Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 10: ‘Pumasok sa mga Templo’


Kabanata 10

“Pumasok sa mga Templo”

“Ang mga pagkakataong ipinakita sa amin ng Diyos ay napakaganda at kahanga-hanga; hindi ito kayang ilarawan ng imahinasyon. Pumasok sa mga Templo at ipakikita namin sa inyo.”

Mula sa Buhay ni Lorenzo Snow

Kaagad pagkatapos ng kanyang binyag at kumpirmasyon, nagsimulang dumalo si Lorenzo Snow sa mga pulong sa Kirtland Temple. Doon, kasama ang Propetang Joseph Smith at iba pang mga lider ng Simbahan, ay natanggap niya ang malalaking espirituwal na pagpapala. Sa kanyang journal ay iniulat niya: “Doon ay nagkaroon kami ng kaloob ng propesiya—ang kaloob ng mga wika—ang pagbibigay-kahulugan sa mga wika—ang mga pangitain at kagila-gilalas na mga panaginip ay isinalaysay—narinig ang umaawit na mga koro ng langit, at ang kagila-gilalas na pagpapamalas ng kapangyarihang magpagaling, sa pamamagitan ng paggamit ng Priesthood ng mga Elder, ay nangasaksihan. Napagaling ang mga maysakit—nanumbalik ang pandinig ng mga bingi—nagbalik ang paningin ng mga bulag at nakalakad ang mga lumpo, sa napakaraming pagkakataon. Malinaw na naipakita ang sagrado at banal na impluwensya—isang espirituwal na kapaligiran ang nanaig sa banal na gusaling iyon.”1

Mahal ni Lorenzo Snow ang Kirtland Temple, nalalaman na “ang Anak ng Diyos, sa Kanyang kaluwalhatian, ay binigyang-dangal ang templo sa pamamagitan ng Kanyang banal na presensya.” Dahil dito, nanggilalas siya nang una siyang tumayo sa isang pulpito doon para magturo. “Hindi kayang ilarawan ng mga salita ang aking nadarama,” sabi niya, “nang, sa unang pagkakataon, ay tumayo ako sa isa sa mga pulpitong iyon upang magsalita sa mga tao—sa isang pulpito na ang tuntungan, kamakailan lamang ay tinuntungan ng banal na Personaheng ito—‘ang kanyang buhok ay puti gaya ng busilak na niyebe, ang kanyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy’—kung saan ay dumating din sina Moises, Elias at Elijah at ipinagkaloob ang mga susi ng kanilang mga dispensasyon kay Joseph Smith.” [Tingnan sa D at T 110.]2

Makalipas ang maraming taon, noong Abril 6, 1892, si Pangulong Lorenzo Snow ay tumayo sa isa pang pagtitipon, at sa pagkakataong ito ay sa harapan naman ng halos tapos nang Salt Lake Temple. Mga 40,000 Banal sa mga Huling Araw ang nangagsiksikan sa nakabakod na lugar sa paligid ng Temple Square, at mga 10,000 pa “ang nasa bubong ng mga kalapit na bahay at lugar upang makita nila ito.”3 Ang mga tao ay nagtipon para sa isang seremonya kung saan ilalagay ang pinakaibabaw na bato sa pinakamataas na tore ng templo. Kalaunan nang araw na iyon ang estatwa ng anghel na si Moroni ay ipapatong sa pinakaibabaw na bato. Sa pamamagitan ng atas mula sa Unang Panguluhan, si Pangulong Snow, na siya noong Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang mamumuno sa mga Banal sa Sigaw ng Hosana. Habang ipinaliliwanag niya ang Sigaw ng Hosana sa mga tao, ipinahayag niya ang kanyang pagmamahal at pananabik sa gawain sa templo.

