2009
Elder Joseph B. Wirthlin: Tapat sa Kaharian
Pebrero 2009


Sa Kanyang Alaala: Isang Suplemento sa Liahona

Elder Joseph B. Wirthlin Tapat sa Kaharian

Hunyo 11, 1917–Disyembre 1, 2008

Larawan
Elder Joseph B. Wirthlin

Sa isang di-malilimutang Bisperas ng Pasko noong 1937, naglakad si Elder Joseph B. Wirthlin, na noon ay isang full-time missionary, at ang kanyang kompanyon mula sa Salzburg, Austria, hanggang sa nayon ng Oberndorf, na nasa Bavarian Alps. Habang bumibisita sa nayon, na kilalang inspirasyon para sa himnong “Kay Tahimik ng Paligid,”1 huminto sila sandali sa isang maliit na simbahan para makinig sa Pamaskong musika na kinakanta ng isang koro.

“Isang malamig at maaliwalas na gabi ng taglamig ang pumalibot sa amin nang simulan namin ang aming biyahe pauwi,” paggunita ni Elder Wirthlin. “Naglakad kami sa ilalim ng kalangitang tadtad ng mga bituin patawid ng makinis at matiwasay na bagong bagsak na niyebe.”2

Habang naglalakad sila, ibinahagi ng mga batang misyonero sa isa’t isa ang kanilang mga pag-asa, pangarap, at mithiin sa hinaharap. Sa banal na tagpong iyon, pinanibago ni Elder Wirthlin ang kanyang tapat na pangakong maglingkod sa Panginoon: “Nagpasiya akong gagampanan ko nang mabuti ang anumang tungkuling tatanggapin ko sa kaharian ng Panginoon.”3

Buong buhay na tinupad ni Elder Wirthlin ang pangakong iyon, na nagwakas noong Disyembre 1, 2008, nang payapa siyang namatay sa edad na 91 dahil sa katandaan.

Sa paglilingkod niya bilang bishop, tagapayo sa stake presidency, tagapayo sa Sunday School general presidency, Assistant sa Labindalawa, at miyembro ng Unang Korum ng Pitumpu, ipinahayag niya, “Minahal ko ang bawat tungkuling iniatas sa akin sa kaharian.” Nang masang-ayunan bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol noong Oktubre 4, 1986, paliwanag niya, “At sa paglilingkod na iyan, araw-araw ay parang Linggo, dahil paglilingkod iyon sa Panginoon.”4

Pananampalataya at Larong Football

Si Joseph Bitner Wirthlin ay isinilang sa Salt Lake City, Utah, noong Hunyo 11, 1917, panganay sa limang anak na isinilang kina Joseph L. Wirthlin, na naglingkod bilang Presiding Bishop, at Madeline Bitner Wirthlin. Sinuportahan ng ama ni Joseph ang pamilya bilang pinuno ng Wirthlin’s Inc., isang wholesale at retail na negosyo ng pagkain, samantalang hinikayat naman ng kanyang ina ang kanilang mga anak sa iba’t ibang larangan, pati na sa musika at isports. Tinuruan nina Joseph at Madeline ang kanilang mga anak ng pagpapakumbaba, katapatan, kasipagan, paglilingkod, habag, at pananampalataya.

Maraming talento ang batang si Joseph ngunit kalaunan ay naganyak siya sa isports, at nagtamo ng mga karangalan sa high school football, basketball, at track. Matapos maglaro bilang quarterback sa East High School, tatlong taon pa siyang naglaro bilang quarterback sa University of Utah.5

Mula sa pulpito, galak na nagbahagi si Elder Wirthlin ng mga aral na natutuhan niya bilang manlalaro ng football. Dumating ang isang mahalagang aral sa ilalim ng isang pulutong ng 10 manlalaro sa isang conference championship game. Matapos tangkaing makaiskor ng touchdown na magpapanalo sa kanila, kinapos lang nang kaunti si Joseph sa goal.

