Kabanata 22: Paggawa ng Mabuti sa Kapwa

Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Lorenzo Snow, 2011


“Magkaroon ng pag-ibig sa kapwa; maging handang gumawa para sa iba ng higit pa kaysa inaasahan ninyo sa kanila kung nagkapalit kayo ng sitwasyon.”

Mula sa Buhay ni Lorenzo Snow

Si Lorenzo Snow at ang kanyang pamilya ay bahagi ng unang paglalakbay ng mga Banal sa mga Huling Araw mula sa Nauvoo, Illinois. Kasama ang isang grupo ng iba pang mga pamilya, nagpunta sila sa kanluran patungong estado ng Iowa noong Pebrero 1846. Naging mahirap ang kanilang paglalakbay dahil sa lagay ng panahon—araw-araw ay hirap sila dahil sa ulan, niyebe, at putik.

Habang naglalakbay ang pamilya Snow isang araw, isang miyembro ng grupo ang nagpatulong sa kanila. Isinulat ni Lorenzo Snow sa kanyang journal na isang lalaki ang “nakiusap na mailagay ang kanyang bagahe sa aking bagon, at sinabing hindi niya ito mailagay sa iba.” Ang bagon ay “punung-puno ng mga bagay na inakala naming kaya naming dalhin,” paggunita ni Lorenzo, ngunit “sinabi ko pa rin sa kanya na ilagay iyon doon at sumama at makibahagi sa amin.”

Nang sumunod na gabi naranasan ng pamilya ang tinatawag ni Lorenzo na “hindi kanais-nais na pangyayari”: nabali ang isang ehe ng kanilang bagon. Pagsasalaysay niya: “Napakalakas ng ulan noon at napakalamig. Agad naming itinayo ang aming tolda [at] gumawa kami ng malaking siga gamit ang kahoy na hickory. … Napakalalim ng tubig at putik at hindi kami makapunta sa bagon nang hindi lumulusong. … Mga labinlimang milya na kami mula sa kampo at siyam o sampung milya papunta sa unang bahay, at dahil walang mekaniko sa amin, hindi kami gaanong umasa na makukumpuni ang aming bagon.”

Hindi inaasahang dumating ang tulong mula sa lalaking natulungan nila bago ang araw na iyon. “Nalulungkot ako sa kamalasan ko,” sabi ni Lorenzo, “nang lumapit siya sa akin at ipinaalam na ang trabaho niya ay paggawa ng bagon at madali niyang makukumpuni ang aking bagon. … Nang umigi ang lagay ng panahon, sinimulan nang gumawa ni brother Wilson (ang pangalan ng taong nabanggit sa itaas) ng ehe na mas matibay pa kaysa sa nabali ko. Nang mayari ang aming bagon, nilisan namin ang lugar na ito, kung saan ilang araw kaming nanatili dahil sa ulan at putik.”

Para kay Lorenzo Snow, ang karanasang ito ay nagpatibay sa mahalagang aral tungkol sa paglilingkod at pakikisama. Isinulat niya sa kanyang journal, “Kapag tumulong ka, tutulungan ka rin ng iba.”1 [Tingnan sa mungkahi 1 sa pahina 297.]

Mga Turo ni Lorenzo Snow

Tayo ay mga anak ng iisang Ama sa Langit, at ipinadala tayo sa mundo upang gumawa ng mabuti sa isa’t isa.

Iisa ang ating Ama sa mga mundong selestiyal. … Kung kilala natin ang isa’t isa na siyang nararapat, … mas dadamayan natin ang ibang tao kaysa dati, at nanaisin ng bawat tao na pag-aralan sa kanyang isipan kung paano siya makagagawa ng mabuti sa kanyang kapwa, paano nila mapapagaan ang kanilang mga problema at mapapalakas sila sa katotohanan, paano [nila] maaalis ang kadiliman mula sa kanilang isipan. Kung nauunawaan natin ang isa’t isa at ang tunay na kaugnayan natin sa isa’t isa, dapat tayong makadama ng kakaiba sa ating ginagawa; ngunit ang kaalamang ito ay matatamo lamang kapag napasaatin ang Espiritu, at hinangad nating patatagin ang isa’t isa sa kabutihan.2

Isinugo tayo sa mundo upang gumawa ng mabuti sa kapwa; at sa paggawa ng mabuti sa kapwa gumagawa tayo ng mabuti sa ating sarili. Dapat natin itong panatilihin sa ating isipan, ang lalaki kaugnay ng kanyang asawa, ang babae kaugnay ng kanyang asawa, ang mga anak kaugnay ng kanilang mga magulang, at ang mga magulang kaugnay ng kanilang mga anak. Laging may pagkakataong gumawa ng mabuti sa isa’t isa.3

