Mga Turo ng mga Pangulo
Ang Buhay at Ministeryo ni Howard W. Hunter


Ang Buhay at Ministeryo ni Howard W. Hunter

Noong Hunyo 6, 1994, isang araw matapos italaga si Howard W. Hunter bilang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, dalawang paanyaya ang ipinaabot niya. Sa magiliw na nakahihikayat na tinig, sinabi niya:

“Una sa lahat, inaanyayahan ko ang lahat ng miyembro ng Simbahan na mamuhay na may higit na atensyon sa buhay at halimbawa ng Panginoong Jesucristo, lalo na ang pagmamahal at awa na Kanyang ipinakita. Dalangin ko na sana ay pakitunguhan natin ang isa’t isa nang may higit na kabaitan, paggalang, kababaang-loob at pagtitiyaga at pagpapatawad.”1

Ang paghikayat sa mga tao na tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas ang sentro ng mga turo ni Pangulong Hunter sa loob ng maraming taon. “Tandaan sana ninyo ang bagay na ito,” sabi niya ilang taon bago iyon. “Kung ang ating buhay at pananampalataya ay nakasentro kay Jesuristo at sa kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo, walang anumang bagay na mananatiling mali. Sa kabilang banda, kung ang mga buhay natin ay hindi nakasentro sa Tagapagligtas at sa kanyang mga turo, walang anumang tagumpay ang palagiang tama.”2

Ang pangalawang paanyaya ni Pangulong Hunter ay para sa mga miyembro ng Simbahan na lubos na kamtin ang mga pagpapala ng templo:

“Inaanyayahan ko rin ang mga miyembro ng Simbahan na gawing dakilang simbolo ng kanilang pagiging miyembro ang templo ng Panginoon at ang banal na lugar para sa kanilang pinakasagradong mga tipan. Ito ang pinakamatinding hangarin ng aking puso, na ang bawat miyembro ng Simbahan ay maging karapat-dapat sa templo. Umaasa ako na bawat miyembrong nasa hustong gulang ay magiging marapat sa—at magkakaroon—ng current temple recommend, kahit na ang layo ng templo ay hindi magpapahintulot na makapunta kaagad o magamit ito nang madalas.

“Maging mga tao tayong mapagdalo at mapagmahal sa templo. Humayo tayo sa templo nang madalas hangga’t kaya ng ating oras at paraan at sitwasyon. Pumunta tayo hindi lamang para sa ating mga kamag-anak na namatay, kundi para din sa personal na pagpapala ng pagsamba sa templo, para sa kabanalan at kaligtasang laan ng mga pinabanal at inilaan na mga dingding niyon. Ang templo ay isang lugar ng kagandahan, isang lugar ng paghahayag, isang lugar ng kapayapaan. Ito ang bahay ng Panginoon. Ito ay banal sa Panginoon. Dapat itong maging banal sa atin.”3

Patuloy na binigyang-diin ni Pangulong Hunter ang dalawang paanyayang ito sa buong panahon ng paglilingkod niya bilang Pangulo ng Simbahan. Bagama’t siyam na buwan lamang siyang naging Pangulo ng Simbahan, ang mga paanyayang ito ay naghikayat sa mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo na maging higit na katulad ni Cristo at hangarin ang mga pagpapala ng templo nang may higit na katapatan.

Larawan
Howard W. Hunter

Mga Angkan na Pinagmulan

Noong kalagitnaan ng 1800s, ang mga ninuno ni Howard W. Hunter sa apat na magkakaibang bansa ay sumapi sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa panig ng kanyang ina, ang mga ninunong ito ay mula sa Denmark at Norway. Matapos mandayuhan mula sa kanilang sariling mga bayan, sila ay ilan sa mga pinakaunang nanirahan sa Mount Pleasant, Utah. Isang inapo ng matatatag na pioneer na ito, si Nellie Rasmussen, ang magiging ina ng isang propeta.

Sa panig naman ng kanyang ama, si Howard ay may mga ninuno na tubong Scotland at New England. Malaki ang isinakripisyo ng mga taong sumapi sa Simbahan, ngunit karamihan sa kanila ay hindi na naging aktibo pagkalipas ng ilang taon. Ang pagsilang ni John William (Will) Hunter noong 1879 ay pagsisimula ng ikatlong henerasyon sa angkan ng mga Hunter na wala nang kaugnayan sa Simbahan. Gayunpaman si Will Hunter ay magiging ama ng isang propeta.

Noong 8 taong gulang si Will Hunter, lumipat ang kanyang pamilya sa Boise, Idaho. Makalipas ang mga 16 na taon, nakilala ni Will si Nellie Rasmussen na pumunta sa Boise para makitira sa kanyang tiya at tiyo. Kalaunan ay niligawan ni Will si Nellie, at makalipas ang dalawang taon ay niyaya itong magpakasal. Nag-alangan si Nellie, ngunit nagpursigi si Will, at kalaunan ay pumayag din si Nellie na magpakasal. Ang mag-asawa ay ikinasal sa Mount Pleasant, Utah, at bumalik sa Boise upang bumuo ng pamilya. Ang kanilang panganay, si Howard William Hunter, ay isinilang noong Nobyembre 14, 1907. Ang isa pa nilang anak, isang babae na pinangalanan nilang Dorothy, ay isinilang noong 1909.

Larawan
batang Howard W. Hunter

si Howard W. Hunter noong siya ay bata pa

Pagtatayo ng Pundasyon para sa Buhay

Noong isilang si Howard, ang Simbahan ay mayroon lamang isang maliit na branch sa Boise. Ang ina ni Howard ay aktibong miyembro ng branch at pinalaki ang kanyang mga anak sa ebanghelyo. Tungkol sa kanya, sinabi ni Howard, “Siya ay palaging tapat. … Naglingkod siya bilang pangulo ng Primary at [Young Women]. Naaalala ko ang pagsisimba ko kasama si Inay, kung minsan bago ang nakaiskedyul na oras para sa mga pulong, at pagkatapos ng mga pulong ay nananatili pa roon para tapusin ang kanyang gawain.”4 Bagama’t hindi miyembro ng Simbahan ang ama ni Howard, hindi siya tumutol sa pagsisimba ng pamilya at paminsan-minsan ay dumadalo sa sacrament meeting kasama nila.

Bukod pa sa isinasama niya ang kanyang mga anak sa aktibidad ng Simbahan, tinulungan sila ni Nellie Hunter na magkaroon ng matibay na espirituwal na pundasyon sa tahanan. “Si Inay ang namuno sa pagtuturo ng ebanghelyo sa amin,” paggunita ni Howard. “Sa kanya namin natutuhan ang pagdarasal. … Nagkaroon ako ng patotoo noong bata pa ako dahil sa pagtuturo ng aking ina.”5

Ang Boise Branch ay naging isang ward noong 1913, ilang araw bago ang ikaanim na kaarawan ni Howard. Pagkaraan ng dalawang taon, noong walong taong gulang si Howard, inasam niya na mabinyagan siya. “Nasabik ako sa posibilidad na mangyari iyon,” sabi niya. Gayunman, hindi pumayag ang kanyang ama. Paggunita ni Howard, “Pakiramdam ni Itay … ay dapat akong maghintay pa hanggang sa malaman ko ang landas na gusto kong tahakin sa buhay. Gusto kong mabinyagan, bagama’t dumating at lumipas ang panahon na hindi ko nakamtan ang pagpapalang iyon.”6

Dahil hindi nabinyagan si Howard, siya ay hindi maaaring iorden na deacon nang siya ay mag-12 anyos. “Sa panahong iyon, lahat ng kaibigan ko ay deacon na,” sabi niya. “Dahi hindi pa ako opisyal na miyembro ng Simbahan, hindi ko magawa ang maraming bagay na ginagawa nila.”7 Ang lalong ikinalungkot ni Howard ay hindi siya makakapagpasa ng sakramento: “Nakaupo ako sa mga sacrament meeting kasama ang iba pang mga batang lalaki. Kapag oras na para magpasa sila ng sakramento, napapayukod ako sa aking pagkakaupo. Talagang dama ko na napag-iiwanan ako.”8

Muling kinausap ni Howard ang kanyang ama, sa pagkakataong ito kasama ang kanyang 10-taong-gulang na kapatid, si Dorothy: “Pinakiusapan [namin] ang aming ama na payagan kaming mabinyagan. Nagdasal din kami na sana ay pumayag siya. Tuwang-tuwa kami nang sa wakas ay pumayag siya.”9 Halos limang buwan matapos mag-12 taong gulang si Howard, siya at si Dorothy ay nabinyagan sa isang pampublikong swimming pool. Di nagtagal pagkatapos niyon, Si Howard ay inorden na deacon at nagpasa ng sakramento sa kauna-unahang pagkakataon. “Natakot ako, ngunit natuwa sa pagkakaroon ng pribilehiyo,” paggunita niya.10 Kabilang sa iba pa niyang mga tungkulin, si Howard ang umiihip ng bulusan para sa organo at nagpapaningas ng apoy para painitin ang chapel sa magiginaw na umaga ng Linggo. “Nabuksan ang bagong daigdig sa akin nang malaman ko ang mga tungkulin ng pagiging miyembro ng Simbahan at pagtataglay ng priesthood,” sabi niya.11

Noong siya ay binatilyo na, sumali si Howard sa Boy Scout troop ng kanyang ward at nagsikap nang husto para makamtan ang pinakamataas na parangal—ang Eagle Scout. Nang malapit na niyang makamtan ang kanyang mithiin, nakibahagi siya sa isang magandang kompetisyon. “Dalawa kaming nagpupursigi na maging unang Eagle Scout sa Boise,” paggunita niya.12 Unang nakatapos ang binatilyong iyon sa mga kinakailangang gawin, at si Howard ay kuntento na bilang pangalawa na tumanggap ng parangal.13

Bata pa lang ay natuto na si Howard na maging masipag sa buhay. Tinulungan niya ang mga balo at iba pang mga kapitbahay, nagtinda ng diyaryo, at nagtrabaho sa rantso ng kanyang tiyo. Sa paglaki niya, kabilang sa trabaho niya ang pagbibitbit ng mga bag para sa mga manlalaro sa isang golf course, paghahatid ng mga telegrama at pagtatrabaho sa botika, sa pahayagan, sa hotel, sa department store, at sa art store.

Sinabi ni Dorothy Hunter na ang kanyang kapatid ay “masigasig” at “napakatalino.”14 Bukod pa sa mga katangiang ito, siya ay maawain at bukas-palad. Sa paggunita sa pagiging mapagmalasakit nito, sinabi ni Dorothy, “Gusto ni Howard na palaging gumagawa ng mabuti at maging mabuti. Siya ay kahanga-hangang kapatid, pinangangalagaan niya ako. Siya ay mabait sa aming ina at ama.”15

Maawain din si Howard sa mga hayop. “Bawat pusang walang matirhan ay pwede sa aming bahay, kahit ayaw ng pamilya ko,” sabi niya.16 Minsan may ilang batang lalaki na pinahihirapan ang isang kuting sa paghagis nito sa kanal ng irigasyon malapit sa tahanan ng mga Hunter. Sa tuwing gagapang ito palabas, muli itong ihahagis ng mga bata. Hindi nagtagal ay lumapit si Howard at iniligtas ang kuting. “Nakahiga na ito roon na halos patay na,” paggunita ni Dorothy, “at iniuwi niya ito sa bahay.”17

“Hindi na ito mabubuhay,” sabi ng kanyang ina.

“Inay, subukan po natin,” pagpipilit ni Howard.18

Sinabi ni Dorothy na “binalot [nila] ito sa kumot at inilagay ito malapit sa mainit na hurno at inalagaan ito,” at dahil sa pangangalagang ito lumakas ang kuting at nakasama ng pamilya sa loob ng maraming taon.

