2009
Paghikayat ng mga Talakayan sa Klase
Hunyo 2009


Paghikayat ng mga Talakayan sa Klase

Nagtanong si Brother Johnson sa klase ng Gospel Doctrine. Matagal na natahimik ang lahat na ikinaasiwa niya at ng mga miyembro ng klase. Bilang stake Sunday School president na nagmamasid sa klase, napansin ko na noong papasagot na ang ilang miyembro ng klase, sinagot ni Brother Johnson ang tanong at pumunta sa ibang bahagi ng aralin.

Maaaring mangyari ito sa mga klase sa Simbahan at maging sa pagtuturo natin sa tahanan. May natutuhan akong dalawang bagay na mahalaga para mahikayat nating makibahagi ang klase. (1) magbigay ng tanong na mahigit sa isa ang sagot at (2) bigyan ng sapat na oras ang klase na mahanap o mapag-isipan ang sagot.

Magbigay ng Tanong na Mahigit sa Isa ang Sagot

Ang pagbibigay ng tamang uri ng mga tanong ay makahihikayat ng magandang talakayan sa klase. Ang mga manwal ng Simbahan ay puno ng mga tanong na masusing pinag-isipan upang hikayatin ang mga miyembro ng klase na saliksikin ang mga turo para sa mga kasagutan o pagnilayin at isagawa ang kanilang mga natutuhan.

Maaari kayong magbigay ng tanong na kakailanganing saliksikin ng mga estudyante ang mga banal na kasulatan o ang mga salita ng mga apostol at mga propeta sa mga huling araw para sa impormasyon. Narito ang dalawang halimbawa ng mga tanong na sasaliksikin batay sa mga mungkahi sa pagtuturo sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith: “Pag-aralan ang bahagi simula sa pahina 61. Ano ang nagawa ng Tagapagligtas para maging kasama Niya tayong tagapagmana?” at “Rebyuhin ang bahagi simula sa pahina 245. Ano ang itinuro ni Joseph Smith tungkol sa kahalagahan ng pagkakaroon ng pisikal na katawan?”

Ang ibang tanong ay nag-aanyaya sa mga miyembro ng klase na pag-isipan ang kahulugan ng kanilang nabasa o kaya’y ipamuhay ang kanilang natutuhan. Karaniwang ibinibigay ang mga tanong na ito matapos na maging pamilyar na ang klase sa paksa ng aralin. Halimbawa, matapos ibigay ang mga naunang tanong, maaari ninyong itanong ang mga sumusunod para tulungan ang klase na pag-isipan at ipamuhay ang kanilang natutuhan: “Sa anu-anong paraan natin maipapakita sa Panginoon ang ating pasasalamat sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo?” o “Paano nakaaapekto sa paraan ng pangangalaga natin sa ating katawan ang pagkaunawa sa kahalagahan ng pagkakaroon ng pisikal na katawan?”

Hintayin ang mga Sagot ng Estudyante

Anuman ang inyong mga itinanong, bigyan ang klase ng sapat na panahong saliksikin o pag-isipan ang sagot. Matututuhan ng mga estudyante na sumagot ng mga tanong kung alam nila na hindi ninyo sasagutin ang mga tanong para sa kanila.

Matapos ng naranasan ko sa klase ni Brother Johnson, nagpasiya akong itala kung gaano katagal naghihintay ng sagot ang mga guro matapos silang magtanong. Natuklasan ko na dalawa o tatlong segundo lamang naghihintay ang karamihan sa mga guro, pero nang tanungin ko sila, ang akala nila ay naghintay sila nang mas matagal. Sa ibang banda, sinabi naman ng mga estudyante sa akin na kailangan pa nila ng mas maraming oras para mapag-isipan ang sagot.

Sa layuning tulungan ang mga guro na mas mahikayat pa ang klase na makibahagi, hinikayat ko silang bumilang nang mahina nang hanggang 20 matapos magtanong para mabigyan ang klase ng panahong makapag-isip na mabuti. Natuto silang magsabi ng mga salitang tulad ng “Bibigyan ko kayo ng oras na mag-isip” o “Maaari bang pag-isipan muna ninyo ang tanong na ito, pagkatapos ay hihingin ko ang mga sagot ninyo.” Nang simulang gawin ito ng mga guro sa aming stake, naragdagan ang partisipasyon ng klase at nadama ng mga miyembro ng klase ang Espiritu at nagsimulang “turuan [nila] ang isa’t isa” (D at T 88:77).

Dumalo ako sa isang klase kung saan binigyan ng guro ang mga miyembro ng klase nang mahigit dalawang minuto para pag-isipan ang tanong na may kaugnayan sa pagpapamuhay ng doktrina ng ebanghelyo. Para sa akin isa itong sandali ng tahimik na pagmumuni-muni. Nadama ko ang Espiritu at nagtamo ng ilang kabatiran tungkol sa doktrina na marahil ay hindi ko natutuhan kung hindi ako nagkaroon ng gayong sandali. Ipinaunawa sa akin ng karanasang ito na ang pagbibigay sa klase ng panahong mapag-isipan ang tanong ay magbibigay sa kanila ng panahong mag-isip nang mas malalim at makinig sa Espiritu. (Tingnan sa 3 Nephi 17:1–3.)

Mararanasan din ng inyong klase o pamilya ang mga espirituwal na karanasang iyon sa oras ng talakayan kung magbibigay kayo ng tanong na higit sa isa ang sagot at bibigyan ang lahat ng panahong mag-isip mabuti bago sumagot.

Mga larawang kuha ni Welden C. Andersen

Kapag nagtuturo kayo, subukan ang mga tip na ito para mapaganda ang partisipasyon sa klase.