Dalangin ko sa Diyos, sa pangalan ni Jesus, na sikapin nating higit na manalig, na sikapin nating maging mas mabuti ngayon kaysa kahapon, na sikapin nating magkaroon ng higit na pagmamahal at malasakit sa ating kapwa, dahil sinabi sa atin na dito nakasalalay ang batas at ang mga propeta, “na iibigin ang Panginoon nating Diyos nang buo nating kakayahan, pag-iisip, at lakas, at ang ating kapwa tulad sa ating sarili.” [Tingnan sa Mateo 22:37–40.] “Na gawin natin sa iba ang nais nating gawin nila sa atin.” Ito ay alinsunod sa batas at mga propeta. [Tingnan sa Mateo 7:12.] Ito ang mga alituntuning dapat at kailangan nating matutuhan. … Dapat tayong maging kaibigan ng lahat sa lahat ng dako. Walang Banal sa mga Huling Araw na namumuhi sa mundo: sa halip tayo ay mga kaibigan sa mundo, obligasyon nating maging gayon, basta’t patungkol sa kanila. Dapat nating matutuhang ibigin ang ating kapwa at magsikap para sa kapakanan ng buong sangkatauhan. Ito ang misyon ng mga Banal sa mga Huling Araw—hindi lamang ang ibigin ang ating sarili, kundi palaganapin ito sa iba pa, dahil kailangan itong ipaabot sa buong sangkatauhan.4

Maging matwid, makatarungan at maawain, marangal at banal sa lahat ng inyong hangarin at pagpapasiya—sa lahat ng inyong gawain at pakikitungo. Magkaroon ng pag-ibig sa kapwa; maging handang gumawa para sa iba ng higit pa kaysa inaasahan ninyo sa kanila kung nagkapalit kayo ng sitwasyon. Hangaring maging dakila, hindi sa opinyon ng may makamundong isipan, kundi sa mga mata ng Diyos, at maging dakila sa ganitong paraan, “Ibigin ang Panginoon ninyong Diyos nang buo ninyong kakayahan, pag-iisip at lakas, at ang inyong kapwa tulad sa inyong sarili.” Dapat ninyong mahalin ang sangkatauhan dahil sila ay inyong mga kapatid, ang mga anak ng Diyos. Masigasig na manalangin na maging matulungin, na mapasaiyo ang paglawak na ito ng kaisipan at damdamin, at ang kapangyarihan at kakayahang lubos na magsikap para sa kapakanan ng kaharian ng Mesiyas.5 [Tingnan sa mungkahi 2 sa pahina 297.]

Nag-iibayo ang ating kaligayahan kapag tinutulungan nating lumigaya ang iba.

Dapat tayong magkaroon ng matinding hangaring gumawa ng mabuti sa kapwa. Huwag nating isiping masyado ang ating sarili. Talagang may mabuting idudulot sa atin kung iisipin natin ang ating kapwa, at sisikapin nating mas pasayahin at mas ilapit pa sila sa Panginoon. … Kapag nadarama ninyong medyo nalulungkot kayo, tumingin kayo sa paligid at maghanap ng taong mas malala ang kalagayan kaysa sa inyo; lapitan siya at alamin kung ano ang problema, at sikaping lutasin iyon gamit ang karunungang kaloob ng Panginoon sa inyo; at ang una ninyong mapapansin, wala na ang inyong kalungkutan, magaan na ang pakiramdam ninyo, ang Espiritu ng Panginoon ay nasa inyo, at ang lahat ay tila maliwanag.6 [Tingnan sa mungkahi 3 sa pahina 298.]

Kapag inuna natin ang kapakanan ng iba, mas mabilis ang pag-unlad natin.

Isa sa mga pinakamainam na bagay na maiisip ng isang kabataang lalaki o babae, sa pagsisikap na maging dakila, ay tulungan din ang iba na maging dakila; at huwag alalahanin ang naiukol na kaunting oras sa pagpapaunlad sa iba. Ang pinakamainam na paraan para mapaunlad ang ating sarili ay ang masanay tayo sa paggawa ng mabuti sa kapwa. Panatilihin ito sa inyong isipan.7

Sa anumang uri ng pag-aaral kailangang patuloy na magsikap ang isang tao, at kapag nakatapos siya ng isang kurso kailangan siyang mag-aral ng iba pa, at patuloy na magsikap pa hanggang sa mapagtagumpayan niya ang mga ito, at hindi niya lubos na mauunawaan ito kung hindi niya ibabahagi ang natutuhan niya. Hayaan siyang magsumikap at tipunin ang kanyang mga kaibigan at ibahagi sa kanila ang kaalamang iyon na natanggap niya, at matatanto niya na naliliwanagan siya tungkol sa mga bagay na iyon na hindi niya sana nalaman kailanman kung hindi niya itinuro at ibinahagi sa iba ang natutuhan niya. Sinumang naging guro sa paaralan ay mauunawaan akong mabuti tungkol sa bagay na ito. …

