2009
Mga Pagpapala ng Ebanghelyo Makakamtan ng Lahat
Nobyémbre 2009


Mga Pagpapala ng Ebanghelyo Makakamtan ng Lahat

Ang mga anak ng Diyos ngayon sa lupa ay may pagkakataong maunawaan nang lubos ang Kanyang plano ng kaligayahan para sa kanila higit pa sa kahit anupamang panahon.

Larawan
Elder Joseph W. Sitati

Ilang linggo na ang nakararaan, si Elder Melvin Perkins, na isang Area Seventy na naglilingkod sa Alaska, at ako ay tumayo sa pulpito sa harap ng kongregasyon ng Vancouver Stake sa Canada. Sa madamdaming tinig, inanyayahan niya ang mga Banal na isipin ang sitwasyong ito. Isang inapo ng mga Mormon handcart pioneer at isang pioneer na convert ng Simbahan mula sa malayong bansa ng Africa na magkasamang naglilingkod sa Panginoon.

Mula sa abang simulain sa Fayette New York, isang daan at walumpung taon na ang nakalilipas, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay isang relihiyong laganap na sa mundo. Narito ako at nakatayo bilang saksi ng kagila-gilalas na gawaing ito. Dalangin kong ang Espiritu ng Panginoon ay mapasaatin habang ibinabahagi ko ang ilang kaisipan ngayong hapon.

Nagpapasalamat ako sa mga susi ng paghahayag dito sa huling dispensasyon. Sa paggamit sa mga susing iyon ng mga nabubuhay na propeta simula noong Panunumbalik, ang mga anak ng Diyos ngayon sa lupa ay may pagkakataong maunawaan nang lubos ang Kanyang plano ng kaligayahan para sa kanila higit pa sa kahit anupamang panahon.

Ang pagmamahal ng ating Ama sa Langit ay kitang-kita kaya’t naging posible para sa lahat ng nabubuhay at nangamatay sa lahat ng bansa, ngayon at sa hinaharap, na tumanggap ng kadakilaan sa Kanyang piling batay sa paggamit ng kanilang kalayaan sa pagpili. Hindi nagbabago ang pamantayan at pagpapala sa lahat. Muling pinagtibay ng Diyos na Siya ay hindi nagtatangi ng mga tao.

Ang ebanghelyo ay lumaganap sa mundo sa paraang tiyak na maisasakatuparan ang mga layunin ng Diyos na magkaroon ng kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ang tao.

Pagkatapos ng Pagkahulog, ang ating unang magulang na sina Eba at Adan ay nakipagtipan sa Diyos para sa kanilang kaligtasan.1 Sa pagdami ng anak ni Adan, may lumitaw na dalawang grupo.

Ang isang grupong pinamunuan ni Enoc ay mainam na tumupad sa mga tipan kaya hindi na sila maaaring manirahan pa sa lupa. Kaya’t tinipon sila ng Panginoon sa Kanyang sarili.2

Ang pangalawang grupo ay nadaig ng kasamaan na napakatindi kung kaya’t naranasan nila ang mga kahatulan ng Diyos. Nangalunod sila sa baha, at naiwan ang pamilya lamang ni Noe,3 na isang mabuting inapo ni Enoc.4

Ang Diyos ay nakipagtipan kay Noe, dagdag ang pangakong ang buhay sa lupa ay hindi na lilipulin sa pamamagitan ng baha.5

Sa pagdaming muli ng pamilya ni Noe, marami ang naging masama. Dahil sa kapalaluan, itinayo nila ang Tore ng Babel. Pinahintulutan ng Diyos na tanggapin nila ang mga kahatulan ng langit. Nilito ang kanilang wika at sila ay ikinalat sa mga bansa. Ang ilan na masunurin ay nangaligtas.6

Kasama sa mga naligtas ang kapatid ni Jared, isang taong may malaking pananampalataya, na nagsumamo sa Panginoon sa ngalan ng mabubuting Jaredita. Inakay sila ng Panginoon papunta sa kontinente ng Amerika, taglay ang pangako na kung maglilingkod sila sa Kanya, sila ay “magiging malaya mula sa pagkaalipin, at sa pagkabihag, at sa lahat ng ibang bansa sa silong ng langit.”7 Ang mga Nephita ay inakay din patungo sa kontinenteng ito kalaunan. Sa huli, ang mga sibilisasyon ng Jaredita at Nephita ay nalipol, dahil hindi sila nanatiling tapat.

Isa pang taong naligtas na may malaking pananampalataya ay si Abraham, isang inapo ni Noe, na inakay papuntang Canaan. Ang Diyos ay nakipagtipan kay Abraham, taglay ang dagdag na pangakong ang kanyang mga inapo ay magiging kasingdami ng mga bituin sa langit8 at sa kanyang binhi “ay pagpapalain ang lahat ng mag-anak sa mundo.”9 Ang mga bansang nasa pangako ay mga inapo ni Noe na ikinalat mula sa Tore ng Babel, na karaniwang kilala bilang mga Gentil.

Sinariwa ng Diyos ang tipan sa anak ni Abraham na si Isaac, at sa apo niyang si Jacob, na naging Israel.