“Sa sandaling iyon natukso akong itulak papasok ang bola. … bayani sana ako,” paggunita niya. Pero naalala niya ang sinabi ng kanyang ina: “Joseph,” madalas nitong sabihin sa kanya, “gawin mo ang tama, anuman ang mangyari.”

Mas gusto niyang maging bayani sa mga mata ng kanyang ina kaysa sa mga mata ng kanyang mga kasamahan. Kaya nga, sinabi niya, “Hinayaan ko ang bola sa kinalalagyan nito—dalawang pulgada mula sa goal.”6

Pagkaraan ng football season noong 1936, kinausap si Joseph ng kanyang ama tungkol sa pagmimisyon. Malapit nang sumiklab ang digmaan sa Europa, at kung hindi aalis agad si Joseph, hindi na siya makapagmimisyon.

“Gusto kong ituloy ang pangarap kong magpatuloy sa paglalaro ng football at magtapos sa unibersidad,” sabi ni Elder Wirthlin. “Kung tatanggap ako ng tawag sa misyon, kakailanganin kong iwan ang lahat. Noong mga panahong iyon ang tawag sa misyon ay tumatagal nang 30 buwan, at alam ko na kung tatanggapin ko iyon, malamang na hindi na ako kailanman makapaglalarong muli ng football—baka nga hindi na rin ako makatapos ng pag-aaral.”7

Ngunit pangarap din naman ni Joseph na maging misyonero, at alam niya ang dapat gawin. Ilang buwan pagkaraan ay nagpunta siya sa Europa, kung saan naglingkod siya sa German-Austrian at Swiss-Austrian Missions mula 1937 hanggang 1939.

Hindi na siya muling naglaro ng football, ngunit nagtapos siya sa unibersidad, na may major sa business administration. “Magkagayunman, hindi ko kailanman pinagsisihan ang pagmimisyon at pangangako sa aking sarili na paglingkuran ang Panginoon,” wika niya. “Dahil dito, napuno ang buhay ko ng pakikipagsapalaran, mga espirituwal na karanasan, at kagalakang hindi ko kayang arukin.”8

“Isang Perpektong Pagsasama”

Kasama sa matatatag na pasiya ni Elder Wirthlin noong gabi ng Paskong iyon sa Oberndorf na pakakasalan niya ang isang babaeng matatag ang espirituwalidad at ipinamumuhay ang ebanghelyo. Inilarawan niya ang mga pisikal na katangian nito sa kanyang kompanyon sa misyon: limang-talampakan-limang-pulgada (1.6 m) ang taas, blonde ang buhok, at asul ang mga mata. Dalawa’t kalahating taon pagkaraan ng kanyang misyon, nakilala niya si Elisa Young Rogers. Tugmang-tugma ito sa kanyang paglalarawan.

“Naaalala ko nang una kaming magkita,” sabi ni Elder Wirthlin sa isang mensahe sa kumperensya noong 2006, dalawang buwan pagkamatay ng kanyang asawa. “Pinagbigyan ko ang hiling ng isang kaibigan na sunduin ko ang kanyang kapatid na si Frances. Binuksan ni Elisa ang pinto, at para sa akin, pag-ibig iyon sa unang pagkikita.

“Palagay ko may nadama rin siya, dahil ang unang sinabi niyang naaalala ko ay, ‘I knew who you was.’”

Nagbiro si Elder Wirthlin tungkol sa pagkakamali nito sa gramatika dahil English major ito. Ngunit sabi niya, “Itinuturing ko pa ring ilan sa pinakamagaganda sa pananalita ng tao ang limang katagang iyon.”9

Ikinasal sila sa Salt Lake Temple noong Mayo 26, 1941, at sa loob ng 65 taon ay nagsama sa tinatawag ni Elder Wirthlin na “isang perpektong pagsasama.”10 Pinatatag, pinalakas ang loob, at sinuportahan nila ang isa’t isa, at nagkonsultahan sila sa paggawa ng mga pasiya. Hindi umalis ng bahay si Elder Wirthlin kailanman nang hindi hinahagkan si Elisa, at madalas niya itong tawagan araw-araw para kumustahin.11

