2011
Elder Kazuhiko Yamashita
Mayo 2011


Elder Kazuhiko Yamashita

Ng Pitumpu

Larawan
Elder Kazuhiko Yamashita

Simula nang maging bata pang bishop sa Fukuoka, Japan, maraming taon na ang nakararaan, natuto na si Elder Kazuhiko Yamashita mula sa mabubuting halimbawa at pag-uugali ng kanyang nakatatandang mga lider.

Matapos pakasalan ni Elder Yamashita ang kanyang asawang si Tazuko Tashiro, lumipat sila mula sa Tokyo patungong Fukuoka, kung saan tinawag si Elder Yamashita bilang bishop noong siya ay mahigit 25 taong gulang na.

“Mahirap iyon para sa amin ng aking pamilya,” sabi ni Elder Yamashita. “Maliliit pa ang tatlong anak namin noon at bago pa kami sa lugar—ngunit napakagandang turo at aral din niyon para sa akin, at mas tumatag ang aking patotoo at pananampalataya.”

“Siyempre pa nagkaroon kami ng mahihirap na panahon, dahil nagsisimula pa lang kaming magpamilya at wala pa akong gaanong karanasan bilang pinuno ng Simbahan,” sabi ni Elder Yamashita. “Mabubuting halimbawa ang aking nakatatandang mga lider at marami akong natutuhan sa kanilang pag-uugali at pagkilos.”

Sabi ni Sister Yamashita, nakita na niya ang kanyang asawa na tumanggap ng maraming tungkulin at maging mabuting ama at espirituwal na lider sa kabila ng mga hamon ng mga tungkuling iyon. Sa pagdaan ng mga panahon nakita niya itong magbago at maging mas mabait at mapagmahal na ama at asawa. Natutuwa ang pamilya na magkasama-sama, pati na sa paglalakbay nang malayuan taun-taon.

Si Elder Yamashita, na isinilang noong Setyembre 1953, ay anak nina Kiyoshi at Sadae Yamashita. Lumaki siya sa Tokyo, Japan, kung saan niya natagpuan ang Simbahan noong 1971 sa pamamagitan ng Expo 70, ang World’s Fair.

Si Elder Yamashita ay tumanggap ng bachelor’s degree in education sa Saitama University at master’s degree in sport science sa Tsukuba University. Nag-aral din siya ng philosophy of physical education sa Brigham Young University. Si Elder Yamashita ay naging tagapagturo at propesor sa iba’t ibang unibersidad at naglingkod sa iba’t ibang organisasyon sa siyensya, komunidad, at isports.

Si Elder Yamashita at ang kanyang asawa ay ikinasal noong Marso 29, 1980, at nabuklod noong Disyembre 1980, nang matapos ang Tokyo Japan Temple. Anim ang kanilang anak.

Bago siya tinawag sa Unang Korum ng Pitumpu, si Elder Yamashita ay naglingkod bilang bishop, high councilor, stake mission president, stake president, at Area Seventy.