Si Howard ay naorden na teacher noong 1923, bago nagkaroon ng Boise Second Ward. Dahil nangangailangan ng ibang lugar para sa pagpupulong, at inaasahan ang pag-unlad sa hinaharap, iminungkahi ng mga lokal na lider ng Simbahan na magtayo ng stake tabernacle. Ang mga Banal sa Boise ay hinilingang mag-ambag ng $20,000 sa pagtatayo ng gusali.19 Sa isang pulong kung saan humingi ng mga donasyon ang mga lider, ang binatilyong si Howard W. Hunter ang unang taong nagtaas ng kamay at nangakong magbibigay ng pera. Ang halagang ipinangako niya—$25—ay malaking halaga noong 1923, lalo na para sa isang 15-taong-gulang. “Nagtrabaho ako at nag-ipon hanggang sa nabayaran ko nang buo ang halagang ipinangako ko,” ang sabi niya kalaunan.20 Ang tabernakulo ay natapos noong 1925, at dumating si Pangulong Heber J. Grant para ilaan ito noong Disyembreng iyon.21

Mula pagkabata, kinakitaan na ng angking talino si Howard sa musika, at noong tinedyer natuto siyang tumugtog ng ilang instrumento. Sa edad na 16 bumuo siya ng sariling grupo ng musika, na tinawag niyang Hunter’s Croonaders. Ang grupong ito ay madalas magtanghal sa mga sayawan, salu-salo, at iba pang mga kaganapan sa Boise.

Noong 19 na taong gulang si Howard, binigyan siya ng kontrata para magtanghal sa isang cruise ship na papunta sa Asia. Sa unang dalawang buwan ng 1927, ang limang miyembro ng banda ni Howard ay nagtanghal sa mga salu-salo at sayawan habang naglalayag ang barko sa Pacific at dumadaong sa iba’t ibang lungsod sa Japan, China, at Pilipinas. Ang paglalayag sa dagat ay isang karanasan na nagpalawak ng kaisipan ni Howard, na nagdulot sa kanya na malaman ang tungkol sa ibang tao at kanilang mga kultura. Bagama’t nagastos niya ang halos lahat ng kanyang kita sa pamamasyal at pagbili ng mga souvenir, sinabi niya na, “Ang natutuhan namin ay sulit sa nagastos namin.”22

Larawan
limang miyembro ng banda

Howard W. Hunter, gitna, kasama ng Hunter’s Croonaders, 1927

Panahon ng Malalaking Pagpapasiya

Umuwi si Howard mula sa paglalayag sa dagat at sinalubong ng masayang balita na nabinyagan na ang kanyang ama habang wala siya. Nang sumunod na Linggo, magkasamang dumalo si Howard at ang kanyang ama sa pulong ng priesthood sa unang pagkakataon. Isang mapagmalasakit na bishop ang naghikayat kay Will Hunter na magpabinyag, at sinabi ni Howard na “dahil sa isang [home] teacher kaya naging mas interesado siya sa simbahan.”23

Matapos ang paglalayag, hindi tiyak ni Howard ang kanyang kinabukasan. Abala siya sa mga aktibidad sa musika at iba pang trabaho, kabilang na ang kanyang sariling negosyo, ngunit tila wala sa mga ito ang magbibigay ng matatag na trabaho. Nang mabigo ang pagsisikap niya na magtayo ng bagong negosyo noong Marso 1928, nagpasiya siyang bisitahin ang isang kaibigan sa Southern California. Ang talagang plano niya ay manatili lamang doon ng isa o dalawang linggo at hanapin ang ayon sa kanya ay “trabaho na magbibigay ng malalaking oportunidad.”24 Sa California hindi lamang siya makakahanap ng trabaho kundi ng mapapangasawa rin, ng malalaking pagkakataon na makapaglingkod sa Simbahan, at isang tahanan sa loob ng mahigit tatlong dekada.

Ang unang mga trabaho ni Howard sa California ay pagtitinda ng mga sapatos at pagtatrabaho sa isang citrus packing plant, kung saan ilang araw siyang nagkakarga ng 45 at 50 tonelada ng kahel sa mga bagon. “Hindi ko alam na ganito pala karami ang mga kahel sa mundo,” pagbibiro niya. Isang araw “nahirapan” siya dahil kailangan niyang pagbukud-bukurin ang mga lemon ayon sa kulay nito, at hindi niya malaman ang kaibhan ng kulay dilaw at berde dahil color blind siya. “Bago matapos ang araw akala ko hihimatayin na ako,” sabi niya.25

Pagkaraan ng dalawang linggo sa citrus plant, nag-aplay si Howard ng trabaho sa isang bangko sa Los Angeles, at tinanggap siya kaagad at nagsimulang tumaas agad ang kanyang posisyon. Ipinagpatuloy pa rin niya ang kanyang mga aktibidad sa musika, pagtugtog kasama ang iba’t ibang mga banda sa gabi. Noong Setyembre 1928, mga anim na buwan matapos lumipat si Howard sa California, nagkasama-sama silang magpapamilya nang lumipat doon ang kanyang mga magulang at kapatid.

Noong kanyang kabataan, nagsisimba si Howard ngunit hindi niya lubos na pinag-aaralan ang ebanghelyo. Sa California, mas pinagtuunan niyang mabuti ang pag-aaral ng ebanghelyo. “Ang unang pagkakataon na talagang naging interesado ako sa ebanghelyo ay sa isang klase sa Sunday School sa Adams Ward na ang guro ay si Brother Peter A. Clayton,” paggunita niya. “Siya ay puno ng kaalaman at kakayahang bigyang-inspirasyon ang mga kabataan. Pinag-aralan ko ang mga aralin, binasa ang mga assignment na ibinigay niya sa amin, at nakibahagi sa pagsasalita tungkol sa ibinigay na paksa. … Naisip ko na sa panahong ito ng buhay ay nagsisimula kong maunawaan ang mga katotohanan ng ebanghelyo. Mayroon na akong patotoo noon pa man tungkol sa ebanghelyo ngunit bigla na lang na nagsimula akong makaunawa.”26 Para kay Howard, ang mga karanasan sa klase na iyon sa Sunday School ay nagpasimula ng habambuhay na pagmamahal sa pag-aaral ng ebanghelyo.

Gustung-gusto ni Howard na makisalamuha sa iba pang mga binata at mga dalaga sa Los Angeles area. Sila ay magkakasamang nagsisimba, kung minsan pumupunta sa dalawa o tatlong ward sa isang Linggo, at nakikibahagi sa iba’t ibang aktibidad. Isa sa mga aktibidad na iyon ay may walang-hanggang kahalagahan para kay Howard. Ilang buwan matapos dumating sa California, siya at ang ilang kaibigan ay dumalo sa isang sayawan sa Simbahan at pagkatapos ay nagtungo sa beach para mag-surfing. Nang gabing iyon, nakilala ni Howard si Clara May (Claire) Jeffs, na kadeyt ng isa sa kanyang mga kaibigan. Hindi nagtagal nagustuhan nina Howard at Claire ang isa’t isa at humantong sa pag-iibigan.

Nagdeyt sila nang ilang beses noong 1928 at naging mas malalim ang relasyon nang sumunod na taon. “Light brown ang kulay ng buhok niya at napakagandang dalaga,” sabi ni Howard kalaunan. “Sa palagay ko ang lubos na hinangaan ko sa kanya ay ang lalim ng kanyang patotoo.”27 Noong gabi ng tagsibol ng 1931, halos tatlong taon matapos silang magkakilala, dinala ni Howard si Claire sa isang mataas na lugar na natatanaw ang Pacific Ocean. Siya ay nag-alok ng kasal, at tinanggap niya ito. Paggunita ni Howard:

“Nagpunta kami sa Palos Verdes at pumarada sa talampas kung saan maaari naming mamasdan ang pagbalumbon ng mga alon mula sa Pacific at paghampas nito sa malalaking bato sa liwanag ng bilog na buwan. Pinag-usapan namin ang tungkol sa aming mga plano at isinuot ang singsing na diamante sa kanyang daliri. Maraming desisyon ang ginawa namin nang gabing iyon at ilang malalaking pasiya tungkol sa aming buhay.”28

Ang mga pasiyang iyon ay nakaimpluwensya kay Howard na gumawa ng desisyon na nagpabago sa buhay niya apat na araw bago ang kasal nila. Matapos ang pagtatanghal ng kanyang banda nang gabing iyon, itinago niya ang kanyang mga instrumento at hindi na kailanman ginawang propesyon ang pagtugtog. Ang pagtugtog ng musika para sa mga sayawan at kasiyahan “ay kaaya-aya sa ilang aspeto,” sabi niya, “at malaki ang kinita ko,” ngunit nadama niya na ang mga bagay na iyon ay hindi ayon sa buhay na ipinlano niya para sa kanyang pamilya. “Nakadama ako ng kahungkagan nang iwanan ko ang isang bagay na gustung-gusto ko, [ngunit] hindi ko pinagsisihan kailanman ang desisyon ko,” ang sabi niya pagkaraan ng ilang taon.29 Sinabi ng kanyang anak na si Richard, “Madalas kong isipin ang matinding disiplina (tatawagin ko itong matibay na determinasyon) na kinailangan upang matalikuran ang isang bagay na gustung-gusto niya dahil sa isang bagay na mas pinahahalagahan niya.”30

Mga Hamon at mga Pagpapala sa mga Unang Taon ng Pagsasama Bilang Mag-asawa

Sina Howard at Claire ay ikinasal sa Salt Lake Temple noong Hunyo 10, 1931, at bumalik sa Southern California para magkasamang simulan ang buhay. Unti-unting humina ang mga negosyo sa Estados Unidos dahil sa Great Depression, at noong Enero 1932, ang bangko na pinagtatrabahuhan ni Howard ay napilitang magsara. Nang sumunod na dalawang taon iba’t ibang trabaho ang pinasok niya, sinisikap na kumita para matustusan ang kanyang pamilya. Nagpasiya sila ni Claire na huwag umasa sa iba hangga’t maaari, ngunit makalipas ang isang taon pinaunlakan nila ang paanyaya na manirahan pansamantala sa mga magulang ni Claire.

Noong Marso 20, 1934, isinilang ang panganay na anak nina Howard at Claire, na pinangalanan nilang Howard William Hunter Jr. at may palayaw na Billy. Sa tag-init na iyon napansin nila na tila matamlay si Billy. Nasuri siya ng mga doktor na may anemia, at dalawang beses nagbigay ng dugo si Howard para isalin sa kanya, ngunit hindi pa rin bumuti ang kalagayan ni Billy. Lumabas pa sa mga pagsusuri na may malubha siyang problema sa bituka at dahil dito nagrekomenda ng operasyon ang mga doktor. Paggunita ni Howard: “Dinala ako sa silid na nakahiga sa mesa sa tabi niya at nagbigay ng dugo habang inooperahan siya. Sa huli, hindi nagbigay ng pag-asa ang mga doktor.”31 Makalipas ang tatlong araw, ang pitong-buwang-gulang na si Billy ay pumanaw habang nakaupo sa tabi ng kanyang kama ang kanyang mga magulang. “Puno kami ng kapighatian at pagkabigla nang lisanin namin ang ospital nang gabing iyon,” pagsulat ni Howard.32 “Matinding dagok ito sa amin.”33

Dalawang buwan bago isinilang si Billy, nakapagtrabaho si Howard sa Los Angeles County Flood Control District. Sa trabaho niyang ito natutuhan niya ang tungkol sa mga legal na dokumento at gawain sa korte, at nagpasiya siyang maging abogado. Nangailangan ng maraming taon ng katatagan at kasipagan para matupad ang mithiing iyon. Dahil hindi pa tapos sa kolehiyo, maraming klase ang dapat tapusin ni Howard bago siya makapasok sa law school. Pumasok siya sa mga klase sa gabi dahi kailangan niyang magtrabaho sa umaga. Kahit sa mga taon ng pag-aaral niya sa law school, patuloy pa rin siyang nagtrabaho nang full-time. “Ang magtrabaho nang maghapon at pumasok sa paaralan sa gabi, at, saka, isingit ang pag-aaral ay hindi madali,” isinulat niya.34 “Karaniwan na sa akin ang mag-aral hanggang hating-gabi.”35 Ganyan ang iskedyul ni Howard sa loob ng limang taon, at nagtapos noong 1939 na pangatlo sa mga nagsipagtapos.

Habang nasa law school si Howard, dalawa pang anak na lalaki ang isinilang sa kanila ni Claire—si John noong 1936 at Richard noong 1938. Dahil sa trabaho ni Howard sa Flood Control District, nakabili ng maliit na bahay ang pamilya.

