Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 12: Magsibalik Kayo at Magpakabusog sa Hapag ng Panginoon


Kabanata 12

Magsibalik Kayo at Magpakabusog sa Hapag ng Panginoon

“Tumulong sa mga di-gaanong aktibo at damhin ang kagalakang mapapasainyo at sa mga tinutulungan ninyo.”

Mula sa Buhay ni Howard W. Hunter

Kinabukasan matapos maging Pangulo ng Simbahan si Howard W. Hunter, ipinarating niya ang magiliw na paanyayang ito sa mga miyembro ng Simbahan na di-aktibo sa pakikilahok:

“Sa mga nakagawa ng paglabag o nasugatan ang damdamin, sinasabi namin, magsibalik kayo. Sa mga nasasaktan at nahihirapan at natatakot, sinasabi namin, hayaan ninyong samahan namin kayo at pahirin ang inyong mga luha. Sa mga nalilito at pinahihirapan ng kamalian sa lahat ng panig, sinasabi namin, lumapit sa Diyos ng lahat ng katotohanan at sa Simbahang may patuloy na paghahayag. Magsibalik kayo. Samahan ninyo kami. Magpatuloy kayo. Maniwala. Maayos ang lahat, at maaayos ang lahat. Magpakabusog sa hapag na nakalatag sa inyong harapan sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at sikaping sundin ang Mabuting Pastol na naglaan nito. Magkaroon ng pag-asa, manampalataya, tumanggap—at magbigay—ng pag-ibig sa kapwa, ang dalisay na pag-ibig ni Cristo.”1

Sa kanyang unang mensahe sa pangkalahatang kumperensya bilang Pangulo ng Simbahan makalipas ang ilang buwan, sinabi ni Pangulong Hunter na nadama niya na patuloy itong bigyang-diin. “Magsibalik kayo,” pag-uulit niya. “Ituring ninyong literal ang paanyaya [ng Tagapagligtas] na ‘pumarito ka, sumunod ka sa akin.’ … Siya lamang ang tiyak na daan; siya ang ilaw ng sanlibutan.”2

Sa buong buhay niya, maraming tinulungan si Pangulong Hunter na mga miyembro ng Simbahan na maging aktibong muli. Nang isalaysay niya ang isang gayong karanasan noong nagbibinata siya, sinabi niya:

“Inatasan ako ng aking ward bishop na maging ward teacher sa isang brother na nagmamayabang na siya ang pinakamatandang deacon sa Simbahan. Ward teaching ang dating tawag sa home teaching noong mga panahong iyon. Ang problema niya ay mahilig siyang maglaro ng golf sa araw ng Linggo. Nakakawala ng ganang makipagkita sa kanilang mag-asawa buwan-buwan at wala akong makitang pag-unlad sa kanila. Ngunit sa wakas, nasambit sa kanya ang tamang kataga at naapektuhan siya niyon. Ang kataga ay tipan. Itinanong namin sa kanya, ‘Ano ang kabuluhan ng tipan sa binyag sa iyo?’ Nagbago ang hitsura niya, at nakita namin sa unang pagkakataon na naging seryoso siya. Kalaunan ay nagpunta siya sa aming mga klase, tinigilan ang paglalaro ng golf, at dinala ang kanyang asawa sa templo.”3

Larawan
si Cristo na may hawak na tupa

“Dapat basahin ng bawat isa sa atin nang paulit-ulit ang talinghaga ng nawawalang tupa. … Sana’y matanim ang mensahe ng talinghagang iyon sa puso ng bawat isa sa atin.”

Mga Turo ni Howard W. Hunter

1

Ang talinghaga ng nawawalang tupa ay itinuturo sa atin na hanapin ang mga nawawala.

[Ipinaabot] ng Unang Panguluhan sa mga miyembro ng Simbahan ang isang mahalagang paanyaya … :

“Sa mga tumigil sa pagsisimba at sa mga naging mapagpuna, sinasabi namin, ‘Magsibalik kayo. Magsibalik kayo at magpakabusog sa hapag ng Panginoon, at tikmang muli ang magiliw at kasiya-siyang mga bunga ng pakikisama sa mga Banal.’

“Nakatitiyak kami na marami ang nananabik na makabalik, ngunit naaasiwang gawin ito. Tinitiyak namin sa inyo na makasusumpong kayo ng mga bisig na nakaunat upang tanggapin kayo at mga kamay na nakahandang tulungan kayo.” (Ensign, Marso 1986, p. 88.)

