2010
Mga Tanong at mga Sagot
Agosto 2010


Mga Tanong at mga Sagot

“Paano ako dapat tumugon kapag kinukutya ako sa pagiging miyembro ng Simbahan at sa pagsisikap na mapanatili ang mga pamantayan ko?”

Dahil sa Liwanag ni Cristo, alam ng mga anak ng Diyos kung ano ang tama at mali, ngunit sa kasamaang-palad may ilang tao na pinipiling balewalain ang kaalamang iyan at kutyain ang mga taong nagsisikap na piliin ang tama. Hangga’t makakaya mo, sikaping ibahagi ang iyong patotoo sa ganyang mga tao at sabihin ang mga pagpapalang natatanggap mo sa pamumuhay ng mga pamantayan ng ebanghelyo.

Ang paraan ng pagtugon mo sa pangungutya ay makaaapekto sa pagtingin ng iba sa iyo at sa Simbahan. Huwag na huwag makipagtalo o tumugon nang may galit o kagaspangan. Kung minsan kailangan lang na huwag ninyong pansinin ang sinasabi ng iba at sundin ang payo ng Tagapagligtas na mahalin at ipagdasal sila (tingnan sa 3 Nephi 12:44). Alalahanin na kayo ay dapat maging “uliran ng mga nagsisisampalataya, sa pananalita, sa pamumuhay, sa pagibig, sa pananampalataya” (1 Kay Timoteo 4:12).

Sa huli, huwag ikahiya ang iyong patotoo sa ebanghelyo (tingnan sa Mga Taga Roma 1:16) Ang iyong matatag na halimbawa ay magiging napakalakas na katibayan ng katotohanan ng ebanghelyo sa mga nakapalibot sa iyo. Ang paninindigan sa iyong mga pinaniniwalaan nang may pagmamahal at tiwala ay makapagpapatatag din sa mga taong kulang ang lakas ng loob na gawin ang tama.

Ipaliwanag ang Iyong mga Paniniwala

Dati kabilang ako sa team ng basketbol na karaniwang naglalaro tuwing Sabado. Pero kapag may laro kami sa araw ng Linggo, hindi ako sumasama, at pinagtatawanan ako ng mga kasamahan ko dahil dito. Nang tanungin nila kung bakit hindi ako naglalaro kapag Linggo, sumagot ako, “Miyembro ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, at tinuruan akong panatilihing sagrado ang araw ng Sabbath at huwag maglaro. Sinusunod ko ang mga alituntunin ng ebanghelyo dahil alam kong hangad ng Diyos ang pinakamainam para sa atin.” Pagkatapos niyon, iginalang na ng mga kasama ko ang pinaniniwalaan ko at hindi na ako pinagtawanan.

Nicolás B., edad 19, Córdoba, Argentina

Ipagdasal Sila.

Nakakalungkot kapag pinagtatawanan ng mga tao ang mga pinaniniwalaan mo. Gayunman, sinisikap kong tandaan na ang mga taong ginagawa itong katatawanan ay nawawalan ng mga pagpapala ng ebanghelyo. Kaya ipinagdarasal ko na baguhin ng Ama sa Langit ang kanilang mga puso at tulungan silang maunawaan ang kahalagahan ng ebanghelyo. Alam ko na kung mamumuhay ako nang mabuti at kapuri-puri, makatutulong ang halimbawa ko para magbago sila.

Itaobong O., edad 20, Rivers, Nigeria

Huwag Mahiya

Kung may nangungutya sa iyo dahil miyembro ka ng Simbahan, sabihin mo lang sa kanila na may patotoo ka sa Simbahan at gusto mong nagsisimba. Sabihin mo sa kanila na nadarama mong malapit ang iyong Ama sa Langit. Huwag kang mahiya o matakot na sabihin ang tama!

Laura A., edad 12, Hesse, Germany

Magsalita nang Magiliw

Nabasa ko ang artikulo ni Elder Robert D. Hales tungkol sa katapangan ng Kristiyano at kung bakit hindi tayo dapat tumugon nang pagalit kundi nang may pagmamahal sa mga kumakalaban sa Simbahan.1 Kung ipapakita nating nagmamalasakit tayo, karamihan sa mga tao ay magsisitigil na sa masamang pakikitungo sa atin. Dapat lagi mong pakitunguhan ang mga tao nang may paggalang at pagmamahal dahil maganda ang magiging balik nito sa iyo. Kung may ipinagagawa sa iyo ang mga tao na salungat sa mga pamantayan mo, tumanggi ka lang at sabihing, “Miyembro ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at hindi ako naniniwalang OK gawin iyan.” Puwede ka pang magmungkahi ng bagong aktibidad na hindi salungat sa mga pamantayan mo.