Bishop ng El Sereno Ward

Noong 1940, mga isang taon makaraang makatapos ng abugasiya, si Howard ay tinawag na maglingkod bilang bishop ng bagong likhang El Sereno Ward sa California. Nagulat sa pagkatawag na ito, sinabi niya, “Akala ko noon ang bishop ay laging isang matandang lalaki, at tinanong ko kung paano ako magiging ama ng ward sa edad kong tatlumpu’t dalawa.” Tumugon ang panguluhan ng stake sa pagtiyak sa kanya na “kaya niyang gampanan ang tungkulin.” Bagama’t sa una ay kinabahan si Howard, ipinangako niya na “Gagawin ko ang lahat ng makakaya ko.”36 Tinupad niya ang pangakong iyan nang may matinding katapatan, inspirasyon, at habag sa loob ng mahigit anim na taong paglilingkod bilang bishop.

Minsan pa, naranasan ni Howard ang matinding pangangailangan sa kanyang oras at lakas, ngunit nadama niya na ang kanyang paglilingkod ay nabiyayaan ng maraming pagpapala. “Nasumpungan ko ang aking sarili sa mabibigat na responsibilidad,” sabi niya. “Ito ay isang kamangha-manghang gawain at isang malaking pagpapala.”37

Isang agarang pangangailangan para sa bagong ward ang makahanap ng lugar na mapagdarausan ng pulong. Ang bishopric ay umupa ng ilang silid sa isang gusali sa lugar, at ang mga miyembro ng ward ay nagsimulang mangalap ng pondo para sa sarili nilang meetinghouse. Ang pagtatayo ng mga gusali ng Simbahan ay inihinto kalaunan dahil sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ngunit umasa pa rin ang mga miyembro ng ward at patuloy na nag-ipon ng pera. Para sa isa sa mga fundraiser, na kilala bilang “onion project,” nagpunta sila sa isang planta na nagbuburo ng pagkain para magbalat ng mga sibuyas. Ang amoy ng mga sibuyas ay kumakapit, kaya’t pabirong sinabi ni Bishop Hunter, “Masasabi mo agad sa sacrament meeting kung sino ang nagbabalat ng mga sibuyas.”38

Ang iba pang mga fundraiser ay naghihiwa ng mga repolyo sa planta na nagbobote o nagde-delata ng mga binurong repolyo at nagpapakete at nagbebenta ng sobrang cereal para sa agahan. “Masasayang araw ito habang nagtutulungan kami, mga tao na kabilang sa lahat ng antas ng buhay at kakayahan na tumutulong sa bishopric sa pagtitipon ng pondo para sa pagtatayo ng isang kapilya,” paggunita ni Bishop Hunter. “Ang ward namin ay tulad ng isang malaki at masayang pamilya.”39 Matapos ang maraming pagtitiis at sakripisyo, natupad din ng ward ang mithiin na magkaroon ng sariling meetinghouse noong 1950, halos apat na taon matapos ma-release si Howard bilang bishop.

Ang pagiging bishop noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay nagbigay ng kakaibang hamon. Maraming lalaking miyembro ng ward ang naglingkod sa militar, naiwan ang mga pamilya nang walang asawa at ama. Nagkaroon din ng problema sa kakulangan ng kalalakihan sa pagganap sa mga tungkulin sa Simbahan. Dahil dito, sa kanyang panunungkulan bilang bishop, naglingkod din si Howard bilang Scoutmaster. “May isang grupo kami ng mahuhusay na kabataan na hindi maaaring balewalain,” sabi niya. “Pinamunuan ko ang mga binatilyong ito nang halos dalawang taon at lalo silang humusay.”40

Na-release si Howard bilang bishop noong Nobyembre 10, 1946. “Lagi akong magpapasalamat para sa pribilehiyong ito at sa natutuhan ko sa mga taon na iyon,” sabi niya. Bagama’t ang karanasan sa pagiging bishop ay “mahirap sa maraming paraan,” siya at si Claire “ay nagpapasalamat sa kabutihang idinulot nito sa aming pamilya.”41 Nagpapasalamat para sa paglilingkod ni Bishop Hunter, isinulat ng isang miyembro ng ward: “Pinagkaisa niya ang aming maliit na ward at tinuruan kami na isakatuparan ang mga mithiin na tila hindi namin kayang makamtan. Nagtulungan kami bilang isang ward, magkakasamang nanalangin, magkakasama sa aktibidad, at magkakasama sa pagsamba.”42

Bagama’t na-release si Howard noong 1946, patuloy ang espesyal na pakikipag-ugnayan niya sa mga miyembro ng El Sereno Ward. Sinabi ng kanyang anak na si Richard na “hanggang sa katapusan ng kanyang buhay, siya ay nanatiling nakikipag-ugnayan sa kanila at alam kung saan sila naroon at ano ang kanilang kalagayan. Tuwing pupunta siya sa isang lugar kung saan isang dating miyembro ng ward [ang nakatira roon], makikipag-ugnayan siya sa kanila. Minahal niya nang buong buhay niya ang mga miyembro ng ward.”43

Pagtataguyod ng Pamilya at Pagpapatatag ng Trabaho

Sina Howard at Claire Hunter ay mapagmahal na mga magulang na nagturo sa kanilang mga anak ng mabubuting ugali, mga responsibilidad, at ng kahalagahan ng ebanghelyo. Bago pa man itinalaga ng Simbahan ang Lunes ng gabi para sa family home evening, inilaan na ng pamilya Hunter ang gabing iyan bilang oras para sa pagtuturo, pagkukuwento, paglalaro, at magkakasamang pamamasyal. Kapag naglalakbay ang pamilya, nagpupunta sila kung minsan sa mga templo upang magpabinyag sina John at Richard para sa mga patay. Gustung-gusto rin ni Howard at ng kanyang mga anak ang paggawa ng mga modelong tren, pagkakamping, at paggawa ng iba pang mga aktibidad sa labas nang magkakasama.

Si Howard ay kapwa nagtatrabaho nang full time at nag-aaral sa law school nang isilang sina John at Richard, at tinawag siyang maging bishop noong sila ay napakabata pa—mga edad apat at dalawa—kaya ang pagpapatatag ng pamilya ay nangailangan pa ng ibayong pagmamahal mula kay Claire. Masaya niyang ibinigay ang pagmamahal na iyon. “Ang hangarin ko at pinakamithiin ko … ay maging mabuting asawa, maging mabuting maybahay, at talagang mabuting ina,” sabi niya. “Nagsikap kami nang husto para mapanatiling malapit ang mga anak namin sa Simbahan; kami ng mga anak ko ay masayang magkakasama.”44 Madalas purihin ni Howard si Claire sa impluwensya at mga sakripisyo nito sa pag-aaruga sa kanilang mga anak.

Sa mga taon ng pagtataguyod sa pamilya at paglilingkod sa mga tungkulin sa pamumuno sa Simbahan, naging matagumpay rin si Howard sa kanyang trabaho bilang abugado. Sa pagtatrabaho sa maraming kliyente sa negosyo at korporasyon, siya ay naging respetadong abugado sa Southern California. Siya ay nahirang na maglingkod sa lupon ng mga tagapangasiwa sa mahigit dalawang dosenang kompanya.

Sa kanyang propesyon, si Howard ay kilala sa kanyang integridad, tumpak na pag-iisip, malinaw na pakikipag-ugnayan, at pagiging makatarungan. Kilala rin siya bilang “abugado ng masa”—isang tao na “tila laging may oras at malasakit na tulungan ang mga tao sa kanilang mga problema.”45 Sinabi ng isang abugado na “mas inaalala [ni Howard] na mabigyan ang mga tao ng tulong na kailangan nila kaysa mabayaran para dito.”46

Larawan
Pamilya Hunter

Sina Howard at Claire Hunter kasama ang kanilang mga anak na sina John at Richard

Pangulo ng Pasadena California Stake

Noong Pebrero 1950, nagpunta sina Elder Stephen L Richards at Elder Harold B. Lee ng Korum ng Labindalawa sa California upang hatiin ang mabilis na paglago ng Pasadena Stake. Ininterbyu nila ang maraming miyembrong lalaki sa stake, kabilang si Howard. Matapos mapanalanging pag-isipan kung sino ang nais ng Panginoon na maglingkod bilang stake president, halos hatinggabi na nang papuntahin nila si Howard at ipabatid ang pagtawag sa kanya. Sinabi sa kanya nina Elder Richards at Elder Lee na matulog siya nang mahimbing at tawagan sila nang maagang-maaga kinabukasan para sa kanyang irerekomendang mga tagapayo. “Umuwi ako nang gabing iyon, ngunit hindi ako nakatulog,” sabi ni Howard. “Napakabigat ng tungkulin. Matagal kaming nag-usap ni Claire.”47

Matapos sang-ayunan si Pangulong Hunter at ang kanyang mga tagapayo, sinimulan nilang alamin ang mga pangangailangan sa stake. Ang unang priyoridad para sa bagong panguluhan ng stake ay tulungan ang mga miyembro na magkaroon ng espirituwal na lakas. Ang isang problema ay hindi gaanong nagkakaisa ang mga pamilya, dahil na rin sa pagsali nila sa napakaraming aktibidad. Matapos magkakasamang manalangin at mag-usap ang mga lider, nadama nila na dapat bigyang-diin ang family home evening at ilaan ang mga Lunes ng gabi para sa mga pamilya. Lahat ng gusali ng Simbahan sa stake ay sarado tuwing Lunes ng gabi at “walang ibang mga kaganapan ang idaraos sa sagradong gabing iyan,” paliwanag ni Pangulong Hunter.48

Sa unang mga araw ng kanyang paglilingkod, si Pangulong Hunter at iba pang mga stake president sa Timog California ay pinulong ni Elder Stephen L Richards upang talakayin ang seminary program para sa mga estudyante sa hayskul. Paggunita ni Pangulong Hunter, “ipinaliwanag [ni Elder Richards] na gusto nilang subukan ang mga early-morning seminary class sa isang lugar kung saan ang batas ay hindi nagtutulot sa mga estudyante na lumabas sa paaralan pagkatapos ng isang klase para mag-aral tungkol sa relihiyon.”49 Si Pangulong Hunter ay itinalagang chairman ng komite para pag-aralan kung posible ang ideyang iyon. Matapos pag-aralan, inirekomenda ng komite na ipakilala ang early-morning seminary para sa mga estudyante sa tatlong high school. Noong kanyang kabataan, si Richard na anak ni Pangulong Hunter ay bahagi ng eksperimento sa early-morning seminary. Paggunita niya, “Naisip namin na baka may isang taong nawalan ng katinuan sa pag-iisip kaya nagpasiya silang magklase kami nang alas-6 n.u., pero naging paboritong oras namin ito sa maghapon, kung saan nagkasama-sama kami bilang magkakaibigan sa Simbahan at natuto.”50 Ang programang ito ay isinagawa kalaunan sa iba pang mga estudyante at siyang naging unang bersyon ng early-morning seminary program para sa mga kabataan ng Simbahan.

Sa pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 1951, pinulong ng Unang Panguluhan ang mga stake president mula sa Southern California upang ipahayag ang hangarin nilang magtayo ng templo sa Los Angeles. Ang posibilidad na magkakaroon ng malapit na templo ay nagdulot ng malaking kagalakan—at mangangailangan ng malaking sakripisyo, dahil ang mga miyembro ng Simbahan ay hinilingang mag-ambag ng $1 milyon sa pagtatayo nito. Nang bumalik si Pangulong Hunter sa California, pinulong niya ang mga lider ng stake at ward at sinabing, “Bigyan ninyo ang mga tao ng pagkakataon na matanggap ang mga dakilang pagpapala sa pamamagitan ng pagbibigay ng saganang kontribusyon para sa templo.”51 Sa loob ng anim na buwan, ang mga miyembro sa Southern California ay nakapagbigay ng $1.6 million para sa pagtatayo ng templo, na inilaan noong 1956.

Larawan
Panguluhan ng Pasadena Stake

Mga lider sa Pasadena Stake, 1950. Kaliwa pakanan: Daken K. Broadhead, unang tagapayo sa stake presidency; Howard W. Hunter, pangulo; A. Kay Berry, pangalawang tagapayo; at Emron “Jack” Jones, klerk.