Ipaalala sa isang tao na may iba pang nasa kadiliman at hindi pa umuunlad ang kaalaman, karunungan at katalinuhan, at ipabahagi sa kanya ang kaalamang iyon, katalinuhan at kapangyarihan sa kanyang mga kaibigan at kapatid, yamang mas marami siyang alam kaysa kanila, at sa paggawa niyon hindi maglalaon ay matutuklasan niya na lalawak ang kanyang isipan, at ang liwanag at kaalamang natamo niya ay mas mabilis na lalago at madaragdagan. …

Kung nais ninyong kaibiganin at mahalin kayo ng inyong mga kaibigan magsumikap at panatagin sila sa liwanag na iyon na natanggap ninyo, na inaalala na ang mga pagpapalang iyon ay nagmula sa Diyos, at na sa paggawa nito ay ginagawa lamang ninyo ang dapat gawin ng bawat tao. …

Ngayon ang isang tao para makamtan niya ang pinakamataas at pinakadakilang mga pagpapala, para kasihan siya ng Makapangyarihang Diyos, at para patuloy siyang umunlad sa mga bagay na nauukol sa kabutihan, kailangan niyang gawin ang pinakamainam sa lahat ng bagay. Hayaang magsumikap siya at maging handang magsakripisyo para sa kapakanan ng kanyang mga kaibigan. Kung nais niyang patatagin ang kanyang sarili, ang pinakamainam na alituntuning mapagbabatayan niya para magawa ito ay ang patatagin ang kanyang mga kaibigan. …

… Lawakan ang inyong isipan upang maunawaan at mapagmalasakitan ang kapakanan ng inyong mga kaibigang nakapaligid sa inyo, at anuman ang kaya ninyong gawin para sa kabutihan ng inyong mga kaibigan gawin ninyo iyon, at makikita ninyo na ang mga bagay na kailangan ninyo ay mapapasakamay ninyo nang mas mabilis kaysa kung magsusumikap kayong matamo ito para sa inyong sarili nang hindi iniisip ang kapakanan ng inyong mga kaibigan. Alam kong ito ay isang mabuti at mahalagang alituntunin.8 [Tingnan sa mungkahi 4 sa pahina 298.]

Kapag nagsakripisyo tayo para sa kabutihan ng iba, nagiging mas mabait tayo.

Dapat lang nating madama … na may iba pang mga tao maliban sa atin; kailangan nating isaalang-alang ang puso’t damdamin ng iba, at maging mas makadiyos tayo kaysa ngayon.

… Kakailanganin nating magsakripisyo para sa kapakanan ng mga nakakasama natin. Nakikita natin ito sa Tagapagligtas, at kay brother Joseph, at nakikita natin ito sa ating Pangulong [Brigham Young]. Sina Jesus, brother Joseph, at brother Brigham ay lagi nang handang isakripisyo ang lahat ng pag-aari nila para sa kabutihan ng mga tao; iyan ang nagbibigay ng kapangyarihan kay brother Brigham upang makasama ang Diyos at maimpluwensyahan ang tao, ito ang pagsasakripisyo ng sarili na ipinakikita niya sa tuwina. Gayon din sa iba; kapag handa silang magsakripisyo para sa iba, lalo silang nagiging makadiyos, at ang mga pagpapala ng mga walang-hanggang mundo ay napapasakanila, at sila ang magtatamo hindi lamang ng mga karapatan sa mundong ito kundi pati na ng mga pagpapala ng kawalang-hanggan. Kapag kayo ay … nagsakripisyo para sa iba, uunlad din kayo sa mga bagay ng Diyos. Ngayon kung nais ninyong maging mabuti at makapasok sa langit, tatahakin ninyo ang landas na iyon na tulad ng mga anghel na nasa langit. Kung nais ninyong malaman kung paano kayo lalago, sasabihin ko sa inyo, iyon ay sa pamamagitan ng pagiging makadiyos.

… Matatamasa ng mga tao ang langit sa kanilang paligid sa lahat ng lugar. Kailangan nating sikaping gawin ito; kailangang sikapin nating maitatag ang langit dito sa lupa, sa kabila ng mga kasamaan sa ating paligid, mga diyablo sa ating paligid, at kasamaang umiiral, kailangan pa rin nating sikaping maitatag ang langit dito sa lupa.