Lucas H., edad 15, Arizona, USA

Maging Mabuting Kaibigan

Una sa lahat, iisipin ko ang halimbawa ng Panginoon. Nang ialay Niya ang Kanyang buhay para sa akin, wala Siyang kasalanan o walang dahilan para maranasan ang pagdurusang sinapit Niya. Pangalawa, iisipin ko ang halimbawa ni Joseph Smith, na alam kung paano maging malakas at matapang nang sa gayon maipagmalaki ko ngayon na kabilang ako sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Pangatlo, pananatilihin ko ang mga prinsipyo ko sa pamamagitan ng pagiging mabait at paglilingkod. Ipapakita kong mahal ko sila sa pamamagitan ng pagiging matalik nilang kaibigan at halimbawa. Ipapakita ko sa kanila ang mga pagpapalang maidudulot sa kanila ng pagsunod sa mga alituntunin ng ebanghelyo. Tutal, tayong lahat ay anak ng mapagmahal at mahabaging Ama.

Auguste R., edad 15, Tahiti, French Polynesia

Hayaang Magliwanag ang Inyong Ilaw

Dapat nating tandaan kung bakit at para kanino natin ipinamumuhay ang ating mga pamantayan. Kung lagi nating isasaisip ang halimbawa ng ating Tagapagligtas, magiging handa tayo na tiisin ang ganoong mga sitwasyon nang may kababaang-loob, hindi nakikipagtalo, at hindi ikinahihiya ang mga pamantayang pinili nating ipamuhay. Sa ganitong paraan, pinagliliwanag natin ang ating ilaw sa harap ng mga tao, at makikita nila ang ating mabubuting gawa at luluwalhatiin ang ating Ama na nasa langit (tingnan sa Mateo 5:16).

Lara M., edad 21, Paraíba, Brazil

Magpatotoo

Sa unibersidad kung saan ako dating nag-aaral, may isang binata na nanggugulo sa akin dahil miyembro ako ng Simbahan. Gusto niyang laging makipagtalo, kaya sinikap kong iwasan siya. Pagkatapos isang araw nagpatotoo ako sa kanya, at tumigil na siya sa panggugulo sa akin. Dapat tayong manatiling matatag at alalahanin kung paano natin natamo ang ating mga patotoo. Dapat tayong tumugon nang may pagpipigil sa sarili upang mapasaatin tuwina ang Banal na Espiritu at palakasin tayo, anuman ang sabihin o isipin ng iba. Dapat nating ipagdasal ang mga taong iyon upang tanggapin nila si Jesucristo balang-araw.

Brezka E., edad 21, Valparaíso, Chile

Makipag-usap sa mga Kaibigan sa Simbahan

Natuklasan ko na talagang nakatutulong ang pagbabasa ng aking patriarchal blessing. Mas ipinaunawa nito sa akin kung sino ako, ano ang mga kahinaan ko, at mga kalakasan ko para mas maharap ko nang mabuti ang mga pagsubok na tulad nito. Dalawa lang ang malalapit kong kaibigan na LDS, pero madalas ko silang kinakausap tungkol sa mga paraan ng pagharap sa mga pagsubok. Sa palagay ko talagang makatutulong iyan sa iyo. Isa pang magandang paraan ng pagharap sa ganitong problema ay ang pagpapakita ng kabaitan at pagiging halimbawa sa lahat ng ginagawa mo. Talagang hindi mo mapipilit ang mga tao na magbago ng isip, pero ang pagiging mabait at di magagalitin siguro ang pinakamainam na paraan para maipakita sa kanila kung gaano kahalaga sa iyo ang Simbahan.

William L., edad 17, Nevada, USA

Tala

  1. Tingnan sa Robert D. Hales, “Katapangang Kristiyano: Kailangan sa Pagiging Disipulo,” Liahona, Nob. 2008, 72; “That Is Christian Courage,” New Era, Hulyo 2009, 2.