Bukod pa sa pag-aambag ng pera para sa templo at iba pang mga gusali ng Simbahan, boluntaryong gumawa ang mga miyembro. Nang itinatayo ang mga meetinghouse, maraming oras ang iniukol ni Pangulong Hunter sa pagpapala, pagpupukpok, o pagpipintura. Bukod pa riyan, boluntaryong nagtrabaho ang mga miyembro para sa mga proyektong pangkapakanan ng Simbahan, na kinabibilangan ng manukan, taniman ng sitrus, at pabrika ng pagde-de-lata ng pagkain. Sa loob ng walong taon, tungkulin na ni Pangulong Hunter na pag-ugnayin ang gawain ng 12 stake sa mga proyektong ito, at madalas siyang tumulong sa paggawa. “Hindi niya kailanman hiniling sa sinuman na gawin ang isang bagay o tungkulin na hindi niya mismo magagawa,” sabi ng isang kaibigan.52 Pagkaraan ng ilang taon, bilang miyembro ng Korum ng Labindalawa, sinabi ni Elder Hunter:

“Lahat ng proyektong pangkapakanan na sinalihan ko ay masaya. Umakyat ako sa mga puno at namitas ng mga lemon, nagbalat ng prutas, nagpaandar ng boiler, nagpasan ng mga kahon, nagdiskarga ng lulan ng mga trak, naglinis ng pabrika, at marami pang ibang bagay, ngunit ang hindi ko malimutan ay ang tawanan at kantahan at mabuting pagkakaibigan ng mga taong nakikibahagi sa paglilingkod sa Panginoon.”53

Noong Nobyembre 1953, nagpunta sina Pangulo at Sister Hunter at iba pang mga miyembro ng Pasadena Stake sa Mesa Arizona Temple para magsagawa ng mga ordenansa. Nobyembre 14 ang ika-46 na kaarawan ni Pangulong Hunter, at bago nagsimula ang sesyon nang araw na iyon, hiniling ng pangulo ng templo na magsalita siya sa mga nagtipon roon sa chapel. Kalaunan isinulat niya ang tungkol sa karanasang ito:

“Habang nagsasalita ako sa kongregasyon, … ang aking ama at ina ay pumasok sa chapel na nakasuot ng puting damit. Wala akong ideya na handa na si Itay sa pagtanggap ng kanyang mga pagpapala sa templo, bagama’t matagal nang inaasam ito ni Inay. Lubos akong naantig kaya hindi na ako nakapagsalita. Si Pangulong Pierce [ang temple president] ay lumapit sa akin at ipinaliwanag sa kongregasyon ang dahilan ng paghinto ko sa pagsasalita. Nang dumating ang aking ama at ina sa templo nang umagang iyon hiniling nila sa temple president na huwag banggitin sa akin na naroon sila dahil gusto nilang maging sorpresa ito sa kaarawan ko. Ito ang kaarawan na hindi ko kailanman malilimutan dahil nang araw na iyon ay natanggap nila ang kanilang endowment at nagkaroon ako ng pribilehiyo na masaksihan ang kanilang pagbubuklod, at kasunod nito ay ibinuklod ako sa kanila.”54

Mga tatlong taon ang lumipas, ang walang hanggang pagkabuklod ng pamilya ni Pangulong Hunter ay nakumpleto nang si Dorothy ay ibuklod sa kanyang mga magulang sa kalalaan pa lang noon na Los Angeles California Temple.

Bilang stake president, namuno si Howard nang may pagmamahal. Sinabi ng isang babae na naglingkod sa stake, “Madarama mong ikaw ay pinahahalagahan at kailangan. … Nagagawa niyang maging responsable ang mga tao kapag tumanggap sila ng tungkulin, ngunit kung kailangan nila ng kanyang opinyon o payo, palagi siyang nariyan. Alam namin na nasa amin ang kanyang lubos na suporta at atensyon.”55 Napansin ng isa sa kanyang mga tagapayo, “Pinupuri niya ang mga tao sa kanilang mga nagawa at hinahayaan silang maisagawa ang inaasahan sa kanila.”56 Ipinaliwanag ng isang miyembro ng stake na nagsabing si Pangulong Hunter ang kanyang pinakamahusay na guro, “Minahal ng taong ito ang iba sa pamamagitan ng pag-una sa kanila, pakikinig upang maunawaan sila, at pagbabahagi ng kanyang mga karanasan.”57

Pagsapit ng taglagas ng 1959, si Howard W. Hunter ay mahigit siyam na taon nang namumuno sa Pasadena Stake, na nagbibigay ng paglilingkod na nagpala sa buhay ng libu-libong mga Banal sa mga Huling Araw sa Southern California. Ang kanyang paglilingkod ay lalaganap pa upang pagpalain ang buhay ng mga miyembro ng Simbahan sa iba’t ibang dako ng mundo.

Korum ng Labindalawa

“Magpapatotoo ka sa aking pangalan,… at iyong papalaganapin ang aking salita hanggang sa mga dulo ng mundo” (D at T 112:4).

Noong Oktubre 9, 1959, sa pagitan ng mga sesyon ng pangkalahatang kumperensya sa Salt Lake City, nalaman ni Howard na gusto siyang makausap ni Pangulong David O. McKay. Kaagad siyang nagpunta sa Administration Building ng Simbahan, kung saan magiliw siyang sinalubong ni Pangulong McKay at sinabing, “Pangulong Hunter, … nagsalita ang Panginoon. Ikaw ay tinawag na maging isa sa kanyang mga natatanging saksi, at bukas, ikaw ay sasang-ayunan bilang miyembro ng Kapulungan ng Labindalawa”58 Tungkol sa karanasang iyan, isinulat ni Howard:

“Hindi ko kayang ipaliwanag ang damdaming napasaakin. Tumulo ang mga luha sa aking mga mata at hindi ako nakapagsalita. Sa buong buhay ko ngayon lamang ako nakadama nang lubos na pagpapakumbaba nang maupo ako sa harapan ng kahanga-hanga, magiliw, at mabait na lalaking ito—ang propeta ng Panginoon. Sinabi niya sa akin ang malaking kagalakan na idudulot nito sa aking buhay, ang magandang pagsasamahan ng mga kapatid, at na mula ngayon ang buhay ko at panahon ay ilalaan bilang tagapaglingkod ng Panginoon at mula ngayon ako ay maglilingkod sa Simbahan at sa buong mundo. … Niyakap niya ako at tiniyak sa akin na mamahalin ako ng Panginoon at susuportahan ako ng Unang Panguluhan at Kapulungan ng Labindalawa. … [Sinabi] ko [sa kanya] na ikagagalak kong ibigay ang aking panahon, ang aking buhay, at lahat ng mayroon ako para sa paglilingkod na ito.”59

Pagkaalis ni Howard sa opisina ni Pangulong McKay, nagpunta siya sa kanyang silid sa hotel at tinawagan si Claire, na nasa Provo para bisitahin ang kanilang anak na si John at ang asawa nito at kanilang sanggol. Sa una ay halos hindi nakapagsalita si Howard. Nang sa wakas ay nasabi na niya kay Claire ang tungkol sa pagtawag sa kanya, kapwa sila napuspos ng emosyon.

Kinabukasan, sa sesyon sa Sabado ng umaga ng pangkalahatang kumperensya, si Howard William Hunter ay sinang-ayunan bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Nadama ko … ang bigat ng mundo sa aking mga balikat,” ang sabi niya tungkol sa mga oras na iyon. “Habang patuloy ang kumperensya hindi talaga ako mapanatag at inisip ko kung madarama ko na ito ang lugar na angkop sa akin.”60

Tinawag ni Pangulong McKay si Elder Hunter para magsalita sa sesyon sa Linggo ng hapon ng kumperensya. Matapos ilahad nang kaunti ang tungkol sa kanyang buhay at magpatotoo, sinabi niya:

“Hindi ako hihingi ng paumanhin sa pagluha ko sa okasyong ito dahil naniniwala ako na nagsasalita ako sa mga kaibigan, sa mga kapatid sa Simbahan, na ang mga puso ay pumipintig na katulad ng sa akin, sa kagalakan sa ebanghelyo at sa paglilingkod sa iba.

“Pangulong McKay, … tinatanggap ko, nang walang pag-aatubili, ang pagtawag ninyo sa akin, at handa akong ilaan ang aking buhay at lahat ng mayroon ako sa paglilingkod na ito. Kasama ko si Sister Hunter sa pangakong ito.”61

Si Elder Hunter ay inorden bilang Apostol noong Oktubre 15, 1959. Sa edad na 51, siya ang pinakabatang miyembro ng Labindalawa, na ang karaniwang edad ng panahong iyon ay halos 66.

Nang sumunod na 18 buwan, si Elder Hunter ay paroo’t parito sa California at Utah habang tinatapos niya ang mga kinakailangang gawain sa kanyang trabaho bilang abugado at naghahandang lumipat sa Utah. Sinabi ng isa sa kanyang mga kliyente “napakalaki siguro ng alok ng Simbahan” para mahikayat siya na iwan ang law firm. Tungkol dito, isinulat ni Elder Hunter sa kanyang journal:

“Hindi nauunawaan ng maraming tao kung bakit ang mga miyembro ng ating Simbahan ay tumutugon sa tawag na maglingkod o nangangakong ibibigay ang lahat ng mayroon tayo. … Nasiyahan na ako sa pagiging abugado ko, ngunit ang tungkuling ito na dumating sa akin ay napakahalaga kaysa sa propesyon o perang kikitain ko.”62

Ang paglilingkod ni Elder Hunter bilang apostol ay aabot ng mahigit 35 taon, at sa panahong iyan ay maglalakbay siya sa halos lahat ng bansa sa mundo upang gampanan ang kanyang tungkulin bilang natatanging saksi ni Jesucristo (tingnan sa D at T 107:23).

Larawan
Korum ng Labindalawa

Ang Korum ng Labindalawang Apostol, 1965. Nakaupo mula kaliwa pakanan: Ezra Taft Benson, Mark E. Petersen (nakaupo sa hawakan ng silya), Joseph Fielding Smith (pangulo ng korum), at LeGrand Richards. Nakatayo mula kaliwa pakanan: Gordon B. Hinckley, Delbert L. Stapley, Thomas S. Monson, Spencer W. Kimball, Harold B. Lee, Marion G. Romney, Richard L. Evans, at Howard W. Hunter.

Ang Genealogical Society of Utah

“Tayo … [ay] maghain sa Panginoon … [ng] isang aklat na naglalaman ng mga talaan ng ating mga patay, na magiging karapat-dapat sa lahat ng pagtanggap” (D at T 128:24).

Noong 1964 hinirang ng Unang Panguluhan si Elder Hunter na maging pangulo ng Genealogical Society ng Simbahan, na kilala noon bilang Genealogical Society of Utah. Ang organisasyong iyan ang naunang bersyon ng Family History Department ng Simbahan. Ang layunin nito ay magtipon, mag-ingat, at magbahagi ng impormasyon tungkol sa genealogy sa buong mundo. Si Elder Hunter ang namuno sa organisasyon sa loob ng walong taon, at sa panahong iyan siya ang namahala sa mga pagbabago na magkakaroon ng malaking epekto sa pagpapahusay, pagpapabuti ng kalidad, at pagpapalaganap ng gawain ng family history.

Pagsapit ng taong 1969 ang organisasyon ay nakatipon ng “mahigit 670,000 rolyo ng microfilm, na katumbas ng tatlong milyong aklat na may 300 pahina bawat isa.” Nakakolekta rin ito ng “anim na milyong kumpletong rekord ng mga grupo ng pamilya, isang card file index na may 36 milyong indibiduwal, at isang koleksyon ng mga aklat na may mahigit 90,000 tomo.”63 Bawat linggo, mga 1,000 rolyo ng microfilm ang naidaragdag mula sa iba’t ibang dako ng mundo. Ang pagproseso ng mga rekord na iyon para ma-access ang mga ito—kapwa sa pagsasaliksik at gawain sa templo—ay napakalaking gawain. Sa ilalim ng pamumuno ni Elder Hunter, sinimulang gamitin ng Genealogical Society ang pinakamakabagong teknolohiya sa computer para makatulong sa gawain. Sinabi ng isang manunulat na ang Genealogical Society ay naging “kilalang-kilala sa kalipunan ng mga organisasyon ng mga propesyonal dahil sa makabago nitong mga gawain sa pag-iingat ng mga rekord.”64

Si Elder Hunter ay ini-release bilang pangulo ng Genealogical Society noong 1972. Tungkol sa epekto ng kanyang mga pagsisikap, sinabi ni Elder Richard G. Scott, “Inilaan niya ang malaking bahagi ng kanyang buhay sa gawaing iyon at inilatag ang mga pundasyon at direksyon na pinakikinabangan pa rin ng Simbahan.”65

Ang Polynesian Cultural Center

“Makinig kayong mga tao na mula sa malayo; at kayong nasa mga pulo ng dagat, sama-samang makinig.” (D at T 1:1).