“Ang mga salita ng sigaw na, Hosana!” sabi niya, “na bibigkasin habang ginagawa ang, o pagkatapos ng, pagpapatong ng pinakaibabaw na bato ngayon, ay pinasimulan ni Pangulong Joseph Smith sa Kirtland Temple, at doon ay sinambit sa isang taimtim na pagtitipon kung saan ipinamalas ang kapangyarihan ng Diyos at ang pangitain ng Makapangyarihang Diyos ay ipinakita sa mga kapatid. Ito ay hindi pangkaraniwang pahayag, kundi ito—at nais naming malinaw itong maunawaan—ay isang sagradong sigaw, at ginagamit lamang sa mga pambihirang pagkakataong tulad nito ngayon. Nais din namin na maunawaan nang buong linaw na hindi lamang bibigkasin ng mga kapatid na lalaki at babae ang mga salita, kundi ang kanilang puso ay dapat puspos ng pasasalamat sa Diyos ng kalangitan, na nagsagawa, sa pamamagitan ng ating kalayaan, ng napakalaki at pambihirang gawaing ito. Tatlumpu’t siyam na taon na ang nakalilipas nang ilatag ang batong pundasyon—ang batong panulok—ng Templong ito, at sa paggunita at pagninilay sa napakagagandang mga pagpapalang ipinagkaloob ng Diyos sa atin, na Kanyang mga tao, sa mga lumipas na taon simula nang panahong iyon, nawa ay madama ng mga Banal kapag binigkas nila ang sigaw na ito na galing ito sa kanilang mga puso. Punuin ang inyong mga puso ng pasasalamat.” Ipinakita niya kung paano gawin ang Sigaw na Hosana at pagkatapos ay sinabing, “Ngayon sa pagpunta natin sa Templo, at sa pag-alingawngaw ng sigaw na ito, nais naming isigaw ng bawat lalaki at bawat babae ang mga salitang ito sa abot ng kanilang mga tinig, upang ang bawat bahay sa lungsod na ito ay mayanig, upang marinig ito ng mga tao sa bawat sulok ng lungsod na ito, at makarating ito sa mga daigdig na walang hanggan.”4

Ang kasunod na ulat tungkol sa seremonya ng pagpapatong ng pinakaibabaw na bato ay naglalarawan sa pagpipitagan at kasabikan ng mga Banal sa pangyayaring ito:

“Nang sumapit na ang katanghaliang-tapat, humakbang papunta sa harapan ng entablado si Pangulong Wilford Woodruff, na kitang-kita ng nakatipong mga tao na buong katahimikang naghihintay. Nasabik nang husto ang mga tao nang magsalita siya:

“‘Dinggin, kayong lahat na kabilang sa sambahayan ni Israel, at kayong lahat na mga bansa ng mundo! Ipapatong natin ngayon ang pinakaibabaw na bato ng Templo ng ating Diyos, na ang pundasyon ay inilatag at inilaan ng Propeta, Tagakita at Tagapaghayag na si Brigham Young.’

“Pagkatapos ay pinindot ni Pangulong Woodruff ang isang electric button, at maayos na nailagay ang pinakaibabaw na bato ng Templo sa kinalalagyan nito. Ang sumunod na pangyayari ay hindi kayang ilarawan ng mga salita. Ang kagalang-galang na Pangulo ng Labindalawa, si Apostol Lorenzo Snow, ay nagpunta sa unahan at pinangunahan ang apatnapung libong mga Banal sa nagkakaisang pagsigaw:

“‘Hosana! hosana! hosana! sa Diyos at sa Kordero. Amen, amen, at amen!

“‘Hosana! hosana! hosana! sa Diyos at sa Kordero. Amen, amen, at amen!

“‘Hosana! hosana! hosana! sa Diyos at sa Kordero. Amen, amen, at amen!’

