2009
Paglutas ng Problema sa Pagkakaiba-iba ng Wika
Hunyo 2009


Paglutas ng Problema sa Pagkakaiba-iba ng Wika

Ang mga miyembro sa buong mundo ay bumabaling sa Panginoon upang makahanap ng mga paraan na makausap nila ang kanilang mga kapatid sa ebanghelyo.

Noong si Kazue Horikami ay lumipat sa Hawaii mula sa kanyang sinilangang Japan noong siya ay young adult, hindi niya gaanong kailangang matuto ng Ingles. Nagsasalita siya ng wikang Hapon sa bahay, namimili sa mga lugar na maraming tao na marunong magsalita ng Hapon, at kalaunan ay nagtrabaho bilang tour guide sa mga turistang Hapon. Ang tanging lugar na nakararanas siya kung minsan ng problema sa pagkakaiba-iba ng wika ay sa simbahan—isang tagpong karaniwan sa mga Banal sa mga Huling Araw. Pero kahit sa simbahan hindi siya nahirapan dahil may tatlo o apat siyang kaibigan na nagsasalita ng kanyang wika.

Kalaunan, matapos ang mahigit 25-taong paninirahan sa Hawaii, tinawag si Sister Horikami na maging pangulo ng Relief Society sa kanyang ward, isang tungkuling ikinabalisa niya. “Karamihan sa mga kapatid ay nagsasalita lamang ng Ingles, at ang iba naman ay Samoan o Tagalog lamang,” paggunita niya. “Noong panahong iyon kaya kong makaintindi ng ibang mga wika kahit paano, pero hindi ako sanay magsalita ng mga ito. Kahit na naiintindihan ko ang karamihan sa sinasabi ng mga kapatid, iniisip ko kung paano ko sila posibleng mapaglilingkuran gayong makipag-usap lang sa kanila ay hindi ko pa kaya.”

Alam ni Sister Horikami na hindi opsyon ang pag-aaral ng wika—wala lang talaga siyang panahon. Ipinahayag niya ang alalahaning ito sa kanyang stake president noong iniinterbyu siya para sa recommend sa templo. “Sinabi ko sa kanya na kinakabahan ako—hindi lang sa responsibilidad kundi sa mangyayaring di pagkakaintindihan,” aniya. Matamang nag-isip sandali ang stake president at pagkatapos ay sinabihan si Sister Horikami na huwag alalahanin ang tungkol sa wika, huwag na muna sa ngayon. “Gawin mo lang ang lahat ng abot-kaya mo sa tungkulin mo,” sabi niya. Nangako siyang gagawin niya.

Ilang araw kalaunan, noong nasa loob ng templo si Sister Horikami, naisip niya ang kuwento tungkol sa paglakad ni Pedro sa tubig (tingnan sa Mateo 14:22–33). “Natanto ko na hangga’t pinaiiral ko ang takot ko, lulubog ako,” sabi niya. “Subalit kung mananampalataya ako sa Tagapagligtas, tutulungan Niya akong gawin ang imposible.”

“Ang imposible” ay nagsimula sa simple ngunit epektibong mga pagsisikap. Naaalala ni Sister Horikami na nag-uukol siya ng mahabang oras sa pagbabasa ng listahan ng miyembro ng Relief Society. “Habang pinag-aaralan ko ang pangalan ng isang sister, may maiisip ako tungkol sa sister na iyon, at makadarama ako ng inspirasyon kung paano ko siya mapagsisilbihan. Sa pagtalima ko sa mga inspirasyong ito, namangha ako nang matuklasan ko kung gaano kapartikular at personal ang mga ito.

“Ganyan ako nagsimula,” patuloy niya. “Sa loob ng ilang buwan ang mga munting pagsisikap na iyon ay humantong sa pagmamalasakit at pag-aalala, hindi lang ng pagmamalasakit ko sa kanila kundi ng pagmamalasakit nila sa akin.”

Sa huli’y natutuhan din ni Sister Horikami ang wikang Ingles, ngunit mabilis niyang sinasabi na ang Espiritu—hindi ang kahusayan sa anumang wika—ang nakatulong sa kanyang paglilingkod. “Natutuhan ko na hindi nalilimitahan ng wika ang Espiritu,” sabi ni Sister Horikami. “Nangungusap Siya sa ating lahat sa mga paraang nauunawaan natin.”