Noong 1965 hinirang ng Unang Panguluhan si Elder Hunter na maging pangulo at chairman ng lupon ng Polynesian Cultural Center sa Laie, Hawaii. Sa panahong iyon, ang center ay 15 buwan pa lamang nabubuksan at nahaharap sa maraming hamon. Kaunti ang pumupuntang turista, at iba’t iba ang pananaw ng mga tao tungkol sa mga layunin at programa ng center. Isang linggo makaraang hirangin si Elder Hunter, nagpunta siya sa Laie at nagsimulang pag-aralang mabuti ang mga kalakasan at mga pangangailangan ng center.

Sa ilalim ng pamumuno ni Elder Hunter, ang Polynesian Cultural Center ay naging isa sa pinakapopular na lugar na pinupuntahan ng mga turista sa Hawaii, halos isang milyong bisita ang nagpunta noong 1971. Pinamahalaan rin ni Elder Hunter ang paglawak ng center at ng mga programa nito. Ang mahalaga rin, ayon kay Elder Hunter, ay nakapagbigay ng trabaho ang center na “nakatulong sa pag-aaral ng libu-libong mga estudyante mula sa South Pacific, na karamihan sa kanila ay hindi kayang umalis sa kanilang isla para mag-aral.”66

Matapos mangulo sa Polynesian Cultural Center sa loob ng 12 taon, si Elder Hunter ay ini-release noong 1976. Ang kanyang paglilingkod bilang pangulo ay tumulong sa katuparan ng mga salita ni Pangulong David O. McKay, na nagsabi noong 1955 na ang maliit na nayon ng Laie ay may potensyal na maging “bahagi ng gawaing misyonero, na hindi lamang makakaimpluwensya sa libu-libo kundi sa milyun-milyong mga tao na paparoon para malaman ang tungkol sa bayang ito at ang kahalagahan nito.”67

Church Historian

“Tungkulin ng klerk ng Panginoon, na kanyang itinalaga, na mag-ingat ng kasaysayan, at isang pangkalahatang talaan ng simbahan ng lahat ng bagay na nagaganap sa Sion” (D at T 85:1).

Noong Enero 1970, pumanaw si Pangulong David O. McKay, at si Joseph Fielding Smith ay inorden at itinalaga bilang bagong Pangulo ng Simbahan. Si Joseph Fielding Smith ay naglingkod bilang Church Historian sa nagdaang 49 na taon, at nang siya ay maging Pangulo ng Simbahan, si Elder Hunter ang tinawag na kahalili niya sa gawaing iyan. “Napakaraming taon na naging Church Historian si Pangulong Smith kaya’t hindi ko mawari ang aking sarili sa tungkuling iyan,” ang sabi niya.68

Ginampanan din ni Elder Hunter ang bagong responsibilidad na ito nang buong sigasig. “Ang tungkuling ibinigay ng Panginoon sa pamamagitan ng paghahayag ay napakalaking hamon—kapwa sa pangangalap at pagsulat at pagpapagamit ng mga materyal sa mga miyembro ng Simbahan,” ang sabi niya.69 Ibinalita sa Church News na ang Church Historian ang “may responsibilidad sa lahat ng pag-iingat ng talaan ng Simbahan, kabilang na ang mga kaganapan sa mga pulong, mga talaan sa templo, lahat ng ordinasyon, mga patriarchal blessing, at … pagtitipon ng kasaysayan ng Simbahan sa kasalukuyan.”70

Noong 1972, hinalinhan ang mga miyembro ng Labindalawa sa ilan nilang mabibigat na tungkuling pang-administratibo para mapag-ukulan nila nang mas maraming oras ang kanilang paglilingkod bilang apostol. Bilang bahagi ng pagbabagong iyan, si Elder Hunter ay ini-release bilang Church Historian ngunit nanatiling tagapayo sa Historical Department ng Simbahan. “Ako pa rin ang nagbibigay ng tagubilin ngunit hindi na kasama sa pagsasagawa ng mga gawain dito,” sabi niya.71 Nagpatuloy siya sa tungkuling ito hanggang 1978.

Larawan
BYU Jerusalem Center

Ang Brigham Young University Jerusalem Center for Near Eastern Studies

Paglilingkod sa Banal na Lupain

Napamahal kay Howard W. Hunter ang Banal na Lupain nang maglakbay siya rito kasama ang kanyang pamilya noong 1958 at 1960. Sa kanyang paglilingkod bilang apostol, bumalik siya roon ng mahigit dalawampu’t apat na beses. “Tila hindi mapawi ang kanyang hangaring pumaroon kung saan nagtungo at nagturo ang Tagapagligtas,” sabi ni Elder James E. Faust ng Korum ng Labindalawang Apostol.72

Batid ang pagtatalu-talo sa rehiyon, dala ni Elder Hunter ang mensahe ng pagmamahal at kapayapaan. “Ang mga Judio at Arabo ay kapwa mga anak ng ating Ama,” sabi niya. “Sila ay kapwa mga anak ng pangako at bilang simbahan wala tayong pinapanigan sa kanila. Minamahal at pinagmamalasakitan natin ang bawat isa sa kanila. Ang layunin ng ebanghelyo ni Jesucristo ay maghatid ng pagmamahal, pagkakaisa, at pagkakapatiran ng pinakamataas na orden.”73

Sa pagitan ng 1972 at 1989, ginampanan ni Elder Hunter ang mahahalagang gawain para sa dalawang espesyal na proyekto sa Jerusalem: ang Orson Hyde Memorial Garden at ang Brigham Young University (BYU) Jerusalem Center for Near Eastern Studies. Sa naunang kasaysayan ng Simbahan—noong 1841—si Elder Orson Hyde ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nag-alay ng panalangin ng paglalaan sa Bundok ng mga Olibo, sa silangan ng Jerusalem. Noong 1972 inatasan ng Unang Panguluhan si Elder Hunter na magsimulang maghanap ng mapagtatayuan ng Orson Hyde Memorial sa Jerusalem. Noong 1975 ang lungsod ng Jerusalem ay nagbigay ng pagkakataon na maitayo ang kalaunan ay naging Orson Hyde Memorial Garden, na nasa Bundok ng mga Olibo.

Nang sumunod na ilang taon, maraming beses nagpunta si Elder Hunter sa Jerusalem upang makipag-usap sa mga kontratista para sa memorial at upang pangasiwaan ang disenyo at pagtatayo nito. Ang proyekto ay natapos noong 1979 at inilaan sa taon ding iyon ni Pangulong Spencer W. Kimball. Matapos pangasiwaan ang paglalaan, sinabi ni Elder Hunter na naniniwala siya na ang memorial “ay magkakaroon ng mabuting epekto sa pagpapalaganap ng magandang imahe ng Simbahan.”74

Bago pa man natapos ang Orson Hyde Memorial Garden, naghahanap na si Elder Hunter ng lugar kung saan maitatayo ng Simbahan ang isang center para sa study abroad program ng BYU. Ang center din ay maaaring maging lugar na pagpupulungan ng mga miyembro ng Jerusalem Branch. Ang pamamahala sa proyektong ito ay isa sa pinakakumplikado at madetalyeng gawain sa paglilingkod ni Elder Hunter.

Pumili ng lugar ang mga lider ng Simbahan, ngunit ang pagkuha ng pahintulot para sa pag-upa ng lupa at pagtatayo ay inabot ng halos limang taon na ayon sa paglalarawan ni Elder Hunter ay “walang katapusang gawain.”75 Matapos ang mahabang pakikipag-usap at negosasyon, pinahintulutan ng gobyerno ng Israel ang pagtatayo ng center.

Pagsapit ng Mayo 1988 halos tapos na ang pagtatayo at handa nang lagdaan ang pag-upa ng lupa. Nang panahong iyon, si Howard W. Hunter ay naglilingkod bilang Gumaganap na Pangulo ng Labindalawa. Siya ay naoperahan sa likod sa nakalipas na taon at hindi makalakad, gayunpaman pumunta siya sa Jerusalem para lagdaan ang pag-upa. Habang naroon siya, naghanda ng maliit na salu-salo ang mga estudyante at miyembro ng Jerusalem Branch para magpasalamat. Nakasaad sa kasaysayan ng branch ang tungkol sa madamdaming tagpong ito sa pagsisimula ng salu-salo: “Dahil nagpapagaling pa sa kanyang operasyon sa likod, si Pangulong Hunter ay ipinasok na naka-wheel chair ni President [Jeffrey R.] Holland [ng Brigham Young University] habang sinasalubong sila ng pag-awit ng koro ng ‘The Holy City [Ang Banal na Lungsod].’”76 Napaluha si Pangulong Hunter.

Noong Mayo 1989, si Pangulong Hunter ay bumalik sa Jerusalem para ilaan ang center. Sa paglalaang ito natapos ang isang dekada ng pambihirang pagsisikap niya at ng iba pa para maitayo ang pangarap na Jerusalem Center. “Si Pangulong Howard W. Hunter … ay palaging nakikibahagi at nangangasiwa sa proyektong iyan mula pa noong mithiin itong maitayo,” sabi ni Elder Jeffrey R. Holland.77 Sa panalangin ng paglalaan, sinabi ni Pangulong Hunter:

“Ang gusaling ito … ay itinayo para sa mga taong nagmamahal sa inyo at naghahangad na matuto sa inyo at sumunod sa mga yapak ng inyong Anak, ang aming Tagapagligtas at Manunubos. Napakaganda nito sa lahat ng aspeto, na ang kagandahan ay katangi-tangi. O Ama, nagpapasalamat kami sa pribilehiyo na maitayo ang bahay na ito sa inyo para sa kapakinabangan at pagkatuto ng inyong mga anak.”78

Larawan
Si Pangulong Hunter na nakaupo sa wheelchair

Si Pangulong Hunter sa Brigham Young University Jerusalem Center for Near Eastern Studies, bago ilaan ang center

Ang Lumalagong Simbahan

“Ang Sion ay kinakailangang maragdagan sa kagandahan, at sa kabanalan; ang kanyang mga hangganan ay kinakailangang mapalawak; ang kanyang mga istaka ay kinakailangang mapalakas,” (D at T 82:14).

Nang si Howard W. Hunter ay tinawag na Apostol noong 1959, mayroong mga 1.6 milyong miyembro ng Simbahan. Nang sumunod na ilang dekada, malaki ang ginampanan niya sa pag-unlad ng simbahan sa iba’t ibang dako ng mundo na hindi pa nangyari noon. Nagpunta siya sa mga stake upang palakasin ang mga miyembro at tumawag ng mga bagong lider sa maraming araw ng Sabado at Linggo. Nakipagpulong din siya sa mga opisyal ng pamahalaan sa maraming bansa, tumutulong na mabuksan ang pinto para sa gawaing misyonero.