Ang isang tao ay hindi magtatamasa ng langit kailanman hangga’t hindi siya natututong tamuhin ito, at kumilos ayon sa mga alituntunin nito. Ngayon pumili kayo ng ilang tao, at balikan ang mga sitwasyong nakapaligid sa kanila 20 taon na ang nakararaan, … nang may kaunti silang kagalakan, kapayapaan, kaligayahan sa panahong iyon kahit hindi maayos ang kalagayan nila. Ngayon maaaring maayos na ang sitwasyon nila at sapat na nilang natutugunan ang pangangailangang temporal, ngunit kung wala silang mga kaibigan, at mabuting pakikisama ng kanilang mga kapatid, hindi sila masaya, at mas malala pa kaysa sa sitwasyon nila 20 taon na ang nakararaan.

… Nawa’y pagpalain kayo ng Panginoon, mga kapatid, at nawa’y isipin ninyo ang mga bagay na ito at mahalin natin ang isa’t isa, at mamuhay tayo sa paraang mapapadakila natin ang ating sarili ayon sa ibinigay na katalinuhan at kakayahan ng Panginoon sa atin at magkaroon tayo ng tiwala sa isa’t isa.9 [Tingnan sa mungkahi 5 sa pahina 298.]

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda kayong magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–x.

  1. 1.

    Repasuhin ang kuwento sa mga pahina 291 at 292. Kailan ninyo nakita na “kapag tumulong ka, tutulungan ka rin ng iba”?

  2. 2.

    Ipinaalala sa atin ni Pangulong Snow na tayong lahat ay mga anak ng Diyos (mga pahina 292–293). Paano nito dapat maapektuhan ang ating mga pakikitungo sa isa’t isa? Ano ang mga pagkakataong iniaalok ng Relief Society sa kababaihan para gumawa ng mabuti sa kapwa? Ano ang mga pagkakataong ibinibigay ng korum ng priesthood para sa kalalakihan upang makagawa ng mabuti sa kapwa?

  3. 3.

    Pagnilayan ang talatang nagsisimula sa pahina 293. Paano nag-iibayo ang ating kaligayahan kapag tinutulungan nating lumigaya ang iba? Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na matutuhan ang katotohanang ito?

  4. 4.

    Sa inyong palagay bakit nadaragdagan ang karunungan natin kapag ibinabahagi natin ang ating kaalaman sa iba? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina .) Ano ang mga naranasan ninyo na nagpakita sa inyo na totoo ang alituntuning ito?

  5. 5.

    Pag-aralan ang bahaging nagsisimula sa pahina 296. Sa inyong palagay bakit nagagawa ng simpleng mga paglilingkod na higit tayong mapalapit sa langit? Habang pinagninilayan ninyo ang mga mensahe sa kabanatang ito, mag-isip ng mga paraan para magawa ninyong mas higit na katulad ng langit ang inyong tahanan.

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Mateo 25:31–45; Lucas 6:36–38; Mosias 2:17; 4:14–27; D at T 81:5; 82:3

Tulong sa Pagtuturo: “Mas makabubuting kumuha ng ilang magagandang ideya at magkaroon ng magandang talakayan—at matutong mabuti—kaysa magmadali, [sa pagsisikap na] ituro ang lahat ng nasa manwal. … Talagang mahalaga na hindi magmadali kung gusto ninyong mapasa inyong klase ang Espiritu ng Panginoon” (Jeffrey R. Holland, “Pagtuturo at Pag-aaral sa Simbahan,” Liahona, Hunyo 2007, 59).

Habang naglalakbay patawid sa estado ng Iowa, tumanggap ng tulong ang pamilya Snow mula sa isang taong natulungan nila sa nakalipas na araw.

“Lawakan ang inyong isipan upang maunawaan at magkaroon ng malasakit sa kapakanan ng inyong mga kaibigan na nakapaligid sa inyo.”

Ipakita ang mga Reperensya

    Mga Tala

  1.   1.

    Journal of Lorenzo Snow, 1841–47, Church History Library, 39–42.

  2.   2.

    Deseret News, Ene. 28, 1857, 371.

  3.   3.

    Sa Conference Report, Abr. 1899, 2.

  4.   4.

    Salt Lake Daily Herald, Okt. 11, 1887, 2.

  5.   5.

    Sa Eliza R. Snow Smith, Biography and Family Record of Lorenzo Snow (1884), 486–87.

  6.   6.

    Sa Conference Report, Abr. 1899, 2–3.

  7.   7.

    Improvement Era, Hulyo 1901, 714.

  8.   8.

    Deseret News, Mar. 11, 1857, 3; sa orihinal na pinagmulan, ang pahina 3 ay nalagyan ng maling pahina 419.

  9.   9.

    Deseret News, Mar. 11, 1857, 4.