Tulad ni Sister Horikami, ang mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo ay nakararanas ng kabiguan at kalungkutan na kaakibat ng mga problema sa pagkakaiba-iba ng wika. Pero tulad ni Sister Horikami, sila at ang kanilang mga lider ay makahihingi ng tulong sa Panginoon. Ang sumusunod na mga ideya para malampasan ang problema sa pagkakaiba-iba ng wika ay mula sa mga miyembro at lider sa buong mundo.

Isipin na Hindi Gaanong Mahalaga ang Wika

Ang paglutas sa mga problema sa pagkakaiba-iba ng wika ay karaniwang hamon sa Frankfurt Germany Stake, kung saan nagmumula sa mahigit 80 bansa ang mga miyembro. Pero ang wika, ayon sa stake president na si Axel Leimer, ay hindi ganong mahalaga.

Si Pangulong Leimer, na ang sariling pamilya ay hindi makapagsalita ng wikang Aleman noong bagong lipat pa lang sila sa Frankfurt, ay nagsabi na marahil ang kanyang mga anak at ang mga anak ng ibang pamilya ang pinakamagandang halimbawa nito. “Hindi sila naapektuhan ng katotohanang hindi nila maintindihan ang isa’t isa,” sabi niya. “Nakipaglaro pa rin sila sa ibang mga bata. Para sa kanila, hindi mahalaga na magkaiba sila ng wika. Hindi sila natutong mangutya o matakot.”

Ayon kay Pangulong Leimer maraming mag-asawang misyonerong Ingles na naglingkod sa mga ward sa stake ang hindi rin nalimitahan ng pagkakaiba-iba ng wika. “Marami sa mga mag-asawang misyonerong ito ang hindi marunong magsalita ng Aleman, pero napakarami nilang naibahaging karanasan sa kanilang mga tungkulin at nakagawa ng mahahalagang kontribusyon.” sabi niya. “Naglingkod ang mga sister sa nursery, sa mga klase sa Primary, at bilang mga librarian, kabilang na rito ang pagbuo ng aklatan na wala pa noon. Ilan sa mga kalalakihan ay naglingkod bilang mga lider sa high priest group, finance clerk, at home teacher. Nakibahagi sila sa mga klase (at may isang tao roon na nagsasalin ng kanilang mga sinasabi) at kung minsan ay nagtuturo pa.

“Ang pangkaraniwang pundasyon ng ebanghelyo ay kadalasang siyang tanging kailangan ng mga tao,” patuloy pa ni Pangulong Leimer. “Naobserbahan ko ang mga nagsisipag-usap sa mga pasilyo kung saan ni isa sa kanila ay hindi nagsasalita ng wika ng isa, pero kahit paano ay nagkakaintindihan sila. Maipararating ninyo ang mahahalagang mensahe magkaiba man ang wika ninyo: ‘Mahal ko ang Panginoon. Pinagmamalasakitan ko ang aking mga kapatid. Narito ako para tumulong.’”

Tulungan ang mga Tao na Madamang Kabilang Sila

Sa maraming sitwasyon nakagagawa ng paraan ang mga ward at branch na maipadama sa mga tao na sila ay kabilang. Halimbawa, sa McCully Ward ng Honolulu Hawaii Stake itinuturo ang Sunday School sa walong wika (Chuukese, Espanyol, Hapones, Ingles, Koreano, Marshallese, Pohnpeian, at Tagalog) para marinig ng karamihan sa mga miyembro ang ebanghelyo na itinuturo sa kanilang sariling wika. Bukod pa riyan, ang mga miyembro na inaatasang manalangin sa sacrament meeting o klase ay nananalangin sa kanilang sariling wika kung hindi sila nakahandang manalangin sa wikang gamit ng karamihan sa mga miyembro.

Bagaman mahalagang magkaroon ng hiwa-hiwalay na klase sa Sunday School, sinisikap din ng McCully Ward na magplano ng mga aktibidad na mapagsasama-sama ang lahat. Ang mga regular na kaganapang tulad ng taunang pandaigdigang food festival, pagtatanghal ng kultura sa Mutual, ng Micronesian choir (bukod sa koro ng ward), at ng “ohana night” (gabi ng pamilya) na ginaganap tuwing ikatlong buwan kasama ang buong ward ay nagtatanghal ng mga natatanging pamanang kultura ng mga miyembro at nagtatampok ng kanilang iisang espirituwal na pamana.