Pagsapit ng 1975, tumaas ang bilang ng mga miyembro ng Simbahan at umabot ng mga 3.4 milyon at mabilis na dumami lalo na sa Latin America. Sa mga huling araw ng taong iyan, sina Elder Hunter at Elder J. Thomas Fyans, Assistant sa Labindalawa, ay naatasang hatiin ang 5 stake sa Mexico City. Pagkatapos makausap ang mga lider sa area at marepaso ang impormasyon mula sa mga stake president, pinamahalaan ni Elder Hunter ang pag-oorganisa ng 15 stake mula sa 5 stake na iyon—lahat ng iyon ay isinagawa sa araw lamang ng Sabado at Linggo.79 Nang di-gaanong nagbibigay-diin sa mga nangyari na karaniwan na sa kanya, isinulat niya, “Marahil ay mayroon pang mas malaking gagawin sa organisasyon ng Simbahan, at pagod na kami bago pa man kami nakauwi.”80

Larawan
Claire at Howard Hunter

Howard at Claire Hunter

Si Claire, Isang Mapagmahal na Asawa

“Ang aking asawa ay malambing at mapagmahal,” ang sabi ni Elder Hunter nang tawagin siya sa Korum ng Labindalawang Apostol noong 1959.81 Sa loob ng maraming taon, laging sinasamahan ni Claire si Elder Hunter sa mga paglalakbay nito bilang Apostol. Nagunita ni Pangulong Thomas S. Monson ang isang pagkakataon nang makita niya ang pagmamahal ni Claire sa mga bata sa Tonga: “Yayakapin niya ang malalambing at maliliit na batang iyon na taga Tonga at kakalungin sila habang kinakausap sila … at pagkatapos ay sasabihin sa mga guro sa Primary na mapalad sila na magkaroon ng pribilehiyo na maturuan ang minamahal na mga batang musmos na iyon. Alam niya ang kahalagahan ng kaluluwa ng tao.”82

Sa isang interbyu noong 1974, ganito ang sinabi ni Elder Hunter tungkol kay Claire: “Sa buong pagsasama namin, … siya ay laging nakasuporta nang may pagmamahal, pag-unawa, at panghihikayat. … Malaki ang naitutulong niya.”83

Sa panahon ng interbyung iyan, nagsimula nang lumubha ang karamdaman ni Claire. Sa una ay dumanas siya ng matinding pananakit ng ulo at paminsan-minsang pagkawala ng alaala at pagkalito. Kalaunan dumanas siya ng ilang bahagyang stroke na nagpahirap sa kanya na magsalita o gamitin ang kanyang mga kamay. Nang kinailangan na siyang alagaan nang palagian, nagpasiya si Elder Hunter na alagaan siya sa abot ng kanyang makakaya habang tinutupad din ang kanyang mga responsibilidad bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Kumausap siya ng isang tao na mag-aalaga kay Claire sa buong maghapon, ngunit sa gabi siya ang nag-aalaga rito. Si Elder Hunter ay nagkaroon din ng ilang problema sa kanyang sariling kalusugan sa mga taon ding ito, pati na ang atake sa puso noong 1980.

Nagkaroon ng pagdurugo sa utak si Claire noong 1981 at isa pa noong 1982. Ang pangalawa ay labis na nagpahina sa kanya kaya iginiit ng mga doktor na ilagay siya sa isang care center para matanggap niya ang wastong panggagamot. Nanatili siya sa care center sa huling 18 buwan ng kanyang buhay. Noong panahong iyon, nabibisita siya ni Pangulong Hunter kahit minsan sa isang araw maliban kapag nasa biyahe siya para sa gawain sa Simbahan. Bagama’t madalas siyang hindi makilala ni Claire, patuloy niyang binabanggit ang pagmamahal niya rito at tinitiyak na komportable ito. Sinabi ng isang apo, “Palagi siyang nagmamadali na makita siya, na makasama siya, at maalagaan siya.”84 Sa paggunita sa pag-aalaga ng kanyang ama sa kanyang ina, isinulat ni Richard Hunter:

“Naalagaan nang husto si Inay sa mga huling taon ng kanyang buhay dahil inalagaan siya ni Itay. Ang buong pamilya namin ay minasdan siya nang may paghanga at paggalang sa pag-aalaga niya kay Inay. … Naalala ko ang kapighatiang nadama niya nang balaan siya ng doktor [na] maaaring may malubhang mangyari kay Inay kung mananatili ito sa bahay at hindi ipapasok sa isang pasilidad na may mahuhusay na nars. At kung mananatili si Inay sa bahay, malamang na mamatay si Itay sa pagsisikap na alagaan ito dahil na rin sa kanyang sariling karamdamam. Sa gayon ay maiiwang mag-isa si Inay. Ang katapatan ni Itay sa kanya ay isa sa mga bagay na palagi naming maaalala sa pamilya.”85

Si Claire ay pumanaw noong Oktubre 9, 1983. Nakita ang pag-aalaga ni Elder Hunter kay Claire sa mahigit 10 taon nitong pagkakasakit, sinabi ni Elder James E. Faust, “[Ang] pagmamahalan na kitang-kita sa kanilang pag-uusap ay talagang nakakaantig at makabagbag-damdamin. Ngayon lamang ako nakakita ng gayong halimbawa ng pagmamahal ng isang lalaki sa kanyang asawa.”86

Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol

Si Pangulong Spencer W. Kimball ay pumanaw noong Nobyembre 1985, at si Ezra Taft Benson ang humalili sa kanya bilang Pangulo ng Simbahan. Si Marion G. Romney ang naging Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol dahil siya ang senior member ng korum. Dahil sa mahinang pangangatawan ni Pangulong Romney, si Elder Hunter, na sumunod sa seniority, ay itinalaga bilang Gumaganap na Pangulo ng Labindalawa. Siya ang naging Pangulo ng Labindalawa noong Hunyo 1988, mga dalawang linggo makaraang pumanaw si Pangulong Romney.

Si Pangulong Hunter ay naglingkod bilang Gumaganap na Pangulo o Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol sa loob ng walo at kalahating taon. Noong panahong iyon, ang ministeryo ng Labindalawa ay patuloy na lumaganap habang dumarami ang mga miyembro ng Simbahan mula sa 5.9 milyon ay naging 8.7 milyon, na may mga ward o branch sa 149 bansa at teritoryo. “Ito ay isang kapana-panabik na panahon sa kasaysayan ng Simbahan,” sabi ni Pangulong Hunter noong 1988. “Ngayon, hindi sapat ang maglakad. Kailangang tumakbo tayo at magsumigasig nang husto at isulong ang gawain.”87 Sa pagtupad sa responsibilidad na magpatotoo kay Jesucristo at itayo ang Simbahan sa buong mundo, si Pangulong Hunter ay nagpakita ng magandang halimbawa sa pamumuno. Naglakbay siya sa buong Estados Unidos at sa mahigit 25 iba pang bansa sa kanyang paglilingkod bilang Pangulo ng Labindalawa.

Patuloy na nagsumigasig si Pangulong Hunter sa kabila ng maraming problema sa kanyang kalusugan. Noong 1986 siya ay inoperahan sa puso, at noong 1987 inoperahan siya sa likod. Bagama’t gumaling ang kanyang likod, siya ay hindi makalakad dahil sa pinsala sa nerve at iba pang mga kumplikasyon. Nang Oktubre ng taong iyon, siya ay nakaupo sa wheelchair habang nagbibigay ng kanyang mensahe sa pangkalahatang kumperensya. “Pasensya na kayo kung mananatili akong nakaupo habang ibinibigay ko sa inyo ang maikling mensaheng ito,” pagsisimula niya. “Hindi ko kagustuhan na magsasalita ako nang naka-wheelchair. Napansin ko na tila ang ilan ay nasisiyahan sa kumperensya nang nakaupo, kaya gagayahin ko kayo.”88

Determinadong magamit muli ang kanyang mga binti, dumanas si Pangulong Hunter ng puspusan at regular na physical therapy. Nang sumunod na pangkalahatang kumperensya, noong Abril 1988, dahan-dahang siyang naglakad papunta sa pulpito gamit ang isang walker. Pagsapit ng Disyembre ginamit niya ang walker sa pagdalo sa lingguhang miting ng Unang Panguluhan at ng Labindalawa sa templo, ang unang pagkakataon sa mahigit isang taon na hindi siya dumating nang naka-wheelchair. “Nang dumating ako sa council room, ang mga kapatid ay tumayo at nagpalakpakan,” sabi niya. “Ito ang unang pagkakataon na may narinig akong pumalakpak sa loob ng templo. … Karamihan sa mga doktor ay nagsabi sa akin na hindi na ako makakatayo o makakalakad, at hindi nila naisip ang kapangyarihan ng panalangin.”89

Larawan
Inis at Howard Hunter

Howard at Inis Hunter

Noong Abril 1990, nang papatapos na ang pulong ng Korum ng Labindalawa, itinanong ni Pangulong Hunter, “Mayroon pa bang sasabihin ang sinuman sa inyo na wala sa agenda?” Nang wala nang magsasalita, ibinalita niya, “Mabuti naman, … kung wala na kayong sasabihin pa, naisip ko na ipaalam sa inyo na ikakasal ako sa hapong ito.” Sinabi ng isang miyembro ng Labindalawa na nakakabigla ang balita kaya “inisip ng lahat kung tama ang narinig nila.” Ipinaliwanag ni Pangulong Hunter sa kanyang mga kapatid, “Si Inis Stanton ay dati ko nang kakilala mula sa California. Matagal-tagal ko na rin siyang dinadalaw sa kanila, at nagpasiya akong magpakasal.”90 Si Inis ay miyembro ng El Sereno Ward noong si Pangulong Hunter ang bishop. Nagkita sila kalaunan nang lumipat si Inis sa Utah at naging receptionist sa Church Office Building. Sila ay ikinasal sa Salt Lake Temple noong Abril 12, 1990, ni Pangulong Gordon B. Hinckley .

Halos pitong taon na ang lumipas mula noong pumanaw si Claire. Si Inis ay malaking suporta at lakas kay Pangulong Hunter sa paglilingkod nito bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawa at Pangulo ng Simbahan. Siya ay sinamahan ni Inis sa marami niyang paglalakbay upang makapulong ang mga Banal sa iba’t ibang dako ng mundo.

Noong Pebrero 7, 1993, nagpunta si Pangulong Hunter sa Brigham Young University para magsalita sa isang fireside na dinaluhan ng 17,000 katao. Kasisimula pa lamang niyang magsalita nang isang lalaki ang patakbong pumunta sa pulpito, may dala-dalang portpolyo sa isang kamay at isang itim na bagay sa isa pang kamay nito. “Diyan ka lang!” ang sigaw ng lalaki. Nagbanta siya na pasasabugin ang sinasabi niyang bomba maliban kung babasahin ni Pangulong Hunter ang isang nakahandang pahayag. Tumanggi si Pangulong Hunter at matatag na tumayo sa pulpito sa buong oras na pinagbabantaan siya ng lalaki. Bagama’t nangatakot at nagkaingay sa buong gusali, nagsimulang umawit ang mga naroon ng “Salamat, O Diyos, sa Aming Propeta.” Matapos ang ilang minutong makapigil-hiningang pangyayari, dalawang security personnel ang pumigil sa lalaki at ibinaba si Pangulong Hunter para iligtas. Nang maibalik ang kaayusan, nagpahinga siya sandali at pagkatapos ay nagpatuloy sa kanyang pagsasalita. “Ang buhay ay maraming pagsubok,” pagsisimula niya, at idinagdag, “tulad ng nangyari kani-kanina lang.”91

Sa nakaraang 20 taon, dumanas si Pangulong Hunter ng maraming pagsubok, kabilang ang paghina ng katawan at kalaunan ay pagpanaw ni Claire, maraming beses na pagkakaospital dahil sa sariling karamdaman, at matinding sakit at kapansanan. Ang kanyang mga turo sa nakalipas na mga taong iyon ay madalas na nakatuon sa paghihirap at pagpapatotoo na ang Tagapagligtas na si Jesucristo ang pinagmumulan ng kapayapaan at tulong sa panahon ng pagsubok. Sa isang sermon ay itinuro niya:

“Ang mga Propeta at mga Apostol ng Simbahan ay dumanas na ng … personal na mga paghihirap. Inaamin ko na may ilan akong napagdaanan, at walang dudang mahaharap din kayo sa ilang paghihirap ngayon at kalaunan sa inyong buhay. Kapag nagpakumbaba tayo at napadalisay at naturuan at napagpala ng mga karanasang ito, ang mga ito ay magiging malakas na mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos upang gawin tayong mas mabuting tao, mas mapagpasalamat, mas mapagmahal, at mas mapagmalasakit sa ibang tao sa panahong naghihirap sila.”92

Ang gayong mga turo ay tila magiliw na yakap sa mga taong nagdurusa. Ang inspiradong mga salita ni Pangulong Howard W. Hunter ay naghikayat sa marami na bumaling sa Tagapagligtas, tulad ng ginawa niya mismo.