Dahil hindi masunod ng mga inapo ni Israel ang mga kondisyon ng tipan, binago ito sa dispensasyon ni Moises. Ibinigay ang mas mababang tipan at nagpatuloy ito sa mga anak ni Israel hanggang sa ipinanumbalik ni Cristo ang kabuuan ng ebanghelyo noong narito Siya sa lupa.10

Matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, humudyat ang Tagapagligtas na ang paghahatid ng ebanghelyo sa mga Gentil ay dumating na.11 Sa bandang una, sa talinghaga ng mga manggagawa sa ubasan, inihayag Niya na ang mga bansang gentil ay dadalawin at isa-isang inanyayahan. Gayunman, iyon pa rin ang mga pagpapala kailanman ibigay ang paanyaya.12

Matapos ang pag-akyat sa langit ng Tagapagligtas, ang namumunong apostol na si Pedro, na inapo ni Israel, ang mayhawak ng mga susi ng priesthood na ginamit niya sa pagtatagubilin sa Simbahan. Mahalagang pansinin na bagamat nagbigay na ng pahintulot ang Tagapagligtas, bininyagan ni Pedro ang unang Gentil, si Cornelio, matapos lamang matanggap ang paghahayag na gawin ang gayon.13

Ang pangangaral sa mga Gentil ay natigil dahil sa pagkamatay ni Pedro14 at ng iba pang mga Apostol at pagkatapos ay kinuha ang mga susi ng priesthood mula sa lupa. Ang mahabang panahon ng apostasiya ang sumunod.

Ang mga susi ay ipinanumbalik ng nabuhay na mag-uling sina Pedro, Santiago, at Juan, noong 1829 kay Joseph Smith, bago itinatag ang Simbahan. Ang ebanghelyo sa kabuuan nito ay muling dumarating sa lupa at nagsimulang lumaganap sa mga bansa ng mga Gentil bilang ang bago at walang hanggang tipan.

Sa pamamagitan ni propetang Joseph Smith, inihayag ng Panginoon na kasama sa batayan ng pag-anyaya sa mga bansang gentil ang kakayahang espirituwal at temporal na pangalagaan ang kaharian ng Diyos habang itinatatag ito sa lupa sa huling pagkakataon.15

Nakikita natin na nang magsimulang itatag ang ipinanumbalik na Simbahan sa lupa, hinangad at sinunod ng nabubuhay na mga propeta ang kalooban ng Diyos sa kung paano dapat ipalaganap ang ebanghelyo sa mga bansa.

Nabuhay ako para makita ang panahong nakinita ni propetang Zenos sa alegoriya ng punong olibo, kung kailan ang mabubuti sa lahat ng bansa ng mundo ay makikibahagi sa tipan ng Diyos ng Israel.16

Nakita ko ang mabuting bunga ng ebanghelyo na namumukadkad sa aming kontinenteng Africa. Makalipas lamang ng 30 taon, mayroon nang 300,000 Banal doon. Sa mga doktrina at alituntunin ng ipinanumbalik na ebanghelyo, natatagpuan ng marami ang tiyak na saligan ng kanilang pananampalataya. Ang mga pamilyang napilitang lisanin ang kanilang mga komunidad sa paghahanap ng mas magandang kinabukasan sa mga bayan at lungsod ay nakatagpo ng bagong paraan ng pagpapatatag ng mga tradisyon ng pamilya na patuloy na tinutuligsa sa panahong ito ng globalisasyon. Ang Espiritu ng Panginoon ay mabisang kumikilos sa mga tao.

Isang bagong selestiyal na kultura ang umuusbong sa mga tahanan, na pinangangalagaan ng handang pakikinig sa payo ng nabubuhay na propeta na araw-araw na manalangin at mag-aral ng banal na kasulatan at magkita-kita minsan sa isang linggo bilang pamilya sa home evening. Bilang bunga, marami ang nakakawala sa mga gapos ng tradisyon na naglilimita sa paggamit ng kanilang kalayaan.

Bilang paglalarawan mula sa sariling karanasan, tatlo sa aming mga anak ang ikinasal kailan lang sa templo nang walang pabigat na dote, isang kaugalian noon na nagtutulak sa maraming kabataan na magsama nang walang legal na kasunduan sa pagitan nila. Ang pagkakataong makasal sa tatlong templong nakatayo sa Accra, Ghana; Aba, Nigeria; at Johannesburg, South Africa, ay tumutulong upang magbigay ng pag-asa sa kabanalan ng kasal.

Nagpapatotoo ako sa Tagapagligtas na si Jesucristo na siyang naghatid sa atin ng ebanghelyo at pangako ng kadakilaan. Nagpapatotoo ako sa ating buhay na propeta, si Thomas S. Monson, na sa pamamagitan niya ay nasa atin ang katiyakan sa utos ng Tagapagligtas na patuloy na iparating ang kaligtasan sa lahat. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

  1. Tingnan sa Moises 6:52, 57, 59

  2. Tingnan sa Moises 7:19–21.

  3. Tingnan sa Genesis 6:17–22; tingnan din sa Moises 7–8.

  4. Tingnan sa D at T 84:14–15.

  5. Tingnan sa Genesis 8:11–21; 9:8–10.

  6. Tingnan sa Genesis 11:1–8.

  7. Tingnan sa Eter 2:8–12; tingnan din sa Eter 1:33–43; 4–6.

  8. Tingnan sa Genesis 12–17; 22; tingnan din sa Abraham 1–2.

  9. Genesis 22:18.

  10. Tingnan sa Hebreo 7:11–12, 19–22; D at T 84:24–25.

  11. Tingnan sa Mateo 28:18–20

  12. Tingnan sa Mateo 20:1–16

  13. Tingnan sa Ang Mga Gawa 10

  14. Tingnan sa Bible Dictionary, “Peter,” 749.

  15. Tingnan sa D at T 58:1–12.

  16. Tingnan sa Jacob 5:57–68.