“Tayong lahat ay mga anak ng ating Ama sa Langit,” sabi ni Marlo Lopez, bishop ng McCully Ward. “Sa paningin Niya walang pagkakaiba-iba sa lahi o wika. Ang pagmamahal ng Diyos ay para sa lahat, at tayo ay mga instrumento lamang sa pagtuturo ng katotohanang ito.”

Makibagay sa Kultura ng Lugar na Inyong Tinitirhan

Bagaman maraming tao ang nais na panatilihin ang kasanayan sa pagsasalita ng kanilang sariling wika at ang nagbibigay-inspirasyong sangkap ng kanilang kultura, makikinabang din ang mga miyembro sa pag-aaral ng wika at kultura ng lugar na kasalukuyan nilang tinitirhan. Hinihikayat ito ni Pangulong Eric Malandain ng Paris France East Stake, na binubuo ng mga miyembro mula sa iba’t ibang dako ng mundo. “Karaniwang hinihikayat ng mga lider ang mga miyembrong naninirahan dito na mag-aral ng wikang Pranses,” sabi ni Pangulong Malandain. “Matutulungan sila nito na mapagbuti ang kanilang propesyon, personalidad, at espirituwalidad.”

Ang mga miyembro ng San Francisco California West Stake ay hinihikayat ding mag-aral ng karagdagang kasanayan sa wika. Maliban pa sa mga ward na nagsasalita ng Ingles, ibinilang din ng stake ang mga yunit na may iba’t ibang wika (Chinese, Samoan, at Tagalog) upang ang mga miyembrong nagsasalita ng mga wikang ito ay maturuan ng ebanghelyo sa kanilang sariling wika. Pero hinihikayat din ng mga lider ng stake at ward ang mga miyembro na lumahok sa mga grupong nag-aaral ng wika. Ang maliliit na “grupong” ito ay nagpupulong nang dalawang beses sa isang linggo para matuto ng simpleng pagsasalita ng Ingles. Nakatuon ang mga aralin sa pag-aaral ng pagsasalita ng simpleng mga katagang tulad ng “Paano ang pagpunta sa ospital?” o “Saan ang pinakamalapit na sakayan ng bus?” At dahil marami sa mga miyembro ng stake ang una ring naging mga miyembrong Banal sa mga Huling Araw sa kanilang pamilya, ilan sa mga aralin sa Ingles ay nakatuon sa mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo, tulad ng pagdarasal o pangangasiwa ng family home evening.

“Ang problema sa wika ay malaking hamon sa amin, pero ginagawan namin ito ng paraan, at napapaghusayan namin ito,” sabi ng stake president na si Ronald Dillender. “Patuloy kaming kikilos, magtuturo, at magbibigay-daan sa mga miyembro sa bawat stake conference, bawat pagtatanghal ng talento ng stake, bawat pulong sa pagsasanay, bawat aktibidad. Gusto naming magkaroon pagkakataon na makamtan ng bawat isa ang lahat ng ibinibigay ng Simbahan at ng ebanghelyo. Napakahalaga niyan.”

Sama-samang Gumawa

Maraming hadlang ang idinudulot ng pagkakaiba-iba ng wika, sabi ni Pangulong Brent Olson ng Philadelphia Pennsylvania Stake, mula sa pag-iinterbyu para sa recommend sa templo hanggang sa pagsasalin ng mga mensahe at panalangin sa sacrament meeting. Ang pagiging magiliw sa pagtanggap at pagiging maunawain ang gumagawa ng lahat ng kaibhan para sa mga miyembro ng stake.

Sabi ni Pangulong Olson, “May tema kami na madalas naming inuulit-ulit sa stake: sinumang pumasok sa pintuan ng kapilya ay ipinadala ng Panginoon. Kapag tayo ay magiliw sa pagtanggap, matatanto natin na ang karagdagang pagsisikap na ginagawa natin para matulungan ang lahat ay hindi isang pasanin. Ito ay simpleng pamumuhay ng ebanghelyo.”

Bagaman ang Clendon Ward ng Auckland New Zealand Manurewa Stake ay masasabi na isang yunit na talagang Ingles ang gamit na wika, nagsasalita rin ang mga miyembro ng Maori, Niuean, Samoan, Tongan, ng mga diyalekto sa lugar at ilan pang wikang ginagamit sa Cook Islands. Ang mga lider ng ward ay nagsisikap maging Mabuting Pastol, na kilala ang bawat isa sa Kanyang kawan—“anuman ang wikang gamit nila,” sabi ni Bishop Hans Key.