Pangulo ng Simbahan

“Si Pangulong Hunter ay isa sa mga kalalakihan na labis na mapagmahal at katulad ni Cristo na nakilala namin. Ang lalim ng kanyang espirituwalidad ay hindi mailalarawan. Dahil napatnubayan ng Panginoong Jesucristo bilang Kanyang natatanging saksi sa loob ng maraming taon, mas lumalim ang espirituwalidad ni Pangulong Hunter sa kahanga-hangang paraan. Ito ang saligan ng kanyang buong pagkatao” (James E. Faust).93

Noong Mayo 30, 1994, pumanaw si Pangulong Ezra Taft Benson matapos ang matagal na pagkakasakit. Pagkaraan ng anim na araw, ang Korum ng Labindalawa ay nagpulong sa Salt Lake Temple para muling iorganisa ang Unang Panguluhan. Dahil senior na Apostol, si Howard W. Hunter ay itinalaga bilang Pangulo ng Simbahan. Tinawag niya sina Gordon B. Hinckley at Thomas S. Monson, na naglingkod noon bilang mga tagapayo kay Pangulong Benson, na maging kanyang mga tagapayo.

Larawan
Sina Pangulong Hunter, Pangulong Hinckley, at Pangulong Monson

Si Pangulong Hunter kasama ang kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan: Pangulong Gordon B. Hinckley (kaliwa) at Pangulong Thomas S. Monson (kanan)

Sa isang press conference nang sumunod na araw, nagbigay ng kanyang unang pahayag sa publiko si Pangulong Hunter bilang Pangulo ng Simbahan. “Dama natin ang lungkot sa pagpanaw ng ating kaibigan at kapatid na si Ezra Taft Benson,” pagsisimula niya. “Damang-dama ko lalo na ang pagkawala niya dahil sa bagong responsibilidad na iniatang sa akin mula nang pumanaw siya. Marami akong iniluha at taimtim na nanalangin sa aking Ama sa Langit na makayanan kong magampanan ang mataas at banal na tungkuling ibinigay sa akin.

“Ang lubos na nagpapalakas sa akin sa nakalipas na mga oras na ito at sa nagdaang mga araw ay ang aking matibay na patotoo na ito ang gawain ng Diyos at hindi ng tao, na si Jesucristo ang may awtoridad at buhay na pinuno ng simbahang ito at pinamumunuan Niya ito sa salita at sa gawa. Ibinibigay ko ang aking buhay, aking lakas, at ang buong kaluluwa ko sa lubos na paglilingkod sa Kanya.”94

Matapos ipahayag ang pagmamahal, naglabas ng dalawang paanyaya si Pangulong Hunter sa mga miyembro ng Simbahan. Ang una ay maging mas masigasig sa pagtulad sa halimbawa ni Jesucristo, at ang pangalawa ay lubos pang tanggapin ang mga pagpapala sa templo (tingnan sa mga pahina 1–3). Inanyayahan din niya ang mga nahahapis, nagdurusa, o natatakot na “bumalik [at] hayaan kaming tulungan kayo at pawiin ang inyong mga luha.”95

Sa kabila ng mahinang kalusugan, determinado si Pangulong Hunter na gawin ang lahat para makausap at palakasin ang mga Banal. Dalawang linggo matapos maging Pangulo, ibinigay niya ang kanyang unang pangunahing mensahe, nagsalita sa mga bagong mission president at pagkatapos sa mahigit 2,200 missionary. Kalaunan sa buwang iyon nagpunta siya sa Carthage at Nauvoo, Illinois, upang gunitain ang ika-150 anibersaryo ng kamatayan nina Joseph at Hyrum Smith. “Saanman kami magpunta, pinagkakaguluhan siya ng mga tao,” sabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley. “Kinamayan niya ang libu-libo, na lalo pang napapangiti kapag nagtitipon ang mga bata sa paligid niya para siya titigan at hawakan ang kanyang kamay.”96

Noong Oktubre 1, 1994, sa sesyon ng pangkalahatang kumperensya sa umaga ng Sabado, opisyal na sinang-ayunan ng mga miyembro ng Simbahan si Howard W. Hunter bilang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at bilang propeta, tagakita, at tagapaghayag. Sa kanyang pambungad na mensahe, inulit ni Pangulong Hunter ang kanyang paanyaya na tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas at “ituring ang templo ng Panginoon bilang dakilang simbolo ng pagiging miyembro ninyo.”97 Muli niyang binigyang-diin ang mga templo nang sumunod na linggo, nang magpunta siya sa Florida upang ilaan ang Orlando Florida Temple. “Ang plano ng ebanghelyo na ipinahayag ng Panginoon ay hindi kumpleto kung walang templo,” ang turo niya, “dahil dito isinasagawa ang mga ordenansang kailangan para sa Kanyang plano ng buhay at kaligtasan.”98

Noong Nobyembre, nagsalita si Pangulong Hunter sa isang satellite broadcast para sa paggunita sa ika-100 anibersaryo ng Genealogical Society—isang kaganapang may espesyal na kahulugan para sa kanya, dahil siya ang nangulo sa organisasyon mula 1964 hanggang 1972. “Ginugunita ko nang may paghanga ang maingat na pagsasagawa ng Panginoon sa pagsusulong ng gawain sa templo at family history,” sabi niya. Pagkatapos ay sinabi niya, “May isa pa akong mahalagang mensahe: Ang gawaing ito ay kailangang pabilisin.”99

Nagpatuloy sa masigasig na paggawa si Pangulong Hunter hanggang sa matapos ang taon. Sa Pamaskong debosyonal ng Unang Panguluhan, nagpatotoo siya tungkol sa Tagapagligtas at muling binigyang-diin ang kahalagahan ng pagtulad sa Kanyang halimbawa:

“Inilaan ng Tagapagligtas ang Kanyang buhay sa pagpapala sa ibang tao. … Hindi [Siya] kailanman naghintay ng kapalit. Siya ay bukas-palad at magiliw na nagbigay, at ang Kanyang mga kaloob ay hindi masusukat. Pinagaling niya ang bulag, ang bingi, at pinalakad ang lumpo; nilinis ang marumi, pinalakas ang mahihina, at binuhay ang mga patay. Ang Kanyang mga kaloob ay nagbigay ng oportunidad sa mga nahahapis, kalayaan sa mga inaapi, kapatawaran sa nagsisisi, pag-asa sa pinanghihinaan ng loob, at liwanag sa kadiliman. Ibinigay Niya sa atin ang Kanyang pagmamahal, paglilingkod, at buhay. At higit sa lahat, pinagkalooban Niya tayo at ang lahat ng mortal ng pagkabuhay na mag-uli, kaligtasan, at buhay na walang hanggan.

“Lagi nating sikaping magbigay tulad ng pagbibigay Niya. Ang ialay ang sarili ay banal na regalo. Nagbibigay tayo bilang pag-alaala sa lahat ng ibinigay ng Tagapagligtas.”100

Bilang bahagi ng kanyang mensahe, binanggit niya rin ang isang mensahe na nailathala sa isang magasin noong taon na tinawag siya bilang Apostol:

“Sa Paskong ito, lutasin ang hidwaan. Hanapin ang isang nalimutang kaibigan. Alisin ang pagdududa at palitan ito ng pagtitiwala. Sumulat ng isang liham. Sumagot nang malumanay. Hikayatin ang mga kabataan. Ipakita ang inyong katapatan sa salita at gawa. Tuparin ang isang pangako. Kalimutan ang hinanakit. Patawarin ang kaaway. Humingi ng paumanhin o tawad. Sikaping umunawa. Suriin ang mga hinihingi ninyo sa ibang tao. Isipin muna ang isang tao. Maging mabait. Maging magiliw. Dagdagan pa ang pagtawa. Magpasalamat. Tanggapin ang isang dayuhan. Pasayahin ang isang bata. Masiyahan sa maganda at kagila-gilalas na daigdig. Ipahayag ang inyong pagmamahal at ipahayag itong muli.”101

Nang sumunod na linggo nagpunta si Pangulong Hunter sa Mexico City para iorganisa ang ika-2,000 stake ng Simbahan. Labingsiyam na taon bago iyon sa Mexico City, pinamunuan niya ang pag-organisa ng 15 stake mula sa dating 5 stake sa araw lamang ng Sabado at Linggo. Inilarawan ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang pagbuo ng ika-2,000 stake bilang “isang napakahalagang tagumpay sa kasaysayan ng Simbahan.”102

Isang gabi sa mga buwang iyon, ang anak ni Pangulong Hunter na si Richard ay nasa Joseph Smith Memorial Building at nakita niya na isa sa mga babaing sumasalubong sa mga bisita ay naka-wheelchair. “Halata kong naninibago siya,” sabi ni Richard. “Nilapitan ko ang babae at kinausap at sinabing ang aking ama ay may wheelchair din tulad niya. “Sinabi niya sa akin na ang propeta ng kanyang Simbahan ay may wheelchair din tulad niya. Sinabi niya na kung nakaya ng propeta, marahil ay makakaya rin niya. Iyon ang nagbigay sa kanya ng pag-asa. Palagay ko maraming nagmamahal kay Itay. Marahil ang isa sa mga dahilan ay nakita nila na naghirap siya tulad nila, at kinaya niya ang hirap na iyon, at iyon ang nagbigay sa kanila ng pag-asa.”103

Sa pagsisimula ng taong 1995, inilaan ni Pangulong Hunter ang Bountiful Utah Temple. Siya ang namuno sa mahigit anim na sesyon ng paglalaan bago siya napagod nang husto kaya siya ipinasok sa ospital. Nang makalabas na siya ng hospital makalipas ang ilang araw, ang Simbahan ay naglabas ng pahayag na siya ay may prostate cancer na kumalat na sa kanyang mga buto. Hindi na nagpakita pa si Pangulong Hunter sa publiko sa huling anim na linggo ng kanyang buhay, bagama’t patuloy niyang pinupulong ang kanyang mga tagapayo at pinangangasiwaan ang gawain ng Simbahan sa kanyang tahanan. “Nagpapasalamat ako na nagkaroon siya ng pagkakataon na ilaan [ang templong iyon],” sabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley, “na isinasaalang-alang lalo na ang kanyang naunang pakiusap sa mga miyembro ng Simbahan na ‘ituring ang templo ng Panginoon bilang dakilang simbolo ng [kanilang] pagiging miyembro.’”104

Si Pangulong Howard W. Hunter ay pumanaw noong Marso 3, 1995, sa edad na 87. Ang kanyang huling mga salita, na binanggit sa “napakamarahan at magiliw na tinig” sa mga taong nasa tabi ng kanyang higaan, ay simpleng, “Salamat sa inyo.”105 Bagama’t siyam na buwan lamang siyang naging Pangulo ng Simbahan, napakalaki ng naging impluwensya niya. “Ang mga miyembro ng Simbahan sa iba’t ibang panig ng mundo ay nakaugnayan niya sa espesyal na paraan bilang kanilang propeta, tagakita, at tagapaghayag,” sabi ni Elder James E. Faust. “Nakita nila sa kanya ang mga katangian mismo ng Tagapagligtas. Sila ay tumugon sa kahanga-hanggang paraan sa kanyang mga mensahe bilang propeta na gawing mas katulad ng kay Cristo ang ating pamumuhay at gawing sentro ng ating pagsamba ang ating mga templo.”106

Sa libing ni Pangulong Hunter, sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley bilang parangal sa kanya:

“Isang maringal na puno sa gubat ang nabuwal, at nag-iwan ng kahungkagan. Isang dakila at tahimik na lakas ang lumisan sa ating kalipunan.

“Maraming nabanggit tungkol sa kanyang karamdaman. Naniniwala ako na mas matagal at mas masakit at mas matindi ito kaysa sa nalalaman ng sinuman sa atin. Natiis niya ang sobrang sakit at hindi nagreklamo tungkol dito. Ang katotohanang nabuhay siya nang matagal ay himala na mismo. Ang kanyang pagtitiis sa sakit ay pumanatag at nagpagaan sa sakit na dinaranas ng marami. Alam nila na naunawaan niya ang bigat ng kanilang mga pasanin. Tinulungan niya ang mga ito nang may espesyal na uri ng pagmamahal.

