2011
Ang Marangal na Pamana sa Atin ng mga Pioneer
Hulyo 2011


Ang Marangal na Pamana sa Atin ng mga Pioneer

Marami tayong matututuhan mula sa ating mga ninunong pioneer[, na] hinarap ang mga hirap at dalamhati nang may tapang at matatag na pananalig sa Diyos na buhay.

Larawan
President Thomas S. Monson

Ang Pagdurusa ng mga Pinoneer

“Ang unang paglalakbay noong 1847, na inorganisa at pinamunuan ni Brigham Young, ay inilarawan ng mga mananalaysay na isa sa kahanga-hangang bahagi ng kasaysayan ng Estados Unidos. Daan-daang Mormon pioneer ang nagdanas ng hirap at namatay sa sakit, sa pagkalantad sa init at lamig, o sa gutom. May ilan, sa kawalan ng mga bagon at kabayo, na talagang nilakad ang 1,300 milya [2,092 km] patawid sa kapatagan at kabundukan, na nagtutulak at naghihila ng mga kariton.”1

Nagpapasigla ng Pananampalataya

“Marami tayong matututuhan mula sa ating mga ninunong pioneer[, na] hinarap ang mga hirap at dalamhati nang may tapang at matatag na pananalig sa Diyos na buhay. … Ang mga kabataan at mga musmos ay kabilang sa libu-libong humatak at nagtulak ng mga kariton o tumahak sa landas ng mga pioneer, tulad nilang kabilang sa mga Banal sa ngayon na nangunguna sa kani-kanilang lugar sa buong mundo. Sa palagay ko bawat miyembro ng Simbahang ito ngayon ay naantig ng mga kuwento tungkol sa mga pioneer noon. Sila na nakagawa ng marami para sa ikabubuti ng lahat ay tiyak na naglayong bigyang-sigla ang pananampalataya. Nakamit nila ang mithiin sa kagila-gilalas na paraan.”2

Pagharap sa mga Paghihirap

“Nakaaantig ang pahayag sa mga lumang pahina ng maalikabok na journal ng isang pioneer: ‘Yumukod kami sa mapakumbabang panalangin sa Diyos na Maykapal na may puspos ng pasasalamat sa aming puso sa Kanya, at inilaan namin ang lupaing ito sa Kanya para matirhan ng Kanyang mga tao.’

“Ganito ang paglalarawan ng isang lalaking bata pa noon sa mga bahay na di-maayos ang pagkakayari: ‘Wala kahit anong uri ng bintana sa bahay namin. Wala ring pinto. Nagsabit lang ng lumang kubrekama ang nanay ko, na nagsilbing pinto sa unang taglamig. Ito na ang aming kuwarto, sala, pahingahan, kusina, silid-tulugan, lahat ay nasa kuwartong ito na mga 12 talampakan ang lapad at 16 ang haba [3.6 ang lapad at 4.9 m ang haba]. Paano kami nakatiis na lahat doon ay hindi ko alam. Naaalala ko na sinabi ng mahal kong matanda nang ina na walang reynang pumasok sa kanyang palasyo na mas masaya o nagkakapuri sa tirahan at mga pagpapala ng Panginoon kaysa kanya nang pumasok siya sa tapos na tirahan sa gilid ng burol.’

“Gayon ang mga pagsubok, paghihirap, pagpupunyagi, at dalamhati noong araw. Hinarap nila ang mga ito nang may tapang at matatag na pananalig sa Diyos na buhay.”3

Mga Pioneer Ngayon

“Pinupuri namin yaong mga nagtiis ng malaking hirap. Pinupuri namin ang kanilang mga pangalan at pinagninilayan ang kanilang mga sakripisyo.

“Ano naman sa panahon natin? Naranasan ba nating maging pioneer? Pagninilayan ba ng mga darating na henerasyon nang may pasasalamat ang ating mga pagsisikap, ang ating mga halimbawa? Kayong mga kabataan ay maaari talagang maging pioneer sa katapangan, sa pananampalataya, sa pag-ibig sa kapwa, sa determinasyon.

“Mapapalakas ninyo ang isa’t isa; may kakayahan kayong pansinin ang mga binabalewala. Kapag may mga mata kayong nakakakita, mga taingang nakaririnig, at mga pusong nakadarama, matutulungan at masasagip ninyo ang mga ibang kaedad ninyo.”4

Ang Pinakadakilang Pioneer

“Sa pagbuklat ng mga pahina ng kasaysayan sa mga banal na kasulatan mula simula hanggang wakas, makikilala natin ang pinakadakilang pioneer—maging si Jesucristo. Ang kanyang pagsilang ay ipinropesiya ng mga propeta noong araw; ang Kanyang pagsilang ay ipinahayag ng isang anghel. Ang Kanyang buhay at ministeryo ay nagpabago sa mundo. …

“Maraming ibig sabihin ang isang pangungusap sa aklat ng Mga Gawa: Si Jesus ay ‘naglilibot na gumagawa ng mabuti … sapagka’t sumasa kaniya ang Dios’ (Mga Gawa 10:38). …

“Ang Kanyang misyon, ministeryo sa mga tao, mga turo ng katotohanan, pagpapakita ng awa, matibay na pagmamahal sa atin ang naghihikayat sa ating pasasalamat at umaantig sa ating puso. Si Jesucristo, ang Tagapagligtas ng mundo—maging ang Anak ng Diyos—ang pinakadakilang pioneer noon at ngayon, dahil Siya ang nauna, na nagpakita sa lahat ng iba pa ng daang susundan. Nawa’y lagi natin Siyang sundan.”5

Mga Tala

  1. “Come Follow Me,” Ensign, Hulyo 1988, 2; tingnan din sa Tambuli, Nob. 1988, 2.

  2. “Pagtuturo sa Ating mga Anak,” Liahona, Okt. 2004, 4.

  3. Ensign, Hulyo 1988, 4; tingnan din sa Tambuli, Nob. 1988, 3.

  4. “Pioneers All,” Ensign, Mayo 1997, 93.

  5. “Ipinakita ng mga Espirituwal na Pioneer ang Daan,” Liahona, Ago. 2006, 8.

Mula sa itaas: mga paglalarawan nina Matthew Reier, John Luke, at sa kagandahang-loob ng Sandy Utah Willow Creek Stake; Mga Bagon na may Takip, ni Minverva Teichert, sa kagandahang-loob ng Church History Museum