Musika
Preface (Paunang Salita)


Preface

Paunang Salita

Minamahal na mga bata:

Narito ang isang aklat ng mga awiting tanging para sa inyo. Maaari ninyong kantahin ang mga ito kahit anong oras, kahit saan. Maaari ninyong kantahin ang ilan sa mga awiting ito upang magpakita ng pasasalamat sa Ama sa Langit, at ang ilan para lamang masiyahan sa pagkanta.

Sa inyong pagkanta, maaaring gumanda ang inyong pakiramdam. Ang Banal na Espiritu ay nagbibigay sa inyo ng maiinit na pakiramdam upang tulungan kayong unawain na ang mga salita at mensahe sa mga awitin ay totoo. Maaari ninyong matutuhan ang tungkol sa ebanghelyo sa ganitong paraan, at lalawak ang inyong patotoo habang kayo ay natututo. Mas madali ninyong maaalala ang mga natutuhan ninyo kung kumakanta kayo tungkol dito. Ang himig ng isang awitin ay tutulungan kayong alalahanin ang mga saltia at ipinararating din ang damdamin ng awitin sa inyong puso. Ang mga larawan ay tutulungan din kayong maunawaan ang itinuturo ng mga awitin. Kapag alam na ninyo ang mga awitin, makakasama na ninyong lagi ang mga ito (na parang mabubuting magkaibigan) upang tulungan kayong makagawa ng mga tamang pagpili at maging maligaya.

Ang musika ay isang wikang mauunawaan ng lahat. Kinakanta rin ng mga bata sa buong mundo ang mga awiting ito. Pinag-uugnay din ng musika ang nakaraan sa hinaharap. Balang araw kakantahin ninyo ang mga awiting ito kasama ng sarili ninyong mga anak.

May mga awitin sa aklat na ito na tungkol sa halos bawat paksa ng ebanghelyo. Ipinaliliwanag ng mga awitin ang ating mga paniniwala tungkol sa buhay sa langit; tungkol sa panalangin, pasasalamat, at pamimitagan; tungkol sa misyon ng Tagapagligtas; tungkol sa mga alituntunin ng ebanghelyo; tungkol sa kahalagahan ng tahanan, mag-anak, at pamana; tungkol sa kagandahan ng kalikasan at mga panahon; at tungkol sa pangangailangan sa kasiyahan at gawain.

Balang araw kayo ay magiging mga pinuno ng Simbahan at ng mundo. Ang matututuhan ninyo mula sa mga awiting ito ay makatutulong sa inyo na maging tapat at maglingkod nang matwid. Ang magandang pakiramdam na dulot ng mga awitin ay magpapaligaya at magpapatapang sa inyo at tutulungan kayong alalahanin na kayo ay mga anak ng Diyos.