“Maraming nabanggit tungkol sa kanyang kabaitan, pagkamaalalahanin, at paggalang sa iba. Totoo ang lahat ng ito. Tinularan niya ang Panginoon na minamahal niya. Siya ay mahinahon at maalalahanin. Ngunit maaari rin siyang magbigay ng matindi at matalinong opinyon. …

“Si Brother Hunter ay mabait at magiliw. Ngunit maaari rin siyang magbigay ng matindi at mapanghikayat na pahayag. … Siya ay nag-aral tungkol sa batas. Alam niya kung paano ilahad ang isang paksa. Maayos niyang nailalahad ang kanyang mga kadahilanan para sa kanyang mga ideya. Nasisimulan at natatapos niya ang mga ito. Kapag nagsasalita siya, nakikinig kaming lahat. Ang kanyang mga mungkahi ang kadalasang sinusunod. Ngunit kapag hindi tinanggap ang mga ito, hindi na niya ito iginigiit. …

“Tatlumpu’t anim na taon na ngayon, suot ang balabal ng banal na pagka-apostol, siya ang namuno at taglay niya ang malakas na tinig sa pagpapahayag ng mga turo ng ebanghelyo ni Jesucristo at sa pagsusulong ng gawain ng Simbahan. Naglakbay siya sa iba’t ibang dako ng mundo bilang tapat at may kakayahang tagapaglingkod na nagserbisyo sa Panginoon. …

“Si Howard W. Hunter, propeta, tagakita, at tagapaghayag, ay may tiyak at matibay na patotoo na tunay na buhay ang Diyos, ang ating Amang Walang Hanggan. Ipinahayag niya nang may matibay na pananalig ang kanyang patotoo sa kabanalan ng Panginoong Jesucristo, ang Manunubos ng sangkatauhan. Siya ay nangusap nang may pagmamahal para kay Propetang Joseph Smith, at para sa lahat ng mga sumunod sa kanya bilang propeta hanggang sa panahong tinawag mismo si Pangulong Hunter bilang propeta. …

“Nawa’y pagpalain ng Diyos ang kanyang mga ginawa para sa ating kapakanan.”107

Mga Tala

  1. Sa Jay M. Todd, “President Howard W. Hunter: Fourteenth President of the Church,” Ensign, Hulyo 1994, 4.

  2. Howard W. Hunter, “Fear Not, Little Flock” (mensaheng ibinigay sa Brigham Young University, Mar. 14, 1989), 2; speeches.byu.edu.

  3. Sa Todd, “President Howard W. Hunter,” 5.

  4. Sa J M. Heslop, “He Found Pleasure in Work,” Church News, Nob. 16, 1974, 4.

  5. Sa Heslop, “He Found Pleasure in Work,” 4, 12.

  6. Sa Heslop, “He Found Pleasure in Work,” 4.

  7. Sa Kellene Ricks, “Friend to Friend: From an Interview with Howard W. Hunter, President of the Quorum of the Twelve Apostles,” Friend, Abr. 1990, 6.

  8. Sa Gerry Avant, “Elder Hunter—Packed Away Musician’s Career for Marriage,” Church News, Mayo 19, 1985, 4.

  9. Sa Ricks, “Friend to Friend,” 6.

  10. Sa Heslop, “He Found Pleasure in Work,” 4.

  11. Sa Ricks, “Friend to Friend,” 6.

  12. Sa Avant, “Elder Hunter,” 4.

  13. Tingnan sa “Eagle Scout Qualifies,” Idaho Statesman, Mayo 12, 1923; sinipi sa Eleanor Knowles, Howard W. Hunter (1994), 41.

  14. Sa Don L. Searle, “President Howard W. Hunter: Acting President of the Quorum of the Twelve Apostles,” Ensign, Abr. 1986, 22.

  15. Sa James E. Faust, “The Way of an Eagle,” Ensign, Ago. 1994, 4.

  16. Sa Knowles, Howard W. Hunter, 22.

  17. Sa James E. Faust, “The Way of an Eagle,” 4, 6.

  18. Sa Knowles, Howard W. Hunter, 22.

  19. Historical Sketch of the Boise Stake of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints (1924), 6, Church History Library, Salt Lake City.

  20. Sa Knowles, Howard W. Hunter, 41.

  21. Ang Boise Tabernacle ay giniba noong 1992 ng Boise School District, na nakabili nito mula sa Simbahan ilang taon na ang nakalipas (tingnan sa “Preservationists Protest Demolition Work on Tabernacle in Boise,” Deseret News, Set. 9, 1992, B3).

  22. Sa Knowles, Howard W. Hunter, 55.

  23. Sa Heslop, “He Found Pleasure in Work,” 4; tingnan din sa Knowles, Howard W. Hunter, 57.

  24. Sa Knowles, Howard W. Hunter, 64.

  25. Sa Knowles, Howard W. Hunter, 65.

  26. Sa Knowles, Howard W. Hunter, 71.

  27. Sa Gerry Avant, “She Made Home a Happy Place,” Church News, Nob. 16, 1974, 5.

  28. Sa Knowles, Howard W. Hunter, 79–80.

  29. Sa Knowles, Howard W. Hunter, 81.

  30. Di-inilathalang manuskrito ni Richard A. Hunter. Ang aklat na ito ay kinapapalooban ng ilang sipi mula sa anak ni Pangulong Hunter na si Richard dahil nakapagbigay siya ng impormasyon at kaalaman habang inihahanda ang aklat. Ang anak ni Pangulong Hunter na si John ay hindi na nakausap dahil pumanaw siya noong 2007.

  31. Sa Knowles, Howard W. Hunter, 87.

  32. Sa Knowles, Howard W. Hunter, 88.

  33. Sa Heslop, “He Found Pleasure in Work,” 4.

  34. Sa Knowles, Howard W. Hunter, 91.

  35. Sa Knowles, Howard W. Hunter, 90.

  36. Tingnan sa Knowles, Howard W. Hunter, 94.

  37. Sa Heslop, “He Found Pleasure in Work,” 4.

  38. Sa Knowles, Howard W. Hunter, 97.

  39. Sa Knowles, Howard W. Hunter, 98.

  40. Sa Knowles, Howard W. Hunter, 98.

  41. Sa Knowles, Howard W. Hunter, 100–101.

  42. Charles C. Pulsipher, “My Most Influential Teacher,” Church News, Ene. 10, 1981, 2.

  43. Di-inilathalang manuskrito ni Richard A. Hunter.

  44. Sa Doyle L. Green, “Howard William Hunter: Apostle from California,” Improvement Era, Ene. 1960, 37.

  45. Cree-L Kofford, sa Knowles, Howard W. Hunter, 120.

  46. John S. Welch, sa Knowles, Howard W. Hunter, 119.

  47. Sa Knowles, Howard W. Hunter, 123.

  48. Sa Knowles, Howard W. Hunter, 125.

  49. Sa Knowles, Howard W. Hunter, 131.

  50. Di-inilathalang manuskrito ni Richard A. Hunter.

  51. Sa Knowles, Howard W. Hunter, 127.

  52. Charles C. Pulsipher, “My Most Influential Teacher,” 2.

  53. Howard W. Hunter, “Welfare and the Relief Society,” Relief Society Magazine, Abr. 1962, 238.

  54. Sa Knowles, Howard W. Hunter, 135. Tungkol sa kanyang lolo, isinulat ni Richard A. Hunter: “Alam ko na tapat siyang miyembro ng Simbahan. Lagi siyang gumagawa ng mabuti. Matatawag mo siyang ‘Mr. Mormon.’ Marami sa kanyang mga kapitbahay at miyembro ng ward ang magkukuwento ng mabubuti at magagandang bagay na ginawa niya. Siya ay mahal ng mga miyembro ng Simbahan” (di-inilathalang manuskrito).

  55. Sa Knowles, Howard W. Hunter, 137.

  56. Sa Knowles, Howard W. Hunter, 139.

  57. Betty C. McEwan, “My Most Influential Teacher,” Church News, Hunyo 21, 1980, 2.

  58. Sa Knowles, Howard W. Hunter, 144.

  59. Sa Knowles, Howard W. Hunter, 144.

  60. Sa Knowles, Howard W. Hunter, 145-46.

  61. Sa Conference Report, Okt. 1959, 121.

  62. Sa Knowles, Howard W. Hunter, 151.

  63. Douglas D. Palmer, “The World Conference on Records,” Improvement Era, Hulyo 1969, 7.

  64. Jay M. Todd, “Elder Howard W. Hunter, Church Historian,” Improvement Era, Abr. 1970, 27.

  65. Sa Knowles, Howard W. Hunter, 194.

  66. Sa Knowles, Howard W. Hunter, 208.

  67. Sa Knowles, Howard W. Hunter, 205.

  68. Sa Todd, “Elder Howard W. Hunter, Church Historian,” 27.

  69. Sa Todd, “Elder Howard W. Hunter, Church Historian,” 27.

  70. “New Church Historian Called,” Church News, Peb. 14, 1970, 3.

  71. Sa Knowles, Howard W. Hunter, 197.

  72. James E. Faust, “Howard W. Hunter: Man of God,” Ensign, Abr. 1995, 27.

  73. Howard W. Hunter, “All Are Alike unto God,” Ensign, Hunyo 1979, 74.

  74. Sa Knowles, Howard W. Hunter, 215.

  75. Sa Knowles, Howard W. Hunter, 218.

  76. Sa Knowles, Howard W. Hunter, 222; ang mga daglat ay binuo.

  77. Sa Gerry Avant, “He Wanted to Visit the Holy Land ‘Just One More Time,’” Church News, Mar. 11, 1995, 9.

  78. Sa Francis M. Gibbons, Howard W. Hunter: Man of Thought and Independence, Prophet of God (2011), 119.

  79. Tingnan sa “Growth in Mexican Cities Explodes into 16 Stakes,” Church News, Nob. 22, 1975, 3.

  80. Sa Knowles, Howard W. Hunter, 202.

  81. Sa Conference Report, Okt. 1959, 121.

  82. Sa Knowles, Howard W. Hunter, 168-69.

  83. Sa Avant, “She Made Home a Happy Place,” 5.

  84. Sa Searle, “President Howard W. Hunter,” 25.

  85. Di-inilathalang manuskrito ni Richard A. Hunter.

  86. James E. Faust, sa “President Howard W. Hunter: The Lord’s ‘Good and Faithful Servant,’” Ensign, Abr. 1995, 15.

  87. Sa Dell Van Orden, “Exciting Time in Church History,” Church News, Hunyo 25, 1988, 6.

  88. Howard W. Hunter, “The Opening and Closing of Doors,” Ensign, Nob. 1987, 54.

  89. Sa Knowles, Howard W. Hunter, 284.

  90. Sa Knowles, Howard W. Hunter, 291.

  91. Sa Knowles, Howard W. Hunter, 305-6.

  92. Howard W. Hunter, “An Anchor to the Souls of Men,” Ensign, Okt. 1993, 71.

  93. Sa James E. Faust, “The Way of an Eagle,” 13.

  94. Sa Todd, “President Howard W. Hunter,” 4.

  95. Sa Todd, “President Howard W. Hunter,” 5; tingnan din sa Howard W. Hunter, “Exceeding Great and Precious Promises,” Ensign, Nob. 1994, 8.

  96. Gordon B. Hinckley, “A Prophet Polished and Refined,” Ensign, Abr. 1995, 34.

  97. Howard W. Hunter, “Exceeding Great and Precious Promises,” Ensign, Nob. 1994, 8.

  98. Sa Gerry Avant, “Temple Is Dedicated in Sunshine State,” Church News, Okt. 15, 1994, 3.

  99. Howard W. Hunter, “We Have a Work to Do,” Ensign, Mar. 1995, 64.

  100. Howard W. Hunter, “The Gifts of Christmas,” Ensign, Dis. 2002, 18.

  101. Howard W. Hunter, “The Gifts of Christmas,” 18–19; hango mula sa “What We Think Christmas Is,” McCall’s, Dis. 1959, 82–83.

  102. Gordon B. Hinckley, “A Prophet Polished and Refined,” 34.

  103. Di-inilathalang manuskrito ni Richard A. Hunter.

  104. Gordon B. Hinckley, “A Prophet Polished and Refined,” 34.

  105. Sa Dell Van Orden, “14th President of the Church Dies at Age 87; He Touched Millions of Lives across the World,” Church News, Mar. 11, 1995, 3.

  106. James E. Faust, “Howard W. Hunter: Man of God,” 26.

  107. Gordon B. Hinckley, “A Prophet Polished and Refined,” 33–35.