Palagay ko lahat tayo ay naantig sa dakilang panawagang ito na katumbas ng sinabi ng propetang si Alma sa Aklat ni Mormon hinggil sa paanyayang ipinaabot ng Panginoon. Sabi niya:

“Masdan, siya ay nagpadala ng paanyaya sa lahat ng tao, sapagkat ang mga bisig ng awa ay nakaunat sa kanila, at kanyang sinabi: Magsisi, at akin kayong tatanggapin.

“Oo, kanyang sinabi: Lumapit sa akin at kayo ay makababahagi sa bunga ng punungkahoy ng buhay; oo, kayo ay malayang makakakain at makaiinom ng tinapay at ng mga tubig ng buhay;

“Oo, lumapit sa akin at gumawa ng mga gawa ng kabutihan.” (Alma 5:33–35.)

Dapat basahin nang paulit-ulit ng bawat isa sa atin ang talinghaga ng nawawalang tupa na matatagpuan sa ikalabinlimang kabanata ng Lucas, simula sa pang-apat na talata:

“Aling tao sa inyo, na kung mayroong isang daang tupa, at mawala ang isa sa mga yaon, ay hindi iiwan ang siyam na pu’t siyam sa ilang, at hahanapin ang nawala, hanggang sa ito’y kaniyang masumpungan?

“At pagka nasumpungan niya, ay pinapasan niya sa kaniyang balikat, na natutuwa.

“At paguwi niya sa tahanan, ay titipunin niya ang kaniyang mga kaibigan at ang kaniyang mga kapitbahay, na sasabihin sa kanila, Makipagkatuwa kayo sa akin, sapagka’t nasumpungan ko ang aking tupang nawala” [Lucas 15:4–6]. …

Mahalaga ang pagbabagong ginawa ni Propetang Joseph Smith sa isang talata sa Pagsasalin ni Joseph Smith. Mababasa natin doon, “Aling tao sa inyo, na kung mayroong isang daang tupa, at mawala ang isa sa mga yaon ay hindi iiwan ang siyam na pu’t siyam, at magpupunta sa ilang at hahanapin ang nawala, hanggang sa ito’y kaniyang masumpungan?” (JST, Luke 15:4; idinagdag ang italics.)

Ipinahihiwatig sa pagsasaling iyan na iiwan ng pastol ang kanyang ligtas na kawan at pupunta sa ilang—ibig sabihin, pupunta sa mundo para hanapin ang nawawala. Nawawala mula saan? Nawawala sa kawan kung saan may proteksyon at seguridad. Sana’y matanim ang mensahe ng talinghagang iyon sa puso ng bawat isa sa atin.4

2

Inaasahan ng Panginoon na maging mga pastol Niya tayo at ibalik natin ang mga nahihirapan o nawawala.

Ano ang dapat nating gawin upang matulungan ang mga naligaw ng landas sa ilang?

Dahil sa sinabi ng Panginoon tungkol sa pag-iwan sa siyamnapu’t siyam at pagpunta sa ilang upang hanapin ang isang nawawala, at dahil sa paanyaya ng Unang Panguluhan sa mga tumigil sa pagsisimba o naging mapunahin na “magbalik” inaanyayahan namin kayong makilahok sa pagliligtas ng mga kaluluwa. Tumulong sa mga di-gaanong aktibo at damhin ang kagalakang mapapasainyo at sa mga tinutulungan ninyo kung kayo at sila ay makikibahagi sa pagpapaabot ng mga paanyaya na magsibalik at magpakabusog sa hapag ng Panginoon.

Inaasahan ng Panginoon, ang ating Mabuting Pastol, na maging mga pastol Niya tayo at ibalik natin ang mga nahihirapan o nawawala. Hindi namin masasabi sa inyo kung paano gawin iyon, ngunit kapag kayo ay nakilahok at humingi ng inspirasyon, magtatagumpay ang mga pagsisikap sa inyong lugar, … mga stake, at ward. Tumugon na ang ilang stake sa naunang mga pagsamo at nagkaroon ng pambihirang tagumpay.

Nasa mga titik ng isang pamilyar na himno ang panawagan ng Tagapagligtas sa atin:

Sa ’tin S’ya ay tumatawag,

Dinggin, tinig ng Pastol,

“Tupang sa aki’y nawalay,

Sana’y inyong hanapin.”

At itinuturo ng himnong iyon, na madalas awitin, kung ano ang nararapat nating itugon:

“Bilang pastol ay tutulong;

Pagmamahal ay nais.

Mga tupang nawawalay,

Ay aming hahanapin.”

