2011
Ang Gagamba at ang Marahan at Banayad na Tinig
Pebrero 2011


Ang Gagamba at ang Marahan at Banayad na Tinig

“Ito ay tahimik na tinig nang ganap na kahinahunan, sa wari’y isang bulong” (Helaman 5:30).

Salamat sa pag-imbita sa akin, Jake,” sabi ni Britton paglabas niya sa bahay ng kanyang kaibigan. “Kailangan ko nang umuwi para mananghali.”

Nagpaalam sa isa’t isa ang magkaibigan habang pababa si Britton sa maalikabok na lansangan na lagi niyang dinaraanan papunta at pauwi mula sa bahay ni Jake. Pagkatapos ay napatingin siya sa bukid na tinawag niyang “Gubat.” Walang mga halamang tropikal o mababangis na hayop doon, basta makitid na daan lang sa mataas na talahiban at mga tuyong damo. Iyon ang pinakamabilis na daan pauwi.

Sandaling nag-isip si Britton at saka mabilis na lumusot sa mga haligi ng bakod na nakapaligid sa bukid.

Tok! Hisss! Naglagitikan ang mga tuyong sanga at damo pagtapak ni Britton sa daan. Lumagkit ang kamiseta niya sa pawis dahil sa init ng sikat ng araw sa kanyang likod. Pagkatapos ay medyo humangin, at nagpasiya ni Britton na makipaghabulan sa hangin pauwi.

Kumitid ang daan. Alam ni Britton na malapit na siya sa sapa, kaya medyo binilisan niya ang takbo. Pagliko niya, tatalunin na sana niya ang sapa nang bigla siyang makarinig ng Tigil!

Biglang tumigil si Britton at nakinig. Ang tanging narinig niya ay ang paglagaslas ng damo sa hangin. Sumimangot si Britton. Mahina ang tinig ngunit napakalinaw, na para bang may bumulong sa kanyang tainga. Ngunit wala siyang nakita.

Nagkibit-balikat si Britton at tatalunin na ang sapa. Pagkatapos ay natigilan siya. Kaharap na kaharap niya ang malaking sapot ng gagambang nakaabang na parang lambat sa daan sa tabi ng sapa. Sa gitna ng sapot ay naghihintay ang malaking gagamba.

Ilang sandaling nakatitig nang dilat na dilat si Britton sa gagamba. Pagkatapos ay tumakbo siya pabalik ng daan palabas ng Gubat. Nagpasiya siyang tahakin na lang ang maalikabok na lansangan pauwi.

“Inay!” “Inay!” Alam po ninyo?” Dali-daling pumasok si Britton sa pintuan at nagmamadaling hinanap si Inay. Humihingal na ikinuwento niya rito ang pagdaan niya sa Gubat, ang tinig, at ang pakikipagharap niya sa gagamba.

“Ganito na po ako kalapit sa kanya, Inay!” Itinaas niya ang kanyang mga daliri para ipakita sa ina.

“Naku! Nakakatakot naman,” sabi ni Inay. “Saan sa palagay mo nanggaling ang tinig na narinig mo?”

“Hindi ko po alam,” sabi ni Britton. “Wala namang tao roon. Hangin lang kaya iyon?”

“Naaalala mo ba ang napag-aralan natin sa family home evening tungkol sa marahan at banayad na tinig?” tanong ni Inay.

“Opo. Ganyan makipag-usap sa atin ang Ama sa Langit kung minsan, hindi ba?”

Kinuha ni Inay ang mga banal na kasulatan sa istante sa tabi ng mesa sa kusina at binuklat ito sa aklat ni Helaman.

“Ganito ang dinig ng mga Nephita sa tinig ng Panginoon,” sabi ng ina. “‘Hindi ito tinig ng kulog, ni tunog man ng napakalakas na ingay, subalit masdan, ito ay tahimik na tinig nang ganap na kahinahunan, sa wari’y isang bulong” (Helaman 5:30).

“Uy! Parang ganoon nga po—isang bulong! Narinig ko po ang marahan at banayad na tinig!”

Ngumiti si Inay. “Tama, narinig mo nga. At nakinig ka tulad lang ng nararapat mong gawin. Ipinagmamalaki kita.”

Niyakap ni Britton si Inay. Naging masaya ang pakiramdam niya dahil ipinagmalaki siya ng kanyang ina. At batid na nakinig siya sa marahan at banayad na tinig, mas naging masaya ang pakiramdam niya.

Paglalarawan ni Craig Stapley; larawang kuha ng Busath Photography