“Bawat pagsigaw ay may kasabay na pagwawagayway ng mga panyo. … Ang mga mata ng libu-libong tao ay nabasa ng mga luha sa kanilang labis na kagalakan. Ang lupa ay tila nayanig sa lakas ng tunog na umalingawngaw sa nakapaligid na mga burol. Walang nakatala sa kasaysayan na mas maringal o mas kahanga-hangang tanawin kaysa sa seremonyang ito ng paglalatag ng pinakaibabaw na bato ng Templo. Halos katatapos lang ng mga sigaw ng hosana nang awitin ng napakalaking kongregasyon ang maluwalhating himno na nagbibigay-inspirasyon, ‘Espiritu ng Diyos Ama ay nag-aalab.’”5

Inilaan ni Pangulong Woodruff ang Salt Lake Temple pagkaraan ng eksaktong isang taon, noong Abril 6, 1893, matapos magpagal ang mga Banal sa loob ng 40 taon para matapos ito. Si Pangulong Lorenzo Snow ay tinawag na maglingkod bilang unang pangulo ng templong iyon, at ginampanan niya ang tungkuling ito hanggang sa siya ay maging Pangulo ng Simbahan noong Setyembre 1898. Isang larawan ni Pangulong Snow ang nakasabit ngayon sa Salt Lake Temple, bilang paggunita sa kanyang katapatan sa tinawag niyang “malaking gawain na ating ginagawa” sa bahay ng Panginoon.6 [Tingnan sa mungkahi 1 sa pahina 164.]

Mga Turo ni Lorenzo Snow

Sa loob ng mga templo ay nalalaman natin ang tungkol sa kagila-gilalas na mga pagpapalang inihanda ng Diyos para sa matatapat.

Ang mga pagkakataong ipinakita sa amin ng Diyos ay napakaganda at kagila-gilalas; hindi ito kayang ilarawan ng imahinasyon. Pumasok sa mga Templo at ipakikita namin sa inyo. Sa palagay ko marami na sa inyo ang nakapasok doon, at narinig ang mga kagila-gilalas na bagay na inihanda ng Diyos para sa mga nagmamahal sa Kanya at patuloy sa pagiging matapat hanggang sa wakas. …

… Inihanda Niya para sa mga Banal sa mga Huling Araw ang lahat ng maaari nilang asamin o hangarin upang magkaroon sila ng lubos na kaligayahan hanggang sa mga kawalang-hanggan.7 [Tingnan sa mungkahi 2 sa pahina 164.]

Sa pamamagitan ng mga ordenansa sa templo makabubuo tayo ng mga sagradong ugnayan na makapagbubuklod sa mga pamilya para sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.

Isipin ang mga ipinangako sa inyo sa maganda at maluwalhating seremonya na gamit sa tipan ng kasal sa loob ng Templo. Kapag ang dalawang Banal sa mga Huling Araw ay magkasamang pinagbuklod sa kasal, sila ay binibigyan ng mga pangako hinggil sa kanilang mga anak na aabot hanggang sa mga kawalang-hanggan.8

Tumanggap tayo ng malaking karunungan at kaalaman hinggil sa mga bagay na nagpapamangha sa daigdig kapag nagsasalita tayo tungkol sa mga ito. Nalaman natin na, sa loob ng mga templo, ay nakabubuo tayo ng mga ugnayan na hindi nagwawakas sa kamatayan, kundi tumatagal hanggang sa walang-hanggan; mga sagradong ugnayan na nagbubuklod sa mga pamilya para sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.9 [Tingnan sa mungkahi 3 sa pahina 164.]

Sa loob ng mga templo ay natatanggap natin ang mga ordenansa ng kadakilaan para sa ating mga yumaong kamag-anak.

Bawat anak na lalaki at anak na babae ng Diyos ay magkakaroon ng pagkakataon na kinakailangan para sa kadakilaan at kaluwalhatian. … Iisa lamang ang paraan para matanggap ang kadakilaan at kaluwalhatian. Kailangan tayong mabinyagan para sa kapatawaran ng mga kasalanan at mapatungan ng mga kamay sa uluhan para matanggap ang Espiritu Santo. Ito at ang iba pang mga ordenansa ay talagang kailangan para sa kadakilaan at kaluwalhatian; at sa mga lugar kung saan nabuhay ang mga tao nang walang Ebanghelyo, ang mga bagay na ito ay maaaring gawin para sa kanila ng kanilang mga kaibigan. Naparito tayo sa daigdig ngayon upang gawin ang mga bagay na ito—isa ito sa mga pangunahing pakay ng ating pagparito. Hindi natin mapasusubalian pa ang tunay na kahalagahan ng gawaing ito.10