Halimbawa, sa pagbibigay ng asaynment sa home at visiting teaching na pinag-isipan nang may panalangin, maaaring pagsamahin ang isang kapatid na nagsasalita lamang ng kanyang wika at ang isang kapatid na nagsasalita rin ng gayong wika at pati na wikang Ingles. Habang magkasama ang dalawa sa home teaching, nagtatamo ng kumpiyansa sa pagsasalita ng wikang Ingles ang unang kapatid. Kalaunan, maaaring tumanggap siya ng asaynment na magsalita sa sacrament meeting.

Kilalanin na Ginagawa Tayong Karapat-dapat ng Panginoon para sa Kanyang Gawain

Sumapi si Francisco Ayres Hermenegildo sa Simbahan sa kanyang sinilangang bansang Rio de Janeiro, Brazil, sa edad na 21 at kalaunan ay nagmisyon sa São Paulo. Matapos silang ikasal ng kanyang asawang si Kallya, lumipat sila sa Sydney, Australia, noong 2002. Noong 2006 tinawag si Francisco na maging pangulo ng Hyde Park young single adult branch. Nabahala si Pangulong Hermenegildo hindi lamang dahil nag-aaral pa rin siya ng Ingles kundi dahil ang mga miyembro ng branch ay mula sa mahigit 10 bansa, at marami sa kanila ang nag-aaral din ng Ingles.

“Inaamin ko na nakadama kami ng kakulangan nang matawag kaming pangalagaan ang Hyde Park Branch,” sabi ni Pangulong Hermenegildo. “Tila napakalaki ng problema sa pagkakaiba-iba ng wika kung kaya’t humingi kami ng tulong sa Panginoon. Pero natututuhan ko na binibigyang-inspirasyon, pinapaging-marapat, at pinatatatag ng Panginoon ang lahat ng nakikibahagi sa pagtatayo ng Kanyang kaharian.”

Hindi lamang sa kanyang buhay nakikita ni Pangulong Hermenegildo ang patnubay ng Panginoon kundi pati sa buhay ng mga miyembro ng branch—na karamihan ay tulad din niya na unang naging mga miyembro sa kanilang pamilya.

“Bawat isa sa atin ay ipinadala rito sa panahong ito ng ating buhay nang may dahilan,” sabi niya. Ipinaliwanag niya na bawat miyembro ay may pagkakataong mapalakas ang patotoo, maglingkod sa mga katungkulan, at ibahagi ang mensahe ng ebanghelyo sa mga kaibigan at minamahal.

“Naniniwala kami na ang mga propesiyang may kaugnayan sa paglaganap ng ebanghelyo sa mundo ay nagaganap na,” sabi ni Pangulong Hermenegildo. “Ang mga miyembro ng branch ay mga lider at magiging mga lider saan mang dako ng daigdig sila magpunta. Isang malaking pribilehiyo ang tumulong na maihanda ang mga lider na iyon, na ginagawa namin sa tuwing tinuturuan at pinangangalagaan namin ang mga miyembro ng branch.”

Na May Isang Puso at Isang Isipan

“Naniniwala ako na isang pagpapala sa halip na isang hamon ang maglingkod at magtrabaho sa isang ward na may malaking pagkakaiba-iba sa mga kultura at wika,” sabi ni Bishop Hans Key ng Clendon Ward. “Pinag-iba-iba ng Diyos ang mga wika ng mga tao noong itinatayo ang Tore ni Babel, pero mapagsisikapan natin ang natamo ng mga tao sa Lungsod ni Enoc: na may isang puso at isang isipan at namuhay sa kabutihan.” (Tingnan sa Genesis 11:1–9; Moises 7:18.)

Ang pagkakaisang iyan ay binigyang-diin din ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008): “Naging napakalaki nating pandaigdigang Simbahan, at maaari na ngayong sama-samang lumahok ang mga miyembro … bilang isang malaking pamilya, na nangungusap sa maraming wika, na natatagpuan sa maraming lupain, ngunit iisa ang pananampalataya at doktrina at binyag.”1

Tala

  1. Gordon B. Hinckley, “Pamumuhay sa Kaganapan ng Panahon,” Liahona, Ene. 2002, 4.

Kahit na iba’t iba ang wikang ginagamit ng mga miyembro ng mga ward at branch, malulutas nila ang problema at matatamo ang pagkakaisa.

Mga Paglalarawan ni Cary Henrie