Natawag ang ama ni Elder Wirthlin sa Presiding Bishopric noong 1938, kaya si Elder Wirthlin ang namahala sa negosyo ng pamilya sa pagkain pagbalik niya mula sa misyon. Kalaunan, habang pinalalaki nila ni Elisa ang kanilang mga anak, mahahabang oras ang ginugol niya sa pagganap ng maraming trabaho at responsibilidad sa Simbahan. Gayunman, karangalan at kagalakan kay Elder Wirthlin si Elisa at ang kanilang pitong anak na babae at isang lalaki. Sa kanyang pagpanaw, mayroon na siyang 59 apo at halos 100 apo-sa-tuhod.

Pagmamahal sa Iba

Si Elder Wirthlin, na tinawag ni Pangulong Thomas S. Monson na “isang taong likas na napakabuti,”12 ay minahal ng lahat ng nakakakilala sa kanya. Sa loob ng 33 taon habang naglilingkod bilang General Authority, kasama na ang 22 taon bilang Apostol, nakita ang kabutihang iyan sa pagbabahagi niya ng patotoo—kapwa sa salita at sa gawa—tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo.

Mapagpakumbaba at madalas ay may halong biro, hinikayat ni Elder Wirthlin ang mga Banal sa mga Huling Araw na tularan nila habang sila ay nabubuhay, sa abot ng kanilang makakaya, ang halimbawa ng Tagapagligtas. Para magawa iyon, turo niya, pagtuunan ng pansin ang isang tao, linangin ang kabaitan, at mahalin ang kapwa.

“Ang pinakakatangi-tangi at sagradong sandali sa ating buhay ay yaong puno ng diwa ng pagmamahal,” pagtuturo niya. “Kung mas matindi ang ating pagmamahal, mas higit ang ating kagalakan. Sa huli, ang pagkakaroon ng gayong pagmamahal ay ang tunay na sukatan ng tagumpay sa buhay.” Kung nais nating matutuhan kung paano magmahal nang totoo, dagdag pa niya, kailangan lamang nating pagnilayin ang buhay ng Tagapagligtas.13

“Lahat tayo ay abala,” sabi ni Elder Wirthlin sa isa pang okasyon. “Madaling humanap ng mga dahilan sa hindi pagtulong sa iba, ngunit naiisip ko na wala itong saysay sa ating Ama sa Langit tulad ng batang nasa elementarya na nag-abot ng liham sa kanyang guro na humihingi ng paumanhin sa pagliban mula Marso 30 hanggang 34.”14

Hinikayat din ni Elder Wirthlin ang mga miyembro ng Simbahan na “araw-araw na magpasalamat sa buhay,” anuman ang paghihirap.15 “Kung titingnan lang natin ang mga biyayang nasa atin, malilimot natin ang ilang problema,” pagtuturo niya.16

Isang Pamamaalam na Patotoo

“Marahil iniisip ng ilan na bihirang malungkot, magdusa, o mamighati ang mga General Authority. Kung totoo lang sana iyan,” sabi ni Elder Wirthlin sa kanyang huling mensahe sa pangkalahatang kumperensya. “Ang Panginoon sa Kanyang karunungan ay hindi pinoprotektahan ang sinuman mula sa pighati o kalungkutan.”17

Ang “pinakamatinding kalungkutan” ni Elder Wirthlin ay nang mamatay ang kanyang pinakamamahal na si Elisa. Sa sumunod na mga oras ng kalungkutan, humugot siya ng lakas sa “nakaaaliw na mga doktrina ng buhay na walang hanggan” at sa kanyang patotoo na ang madilim na Biyernes ng Pagkapako sa Krus ng Tagapagligtas ay sinundan ng maaliwalas na Linggo ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli.18

Dahil matatag ang patotoo ni Elder Wirthlin sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas, alam niya na hindi kamatayan ang wakas ng buhay sa mundo at na naghihintay ang muling pagsasama sa matatapat na gumawa ng mga pangako sa mga banal na templo.