(Mga Himno, 2001, blg. 134.)

Kung gagawin natin ito, magtatamo tayo ng mga walang-hanggang pagpapala.5

Ang paghahanap sa nawawala, suwail, at napawalay ay gawain ng Panginoon. … Ang mapanalanging pagsamo ni Alma ay magandang paalala ng kasagraduhan ng ating tungkulin:

“O Panginoon, nawa’y ipagkaloob ninyo sa amin na ang tagumpay ay matamo namin sa muling pagdadala [ng mga kaluluwa] sa inyo sa pamamagitan ni Cristo.

“Masdan, O Panginoon, ang kanilang mga kaluluwa ay mahahalaga.” (Alma 31:34–35.)6

Larawan
mga missionary na nagtuturo sa pamilya

“O Panginoon, nawa’y ipagkaloob ninyo sa amin na ang tagumpay ay matamo namin sa muling pagdadala [ng mga kaluluwa] sa inyo sa pamamagitan ni Cristo. “Masdan, O Panginoon, ang kanilang mga kaluluwa ay mahahalaga” (Alma 31:34–35).

3

Ang ating dakilang adhikain ay tulungan ang mga tao na makabalik sa piling ng Diyos.

Sa pagdaan ng mga taon nakagawa ang Simbahan ng ilang malalaking pagsisikap para ibalik ang mga di-gaanong aktibo. … At para saan ang lahat ng ito? Para iligtas ang kaluluwa ng ating mga kapatid at tiyakin na maisasagawa nila ang mga ordenansa ng kadakilaan.

Noong ako ang stake president sa Los Angeles area, hiniling namin ng aking mga counselor sa aming mga bishop na maingat na pumili ng apat o limang mag-asawang gustong ituloy ang kanilang pag-unlad sa Simbahan. Ang ilan ay di-gaanong aktibo, ang iba ay mga bagong binyag—ngunit naganyak silang paunlarin ang kanilang espirituwalidad. Pinulong namin sila sa isang stake class at itinuro sa kanila ang ebanghelyo. Sa halip na bigyang-diin ang templo, binigyang-diin namin ang pagkakaroon ng mas magandang kaugnayan sa ating Ama sa Langit at sa kanyang Anak na si Jesucristo. Ang proseso ng aming maingat na pagpili ay tumiyak ng tagumpay, at karamihan sa mga mag-asawang ito ay naging aktibo nga at nagpunta sa templo.

Magkukuwento ako ng [isa pang] karanasan. … Nagkaroon kami ng isang brother sa isa sa mga ward na hindi dumalo sa anumang mga pulong. Hindi miyembro ang asawa niya. Medyo masungit ito, kaya hindi kami makapagpadala ng mga home teacher sa bahay nila. Nilapitan ng bishop ang brother na ito sa pagsasabi sa kanya na kailangan niyang pag-ibayuhin at palakasin ang kanyang kaugnayan sa Tagapagligtas. Ipinaliwanag ng brother sa bishop ang problema sa asawa niyang di-miyembro, kaya kinausap ito ng bishop, na iyon din ang binibigyang-diin—isang kaugnayan sa Panginoon na kailangang pag-ibayuhin. Hindi pa rin ito nakinig ngunit natuwa itong malaman na naniniwala ang mga Banal sa mga Huling Araw kay Cristo, kaya nabawasan ang kasungitan nito.

Hindi naging madali ang tagumpay, ngunit ang mga bumisita sa bahay ay patuloy na binigyang-diin ang kaugnayan ng mag-asawa sa Panginoon. Dumating ang oras na naging magiliw siya, at sa huli ay pumayag na sumama sa kanyang asawa sa stake class na tinuturuan ng mga miyembro ng high council. Binigyang-diin namin ang tipan na ginagawa ng isang tao sa binyag at ang iba pang mga tipan. Sa huli ay naging miyembro ito ng Simbahan at naging maunlad na priesthood leader ang lalaki. …

Naantig ako sa isang pahayag sa pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon na nagpapaliwanag sa isa sa mga layunin ng sagradong aklat na iyon: “Nang … malaman [ng Sambahayan ni Israel sa mga huling araw] ang mga tipan ng Panginoon.” (Idinagdag ang italics.) Iyon ang naisip naming bigyang-diin bilang stake presidency sa mga di-gaanong aktibo. Sinubukan naming pakiusapan sila batay sa kahalagahan ng mga tipan na ginawa nila sa Panginoon; pagkatapos ay itinuro namin sa kanila ang kahalagahan ng tipan sa binyag at ng iba pang mga tipan na maaari nilang gawin na magbubuklod sa kanila bilang isang walang-hanggang pamilya.7