Hindi lamang aksidente ang pagparito natin sa daigdig na ito. Naparito tayo dahil sa natatanging layunin, at walang alinlangan na pinlano natin na tayo ay paparito bago pa ang buhay na ito. Sa templo, napakalaki ng ating nagagawa para sa ating mga yumaong kamag-anak. Paminsan-minsan ay nakatatanggap tayo ng mahahalagang pagpapamalas na sinasang-ayunan ng Diyos ang gawaing ginagawa natin sa ating mga Templo. Ang mga pinakapambihirang pagpapamalas ay naranasan ng mga taong gumagawa para sa kanilang mga ninuno. Napakalaki ng isinasagawa nating gawain. Libu-libong tao ang nangabinyagan para sa kanilang mga yumao sa pagsulong ng ating mga paggawa sa mga Templo. …

Ngayon, pinahihintulutan nating makapasok sa ating mga Templo ang mga tao, pagkatapos nilang matunton ang kanilang pinagmulan o mga ninuno, gaano man ito katagal na, at mabinyagan para sa kanilang yumaong ama, lolo, at lolo-sa-tuhod at marami pang iba, hangga’t makakaya nilang matunton ang kanilang mga ninuno. Pagkatapos ay pinahihintulutan nating maibuklod ang mga asawang babae sa kanilang asawang lalaki, ang lahat ng mga ninuno, hanggang sa makakaya nilang matunton. Tulad halimbawa ng isang mabait na binata na nabuhay bago naipahayag ang Ebanghelyo sa mga anak ng tao. … Nag-asawa siya, at nagkaroon ng pamilya; ngunit hindi siya kailanman nagkaroon ng pagkakataong matanggap ang Ebanghelyo, na gaya natin. Gayunman, itinuro niya sa kanyang pamilya ang mga alituntunin ng moralidad, at siya ay mapagmahal at mabait sa kanyang asawa at mga anak. Ano pa ang maaari niyang gawin? Hindi siya dapat isumpa dahil sa hindi niya natanggap ang Ebanghelyo; sapagkat walang Ebanghelyong maaaring tanggapin. Hindi dapat mawala sa kanya ang kanyang asawa dahil nang pakasalan niya ito ay hindi siya makapasok sa isang Templo at para sana maibuklod sa kanya ang kanyang asawa para sa buhay na ito at sa walang hanggan. Kumilos siya ayon sa pinakamainam na nalalaman niya, at ikinasal sa kanya ang kanyang asawa para sa buhay na ito, batay sa kaugalian ng bansa. Iginagalang natin ang kasal na iyon, na isinagawa batay sa mga batas ng kanyang bansa. … Ibinubuklod natin ang mga anak sa kanilang mga magulang at ang mga asawang babae sa kanilang asawang lalaki, at sila sa kanilang mga ninuno.11

Sinabi ng Tagapagligtas sa isang pagkakataon, “Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Dumarating ang panahon, at ngayon nga, na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Dios;” at nagpatuloy Siya at ganito ang sinabi: “at ang mangakarinig ay mangabubuhay.” [Juan 5:25.] Naniniwala ako na kakaunti lamang ang hindi tatanggap sa katotohanan. Maririnig nila ang tinig ng Anak ng Diyos; maririnig nila ang tinig ng Priesthood ng Anak ng Diyos, at tatanggapin nila ang katotohanan at mangabubuhay. Ang mga kapatid na ito na buong sipag na nagsisigawa sa mga templo ay magkakaroon ng karangalan na maging mga tagaligtas ng kanilang mga kamag-anak at kaibigan na ginagawan nila ng mga ordenansang ito.12 [Tingnan sa mungkahi 4 sa pahina 164.]

Dapat nating sikaping gawin ang gawain sa templo at family history, kahit mangahulugan ito ng sakripisyo sa ating panig.