“Babangon tayong lahat mula sa libingan,” pagpapatotoo niya noong Oktubre 2006. “Sa araw na iyon yayakapin ni Itay si Inay. Sa araw na iyon muli kong mayayakap ang pinakamamahal kong si Elisa.”19

At sa araw na iyon, isang tapat na pangakong ginawa noon pa isang gabi sa maginaw na taglamig ang nakagawa ng buong kaibhan.

Mga Tala

  1. “Kay Tahimik ng Paligid,”Mga Himno,blg. 125.

  2. Joseph B. Wirthlin, “Mga Aral na Natutuhan sa Pagtahak sa Landas ng Buhay,” Liahona, Mayo 2001, 36; Ensign, Dis. 2000, 7.

  3. Liahona, Mayo 2001, 37; Ensign, Dis. 2000, 8.

  4. Joseph B. Wirthlin, “Pulling in the Gospel Net,” Ensign, Nob. 1986, 59.

  5. Tingnan sa Don L. Searle, “Elder Joseph B. Wirthlin: Finding Happiness Serving the Lord,” Ensign, Dis. 1986, 10.

  6. Joseph B. Wirthlin, “Mga Aral na Natutuhan Ko sa Buhay,” Liahona at Ensign, Mayo 2007, 46.

  7. Liahona, Mayo 2001, 36; Ensign, Dis. 2000, 7.

  8. Liahona, Mayo 2001, 37; Ensign, Dis. 2000, 8.

  9. Joseph B. Wirthlin, “Sasapit ang Linggo,” Liahona at Ensign, Nob. 2006, 28.

  10. Liahona at Ensign, Nob. 2006, 28.

  11. Tingan sa Ensign, Dis. 1986, 10.

  12. Sinipi sa Ensign, Dis. 1986, 13.

  13. Joseph B. Wirthlin, “Ang Dakilang Utos,” Liahona at Ensign, Nob. 2007, 30.

  14. Joseph B. Wirthlin, “Ang Masaganang Buhay,” Liahona at Ensign, Mayo 2006, 101.

  15. Joseph B. Wirthlin, “Live in Thanksgiving Daily,” Ensign, Set. 2001, 13.

  16. Joseph B. Wirthlin, “Paisa-isang Hakbang,” Liahona, Ene. 2002, 27; Ensign, Nob. 2001, 25.

  17. Joseph B. Wirthlin, “Anuman ang Mangyari, Gustuhin Ito,” Liahona at Ensign, Nob. 2008, 26.

  18. Tingnan sa Liahona at Ensign, Nob. 2006, 29.

  19. Liahona at Ensign, Nob. 2006, 30.

Larawang Kuha ni Craig Dimond; border ni Pat Gerber

Mga larawan sa kagandahang-loob ng pamilya Wirthlin, maliban kung iba ang nakasaad; kaliwa: larawan ng football na kuha ni Christina Smith; kanan: larawan nina Sister at Elder Wirthlin na kuha ni Michael Lewis, BYU–Idaho, hindi maaaring kopyahin; ipininta ni Cloy Kent

Sa loob ng tatlong taon naglaro si Joseph B. Wirthlin (number 4) bilang quarterback para sa football team ng University of Utah bago isinuko ang paglalaro ng football at ipagpaliban ang pag-aaral para maging isang misyonero (ibaba) noong 1937. Kanan: Sina Joseph B. at Elisa Young Rogers Wirthlin sa araw ng kanilang kasal, Mayo 26, 1941.

Itaas: Ang mga kamag-anak ng pamilya Wirthlin noong Hunyo 1999. Kaliwa: Binati nina Elder at Sister Wirthlin ang mga miyembro ng Simbahan kasunod ng debosyonal noong Education Week sa Ricks College (ngayo’y Brigham Young University–Idaho na) noong 1998. Ibaba: Isang larawan nina Elder at Sister Wirthlin na ipininta noong 1999.