Ang buong layunin ng Simbahang napapamunuan nang maayos sa kani-kanilang yunit ay gawing karapat-dapat ang mga tao na makabalik sa piling ng Diyos. Magagawa lamang iyon kung tatanggap sila ng mga ordenansa at gagawa ng mga tipan sa templo.8

Ang ating mga pagsisikap ay nakatuon sa paggawa ng nakapagliligtas na mga tipan at ordenansa ng ebanghelyo na nariyan para sa buong sangkatauhan: sa mga di-miyembro sa pamamagitan ng ating gawaing misyonero; sa mga di-gaanong aktibo sa pamamagitan ng pakikisama sa kanila at pagsisikap na mapaaktibo silang muli; sa mga aktibong miyembro sa pamamagitan ng paglahok at paglilingkod sa Simbahan, at sa mga sumakabilang-buhay na sa pamamagitan ng gawain ng pagtubos para sa mga patay.9

Sinisikap nating matupad ang isang adhikain para sa bawat miyembro ng Simbahan. Iyon ay ang makatanggap ang lahat ng mga ordenansa ng ebanghelyo at makipagtipan sa ating Ama sa Langit upang makabalik sila sa kanyang piling. Iyan ang ating dakilang adhikain. Ang pagtanggap ng mga ordenansa at paggawa ng mga tipan ang paraan para makamtan ang banal na katangiang iyan na muling magbabalik sa atin sa kanyang piling. …

Tandaan ang layunin: anyayahan ang lahat na lumapit kay Cristo. …

Pinatototohanan ko, mga kapatid, ang kanyang kabanalan at kapangyarihang iligtas ang mga lumalapit sa kanya nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu. Sa pamamagitan ng mga ordenansa at ng kanyang Banal na Espiritu, bawat tao ay maaaring maging malinis.10

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Hinikayat ni Pangulong Hunter ang bawat miyembro ng Simbahan na basahin nang paulit-ulit ang talinghaga ng nawawalang tupa (tingnan sa bahagi 1; Lucas 15:4–7). Anong mga mensahe ang natanggap ninyo mula sa talinghagang iyon at sa iba pang mga turo sa unang bahagi? Isipin kung paano kayo magagabayan ng mga turong iyon sa paglilingkod ninyo sa Simbahan.

  • Ano ang responsibilidad natin bilang mga pastol ng Panginoon? (Tingnan sa bahagi 2.) Paano natin matutulungan ang mga tao na maging aktibong muli sa Simbahan? Paano kayo napagpala (o ang isang taong kilala ninyo) ng isang taong tumulong sa inyo nang kayo ay “nahihirapan o nawawala”?

  • Ano ang matututuhan natin sa mga karanasang ikinuwento ni Pangulong Hunter sa bahagi 3? Paano matutulungan ng pagbibigay-diin sa mga tipan ang mga miyembro ng Simbahan na magsimbang muli?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan

Ezekiel 34:1–16; Lucas 15:11–32; Juan 10:1–16, 26–28; 13:35; I Ni Juan 1:7; Mosias 18:8–10; Helaman 6:3; 3 Nephi 18:32; Moroni 6:4–6; D at T 38:24

Tulong sa Pag-aaral

Ang alituntunin ay isang katotohanang gumagabay sa mga desisyon at kilos. “Sa inyong pagbabasa, tanungin ang sarili, ‘Anong alituntunin ng ebanghelyo ang itinuturo sa talatang ito? Paano ko ito maipamumuhay?’” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 19).

Mga Tala

  1. Sa Jay M. Todd, “President Howard W. Hunter: Fourteenth President of the Church,” Ensign, Hulyo 1994, 5.

  2. “Exceeding Great and Precious Promises,” Ensign, Nob. 1994, 8.

  3. “Make Us Thy True Undershepherds,” Ensign, Set. 1986, 9.

  4. “Make Us Thy True Undershepherds,” 7–8.

  5. “Make Us Thy True Undershepherds,” 9.

  6. “The Mission of the Church” (mensaheng ibinigay sa regional representatives’ seminar, Mar. 30, 1990), 4.

  7. “Make Us Thy True Undershepherds,” 8–9.

  8. The Teachings of Howard W. Hunter, inedit ni Clyde J. Williams (1997), 218.

  9. The Teachings of Howard W. Hunter, 245–46.

  10. The Teachings of Howard W. Hunter, 218.