mga Hebreo 2:10.] Ipanatag ang inyong puso at ang mga puso ng lahat ng Banal, at hayaan silang lubos na magalak, sapagkat dakila ang ating gantimpala sa langit, sapagkat gayon pinag-usig ng masasama ang mga propetang nauna sa atin [tingnan sa Mateo 5:11–12].”14

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xiv.

  • Repasuhin ang kuwento sa mga pahina 433–36. Ano ang hinahangaan ninyo sa paraan ng pagtugon ni Joseph Smith at ng mga kapwa niya Banal sa pang-uusig? Sa inyong palagay bakit handa silang magtiis ng pang-uusig?

  • Basahin ang mga pahina 436–37, kung saan itinuturo ni Propetang Joseph na madalas mahaharap sa pang-uusig ang mga taong matwid. Sa inyong palagay bakit kaya ganito? Paano nakatulad ng pang-uusig noong panahon ni Joseph Smith ang pang-uusig ngayon? Paano ito naiiba ngayon?

  • Sa mga pahina 437–38, ibinahagi ni Joseph Smith ang isang susi para matulungan ang mga Banal. Anong mga karanasan ang nagpakita sa inyo ng halaga ng susing ito? Ano pa ang maipapayo ninyo sa isang taong nahaharap sa pang-uusig dahil sa kanyang pananampalataya? (Para sa mga halimbawa, tingnan sa mga pahina 437–40.)

  • Repasuhin ang mga pahina 440–41, kung saan tinitiyak sa atin ni Joseph Smith na tutulungan tayo ng Panginoon kapag tumugon tayo sa pang-uusig nang may pananampalataya at katapangan. Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “pinalakas tayo ng Diyos nang sapat para makapagtiis”? Paano tayo “nagagalak sa ating pagdurusa” at “[naga]galak sa ating mga paghihirap”? Sa inyong palagay paano tayo mapapasakdal ng ating mga paghihirap?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan:Mateo 5:43–44; Mga Taga Roma 8:35–39; 2 Nephi 26:8; Mosias 24:8–16; 3 Nephi 6:13

Mga Tala

  1. Wilford Woodruff, Journals, 1833–98, entry para sa Mayo 3, 1839, Church Archives, The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, Salt Lake City, Utah.

  2. History of the Church, 3:329–30; mula sa “Extract, from the Private Journal of Joseph Smith Jr.,” Times and Seasons, Nob. 1839, p. 8.

  3. History of the Church, 6:210; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Peb. 8, 1844, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Wilford Woodruff.

  4. History of the Church, 2:460; mula sa isang liham ni Joseph Smith at ng iba pa kay John Thornton at iba pa, Hulyo 25, 1836, Kirtland, Ohio, inilathala sa Messenger and Advocate, Ago. 1836, p. 358.

  5. History of the Church, 3:331; ginawang makabago ang pagbabantas; mula sa “Extract, from the Private Journal of Joseph Smith Jr.,” Times and Seasons, Nob. 1839, pp. 8–9.

  6. History of the Church, 5:140–41; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Ago. 31, 1842, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Eliza R. Snow; tingnan din sa apendise, pahina 655, aytem 3.

  7. History of the Church, 6:498; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Hunyo 18, 1844, sa Nauvoo, Illinois. Pinagsamasama ng mga nagtipon ng History of the Church sa iisang salaysay ang mga kuwento ng ilang nakasaksi sa talumpati.

  8. History of the Church, 2:437; mula sa isang liham ni Joseph Smith kay Oliver Cowdery, Abr. 1836, Kirtland, Ohio, inilathala sa Messenger and Advocate, Abr. 1836, p. 289.

  9. History of the Church, 3:385; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Hulyo 2, 1839, sa Montrose, Iowa; iniulat nina Wilford Woodruff at Willard Richards.

  10. History of the Church, 1:84; mula sa “History of the Church” (manuskrito), book A-1, p. 41, Church Archives.

  11. Wilford Woodruff, nag-uulat ng paghahayag na ginawa ni Joseph Smith noong Hulyo 7, 1839, sa Commerce, Illinois; Wilford Woodruff, Journals, 1833–98, Church Archives.

  12. History of the Church, 4:337; ginawang makabago ang pagbabantas; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa isang ulat ni Joseph Smith at ng kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan, Abr. 7, 1841, Nauvoo, Illinois, inilathala sa Times and Seasons, Abr. 15, 1841, pp. 384–85.

  13. History of the Church, 3:227–29, 232–33; ginawang makabago ang pagbabantas; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa isang liham ni Joseph Smith sa mga miyembro ng Simbahan sa Caldwell County, Missouri, Dis. 16, 1838, Liberty Jail, Liberty, Missouri.

  14. Liham ni Joseph Smith at ng kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan kina Heber C. Kimball at Brigham Young, Ene. 16, 1839, Liberty Jail, Liberty, Missouri, Church Archives.

Larawan
Emma fleeing Missouri

Noong Pebrero 1839, habang nakakulong si Joseph Smith sa Liberty Jail, naglalakad na tinawid ni Emma Smith at ng kanyang mga anak ang nagyeyelong Ilog Mississippi, sa pagtakas sa mga nang-uusig sa kanila sa Missouri.

Larawan
Saints fleeing Missouri

Noong taglamig ng 1838–39, libu-libong Banal sa mga Huling Araw ang napilitang tumakas mula sa kanilang mga tahanan sa Missouri, at naglakbay nang halos 322 kilometro patungong Illinois.