Ngayon, dapat matuon ang isipan ng bawat lalaki at babae na magpunta sa ating mga Templo at gawin ang gawaing ito. Dakilang gawain ito, at napakahalaga rin nito. Kapag naroon na tayo sa kabilang-buhay at nakita ang ating namatay na kaibigan na namumuhay doon, kung hindi natin nagawa ang gawaing kailangan para sa kanilang kadakilaan at kaluwalhatian hindi magiging lubos ang kaligayahan natin at hindi magiging maganda ang pagkikitang iyon.

Hindi natin dapat hintayin na maging kalugud-lugod at kaiga-igaya palagi ang mga pagkakataon; sa halip dapat tayong magsikap, kahit na mangailangan ito ng kaunting sakripisyo sa ating panig, na gawing marapat ang ating sarili na maisagawa ang gawaing ito. … Labis naming hinahangad na huwag ipagwalang-bahala ng mga kapatid ang mahalagang gawaing ito. Alam ba ninyo ang pangunahing gagawin sa libong taon ng pagpapahinga [sa Milenyo]? Iyon ay ang hinihikayat naming gawin ng mga Banal sa mga Huling Araw sa ngayon. Magtatayo ng mga Templo sa buong mundo, at papasok dito ang mga kapatid at marahil ay mangagsisigawa sa araw at gabi upang mapabilis ang gawain at maisagawa ang dapat gawin bago maihandog ng Anak ng Tao ang Kanyang kaharian sa Kanyang Ama. Kailangang magawa ang gawaing ito bago pa dumating ang Anak ng Tao at tanggapin ang Kanyang kaharian at ihandog ito sa Kanyang Ama.13 [Tingnan ang mungkahi 5 sa pahina 164.]

Kapag pumapasok tayo sa templo na may dalisay na puso, pinagpapala tayo ng Panginoon ayon sa nalalaman Niyang pinakamainam para sa atin.

Nadarama nating mas nakakapiling natin ang Espiritu ng Panginoon kapag pumapasok tayo sa mga templong ito kaysa sa iba pang lugar. Ang mga ito ay mga gusali ng Panginoon, at ang Kanyang pinakamahalagang gawain ay isinasagawa sa loob ng mga dingding nito. …

… Nasisiyahan ako na kapag pumapasok ang mga tao sa mga templong ito, umaalis silang mas masaya at taglay ang determinasyon sa kanilang isipan na gumawa pa ng mas mabuti. Iyan ang nais naming madama ng mga Banal. …

… Maging matapat, mga kapatid, at magpunyagi; magpunta sa templo at gawin ang inyong gawain doon, at masisiyahan kayo sa inyong sarili, at magiging mas handang labanan ang mga bagay na hindi kanais-nais sa mundong ito.14

Ang mga [pumapasok sa] Templo na may dalisay na puso at nagsisising espiritu [ay] hindi lalabas doon nang hindi tumatanggap ng pambihirang mga pagpapala, bagamat ang mga pagpapalang ito sa ilan, o baka sa maraming pagkakataon ay maaaring kaiba sa maaaring inaasahan ng iba. … Ang ilan sa mga Banal ay maaaring naghihintay na magpakita ang mga anghel … o umaasang makikita nila ang mukha ng Diyos. Maaaring hindi makatutulong sa inyo na ibahagi ang gayong mga pagpapamalas. Alam ng Panginoon kung ano ang pinakamainam para sa bawat tao, at iaakma Niya ang Kanyang mga kaloob para sa pinakamabuting maidudulot nito sa mga taong tumatanggap sa mga ito. Maaari nating asahan na ang bawat matapat na Banal na pumapasok sa Bahay na iyon ay tatanggap ng isang pagpapalang magbibigay ng labis na kasiyahan sa tumatanggap. Bago pa man [lumisan] ang mga taong pumapasok sa Templo, may isang bagay na madarama sa kanilang mga puso at pang-unawa na [magiging] kapaki-pakinabang sa kanilang buhay balang-araw. Bilang tunay na mga Banal sa mga Huling Araw sila ay may karapatang tumanggap nito.15 [Tingnan ang mungkahi 6 sa pahina 164.]

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda kayong magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–x].

  1. Basahin ang kuwento tungkol sa seremonya ng pagpapatong ng pinakaibabaw na bato sa Salt Lake Temple (mga pahina 155–158). Kung nakibahagi na kayo sa paglalaan ng isang templo, isipin ang nadama ninyo sa oras na iyon. Kapag sumasali tayo sa Sigaw na Hosana, ano ang ipinakikita natin sa Panginoon?

  2. Repasuhin ang paanyaya ni Pangulong Snow na “pumasok sa mga Templo” (pahina 158). Isipin kung paano ninyo matatanggap ang paanyayang ito at kung paano ninyo maipaaabot ang paanyayang ito sa mga miyembro ng pamilya at mga kaibigan.

  3. Habang pinag-aaralan ninyo ang unang bahagi sa pahina 159, isipin ang mga pagpapalang maaaring dumating sa pagtanggap ng mga ordenansa sa templo at paggawa ng mga tipan sa templo. Paano naimpluwensyahan ng mga pagpapalang ito ang inyong sarili at ang inyong pamilya?

  4. Basahin ang bahaging nagsisimula sa ibaba ng pahina 159. Sa paanong mga paraan tayo kumikilos bilang “mga tagaligtas ng [ating] mga kamag-anak at kaibigan” kapag isinasagawa natin ang gawaing ito? Ano ang mga inilaan ng Simbahan upang tulungan tayo?

  5. Ano ang magagawa natin upang mapag-ukulan ng karampatang pansin at panahon ang gawain sa templo at family history? (Repasuhin ang bahaging nagsisimula sa itaas ng pahina .)

  6. Ano ang ilang personal, espirituwal na mga pagpapalang matatanggap natin kapag nakilahok tayo sa gawain sa templo? (Para sa ilang halimbawa, tingnan ang pahina 163.)

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: D at T 97:15–17; 109:1–23; 128:15–18; 132:19; 138:57–59

Tulong sa pagtuturo: “Matutulungan ninyo ang inyong mga tinuturuan na magkaroon ng higit pang tiwala sa sarili hinggil sa kanilang kakayahan na makilahok sa talakayan kung positibo kayong tutugon sa bawat matapat na puna. Halimbawa, masasabi ninyong, ‘Salamat sa iyong sagot. Iyan ay tunay na pinag-isipan’ … o ‘Iyan ay isang magandang halimbawa’ o ‘Nagpapasalamat ako sa lahat ng inyong sinabi ngayon’” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin, 80).

Mga Tala

  1. Sa Eliza R. Snow Smith, Biography and Family Record of Lorenzo Snow (1884), 11.

  2. Sa Biography and Family Record of Lorenzo Snow, 11–12.

  3. Tingnan sa J. H. A., Millennial Star, Mayo 2, 1892, 281.

  4. Millennial Star, Hul. 4, 1892, 418.

  5. Millennial Star, Mayo 2, 1892, 281–82.

  6. Millennial Star, Hunyo 27, 1895, 403.

  7. Deseret Semi-Weekly News, Mar. 30, 1897, 1.

  8. Deseret Semi-Weekly News, Mar. 30, 1897, 1.

  9. Sa “Funeral Services of Apostle Erastus Snow,” Millennial Star, Hulyo 2, 1888, 418.

  10. Millennial Star, Hunyo 27, 1895, 405.

  11. Millennial Star, Hunyo 27, 1895, 403–4; tingnan din sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Wilford Woodruff (2004), 193–94.

  12. Deseret Weekly, Nob. 4, 1893, 609.

  13. Millennial Star, Hunyo 27, 1895, 404–5.

  14. Deseret Semi-Weekly News, Mar. 30, 1897, 1.

  15. Hango sa isang detalyadong pakahulugan ng isang mensahe ni Pangulong Snow sa Deseret Weekly, Abril 8, 1893, 495.

Noong Abril 6, 1892, libu-libo ang nagtipon upang saksihan ang paglalagay ng pinakaibabaw na bato sa pinakamataas na taluktok ng Salt Lake Temple.

Matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na maghanda upang tanggapin ang paanyayang pumasok sa templo.